ET 9 ⛽️ - Buko Salad
"LOVE, okay ka lang ba?" kunot-noong tanong ni Hemler kay Golda. Malamang ay napansin ng binata ang kanyang pagkabalisa at masidhing takot mula sa nakita niyang nakapintang mga larawan.
"O-oo," tipid niyang sagot rito. Ayaw man niyang aminin, ramdam niyang alam ng nobyo na siya ay nagkakaila lamang. Kalalarga lang ng sinakyang tila treng papasok sa loob ng horror house. Maitim ang usok na ibinubuga mula sa tambutso nito na nagpaubo sa kanila.
Kadiliman ang bumungad sa kanila nang papasok sa na sa horror house. Tanging patay-sindi na mga berdeng ilaw ang tumatanglaw. Napatakip siya sa kanyang dalawang tainga nang sumalubong sa kanila ang kakaibang mga nilalang. "Aaaah," hiyaw niya sa takot nang tinabihan siya ng babaeng nakaputing damit na hanggang sakong at may mahaba at itim na buhok. Kalahating mukha nito ay natabunan ng buhok.
"Love, okay lang iyan," alo ni Hemler sa kanya. Kahit papaano ay napanatag ang kanyang kalooban nang pisilin nito ang kanyang nanlalamig na kamay.
Sa kalagitnaan ay sadyang itinigil ng drayber ang kanilang sinakyan. Napapikit siya sa takot. Nang imulat niyang muli ang kanyang mga mata ay may biglang lalaking lumitaw na may mahahabang ngipin at nanlilisik na mga mata. Duguan ang bibig nito. "Ayoko na!" mangiyak-ngiyak na wika niya.
"Tahan na, Love. Maskara lang iyan," muling alo sa kanya ng binata. Halatang hindi ito apektado dahil tumawa lang itong makita ang mga nilalang.
Hindi siya makaimik. Samantalang sina Jordan at Michael ay nagtawanan lang sa harap nila. Narinig niyang pumalahaw din sa sindak si Angelie sa kanilang likod. Mag-isa lang ito at walang katabi. Hiling niyang makakalabas na sila agad dahil tila nasa paa na yata ang lahat ng dugo niya. Ramdam niyang naninigas na ang kanyang buong katawan.
Patuloy na umugong sa kanyang tainga ang nakakatakot na background music, habang muling lumarga ang tren. Sa madilim at walang katiyakang paligid ay isa lamang ang sigurado para sa kanya — ang mukha ni Hemler ang nagsisilbing lampara na nagbibigay ng liwanag sa nababagabag niyang puso.
Hindi pa man naaaninag ang kabilang dulo ng horror house ay muling huminto ang tren sa napakadilim na lugar. Biglang pinatay ang lahat ng ilaw. Ramdam niyang tila yelo na ang kanyang katawan sa lamig at tigas. Mas lalong tumindi ang kanyang nararamdaman nang marinig ang boses ng babaeng humihingi ng saklolo, at boses ng mga lalaking animo'y mga tiktik. Mas lalong hinigpitan niya ang paghawak sa kamay ng binata.
Dahan-dahan ang pagbuhay ng mangilan-ngilang berdeng ilaw sa mainit at madilim na tila kuwebang kinaroroonan nila. Nang biglang bumulaga sa kanyang harapan ang lalaking may magulo ang buhok at mapupulang mga mata. Halos ikinamatay niya sa takot ang nasaksihan. "Maaaaa!"
DAGLING sinaklolohan ni Hemler ang nobyang napahiyaw. Kaagad niyang niyakap ito. Dumampi sa kanyang katawan ang malamig nitong pawis. Ramdam niyang tutol sana ito sa pagsakay kanina ngunit kinumbinse niya ito. "Love, sorry," nakokonsensiyang saad niya kay Golda. "Nandito lang naman ako. Tahan na ha." Hinagod niya ang likod nito.
Hindi ito umimik at ramdam niya ang pangiginig ng katawan nito. Ilang segundo pa ay sumalubong na ang liwanag ng mga ilaw sa labas. May mga tao na ring nag-aabang na hahalili sa kanila sa pagsakay sa tren.
"Wooooooh!" tudyo pa sa kanila ng mga kasama nang makitang nagyakapan sila bago tuluyang huminto ang kanilang sinakyan. Saka siya kumalas sa pagkakayakap sa dalaga.
"Iba ka rin, pre. Pasimple lang ang mga moves mo ah," kantiyaw sa kanya ni Michael sabay ng nakakalokong ngisi, nang bumaba na ito.
Pasimple siyang tumawa ngunit sa kalooban niya ay hangga't maaari ayaw niya sanang yakapin ang babaeng mahal. Ayaw niyang samantalahin ang kahinaan nito. Ngunit naawa na rin siya sa dalaga dahil alam niyang takot na takot na ito simula pa lang sa pagpasok nila sa horror house; kung kaya't niyakap na niya ito para maibsan ang nararamdamang pangamba nito.
Patawad, Golda.
"Dai Golda, kawawa ka naman," panunukso ni Jordan sa kasintahan sabay paawang ekspresyon ng mukha nito. "O baka style mo lang iyon para..." putol nito na sumipat sa kanya.
Walang anu-ano'y hinampas ni Golda si Jordan. Pinunasan nito ang nanunubig na mga mata. "Sobrang natakot talaga ako, sa totoo lang. Lalo na iyong huli na parang halimaw na bigla na lang lumitaw sa harap ko, pagkabukas ng ilaw."
Ang halimaw na biglang lumitaw
Sa harap ko, pagbukas ng ilaw.
Break it down yo!
Ni-rap pa ni Jordan sabay kumpas ng mga kamay. Nagpalakpakan naman silang lahat bilang papuri sa kasama.
"Hay naku! Ikaw talaga, dong." Pairap na nagpabuga ng hangin si Golda, ngunit napangiti na rin.
"Guys, narinig ba ninyo iyong isa doon na sumigaw?" usisa sa kanila ni Michael habang naglalakad na at tinungo ang iba namang rides.
"Oo, pre. Iyong parang bampira iyon eh," sagot niya.
"Kinurot ko kasi, pre. Ang gago, inapakan ang sapatos ko. Kalalaba ko lang yata nito," seryosong sagot nito na ikinahalakhak ng lahat. Puting-puti nga naman ang suot na sapatos nito. Malinis ito sa pananamit.
"Dai Gel, napansin mo rin ba na dali-daling pumunta sa iyo iyong parang aswang?" tanong ni Jordan kay Angelie.
"Dong, wala akong pakialam basta natakot din ako noong tumabi na sa akin iyon eh."
Napabunghalit ito sa tawa bago tumugon, "Inututan ko kasi iyon. Ang akala niya na matatakot ako sa kanya. Never! Siya ang matakot sa akin."
"Shit! Utot mo pala iyon, pre?" gagad ni Michael, na siyang katabi nitong sumakay. Muling tumawa nang malakas ang grupo. "Akala ko na ganoon lang kapanghi sa loob."
"Sshh guys, quiet!" Sumenyas si Angelie dahil sasagutin nito ang tawag sa cellphone.
"Love, okay ka na ba ngayon?" paniniguradong tanong niya kay Golda. Kahit papaano ay nakita niyang lumiwanag na ang mukha nito, dahil sa kuwelang kwento ng mga kasamang sina Michael at Jordan.
Tiningnan siya nito sa mga mata. "Yes, love." Malawak ang ngiti nito. "Thank you so much!"
"Anytime for you, love!"
"GUYS, TUMAWAG si Marj," sabad ni Angelie. "Sa kanila raw tayo maghahapunan ngayon."
"Woaah! Pakals ulit!" Si Michael.
"Sige, last ride na lang natin 'tong octopus. Tapos pupunta na tayo kina Marjorie. Gutom na rin ako," suhestiyon naman ni Jordan na sinang-ayunan nilang lahat.
Sa wakas ay na-enjoy na nilang lahat ang panghuling ride. Tila mga bata silang tuwang-tuwang sumisigaw habang itinaas-baba at inikot-ikot sa ere sakay ng octopus.
"Hi guys, pasok kayo sa aming munting tahanan," salubong sa kanila ni Marjorie.
Munting tahanan ngunit elegante ang bahay nitong may disenyong bungalow. Malawak ang bakuran nito kung saan ay may marami ring bisita ang naroon. May iba't klase ng berdeng halaman at orchids sa gilid. Sa isang sulok ay may mahabang mesa na nilalatagan ng iba't ibang uri ng ulam at sa kabilang banda ay iba't ibang uri ng panghimagas.
"Ma, mga kasama ko po sa trabaho," pakilala sa kanila ni Marjorie sa ina nito. Abala ito sa pag-eestima ng ibang mga bisita nila.
"Hello po, magandang gabi, te!" magalang na pagbati nila sa ginang.
"Good evening din! Welcome sa bahay. Oh siya, kumain na kayo. Kayo nang bahala pumili doon ha," mainit na pagtanggap nito sa kanila.
"Opo. Salamat!"
Habang nakapila na sila upang kumuha ng mga pagkain ay isa-isa silang inabutan ni Hemler ng kubyertos at pinggan.
'Hindi lang siya sa akin maasikaso, ngunit sa aming lahat pa,' lihim niyang pagkamangha sa nobyo.
Napakabango ng mga ulam na nilapag sa mahabang mesa. Mas lalong kumulo ang tiyan sa kanyang nakitang iba't ibang klase ng masasarap na ulam. Amoy pa lang ay nakabubusog na.
"Love, lechon, gusto mo?" Humiwa si Hemler sa balat nito na tumunog pa dahil sa lutong.
"A-ah sige, sure." Hindi na siya nagpatumpik-tumpik at sa hitsura pa lang ay sobrang sarap na. Makintab at mamula-mula hanggang sa katamtamang kayumanggi ang kulay ng balat nito.
Masaya nilang pinagsaluhan ang maraming pagkain. Pista nga ito kung tawagin. Mas lalong naging malinamnam pa ang bawat pagnguya dahil sa mga malulutong na biro ng mga kasamang sina Jordan at Michael.
"Love, buko salad para sa iyo." Binigay sa kanya ni Hemler ang isang puting plastik na basong puno ng laman.
"Dong, kami rin naman. Si Golda lang ang binigyan mo ah," napalabing sambit ni Angelie.
"Gel, huwag ka na ngang magselos. Nandiyan naman si Audy," sabad ni Jordan na tinutukoy ang kasamang panghapon.
"Yieeee," tudyo ng lahat.
"Ipagkukuha ko naman kayong lahat, guys. Kalma," paliwanag ni Hemler.
Mas lalong gumuguwapo sa paningin niya ang ipinakitang pagkamaginoo at pagmaalalahanin ng nobyo. Sinulyapan siya nitong may ngiti at ipinukol ang nakatutunaw na mga titig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top