ET 6 ⛽️ - Double Body




HINDI NAGPATINAG si Hemler at patutunayan niya sa dalaga na buong puso ang kanyang pagpapahayag kinagabihan. Bitbit ang tatlong piraso ng double body na tinapay, ibibigay niya iyon sa dalaga.

"Golda, may dala ako para sa iyo, oh." Inabot niya sa dalaga ang isang supot.

Binuksan ito ni Golda at sinilip ang laman. Malapad ang ngiti nito nang makita ang nasa loob. "Maraming salamat, Hem!"

Alam niyang paborito ito ng dalaga. "Wala iyon. Basta para sa iyo," makahulugang tugon niya rito. Masaya na rin siyang makitang nakangiti ang babaeng pumukaw sa natutulog niyang damdamin.

Habang sinimulang isubo ni Golda ang dala niya, pagkatapos nilang mananghalian, hindi niya maiwasang mag-usisa rito, "Golda, bakit mo palang naisipang magtrabaho bilang gasoline girl?"

"Gusto ko kasing makaipon, Hem, para sa college ko," tugon nito sa pagitan ng pagnguya. Lihim siyang naaaliw sa bawat pagkagat ng dalaga sa tinapay at hindi maiwasang mapatunganga. "Gusto mo ba?" alok nito sa kanya.

Napangiti siyang umiling. "No. Sa iyo lang iyan. Natutuwa lang ako."

"Natutuwa saan?"

"Ang sipag mo! Kaya humanga ako sa iyo."

"Kailangan eh. Gusto ko talagang makapagtapos ng pag-aaral. Ikaw Hem, bakit mo ba naisipang mag-apply sa gasoline station?"

"A-ah. Naiinip ako sa bahay eh. At saka, gusto ko ring magkaroon ng sariling pera."

Tumango-tango lang ang dalaga. Marami pa ang napag-usapan nilang mga bagay-bagay tungkol sa buhay nila. Mas masaya siya ngayong mas nakilala pa niya si Golda. Hindi lang panlabas na kagandahan ang taglay nito, higit pa ang kalooban.

"Hem, tara na. Malapit na ang oras."

"Sige, tayo na."



NAGDIWANG ANG KALOOBAN ni Golda nang naramdamang totoo si Hemler na masungkit ang kanyang puso. Sa simpleng bigay na tinapay para sa kanya ay malaking bagay na iyon para sa kanya. Hindi lang kasi iyon simpleng tinapay, ngunit ito ang paborito niya.

Hindi niya pansin ang matinding sikat ng araw at pagpatak ng pawis dahil sa presensya ni Hemler. Sinulyapan niya itong abalang kinargahan ang isang SUV na sasakyan, habang siya naman ay nagkakarga ng gaas sa isang malaking lalagyan, sa pinakadulong kanang bahagi ng gasolinahan. Napangiti siya sa isipang hindi lang ito gwapo, ngunit maalalahanin pa.

Sinipat niya ang orasang nakasabit sa loob ng convenience store nang wala nang mga kustomer dumating. Malapit na ang kanilang labasan. Nang may napansin siyang may dalawang babaeng papunta sa kanyang direksyon. Pamilyar sa kanya ang mga ito. Hindi nga siya nagkakamali. Ang dalawang kaklase niya ito: sina Irish at Elvie. Tumungo siya upang hindi mapansin ng mga ito, ngunit hindi umobra ang kanyang pagpatay-malisya.

"Hala, Golda! Dito ka nagtatrabaho?" Namilog ang mga mata ni Irish at napatakip ng bibig.

"Oo. Alam mo namang hindi kami mayaman," mababang tinig niya.

"Pero ang init dito," turan naman ni Elvie. "Tingnan mo oh, nangingitim ka na," dagdag nitong pinagtabi pa ang kanilang mga braso. Totoo nga ang sinabi nito. Hindi maipagkakailang nangitim ang kanyang braso na hindi natatakpan ng manggas, kompara sa itaas na bahaging natatabunan ng maikling manggas ng kanyang poloshirt.

"Naku! Ayos lang iyan. Sa panahon ngayon, hindi na kailangang mamili ng trabaho. Ang importante ay malinis naman itong pagiging gasoline girl," paliwanag niya na ikinatango naman ng dalawang kaklase, nang may pagngiwi at pagtaas ng kilay.

"Oo nga. Eh, saan ka mag-aaral?" Si Irish.

"Dito lang sa St. Francis College. Kayo ba?"

"Sa Santa Cecilia College kami, sa downtown. Nursing ang kukunin namin."

"Wow! Ang ganda niyan!" Namamangha siya. "Oh siya, sige bye na Elvie, Irish. May kustomer nang dumating. Mag-ingat kayo ha."

"Sige, ikaw rin," paalam ng dalawang may kayang kaklase.

'Mabuti pa sila, iyong gusto talaga nilang kurso ang kukunin nila, at hindi na nila kailangang magtrabaho.' Laglag ang kanyang balikat habang nagbibilang ng pera at isinuma ang kabuuhang benta niya sa araw na iyon.

'Sige lang, hayaan mo, Golda. Ang importante ay makapag-aral at magtatapos ka,' dinig niyang payo ng isang bahagi naman ng utak niya.

Pauwi na sila nang sila pa rin ni Hemler ang magkasabay dahil naiwan sina Michael at Angelie. Masaya silang nagkukwentuhan habang naglalakad at pati sa pagsakay ng traysikel. Hiling niyang sana humaba ang oras dahil tila napakabilis nito kung sila ay magkasabay.

"Bye Golda, see you tomorrow," pamamaalam ni Hemler nang una na siyang bumaba ng traysikel.

"Ingat ka, Hem. Bye!"

May mga araw na siya lang ang mag-isang umuwi dahil pinatawag si Hemler ni Mrs. Lim. Ganoon pa man ay masaya pa rin siya, basta't magkasama sila sa trabaho. Bawat araw ay mas lalo pa silang naging malapit sa isa't isa. Nakikita niyang seryoso si Hemler sa panliligaw nito sa kanya. Kung kaya't buo na ang kanyang desisyon.

Mabilis lumipas ang panahon at araw na ng kanilang sahod. Walang mapagsisidlan ng tuwa nang matanggap niya ang maliit na puting sobreng inabot ni Mrs. Lim — ang una niyang sahod. Sinilip iyon at agad na isinilid sa bag. "Thank you po, Ma'am!" lubos na pasasalamat sa ginang.

"Welcome, Golda! Tawagin mo Hemlel."

"Okay po, Ma'am."

Kita sa mga mata ng mga kasamang tila hindi ito masaya sa natanggap. Kung kaya't napatanong siya sa sarili, 'Ano kayang problema nila? Hindi ba sila masaya aa kanilang natanggap na sahod?'

"Psst guys," tawag sa kanila ni Jordan. "Dahil sahod natin ngayon, manlilibre sila Hemler at Golda."

Pumalakpak ang mga kasamang sina Michael at Angelie. "Videoke na iyan! Videoke na yan!" pagtsi-cheer up pa ng dalawa.

"Hala Dong, iipunin ko sana ang pera ko," nalulungkot na katwiran niya rito.

Tumawa lang si Jordan. "Joke lang, Dai Golda, sige i-save mo na iyan." Tinapik siya nito sa balikat. "May grasya kanina kaya akong bahala," paanas na wika nito.

"Pre, magdadagdag lang ako," sabat ni Hemler.

"Okay sige, ganito. Magkikita tayo rito mamayang alas syete ng gabi, para sabay-sabay na tayong pupunta sa Freedom Beach. Isasabay na natin ang mga panghapon na kasama natin para mas enjoy," pahayag ni Jordan. "Ano, ayos ba ang plano ko?" usisa nito sa kanila.

Sumang-ayon naman ang mga kasama niya.

"Dong, baka magalit si Mama."

"Sus, Golda, malaki ka na. Sabihin mong mag-videoke tayo doon. Ihahatid ka rin namin pauwi para hindi siya mag-alala," palatak na wika ni Jordan.

"Dai, sige na. Others mo naman. Bonding na rin natin 'to. Pangit naman kung wala ka. Kulang ang grupo natin," segunda naman ni Angelie.

"Okay sige, titingnan ko," aniya.

"Anong titingnan? Gawin 'ka mo." Si Michael.

Nakonsensya rin siya kung tatanggihan niya ang mga kasama. Kahit papaano ay naging kaibigan na rin niya ang mga ito. Kita niya ang lumbay sa mga mata nito na tila mga tutang iiwan ng kanilang amo. Napangiwi siya at humugot ng malalim na hininga. "Okay, sige na nga."

"Yehey!" Muling sumigla ang kanina'y nalulumbay na mga kasama.

Eksaktong alas syete ng gabi ay nagkatipon na sila sa gasolinahan. Dumating na ang lahat maliban kay Hemler. Ipinagtataka niya kung bakit wala pa ito, na ikinalungkot niya. Ilang minuto pa ay bumalik ang sigla ng kanyang mga mata nang masilayang may pumasok na isang motorsiklo na pinagmamanehuan ng isang pormadong lalaking nakaputing t-shirt na pinatungan ng denim jacket at denim pants. Lumilipad pa ang makintab na buhok nito sa hangin.

"Tara na, guys!" turan ni Hemler nang pinahinto ang motorsiklong dala at sinuklay ang buhok gamit ang kamay. "Golda, angkas ka na sa likod ko." Biglang nanlamig ang kanyang mga palad sa narinig na alok ng binata.

"Uy Hem, ako rin," singit ni Angelie, saka dire-diretso itong umangkas sa likod ng binata. "Dai Golda, dito ka na sa likod ko." Ang kanyang panlalamig ay napalitan ng pag-iinit ng tainga dahil sa panghihinayang.

Malamig na simoy ng hangin ang humalik sa kanyang balat habang lulan sila sa motorsiklo ni Hemler. Nalalanghap rin niya ang mabangong perfume nito, hindi matapang ang amoy nito. Nang makapasok na sila sa Freedom Beach ay ramdam niya ay mas lalong agresibong ihip ng hangin. Bumungad sa kanila ang mga cottage nitong gawa sa kahoy at kawayan. Maaliwalas ang lugar at may ilang umuukopa sa ibang cottage at masaya nang bumirit.

Nang makapili na sila ng mapwestuhang cottage ay saka umalis ang mga lalaki at bumili. Pagbalik nito ay may dala ng mga barbecue, pusô (kaning binalot ng dahon ng niyog), at soft drinks. Masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain habang nagkakamay, kasabay ng pagkukuwentuhan. Pagkatapos ng salo-salo ay saka muling umalis ang mga lalaki. Pagbalik ay may dala ng alak at mga tsitserya.

"Hello, hello. Mic test!" Pagtsi-tsek pa ni Jordan sa mikropono matapos maghulog ng barya sa videoke machine.

Pagkatapos masuri ay nagsimula nang kumanta ito. "Am I real? Do the words I speak before you make me feel..."

Sa pag-ikot ng mikropono ay siya ring pag-ikot ng basong may alak, maliban sa kanila ni Angelie na hindi tumatagay. Kantahan. Kuwentuhan. Halakhakan. Lubos ang kanyang kasiyahan kasama ang mga kaibigang katrabaho. Ngunit ang akala niyang kasiyahan ay may ikasasaya pa pala, nang tinabihan siya ni Hemler.

"Golda, kumusta na iyong sinabi ko sa 'yo?" Bulong nito sa kanya upang marinig, dahil sa lakas ng pag-awit ni Michael na bumirit na animo'y kumakanta sa isang amateur singing contest.

"Ang alin?" maang na tanong niya

"Kung may chance ba na sasagutin mo ako."

Tumungo siya at humugot ng lakas na sasabihin. Napakabilis ng tibok ng kanyang puso.

"Oo, Hem," pagkuwan ay turan niya, pagkatapos mag-angat nang tingin.

"Anong sabi mo?"

"Sabi ko, oo. Tayo na."

"Yes!" Napasigaw ito sa tuwa. "Golda, salamat sa matamis mong oo. Pangakong pupunuin ko palagi ang puso mo," sinserong saad nito, habang ikinawit sa kanyang tainga ang nakatabing niyang buhok sa mukha.

"Full tank ba 'ka mo?" usisa niya, saka sila nagtawanan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top