Chapter 3: Blood, Sweat, & Chaos
"Hindi ito Hotel del Luna, Tucker. Kaya walang pagkain na ise-serve sa 'yo kung kailan mo gusto at mas lalong walang sasakyan papuntang liwanag. Pero may alam akong tunnel, gusto mo bang subukan?" umupo ako sa aking higaan at tumingala sa kisame.
Ayan na naman siya, ngumiti na para bang nasisiyahan ako sa ginagawa niyang pananakot sa akin araw-araw.
"Hotel del Luna? Ano bang pinagsasabi mo?" nilibot niya ang bawat sulok ng kwarto bago tumayo sa harapan ko.
"Huwag mong sabihing hindi ka nanonood ng Korean drama? Last year ka lang namatay, 'di ba?"
Ngumuso siya at saka muling iginala ang mata sa buong kwarto. "Nanonuod ako, pero hanggang Hwarang lang yata ang naabutan ko. Natapos ko rin ang Goblin. Gusto ko ngang makakita ng totoong Grim Reaper—AAAHHH!"
Sa halip na magulat sa kanyang pagsigaw, natawa na lang ako. Palipat-lipat ang tingin niya sa akin at kay mala-Sadako. Naku, ilang minuto na niyang nililibot ang kwarto pero ngayon lang niya napansin na may ibang multo maliban sa kanya.
Kahit nasa labas ako ng silid, ramdam ko ang kilabot na dala ni Sadako. Ang weak pala ng senses ng nahanap kong multo—pasalamat siya at nalamangan niya ang kagwapuhan ko.
In short, may issue ako sa pagmumukha ni Tucker.
"Tangina! Sino 'yan? Bakit may alaga kang multo sa kwarto mo, Jermaine?" tanong niya bago umupo sa aking tabi.
"Tanungin mo siya," itinuro ko si Sadako sa kisame at ngumiti. "Wala akong balak alamin ang pangalan niya sa simula pa lang. Kung gusto mong tumira sa silid ko, may kahati ka sa atensyon, okay?"
"Okay lang, basta hindi kahati sa buhay mo," tumingala si Tucker sa kisame at kinawayan si Sadako.
Ilang minuto ang lumipas at bigla ko na lang nakita si Sadako sa harapan namin ni Tucker. Ngayon ko lang siya nakita nang malapitan—nakakilabot talaga ang kanyang mukha, parang si Sadako nga!
Napansin ko ang lubid na nakatali sa kanyang leeg. Kung tama ang hinala ko, nagpakamatay siya kaya siguro hindi siya kinukuha ng liwanag. Malaking kasalanan daw kasi ang magpakamatay, ayon sa mga magulang ko, at walang kapatawaran iyon.
Mukhang sa aking kwarto siya nagpakamatay. Punyeta, ang tanga ko at ngayon ko lang ito naisip. Ayon kay Manong Google, kung saan natagpuan ang multo, doon siya kadalasang namatay.
"Bakit ka namatay?"
"Tucker naman," lumingon ako kay Tucker nang may pagtataka. Matagal ko nang pinapababa ang babaeng multo sa kisame pero ayaw niya talaga.
Paano napababa ni Tucker ang babaeng 'to? Dahil ba mas gwapo siya kaysa sa akin? Ang unfair nga naman ng buhay.
"Pinatay ako," halos pabulong na sagot ni Sadako, sabay iwas ng tingin.
Mas lalo akong nagtaka sa kanyang sagot. "So, hindi mo pinatay ang sarili mo?"
Umiling siya at ipinakita ang lubid sa kanyang leeg. "Mukha lang akong nagpakamatay, pero pinatay talaga ako. Maniwala kayong dalawa sa akin."
"Naalala mo ba kung sino ang pumatay sa 'yo—"
"Alexis, Alexis ang pangalan ko," ani ng multo, sabay tingin sa akin. "Dito mismo sa kwarto mo ako pinatay, Jermaine. Pero hindi ko alam kung sino ang pumatay sa akin."
"Tutulungan ka namin ni Jermaine," sabik na sabi ni Tucker at ngumiti pa ang loko nang tumingin sa akin.
"Sinong may sabing tutulong ako? Nanahimik ako, okay?" sabi ko sabay kuha sa Seven-Eleven paper bag na hindi ko pa naibibigay kay Nikolai.
"Ako ang may sabi," sarkastikong sagot ni Tucker habang nakangiti kay Alexis.
"Excuse me lang, pero kasasabi ko kanina na hindi ito Hotel del Luna. Ordinaryong tao lang ako at humihiling ng kapayapaan, okay? Gets n'yo ba?" tumayo ako at naglakad patungo sa pinto, habang nakatingin pa rin kina Tucker at Alexis.
"Ordinaryong tao ba ang nakakakita ng multo, Jermaine? Hindi mo ba naisip na baka biniyayaan ka niyan para makatulong sa mga katulad namin?"
Hindi ko sinagot ang tanong niya at tuluyang lumabas ng kwarto. Tinungo ko ang kwarto nina Nikolai at Yohan, at mukhang naglalaro sila ng computer games sa sobrang ingay sa loob.
Bumuntong-hininga ako bago kumatok. Kalaro na naman siguro ni Nikolai si Hagen, na walang ibang ginawa kundi maglaro buong araw sa sarili niyang kwarto. Nakilala naming tatlo si Hagen sa Elton University, at siya ang nagrekomenda sa bahay ni Aling Shana.
Sinilip ko ang laman ng paper bag nang may biglang lumitaw na ulo.
Napasigaw ako sa gulat at binigyan ng masamang tingin si Tucker. "Buwesit ka talaga!"
"Peace? Nang-iiwan ka kasi, kaya naisipan kong gulatin ka. Kailangan din kitang kausapin tungkol kay Alexis."
Huminga ako nang malalim at saka umiling. "Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na wala akong pakialam? Ikaw lang ang tutulungan ko, hindi si Alexis."
Tumango siya at muling tumingin sa aking kwarto. Nakita ko si Alexis na nakatingin lang sa amin ni Tucker. Nag-iwas ako ng tingin at tuluyang pumasok sa kwarto nina Nikolai.
Nakita ko ang tatlo na kanya-kanyang naglalaro ng mobile games. Inabot ko kay Nikolai ang paper bag at umupo sa tabi ni Jaxen. Napansin kong panay ang iwas ni Yohan kay Jaxen—gwapo, matalino, at mabait naman si Jaxen, medyo stalker nga lang.
Ewan ko ba.
"Asan si Yohan?" tanong ni Hagen na hindi pa rin tumitigil sa paglalaro habang kumakain ng chips.
"May lakad," tipid kong sagot.
"Gusto mong maglaro?" tanong ni Hagen sa akin.
Umiling ako. "Buong araw ba kayong maglalaro?"
Tumango si Nikolai, at ngumiti naman si Hagen. Habang seryoso namang naglalaro sa tabi ko si Jaxen. Bored na ako. Sinuri ko ang kabuuan ng kwarto, at laking pagpipigil ko ng gulat nang makita si Alexis na nakatayo sa tabi ni Jaxen.
Parang nakatitig siya sa akin, na para bang may ginawa akong masama sa kanya.
Panay ang tagas ng pawis ko sa noo.
Bakit ba ang daming multo sa bahay ni Aling Shana?
At ano bang nangyari sa kanilang lahat at hindi pa sila kinukuha ng liwanag?
"Hindi ka naglalaro nito, Jermaine?" tanong ni Jaxen na halatang hindi pa sanay na tawagin ako sa pangalan ko. Sinabihan ko kasi siya dati na huwag akong tawaging 'kuya' dahil magkaibigan naman kami.
Umiling ako at hinayaan ang katawan ko na humiga sa malambot na kama. "Pagod na ako sa takbo ng buhay ko. Ayoko nang dagdagan pa sa larong iyan, Jax."
"Nakakawala nga ito ng pagod," sagot niya, sabay ngiti sa akin.
"Ikaw ba, pagod ka na ba sa paghahabol kay Yohan?" tukso ko sa kanya.
Umiling siya, at mas lalo pang lumapad ang kanyang ngiti. "Kahit kailan, hindi ako mapapagod na habulin siya. Natatakot lang ako na baka mawala siya dahil sa ginagawa kong ito. Ayoko pang mapagod, Jermaine."
"Paano kung dumating ang punto na mapagod ka na? Malaman mong wala palang patutunguhan itong ginagawa mo. Sa huli, ikaw lang pala ang umaasa, at wala namang pakialam si Yohan. Anong gagawin mo?"
"Harsh," singit ni Hagen. "Parang buhay ko lang. Matatakutin ako sa multo kaya wala silang pag-asa sa akin. Kahit ano pa ang gawin nila, wala akong pakialam."
"So, ang mga multo pa ang humahabol sa 'yo, Hagen?" tanong ni Nikolai nang natatawa, habang panay ang sulyap sa paligid.
"Gusto mong ipakilala ko siya sa 'yo?"
"No, thank you. May Slade na ako, Hagen."
Hindi ko pinansin ang dalawa. Patuloy kong tinitigan ang likuran ni Jaxen hanggang sa huminto siya sa paglalaro at tumingin sa akin. Seryoso ko siyang tinignan, at ganoon din ang kanyang ginawa.
Hindi ko alam kung bakit ako ang nasasaktan para sa kanilang dalawa. Hindi ko naman sinabing sinusuportahan ko si Jaxen sa paghahabol niya kay Yohan, o si Yohan sa pagiging pa-hard to get. Pero sayang ang oras ng dalawa sa ganitong laro.
Drama ko, 'di ba? Pwede naman sigurong kilalanin muna nila ang isa't isa. If getting to know each other doesn't work, that's the time they should probably stop this chasing and running game.
"Edi mapagod," sagot ni Jaxen. Sumilay ang ngiti sa kanyang labi bago humiga sa tabi ko. "Hahayaan kong mapagod ang sarili ko, lalo na ang puso't isipan ko. Pero hindi naman panghabambuhay ang pagod, 'di ba? Laban pa rin, kasi hindi naman ako napagod para sumuko. Napagod ako para magpahinga at lumaban ulit."
"Gusto mo talagang masaktan, 'no? Ikaw na talaga."
"Masaktan na kung masaktan. Parte naman 'yan ng buhay. Baka sa pagdanas ng sakit, alam kong hindi na ako magiging tanga sa susunod na pagkakataon. Alam kong matututo rin ako sa huli, Jermaine.'
"Tama ka naman."
"Ikaw," panimula ni Jaxen. "Paano kapag may nangangailangan ng tulong mo, tutulungan mo ba?"
Napahinto ako sa tanong niya. Umiwas ako ng tingin kay Jaxen at tiningnan ang gumagalang multo sa kwarto nina Nikolai at Yohan.
"What do you mean?" tanong ko, halatang nagtataka.
"Ilagay natin na ikaw lang ang makakatulong sa isang tao. Parang may koneksyon kayo sa isa't isa na kayong dalawa lang ang nakakaalam. Malaman mo na hindi niya malulutas ang kanyang problema kung hindi mo siya tutulungan. Ang tanong: tutulungan mo ba?"
"Saan mo naman napulot ang katanungang 'yan, Jaxen?" sinubukan kong tumawa para maitago ang naramdaman kong kaba.
"Essay namin, kailangan ko ng mga ideya. Sagutin mo, please? Sa Monday ang pasahan at kailangan ng dalawang libong salita. Five flat is waving at me, you know."
May koneksyon nga kami sa isa't isa.
Ako lang ang makakatulong kay Tucker at sa iba pang multong nasasalamuha ko rito.
"Tucker," mahina kong nasambit.
"Tucker? Alam kong bisexual ka, pero hindi ko alam na may nililigawan ka na pala."
Umiling ako at mabilis na bumangon mula sa higaan ni Nikolai. "Asa 'yon! Hindi ko siya nililigawan. I-chat ko na lang sa 'yo mamaya ang sagot. May gagawin lang ako saglit, okay?"
Nagtaka man ang tatlo sa pagmamadali ko, hinayaan ko na lang. Lumabas ako ng silid at dumiretso sa kwarto ko, pero hindi ko nakita si Tucker.
At bumalik na naman sa kisame si Alexis.
"Tucker, huwag mong sabihing umalis ka?"
Damn it, hindi ko alam kung saan magsisimula sa paghahanap. Hindi rin ako sigurado kung mahahanap ko siya, lalo na't kaya niyang maglaho na parang bula. Kung may pupuntahan man siya ngayon, isang lugar lang ang alam ko. Sana nandoon siya.
Kung saan-saan kasi nagpupunta ang multong iyon. Kainis.
Tweet your thoughts and use #ESouls on Instagram, Facebook, or X.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top