Kabanata 12

Kabanata 12

Kapag Hinihimas, Nagagalit

Pumasok ako sa loob ng lumang bahay. Mabuti na lang at nakita kong maayos naman ang banyo nila. Nagpupunas si Hector ng putik galing sa sarili habang ako naman ay ineexamin ang loob ng banyo.

Wala akong damit na maisosoot. Meron sa bag ko, pero puro iyon basa dahil sa ulan.

"Yung damit ko na lang ang sootin mo. May mga damit ako sa taas. Kukunin ko ngayon."

Nilingon ko siya at akto kong nakita ang matamang pagpupunas niya sa kanyang abs. Kinunot ko ang noo ko habang pinagmamasdan siyang nagpupunas sa kanyang tight burining abs.

Ngumisi siya nang nakita ang pagtunganga ko sa dibdib niya kaya nag iwas tingin agad ako.

"Okay, maliligo na ako."

Pumasok na agad ako sa banyo at sinarado ang pinto. Bumuntong hininga ako. Hindi ko alam na kanina pa pala ako nagpipigil ng pag hinga. Damn that abs! Ilang taon na siya? Mag ka age lang kaming dalawa, diba? Siguro ay nasa 18 o 19 na siya, pero grabe yung hubog ng katawan niya. Parang yung nakikita ko na foreigner models sa magazine.

Pinilig ko ang ulo ko at nagsimulang maligo. Mabuti na lang at hindi gaanong nabasa ang bra at panty ko sa loob ng bag kaya naisoot ko rin ito pagkatapos maligo.

Habang nag aayos na ako ay naaalala ko na naman ang nangyari sa Manila. Nahuli ko si Clark at Janine na may ginagawang milagro sa kama. Hindi ko ata kaya yun. Sumisikip ang dibdib ko tuwing naaalala iyon. Lalong lalo na tuwing naaalala ko ang pagsisisi sa mga mata ni Clark, ang pagmamakaawa niya at lahat na.

Napatalon na lang ako nang may kumatok sa pinto.

"SINO YAN?" Galit kong sigaw.

Bwisit ha, nag eemote pa ako dito at biglaang may kakatok.

"Nandito sa labas ang tuwalya at damit ko. Grabe, kahit may pagitan tayo ang sungit mo parin." Humalakhak siya.

Umirap naman ako sa loob at dahan dahan kong binuksan ang pintuan. Nakita ko sa isang silya ang mga sinasabing damit ni Hector.

Napangiwi ako nang isa iyong puting t-shirt at isang jersey shorts. Okay na yung puting t-shirt pero di ko ata maatim magsoot ng jersey shorts. Hinalukay ko agad ang bag ko para maghanap ng medyo tuyong shorts. Mabuti na lang at nakahanap nga ako. Konti lang ang basa niya dahil nasa ilalim siya. Kaya iyon ang sinoot ko kasama ang puting printed t shirt na kalaunan ay narealize kong medyo masagwa ang print.

"Kapag hinihimas, nagagalit." WHAT THE?

Anong klaseng print ito? Malaki ang t-shirt sakin, halatang panlalaki. Lumagpas nga iyon sa shorts ko kaya kung hindi mo ako titingnang mabuti, aakalain mong wala akong pang ibaba. Well, I have no choice.

Lumabas ako sa banyo para makita si Aling Nena na nag hahanda ng kape sa kusina. Lumingon lingon agad ako para maghanap kay Hector pero wala siya doon.

"Nasa poso si Hector, naliligo." Malamig na utas ng matanda sakin.

Hindi ako umimik. Sinuklay ko na lang ang basa kong buhok.

"Ano bang nangyari sa inyo at bakit naligo kayo ng putik?"

"Ah... Nadapa po ako."

Umismid ang matanda, "Saan?"

"Sa may kalsada po, kakababa ko lang ng bus."

"Bakit kayo magkakilala?"

Ang dami namang tanong ng matanda. Inilapag niya sa harap ko ang tasa ng kape. Mainit pa ito at nakaka engganyong inumin kaso natatakot ako sa tingin niya.

"Sa school, classmates kami ng iilang subjects." Uminom ako ng kape nang tinalikuran niya ako.

Suminghap siya at bumaling ulit sa akin dahilan kung bakit muntik ko nang matapon ang kape.

"Didiretsuhin na kita... Kilala ko ang mga Alde at alam ko kung bakit ka nakikipaglapit kay Hector Dela Merced."

Nanliit ang mga mata ko sa linya ng matanda. Nanghina ang boses niya.

"Tuso si Siling. Tuso si Francisco nung buhay pa siya. Tuso ang mga Alde. Alam kong nandito ka para sa lupa ninyo. Mababait ang mga Dela Merced. Lalong lalo na si Hector. Kaya mabuti pa ay layuan mo na siya."

Nag igting ang bagang ko sa sinabi ng matanda. Alam kong may plano kami ng pinsan kong ganun nga ang gawin, pero hindi ko naman iyon ginawang misyon sa buhay ko para seryosohin niya ng ganito. Hindi ko naman inakit ng husto si Hector para lang sa titulo ng lupa namin. Wala akong ginawa.

"Hindi ko po alam ang sinasabi ninyo." Sabi ko.

Tinikom niya nang mariin ang kanyang bibig bago nagsalita ulit, "Tuso ka nga. Hindi ako makakapayag na gagawin mo yan kay Hector."

"Mawalang galang na po. Wala po akong pakealam kay Hector. Kung lalayuan ko man siya balang araw, hindi po dahil sinabi niyo saking layuan ko siya. May sariling utak ako. At hindi ako sunudsunuran kahit kanino, kahit sa pamilya ko."

"Tuso talaga. Hmm..." Umiling siya at tinalikuran ulit ako.

Hindi ko alam kung paano naisip ng matandang iyon ang plano namin ni Teddy at Craig. Pero sa ngayon, may katotohanan parin ang sinabi ko. Masyado akong maraming problema para dagdagan pa nitong tungkol kay Hector.

"Tingnan mo nga naman. Kaninong anak ka ba? Kay Francis?" Tumawa siya. "Tuso talaga."

Naiirita na ako sa matandang ito, ha! Ilang beses niya na nasasabi ang salitang tuso!

"Dahil sa kabaliwan niya, binuntis niya agad para di na makawala. Baka mamaya, dahil sa ka desperada mo, magpabuntis ka rin sa tagapagmana ng Dela Merced nang mapasa inyo lang ang lupa."

Padarag kong binitiwan ang tasang ininuman ko. Hindi ako makapaniwala sa sinabi ng matanda.

"PINANGALAGAAN KO PO ANG SARILI KO! NI HINDI KO BINIGAY ANG SARILI KO SA TAONG PINAKAMAMAHAL KO AT IBIBIGAY KO YUN PARA LANG SA LUPA NAMIN? MY GOD! Hindi po ako ganung klaseng tao! Wa'g ho kayong mag alala! Inyong inyo na si Hector. Hindi ko siya hahawakan o kakalabitin man lang! Kung may choice lang akong umalis sa punyetang bukid na ito, matagal na ho akong umalis!"

"Bakit? Hindi ka ba makakaalis dahil lang sa plano ng pamilya mong paikutin si Hector?" Matapang niyang sinabi.

Gusto kong baliktarin ang mesa sa harapan ko. Pero imbis na gawin ko iyon ay dinampot ko na lang ang bag ko para makaalis na. Hindi ako magtatagal sa bahay ng matandang ito. Sa luma at masapot na bahay na ito.

"Hindi po kami ganyang tao!" Huli kong sinabi bago ako nag walk out.

Naririnig ko ang umaagos na poso at nakikita ko sa gilid ng mga mata ko si Hector na naliligo. Hindi ko siya nilingon. Wala akong pakealam kung hindi ko alam ang daanan para makalabas sa ranchong ito. Basta ang alam ko ay uuwi ako ng wala si Hector.

"Chesca!" Sigaw niya.

Mabilis parin ang lakad ko.

Narinig ko ang pagmumura niya. Lumiko na agad ako sa palayan at tumakbo. Alam kong sa lawak ng lupaing ito, kahit na mag marathon pa ako dito, mukhang mamaya pa ako makakaalis. Lalo na't hindi ko alam ang mga short cut. Wala akong mapa at ito ang unang pagkakataong napunta ako dito.

Ilang sandali ang nakalipas ay narinig ko na naman ang kabig ng isang kabayo. Si Abbadon iyon, sigurado. At siya nga, dahil malayo pa lang, dinig na dinig ko na ang mga tawag ni Hector.

"CHESCA! ANO BA?" Sigaw niyang galit.

Hindi ako tumigil sa paglalakad. Hanggang sa may nakita akong grupo ng magsasaka na may dala-dalang mga dayami.

"Oh, Hector." Nakangising bati ng isa.

Nakatingin silang lahat sa akin habang nilalagpasan nila ako.

"Mang Isko, paki hatid si Abbadon sa kuwadra." Sabi ni Hector sa isa sa mga magsasaka.

"Ha?"

Hindi na nagsalita si Hector. Tumakbo na siya patungo sa akin.

"Anong nangyayari sayo? Ba't ka galit?" Nagawa niya pa akong pasadahan ng tingin.

"Pwede ba? Bumalik ka na nga dun. Ba't mo pa ba ako sinusundan?"

"Ano bang problema mo? Alam kong masungit ka pero wag namang ganito."

Napatingin ako sa kanya. Gusto kong bigwasan ang gwapo niyang pagmumukha. Gusto kong sabihin sa kanya na ba't di niya tanungin si Aling Nena? Pero umuurong ang sikmura ko.

"Lika nga dito!" Galit niyang sinabi at hinila ang kamay ko.

Papaliko na sana ako sa isa pang maisan nang hinila niya ako sa isa pang daanan.

"ANO BA!" Binawi ko agad ang kamay ko.

"Diba gusto mo ng umuwi? Edi dito tayo sa short cut!" Aniya.

"Saan ba? At hindi 'tayo'! Ako lang! Dito ka na sa rancho ninyo!"

Nilingon ko ulit ang dadaanan ko dapat kanina at nakita ko ang iilan pang magsasaka na may dala dalang mga dayami at kung anu-ano pang ani.

"LIKA NA NGA!" Sigaw ulit ni Hector sabay hila sakin sa kabilang daan na aniya'y short cut daw.

"Bitiwan mo nga ako!" Sabi ko sabay kuha ulit sa kamay.

Patuloy akong naglakad. Ganun din ang ginawa niya.

"Ang sungit sungit mo." Medyo malat niyang sinabi.

Panay ang talak niya kaya patuloy ang pagiging iritado ko buong paglalakad.

"Hindi ko alam ba't ang sungit sungit mo." Humalakhak siya.

Umiling ako habang iniilagan ang mga tae ng kung anu anong hayop sa daanan.

"Bagay sayo ang t-shirt ko pero bakit ganyang ang shorts mo?"

Hindi ako sumagot. Tutal nagpapatuloy naman siya sa pagsasalita kahit na walang kumakausap sa kanya. Baliw ata ang isang ito.

"Bagay sayo yung binabalot, eh. Di pwedeng ganyan sakin. Ang iksi masyado. Parang basta basta lang kung makapagsoot ng damit. Masyadong kita ang balat mo."

Bwisit ang isang 'to. Daming alam.

"Sino ka ba at bakit ka nakekealam?" Sa wakas ay nasabi ko nang nasa pinaka dulo na kami ng daanan.

Naririnig ko na ang agos ng tubig. Pakiramdam ko malapit na kami makalabas sa buong rancho.

Naaninag ko agad ang concrete na foot bridge o something. May mga bukid sa magkabilang panig. Mukhang ito ata ang matatagpuan mo sa unahan ng Gazebo na napuntahan naming dalawa noon. Malapit din ata dito ang tinago. Hula ko ay yung malakas na agos kung saan na naririnig ko ay nanggaling sa Tinago.

May nakita akong isang karatula sa may steel bar.

"Dela Merced Dam."

Dam ito ng mga Dela Merced? Seryoso? May dam sila? Ngayon ko lang nalaman ah?

"Sino ako, Chesca?"

Nilingon ko siya at nakita ko ang nakakapanindig balahibo niyang ngisi sa akin.

"Ako si Hector Dela Merced, pag aari ko ang lupang tinatapakan mo. Hmm. Pero may isa pa akong gustong angkinin." Ngumisi siya.

Nangatog ang binti ko. Ngayon ko lang narealize kung gaano ka gwapo ang lalaking ito. Bawat galaw niya ay nakakapangilabot. Ang paghalukipkip niya at ang paglitaw ng muscles sa kanyang braso ay nakakawala sa sarili. Ngumisi siya at kinagat niya ang kanyang labi, tinitingnan niya ako na para bang hinahamon niya ako sa isang labang hindi ko maintindihan.

Umihip ang malakas na hangin galing sa mga bukid sa paligid at lumitaw ang nakabraid niyang buhok na nagpapatianod dito.

Tumawa ako. Defense mechanism. Ayoko na ng lalaki. At mas lalong ayaw ko sa pinaparamdam niya sa akin. Kakauwi ko lang galing Maynila. Nasaktan ako ng husto nang nalaman kong nangangaliwa si Clark. At kung ano man itong papasukin ko kay Hector ay alam kong ganun parin ang kahahantungan.

"Sayang, okay ka sana pero ayoko sayo. Ayoko sa buhok mong may buntot. Ayoko sa ibang bagay tungkol sayo. Ayoko sa mga lalaki. Ayoko na talaga..." Ngumisi ako at tinalikuran siya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top