ET 7 ⛽️ - Iced Drinks
"FULL TANK ba 'ka mo?" usisa ni Golda, saka sila nagtawanan.
"Aba, syempre!" kampanteng sagot naman ni Hemler sabay kindat.
Unti-unti niyang naramdaman na may kamay na masuyong humawak sa kanyang tagiliran. Nang sumunod na sandali ay mas nalanghap niya ang preskong pabango ni Hemler na kaaya-aya sa kanyang pang-amoy, nang pinasandal siya sa balikat nito. Panatag ang kanyang kalooban sa piling ng binata, lalo na nang naramdaman niya ang mainit na labing dumampi sa kanyang ulo. "I love you, Golda!"
Umayos muna siya sa pagkakaupo at tiningnan ito sa mga mata — pagtingin ng pagsuko at tapat na damdamin. "I love you too, Hemler!" At muli siyang hinapit nito.
"Wooooh!" Pambubulabog ng mga kasamahan nila. Kararating lang din ng mga panghapon nilang kasama na sina Marjorie, Cherry, Mel John, Audy at Jake. Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang pisngi dulot ng hiya. Kakalas sana siya sa pagkakayakap nito kay Hemler, ngunit mas niyapos pa siya ng binata.
"Guys, akala ko ba magsasaya tayo rito bilang magkakaibigan? Bakit may pagkaka-ibigan nang nangyari?" pasaring ni Jake.
Bibong nagtawanan ang lahat.
"Pre, pagbigyan mo na," wika ni Jordan. "Palibhasa ikaw kasi ay walang ka-loving-loving. Kaya ganyan ka ka-killjoy," prangkang wika ni Jordan na ikinatawa ulit ng lahat.
"Shot na!" Ibinigay ni Michael ang basong may laman ng punong alak.
"Hoy grabe ka, pre, punuan talaga!" pagrereklamo ni Audy na kauupo lang.
"Fake iyang ice, pre, na nangalahati? Ice lang iyan, pre. Huwag kang magpapaloko, gaya ng feelings niya na fake."
Naghiyawan at nagpalakpakan ulit ang mga kasama.
"Ay grabe!"
"Dai Gel, kumusta ang sahod ninyo? Kompleto ba?" usisa ni Marjorie.
"Iyon nga Marj, kulang eh. Feeling ko dinadaya tayo ng Intsik na iyon eh. Ang laki ng kaltas dahil nga marami raw akong shortage," pagpapalabas ng saloobin ni Angelie.
"Haays. Ganoon din sa amin eh," segunda naman ni Cherry. "Hindi ba Mel, Aud, Jake, Marj?" pagkokompirma sa mga kasama na sinang-ayunan naman ng mga ito sa pamamagitan ng mabilis na pagtango. "Ibibili ko sana ng bigas at ulam sa bahay. Kaso kulang na naman." Napabuntong-hininga ito.
Mabilis naman na sinalinan ni Michael ng alak ang baso matapos mabakante. "Oh, shot na!" Inabot ito sa naghihimutok na kasama na si Cherry, na nilagok naman nito agad nang walang alinlangan.
"Guys, huwag na kayo mamroblema," alo naman ni Jordan. "Bawi na lang tayo sa grasya, okay?" suhestiyon nito.
"Oo nga," Sabayang turan ng lahat, maliban nila ni Hemler na nakikinig lang sa usapan.
'Kaya pala na pinapatawag sila ni Mrs. Lim ay dahil may problema sa kanilang benta.' Malinaw na ang sagot sa mga namumuong katanungan niya sa isip. 'Salamat at hindi ako nasali,' lihim niyang pasasalamat, ngunit nanaig din ang awa na naramdaman para sa mga kasamahang hindi nasuklian nang tama ang kanilang mga pagod at pawis.
"MA, SAHOD KO PO." Malugod na ibinigay ni Golda ang puting sobre sa kanyang ina. Buo at hindi binawasan, kinabukasan ng umaga.
Hinawakan ang kanyang kamay at itinulak pabalik sa kanya. "Golda, alam kong pinaghirapan mo iyan para sa darating na pasukan. Itago mo na. Magagamit mo yan."
"P-pero, Ma. Dagdag mo pang-gro—"
"Hindi na. Pinagkakasya ko naman ang pinadala ng papa mo."
"Maraming salamat, Ma!" Namumuo ang ulap sa kanyang mga mata. Sa isipan niya ay mapalad siyang nagkaroon ng mga magulang na suportado siya sa kanyang mga hangarin.
"Sige na, baka ma-late ka."
"Bye po, Ma," pamamaalam niya matapos magmano sa ina.
"HELLO, GOOD MORNING, sir!" magiliw na pagbati ni Golda sa bagong dumating na kustomer na may minamehong itim na van. Kung gaano kaitim ng sasakyan nito ay siyang kaputi naman ng kutis nito.
"Yes, good morning!"
"Sir, diesel? Maybe you want to avail full tank? And I will wipe your windshield with no charge."
"Oh, I like how you do sales talk. Okay sure, full tank please. And yes, it's diesel." Malawak ang ngiti ng dayuhang kustomer.
"Sir, starts at zero-zero," panimula niya bago kinargahan ang sasakyan. "Sir, do you want to avail our lubricant products? These are proven effective by our customers."
Mukha itong kumbinsido. "Alright, give me one gallon of Delo Ultra Gold."
Pagkatapos ma-full tank ay magalang na sinabi sa kustomer ang total amount at ibinigay nito pati ang dinagdag na lubricant. "Sir, here's your change, 250 pesos."
"No, just keep it." Nakangiting turan ng puting kustomer.
"Are you sure, sir?" paninigurado niya.
"Yeah."
"Thanks a lot, sir!" taos-pusong pasasalamat niya. May maidagdag na naman siya sa naipon niya. Mabilis ang mga kilos niya na pinunasan nang maigi ang windshield ng van.
"I like to commend you for your service. Great job!" turan ng kustomer at nakitang nag-thumbs up pa ito.
"Sir, thank you so much again!"
Pagkaalis ng van ay napakalawak ng kanyang ngiti hanggang sa malingunan niya si Hemler na tila biyernes santo ang mukha — seryoso at walang ekspresyon.
"HEM, ALAM MO ba na ang bait kanina ng customer ko? Hindi na tinanggap ang sukli niya na 250 pesos," masayang pagbabalita ni Golda sa nobyo nang naglalakad na sila papunta sa kanto pauwi.
"Hmm halata naman sa mukha mo kanina," matabang na sagot nito na hindi siya tiningnan.
"Ay, wait! Nagseselos yata ang boyfriend ko?" malambing na tanong niya kay Hemler na humawak pa sa braso nito.
"Syempre, baka ipagpapalit mo ako sa mas gwapo," may himig ng pagseselos sa tinig nito.
"Hay, ikaw talaga! Wala nang mas guguwapo pa sa iyo, sa paningin ko. Dimples mo pa lang, sapat na eh," paninigurado niya, sabay pisil sa pisngi ng nobyo.
"Talaga?" Huminto sila sa paglalakad at tiningnan na siya ngayon ng binata.
"Oo naman."
Kinuha nito ang isang kamay niya ay inilagay sa tagiliran nito, habang inakbayan naman siya ng nobyo; at masayang naglalakad ulit. Lihim siyang natutuwa sa pagseselos nito. Mas ramdam niyang mahal na mahal siya nito at ayaw siyang mapunta sa ibang lalaki.
Sa paglipas ng panahon ay mas lumalim pa ang kanilang pag-iibigan. May mga kaunting problema mang dumating ay kaagad naman nilang nilutas ang mga iyon. Ipinaalam naman niya ito sa kanyang ina at mga kapatid at hindi rin sila tutol. Sa katunayan, ay welcome na welcome si Hemler kapag bibisita sa kanilang bahay.
"Love, aalis na ako. Bukas ulit tayo magkikita," pagpapaalam ni Hemler habang nasa bahay nila, galing silang nagsimba kasama ang kani-kanilang pamilya.
"Ha? Rest day naman natin bukas ah."
"Basta, aalis tayo. Susunduin kita rito," sambit nito at hinahaplos-haplos pa nito ang kanyang mahabang buhok.
"Okay, sige. See you tomorrow, love!"
Hinalikan siya nito sa ulo, gaya ng nakagawian nitong gawin sa kanya. Pagkatapos ay nagpaalam na ito sa kanyang ina at mga kapatid.
"Mag-ingat ka, love!"
"Siyang gagawin ko. I love you!" Kumaway ito nang umalis na ang sinakyang traysikel.
Gumanti naman siya sa pagkaway at pinagmasdan ang nobyo hanggang sa mawala sa kanyang paningin, saka pumasok siya sa gate nila.
NAKAILANG TINGIN sa salamin si Golda sa kwarto ng ina na may salaming nakadikit sa aparador nito. Paikot-ikot. Palakad-lakad. Paatras-abante.
"Golda, ako na ang nahihilo sa iyo," pagrereklamo ng ina niya.
"Ma, ayos lang ba talaga ang suot ko?"
"Oo naman. Nakailang suot ka na ba niyan? Eh ngayon ka lang diskumpyado."
Simpleng baby blue round-neck fitted blouse na may laso ang suot niya na pinaresan ng khaki flared pants at one-inch beige sandals. Nilagyan ng beige hair clip na may bulaklak na disenyo ang buhok at hinayaang nakalugay lang ito. Hindi siya mapakali sa unang date nila ni Hemler kung maituturing.
"Sorry po—-"
"Tao po—"
"Oh, ayan na ang hinihintay mo," anang mama niya.
"Sige po, Ma. Aalis na kami." Nagmano siya sa ina at dinampot ang maliit na puting shoulder bag.
"Ingat kayo." Kumaway sa kanila ang kanyang ina habang umangkas na siya sa motorsiklong minaneho ni Hemler.
"Bye, Ma."
"Bye, Auntie."
Nang tapakan ni Hemler ang clutch ay nabigla siya. "Humawak ka nang mabuti, love," turan nito.
Matindi ang sikat ang araw ngunit pakiramdam niya ay nilalamig siya. Nag-aalangan siya sa pag-ikot ng kanyang mga braso sa baywang ng binata. Maluwag lang ang kanyang pagkakapit at ayaw niyang ipagdikit nang husto ang kanilang mga katawan. Nang dumaan sa mabatong bahagi ng daan ay humiwalay ang kanyang puwit sa upuan ng sinakyan. Napatili siya sa takot, "Ma!"
Napabunghalit ng tawa lamang si Hemler. "Sabi ko naman sa iyo. Kumapit ka nang mabuti sa akin."
Bahagyang kinurot niya ito sa tagiliran na siyang napaaray naman. "Ikaw talaga, Love."
Wala na siyang nagawa kundi ang humawak nito nang husto upang hindi mahulog.
"Dito ka lang sa puso ko dapat mahulog, Love. Huwag sa daan," pilyong sambit nito, saka pinaharurot ang motorsiklo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top