ET 8 ⛽️ - Cotton Candy
MATAPOS ng halos kalahating oras ay narating na nila Golda at Hemler ang kanilang destinasyon. Namumukhaan ni Golda ang lugar. Ito 'yong pinag-videoke-han nila ng mga kasama noong gabi ng unang sahod nila. Ngunit sa halip na sa cottage tumuloy ay pinili ni Hemler na dumiretso sa sementadong bahagi kung saan dumadaong ang maliliit na mga bangka. Nagkataon din na walang tao ni bangkang naroon, kung kaya't masosolo nila ang lugar.
Pagkababa ng motorsiklo ay inalalayan siya ni Hemler at magkahawak-kamay silang tinungo ang pinakadulong bahagi. Sariwang hangin ang humalik sa kanilang balat, na siya ring sanhi ng malayang paglipad ng mahaba niyang buhok.
"Love, masaya ka ba na nagiging tayo?" panimula ni Hemler nang umupo na sila. Sementado iyon at makinis, kasingkinis ng mukha ng binata.
"Oo naman, love," pakli niya rito. "Hindi mo na kailangang itanong iyan kasi nakikita 'yan mismo sa awra ko. Look!" At hinarap niya ang nobyo at nilagay pa ang kamay sa baba, nagpapahiwatig na maganda siya.
Kaagad namang piningot ni Hemler ang kanyang ilong. "Totoo nga, ang ganda mo eh at ang glowing mo."
"Of course. Iba ang love mo eh, nakaka-glow."
"Ganoon ba iyon?"
Mabilis siyang tumango at saka sila nagtawanan. Habang ang mga mahihinang mga alon ay humahampas sa mga malalaking bato na malapit sa kanilang paanan, maririnig naman ang malulutong nilang mga halakhak habang nag-uusap.
"Love, maiba tayo. Paano na pala kapag mag-aaral ka na sa downtown? Eh ako ay dito lang sa bayan natin mag-aaral. Hindi na tayo magkakasama nito," nababahalang sambit ni Golda, habang isinandal niya ang ulo sa balikat ng nobyo.
Hinawakan ni Hemler ang kamay niya at marahang pinisil iyon. Ramdam niya ang init nito na siyang bumalatay rin ang init patungo sa kanyang katawan. "Love, ano ka ba? Maglalaan pa rin ako ng oras, kaya magkikita pa rin tayo."
"Hmm basta ha," sagot niya nang may panghahaba ng nguso.
"Oo naman. Halika nga." Hinapit siya nito nang mas malapit at niyakap sa tagiliran. Sabay nilang pagmamasdan ang mga ulap na dahan-dahang nag-iiba ang kulay — mula puti hanggang naging kulay kahel na ang mga ito. Ramdam na nilang papalubog ng araw na nasa gawi ng kabundukan.
"Ano bang nakita mo sa akin? Hindi naman ako kasingganda at kasing-sexy katulad ng ibang mga babae diyan. Chubby ako."
"Wala naman kasi iyan sa panlabas na hitsura at ka-sexy-han, love. Basta bigla na lang... palagi ka na lang na laman ng isip ko. At saka, excited ako na makikita kita sa bawat umaga ko. Mas lalo pang nakagaganda sa iyo ang kabutihan ng puso mo."
Nagdiwang ang kanyang kalooban sa narinig. "Sana nga hindi ay hindi ka magbabago."
"Hindi ako magbabago, love. Mananatili lang tayong ganito. Mag-aaral tayo hanggang makapagtapos. Susuportahan kita sa mga pangarap mo." Hinarap siya nito at hinawi ang nakatabing na buhok sa kanyang mukha.
Hindi namalayan ang sariling napapikit sa unti-unting paglapit ng kanilang mga mukha, habang nasa pisngi niya ang isang kamay ni Hemler. Nalanghap niya ang mabangong hininga ng nobyo nang dinampian siya ng halik sa labi. Tila libo-libong kuryente ang dumaloy sa kanyang katawan at masuyong tinugon ang matamis na halik ng binata. Bago pa lumalim ang kanilang halikan ay bumalik siya sa kanyang ulirat. Kaagad na inihiwalay ang kanilang mga labi at nahihiyang tiningnan ito.
"I love you so much, love!" Muling hinalikan siya ni Hemler, ngunit sa pagkakataong iyon ay sa pisngi na.
"Mahal na mahal din kita, love!"
Nasilayan nila ang kahel na mga ulap ay nagiging kulay abo na ngayon. Naging malamig na rin ang simoy ng hangin na kanina ay katamtaman lamang. Ang mahihinang hampas ng mga alon kanina, ngayon ay bumubugso na.
"Love, umuwi na tayo. Pagabi na," usal niya sa nobyo.
"Okay sige, pero kakain muna tayo." Nauna itong tumayo, saka kinuha ang kanyang kanang kamay upang alalayan siyang tumayo.
Bumalik sila sa bayan dala ang ngiti sa kanilang mga labi. Dahil sa lamig ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Golda na yakapin si Hemler buhat sa likod nito, habang lulan sila ng motorsiklo. Ramdam niya ang init ng katawan nito at ang mabangong pabango. At doon ay ipinilig niya ang ulo sa malapad na likod ng nobyo.
Huminto sila sa kainan na malapit sa district hall. Makapal at mabangong puting usok ang sumalubong sa kanila. Masagana ang kanilang kainan habang nagkakamay. Binusog ang kanilang mga tiyan ng masarap na barbecue, at ang kanilang mga puso ng purong pag-ibig.
"Bye, love. See you tomorrow," pamamaalam ni Hemler nang maihatid na siya sa kanilang bahay. Kumaway siya pabalik dito.
Sa kanyang pagkakahiga ay hindi pa rin mapuknat ang kanyang ngiti. Hindi maitatago ang galak na nararamdaman. 'Salamat, Lord, at binigay mo si Hemler sa akin. Ang sarap palang magmahal at mahalin,' mahinang panalangin niya habang nakatingin sa kisame.
"GUYS, PISTA na ngayong Sabado. As usual, may perya iyan. Punta tayo," masayang pagbabalita ni Jordan nang magkakatipon sila bago pa sila mag-time in.
"Pre, ikaw kasi ang maswerte pagdating diyan sa laro. Ako na palaging talo," mahihimigan ang pagtutol sa boses ni Michael.
"Tsk. Ikaw naman kasi pre, laruin mo nang mabuti," palatak na wika ni Jordan kay Michael. "Tingnan mo si Hemler at Golda, panalong-panalo sa tinatawag nating 'game of love'. Hindi ba, pre?" baling nito sa kanila ni Hemler at sinundan ng malakas na tawa, na ikinatawa nilang lahat.
"Hoy, dong, paano naman kami nasali sa usapang iyan?" aniya kay Jordan, at sinulyapan si Hemler na katabi niyang umupo.
"Ay basta ako dong Jordan, excited ako sa ferris wheel," sabad ni Angelie. "Huwag naman sana matirikan ulit at tamang nasa tuktok ako."
"Gel, kapit lang nang mabuti." Si Michael.
"Gaya ba ng pagkapit mo sa kanya?" Sagot nito na ikinahakhak ulit nila.
"Sa Sabado ha, dapat present ang lahat pa rin. Tara na. Mag-time in na tayo, baka maka-award tayo kay Madam pag ma-late tayo," wika ni Jordan.
Katulad ng kanilang napag-usapan ay kompleto ang kanilang grupo pagdating ng araw ng pista sa kanilang bayan. Habang naglalakad sila papuntang perya ay maraming taong nakasalubong din sa daan. Kita niya ang kasiyahan sa mga mukha nito. Mga batang suot ang kanilang espesyal na damit na pansimba habang nakahawak sa kamay ng kani-kanilang mga magulang. May ibang bitbit ng lobo, ang iba naman ay may bitbit na laruan, habang ang iba naman ay may hawak ng makukulay na cotton candy. May mga magkasintahang magkaakbay at masayang nag-uusap habang naglalakad. Nakuha ng kanyang atensiyon ang isang matandang pares na umupo sa plasa nang makarating sila, katapat naman nito ang perya. Pinunasan ng matandang lalaki gamit ng panyo ang bibig ng matandang babae dahil may mantikilya at puting asukal mula sa kinaing ensaymada. Ang isang kamay naman ng babae ay may hawak ng supot na may orange soft drinks at straw.
Biglang sumagi sa kanyang isipan ang relasyon nila ni Hemler. 'Sana ay ganyan din kami hanggang sa pagtanda.'
"Dai Golda, humawak kang mabuti. Baka mahulog ka at sa puso ni Hemler ang bagsak mo," banat ni Jordan na binuntutan ng nakakalokong tawa, nang pumwesto na siya sa ferris wheel.
"Ako nang bahala kay Golda, pre," pagbibigay ng garantiya naman ni Hemler.
Magkatabi sila ni Hemler. Si Jordan naman at Angelie. Mag-isa si Michael dahil nag-away pa yata ng nobya, base sa narinig niyang usapan kanina sa cell phone nito habang naglalakad. Nang mapuno na lahat ang mga upuan ay umandar na ang makina ng ferris wheel. Nang nagsimulang umikot ay iba ang saya ang naramdaman, lalo pa at katabi niya ang taong mahal. Nasasabik at kabado siya dahil may takot siya sa matataas na lugar. Ang kanyang pagtili ay dahan-dahang napapalitan ng sigaw ng takot nang pababa nang pababa mula sa itaas. Ramdam niyang tila lalabas ang kaluluwa mula sa katawan niya.
"Relax, love. Nandito lang naman ako," pagpapakalma ni Hemler. Higpit na higpit ang kapit niya sa tubong nakaharang sa kanilang harapan. Bumakat nito ang pawis na nagmumula sa mga kamay niya.
"Thank you, love!" Kabado man ngunit dahan-dahan ding napanatag ang kanyang kalooban nang tingnan niya ang mga mata ni Hemler. Ang pagtingin nitong nagpapakalma sa takot na kanyang nararamdaman.
Mala-gulpi ang natamo naman ni Jordan mula kay Angelie nang bumaba na sila galing sa ferris wheel. Tinutudyo pala ni Jordan si Angelie habang sumasakay, na mas lalong nagpapatakot sa huli.
"Dong, ayoko na talagang sumakay ulit ng ferris wheel na katabi ka." Muling hinampas ni Angelie ang kasamang si Jordan.
Napahalakhak lang ang huli. "Oh guys, diyan naman tayo sa horror house." Itinuro ito ni Jordan na bakante pa.
Nagsimula nang magtakipsilim kaya nagsimulang dumilim na ang paligid. Biglang tumaas ang kanyang balahibo nang makita ang mga larawang nakapinta sa pader nito. May taong may sungay at nakanganga na may mahabang dila at matutulis na ngipin. Ang isang nilalang naman ay napakaitim na nanlilisik ang mapupulang mga mata. Samantalang ang kaliwang bahagi ay may babaeng napadaing dahil may ahas na pumasok at nanunuot sa magkabilaang tainga nito. "Hala ayokong pumasok diyan," nasisindak niyang sambit.
"Golda, ang KJ mo. Bakit ka matatakot, eh hindi naman totoo ang mga iyan." Si Jordan.
"Dai, sige na. Ngayon lang ito. Total, nandito naman si fafa Hemler mo," segunda naman ni Angelie.
Hinagod ni Hemler ang kanyang likod. "Sige na, love. Nandito naman ako sa tabi mo."
Hindi pa siya nakapasok sa isang horror house sa tanang buhay niya. Nanginginig at pinapawisan siya nang malamig, nang sumampa sila sa magkakarugtong na multicab na tila tren papasok sa horror house.
"Sige, larga," nakangising utos ng lalaking staff ng perya na nasa likod lang din nila.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top