ET 3 ⛽️ - Sunny-side Up
"GOOD MORNING, MA!" Pupungas-pungas pa si Golda nang magising kinaumagahan. Nakasabit sa balikat niya ang tuwalya at akmang tutungo sa banyo.
"Golda, sino iyong naghatid sa iyo kahapon?"
Napatigil siya sa narinig. Kasalukuyang naghahanda ang kanyang ina ng almusal sa kusina.
"Ah Ma, kasama ko po iyon sa trabaho. Si Hemler," kaswal niyang sagot rito.
Hinarap siya nito matapos isalang ang mga itlog sa kawali. "Hmm iba ang mga titig niya sa iyo, 'nak," wika ng inang tila walang emosyon.
Napaalik-ik siya. "Si Mama naman. Wala iyon, Ma. Syempre natuwa lang siguro kasi nga magkasabay kami na nagsimulang magtrabaho," depensa pa niya.
"Basta iba ang pakiramdam ko." Muling hinarap ng ina ang niluluto at binudburan ito ng asin gamit ang mga daliri.
Kumurba ang kanyang labi at marahang napailing. "Oh siya sige, Ma. Maliligo na po ako, para hindi ako mali-late sa trabaho," pag-iiba niya ng usapan.
"Ma, si Papa tumawag na ba?" usisa niya sa ina nang sabay na silang nag-agahan. Isang foreman ang kanyang ama na nagtatrabaho sa Japan. Apat na taon na itong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat bunsod ng hindi kalakihang kita sa bansa. Magkokolehiyo na nuon ang ate Golda niya.
Humigop muna ito ng kape bago tumugon. "Kagabi mga alas sais ay tumawag si papa mo sa telepono. Pinapangumusta ka nga niya," anito na makahulugan ang mga tinging ipinukol sa kanya. "Ang sabi ko ay okay ka naman sa pinagtatrabahuan mo ngayon. Ayos naman siya doon."
Marahan siyang tumango-tango habang binilisan ang pagsubo. Mabilis rin siyang nag-imis. Suot ang kanyang unipormeng may berde at pulang kulay: poloshirt, pantalon at sombrero. Pulbos at kulay-rosas na lip gloss na tig-diyes ang nilagay na palamuti niya sa kanyang mukha. Saktong dami ng cologne lang din ang iwinilig niya sa likod ng tainga, pulsuhan at magkabilaang balikat.
"Ma, alis na po ako," wika niya sabay kuha ng isang kamay ng ina at nagmano. Isinilid sa backpack niya ang suklay. Pinasadahan ang mukha sa kuwadradong maliit na salamin na nakasabit sa dingding.
"Anong ulam, Ma?" sabad ng bunsong kapatid na si Turqa, halos nakapikit pa ito; halatang inaantok pa. Kalalabas lang nito sa kwarto.
"Ayan na nga dahil sa kapupuyat ninyong maglaro ni ate Pearla mo ng chess. Anong oras na kayong magigising?" Panimula ng kanyang nanay na tila isang tagapag-anunsyo sa radyo tuwing umaga. Tinutukoy nito ang bunso at ate niya.
Napakamot sa batok ang bunsong kapatid, saka nilapitan ang ina niya at niyakap mula sa likod. Isang yakap lang nito ay napapalubag na ang loob ng kanilang mama.
"Ma, sige na aalis na po ako," muling pagpapaalam niya. "Kai, si Mama tulungan mo rito," baling naman niya sa kapatid.
Malokong tumango-tango lang ito saka bumelat pa. Napailing na lang siya at ngumiti.
"GOLDA, PINATAWAG ka ni ma'am," pasigaw na sambit ni Angelie na kalalabas lang sa convenience store. Narinig pa niya ang kumakalembang na tunog ng door chimes. Wala pang nagsidatingang mga sasakyan sa gasolinahan kaya maalwan pa ang buong lugar.
'Ano kaya ang pakay ni Ma'am? May kasalanan kaya ako?' tanong niya sa isip. Dali-daling tinungo ang opisina nito habang wala pang kustomer. Pagbukas niya ng pinto ng opisina ay sumalubong sa kanyang pang-amoy ang mahalimuyak na air freshener. Salungat ito ng baho sa labas na malalanghap niya habang nagkakarga ng gasolina, krudo at gaas.
Habang papalapit siya sa ginang na may-ari ay siya ring papabilis ng tibok naman ng kanyang pulso. "A-ah good morning po, ma'am, pinatawag niyo raw po ako?"
Nagbibilang ito ng salaping papel at nilista sa isang parihabang papel. Kumpol-kumpol na mga perang papel at barya ang nagkalat sa mesa nito. Sapantaha niya ay naghahanda ito para sa pagdedeposito sa bangko.
"Good molning, Golda! Joldan text ngayon. Siya hindi pasok. Kung may kustomel dating P.O. bayad, ikaw asikaso. Okeh?" direktang utos nito sa kanya. Tinigil muna nito ang ginagawa.
Sunod-sunod siyang tumango at dagling sumagot, "Opo, ma'am." Hindi man ito matatas sa wikang Filipino ngunit naiintindihan naman niya ang ipinapahiwatig nito.
"Okeh, balik pwesto mo."
Kahit pangatlong araw pa lang ni Golda sa trabaho ay marami na siyang natutuhan. Nakabisado na rin niya ang iba't ibang uri ng mga sasakyan at ang karampatang produktong petrolyo na ikakarga rito. Napag-aralan na niya kung paano makikitungo sa iba't ibang ugali ng mga kostumer at ng mga kasama. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay makapag-ipon. Desido siya na ipagpatuloy ang pag-aaral ano't anuman.
Naaaninag niyang may papasok na isang ten-wheeler truck. Dahil wala namang mga sasakyang nakapila sa kanyang lane ay tumakbo siya sa kinaroroonan nito at kumaway para igiya itong papuntahin sa kanyang lane. Nang tuluyang huminto ito sa kanyang tapat ay saka siya tumingala sa drayber nito. Pinakawalan ang malawak na ngiti at magiliw na bumati, "Good morning, sir!"
Pagkuwan ay bumaba ang drayber mula sa trak. Katamtaman ang bulto ng katawan nito. Bahagyang angat ang kupasing itim na t-shirt na nagpapalantad sa mabilbil na tiyan. Nalanghap niya rin ang amoy-pawis at alikabok mula sa lalaking tantya niya ay nasa kwarenta pataas ang edad.
"Good morning, ma'am! Ang ganda mo naman, ma'am."
Hindi maiwasang mapangiti siya sa pagpupuri ng kustomer sa kanya. "Ikaw talaga, sir."
"Ah, ma'am, wala ba si Jordan?
"Wala po sir eh, absent kasi siya. Bakit sana?"
Pagkuwan ay may dinukot ito mula sa bulsa ng maong na pantalon — kulay kayumangging panlalaking pitaka na yari sa katad. Nakitang inilabas nito ang isang maliit na papel. Lumingon-lingon muna ito bago inabot sa kanya.
"Ah ma'am, P.O. ito," wika nito. "Pero ma'am, may sasabihin ako sa 'yo." Ang kanina'y katamtamang boses, ngayo'y naging pabulong na.
Bahagyang lumalim ang gatla sa kanyang noo. "Ano pong ibig sabihin ninyo, sir?"
Tumikhim ito. "Ma'am, hindi ba 100 liters itong nakalagay sa P.O. 'no?" Itinuro nito ang nakasulat sa papel. "Gawin mong 80 liters ang ikakarga sa trak ko. Tapos bigyan mo ako ng dalawang daan. Sa 'yo na ang dalawang daan din."
Naging malinaw na ngayon sa kanya ang ipinupunto ng mamang drayber. Hindi siya nakaimik buhat na narinig.
"Ma'am sige na. Kailangan ko lang talaga at nagkasakit ang anak ko. Kinulang ang sahod ko noong nakaraan," pagmamakaawa nitong naluluha-luha pa.
Naintindihan naman niya ang sitwasyon ng drayber. Napag-isip-isip niyang idadagdag na lang niya sa kanyang ipon ang makukuhang parte niya.
"S-sige po, sir," tugon niya rito pagkatapos nang ilang segundo. Pinindot ang walumpung litro ng diesel sa machine. Kinuha ang pump nozzle at nagsimulang kinargahan ang trak.
Habang naghihintay itong mapuno ay sumagi sa kanyang isip. 'Ito pala ang tinutukoy nila Angelie at Jordan na grasya.'
Ilang minuto ang dumaan at hindi pa ito umabot sa walumpung litro. Unti-unting nakakaramdam ang kanang kamay niya ng pangangawit. Nang nakarinig siyang may tumikhim sa gilid niya ay agad naman niyang nilingon ang pinanggalingan niyon.
"Ma'am ako na muna ang hahawak niyan. May katagalan talaga ang pagkakarga ng 80 liters eh," nakangiting alok ng drayber.
"Sure po ba kayo, sir?"
"Oo, ako na. Tinutulungan ko naman talaga kung sinong maa-assign dito na magkakarga."
"Sige po. Thank you po, sir!"
Matapos umabot sa walumpong litro ay ibinalik na niya ang pump nozzle sa lalagyan nito. Pirmahan niya ang Purchase Order slip at tinago niya ito sa kaha at saka kumuha ng dalawang tig-isang daan. Nirolyo niya ito at saka patagong binigay sa kustomer.
Malapad ang ngiti ng drayber nang matanggap iyon. "Maraming salamat talaga, ma'am! May pambili na ako ng ulam at gamot mamaya," sinserong saad nito.
"You're welcome po, sir! Come again," tugon dito at sinuklian ang malapad na ngiti ng drayber.
Ngunit nang dahan-dahang papalayo na ang trak ay siya ring dahan-dahang nanghahaba ang kanyang mukha. Tila may kudlit ng konsensya dahil sa natanggap niyang pera. 'I'm sorry, Lord,' mahinang sambit niya.
"GOLDA, OKAY ka lang ba?" sita ni Hemler kay Golda, nang naglalakad na sila papuntang kanto, pagkatapos ng trabaho. Napansin niyang tahimik lang ang dalaga at tila malalim ang iniisip. Samantalang nagagalak ang kanyang pusong nasolo niya ito dahil sina Angelie at Michael ay naiwan pa, dahil pinatawag ni Mrs. Lim.
"A-aah oo naman, okay lang ako," mabilis na tugon nito.
"Ang tahimik mo kasi."
"Ah may iniisip lang ako."
"Boyfriend mo ba?"
"Hindi ah. Wala akong boyfriend."
Napangiti na lamang siya at sinulyapan ang dalaga. Mistulang narinig niyang may kumakalembang na kampana nang marinig nito ang katagang, 'Wala akong boyfriend.' Naramdaman niyang may pag-asa siyang makapasok sa puso nito; kung iyon ay ipagkakaloob ring patuluyin siya sa bakanteng puso nito.
"Ah ganoon ba? Naniniguro lang at baka may magagalit," nangingiming usal niya habang pinisil ang tungki ng kanyang ilong.
At doon ay nag-abot ang kanilang paningin. Natitigan niya ang payapang mga mata ni Golda. Kapayapaang magdudulot ng kaligayahan sa puso niyang sabik na makaranas ng totoong pag-ibig.
"Golda, hindi na muna kita masasabayan ngayon ha," pagpapaalam niya sa dalaga nang marating na nila ang kanto na daraanan ng mga traysikel. "Inutusan kasi ako ni Papa na bibili ng pagkain para sa kanyang mga alagang manok, kaya dadaan muna ako sa palengke." Sinuklay niya ang kanyang buhok gamit ang kamay.
"Okay lang, Hem. Mag-iingat ka ha."
Napakasarap sa kanyang pandinig ang tinuran ni Golda, kung kaya't walang humpay rin ang pagkintal ng ngiti sa kanyang mga labi. Siniguradong makasakay muna ang dalaga ng traysikel bago siya tumungo sa palengke.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top