ET 4 ⛽️ - Pritong Isda
KATAHIMIKAN SA SALAS ang bumungad kay Golda kinabukasan nang pupunta na siya sa banyo para maligo. Tanging tiktilaok ng mga tandang na alagang panabong ng kapitbahay ang kanyang narinig at ilang mga traysikel na nagsipagdaan. Maaga siyang nagising dahil maaga rin siyang natutulog tuwing gabi. Walang mabangong ulam na sumalubong sa kanyang pang-amoy pagkalabas ng kwarto. Binuhay niya ang ilaw sa sala, sunod na sinulyapan ang sarili sa salamin at nagsuklay. Kumukuti-kutitap ang mga mata niya nang maalala kahapon na magkasabay sila ni Hemler.
Bakit kaya iba ang mga ngiti niya nang sinabi kong wala pa akong boyfriend? Wala rin kaya siyang girlfriend? Haay ang gwapo talaga niya. Mas gumugwapo pa kapag nakangiti. Kung pwede lang na magkakasabay kami palagi sa traysikel pauwi, sapat na iyon sa akin.
Ito ang laman ng kanyang isip habang pinagmasdan ang sarili sa salamin, na siyang ikinalugod ng kanyang pusong hindi pa kailanman nagpapasok ng mga panauhin.
"Oh Golda, may pasok ka ngayon? 'Di ba't Linggo tayo ngayon?" tinig ng kanyang ina na iniluwa mula sa kabilang kwarto.
Pumihit siya at patuloy na sinuklay ang kanyang buhok. "Opo, Ma, may pasok ako ngayon. Bukas pa ang schedule ng rest day ko. Good morning!"
"Good morning din! Oh siya, maligo ka na. Ipaghahain lang kita ng pritong isda para babaunin mo na rin," wika ng mama niya. "Papaano iyan, hindi ka na makapagsisimba?" dagdag pa nito.
"Pwede naman akong magsimba mamayang hapon, Ma. Pagkatapos na lang ng duty ko." Kumuha siya ng shampoo sa kabinet.
"Okay, hapon na lang din kami magsisimba ng mga kapatid mo para sabay-sabay na tayong lahat."
"Golda, dito ka ba namin hihintayin o doon na lang tayo magkikita sa simbahan?" usisa ng kanyang ina habang nanonood ito ng telebisyon.
"Ma, doon na lang tayo magkikita. Hindi na ako uuwi para tipid sa pamasahe. Basta second-to-the-last mass tayo ha," tugon niya rito. "Sa bandang likod lang kayo para mas mabilis ko kayong mahanap. Nagdala na rin ako rito ng damit para isusuot kong pansimba," pagpapatuloy niya habang itinali ang sintas ng kanyang rubber shoes.
Isinukbit ang backpack at nagmano sa ina upang pupunta na sa trabaho.
"Okay sige, mag-iingat ka."
"Thank you po, Ma! Kita na lang tayo mamaya."
PAPASOK PA LANG si Golda sa gasolinahan ay ramdam na niyang may mga matang nakamasid sa kanya sa kabilang dako nito. Tila nakatuon sa kanya ang spot light para sa isang taong napako sa kanya ang paningin. At nang tiningnan niya kung kanino ito ay tama ang pakiramdam niya — kay Hemler iyon. Napakatamis ng ngiti nitong kumakaway pa. At nang mag-abot ang kanilang mga paningin ay ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang pisngi, na siyang dumaloy pababa sa kanyang dibdib, at naging sanhi nang paglakas ng kabog nito na parang isang tambol.
"Dai Golda, halika muna," pasigaw na tawag sa kanya ni Angelie na nasa tabi ni Hemler. Akmang papasok na sana siya sa convenience store. Nakangiti na ito habang malayo pa siya. Nakakahawa ang pagkapalangiti nito. Pero tila nakaramdam siya ng munting kirot sa puso nang masilayang masayang nag-uusap ang dalawa at nakitang hinampas pa si Hemler gamit ang hawak na diyaryo nito.
"Hello good morning, Gel at Hem!" nakangiting bati niya sa dalawang kasama nang makarating siya sa tent na kinaroroonan ng mga ito. Hindi niya ipinahalata ritong may lungkot na dumapo sa kanyang puso.
"Dai, hindi ba bukas daw ang day off ninyo ni Hemler?"
"Ah oo. Paano n'yo nalaman?"
"Eh 'di, nandoon sa schedule natin."
"Ay oo nga pala."
"Dai, manonood tayo sa bahay mamaya ng movie. Nag-rent kahapon sila Kuya ng VCD. Day off n'yo naman bukas. Bonding-bonding tayo," yakag ni Angelie.
"A-ahh p-pero..."
"Golda, wala nang pero. Sama tayo para rin magkakakilala tayo at ng iba pa nating kasama. Mas marami mas masaya," paliwanag ni Hemler. "Hindi ba, Gel?" tanong nito kay Angelie na ikinatango ng huli.
"A-ahh sige. Magpapaalam lang ako kay Mama mamaya. At saka... magsisimba kami mamaya eh," pagdadahilan niya.
"Walang problema. Magkikita tayo rito mamayang 6:30 para sabay-sabay na tayong pupunta sa amin. Doon na rin tayo maghapunan," ani Angelie.
Wala na siyang maidadahilan pa nito. Hindi umobra ang kanyang katwiran.
"Oh ayan na pala sina Jordan at Michael." Tinutukoy ni Angelie ang dalawa pang kasamang kararating lang. "Guys, sa bahay tayo mamaya gaya ng dating gawi," baling nito sa dalawa.
"Walang problema iyan," pagmamalaki pa ni Jordan. "Sagot na ni Michael ang pulutan. Hindi ba, pre?" pagkukumpirma nito kay Michael na sinang-ayunan ng huli. "Dai Golda, sama tayo ha. Malaki ka na, hindi ka na hahanapin sa inyo," may himig pang-aasar sa boses nito sa kanya na ikinatawa nilang lahat. "Pre Hemler, sama tayo. Bonding tayo, minsan lang 'to."
"Oo ba, pre. No problem."
"Uy guys, mag-time in na tayo. Basta mamaya kita-kits na lang tayo rito. 6:30 ng gabi. Okay?" Si Angelie.
Sumang-ayon silang lahat at nagsimula nang magtrabaho.
PAGKATAPOS ng trabaho ay dumiretso na si Golda sa banyo upang magbihis. Isinuot ang puting V-neck t-shirt at maroon na skater skirt na hanggang tuhod ang haba at puting sandalyas na may isa at kalahating pulgada ang taas nito. Naglagay ng kaunting baby powder sa mukha at leeg at lip gloss. Inilugay at sinuklay ang mahaba at maitim niyang buhok. Pinasadahan ulit ang sarili sa salamin pagkatapos maglagay ng baby cologne. Wala na ang mga kasama paglabas.
Umuwi na muna siguro sila.
Nang makarating siya sa simbahan ay kaagad na iginala ang paningin. Hindi pa nagsisimula ang misa ngunit halos punuan na ang mga upuan sa loob.
Saan na kaya sila Mama?
Mula kanan patungong kaliwa ay inisa-isa niya ang pagtingin ng bawat parokyano. Mula sa bandang gitna hanggang papuntang likod.
"Hayun sila!" Nagbunyi ang kalooban nang sa wakas ay nahanap niya ang mga ito. Naharangan pala ng malaking poste, malapit sa malaking hugis-kabibing lagayan ng holy water; kung saan ang mga parokyano ay nagsa-sign of the cross.
Nilapitan niya ang mga ito. Buti at nireserbahan siya ng espasyo. Nag-abot ang kanilang mga siko nang makaupo siya. "Ma, kanina pa po kayo?" Tumabi siya sa kanyang inang namamaypay. Napagitnaan nila itong magkakapatid. Nang makaramdam siyang kinurot ang kanyang tagiliran. Alam niyang si Turqa ang gumawa niyon na katabi ng mama nila, ngunit nagpatay-malisya lang ito at halatang kinontrol ang pagtawa. Kinurot din niya ito pabalik.
"Aray! Ma, si Dadai oh," pagsusumbong ni Turqa na tila bata.
"Ma, si Kakai po talaga ang nanguna," depensa naman niya.
"Hoy, hoy, kayo! Tama na nga. 'Yan na magsisimula na ang misa. Nandiyan na si Father sa likod."
Habang nasa misa ay hindi maiwasang sumagi sa kanyang isip si Hemler — na sana ay nandoon din na nagsisimba. Ngunit nabigo ang kanyang isip at walang Hemler na nakita niya.
Taimtin na nanalangin si Golda habang nakaluhod pagkatapos ng komunyon. 'Lord, maraming salamat sa mga biyaya. Maraming salamat po sa pamilya ko. Gabayan n'yo nawa si Papa sa Japan habang nagtatrabaho. Gabayan n'yo rin si Mama at mga kapatid ko. Salamat po sa trabaho ko, Lord. Bigyan mo po ako ng karagdagang lakas para makakaya ko ang trabaho ko, nang makapag-ipon at makapag-aral ako ng kolehiyo. Amen!'
"The mas has ended. You may now go in peace to love and serve the Lord," sambit ng pari.
"Thanks be to God!" sabayang wika nilang mga parokyano.
Nang dumaan sa gitna na ang pari at mga sakristan papalabas ay kaagad namang tinungo nilang magkakapatid para magmano sa pari. Marami ring nakapalibot sa pari at hinintay niya ang kanyang turno.
"Good evening, Father!" wika niya sabay ng marahang pagkuha ng kanang kamay sa pari upang magmano.
"God bless you!" tugon naman nito.
Nang pumihit siya pagkatapos magmano ay isang pamilyar na mukha ang kanyang nakita. Awtomatikong gumuhit ang matingkad na ngiti sa labi niya.
"Hi Golda! Good evening po, Auntie!" masiglang bati ni Hemler sa kanila, matapos magmano sa pari. "Ah Ma, Pa, si Golda po, kasama ko sa trabaho," pagpapakilala nito sa kanila. May isa pang binatang kasama ito na sa tingin niya ay kuya ni Hemler, at isang binatilyo na natitiyak niyang nakababatang kapatid dahil magkahawig silang dalawa.
"Hello po!" nangingimi niyang tugon sa pamilya ng binata. Ramdam niya ang pamumula ng pisngi. Hindi niya inaasahan na sa simbahan pa sila magkikita, ang mga pamilya nila ni Hemler.
"Hi! Sige, mauna na kami ha," pamamaalam ng kanyang ina.
"Dai, napansin mo ba kanina?" tanong sa kanya ng Ate Pearla niya. Humawak siya sa braso nito habang naglakad palabas ng simbahan. Si mama naman niya at Turqa ang magkasabay na nasa unahan nila.
"Ang alin, Te?" Umarko ang kilay niya.
"Iyong sakristan. Ang pogi noong isa, 'di ba? Katamtaman ang tangkad na moreno at may dimples kapag nakangiti."
"Hay, ewan ko sa 'yo, Ate Lalai. Palibhasa mga sakristan lang ang binabantayan mo kapag nagsisimba tayo."
"Eh, ikaw. Si Hemler naman ang iniisip mo."
"Hala! Anong pinagsasabi mo?"
"Hmm huwag ka nang magkaila. Nakita naming hinahatid ka sa bahay. Tapos kanina, ang smile mo. Naku! Akala mo lang siguro 'di ko nahalata iyon 'no?"
Natahimik siya. Wala na siyang kawala. Nararamdaman din pala ng ate niya ang kanyang kakaibang naramdaman sa binatang kasama. Nagpatuloy pa ang kanilang tudyuan habang naglalakad, nang maalala niyang magpapaalam pala sa ina niya na pupunta sa bahay ng kasamang si Angelie — bagay na napag-usapan nila kaninang umaga.
Mabilis na nilapitan ang ina at lumingkis sa kabilang braso nito. "Ma?"
"Oh, bakit?"
"Inanyayahan pala ako ng mga kasama ko na pupunta sa bahay ng kasama namin ngayon. Manonood daw kami ng movie. Total, day off ko naman bukas. Doon na rin daw kami maghapunan. Pwede po ba, Ma?"
"Oh sige, basta huwag masyadong magpapagabi. Alam mong delikado na ang panahon ngayon. Mag-ingat ka doon."
Sumandal siya sa balikat ng ina. "Yehey! Salamat po, Ma!"
Habang lulan silang mag-iina sa traysikel ay lihim siyang nagpasalamat sa Panginoon sa pamilya na mayroon siya. Sa kabila ng hindi kanais-nais na nangyari sa naengkwentrong kustomer niya noong nakaraan, masaya pa rin siya na maraming kustomer naman ang may mabubuting puso. Idagdag pa ang mga katrabaho niyang mabuti naman ang pakikitungo sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top