ET 16 ⛽️ - Pork Humba




NAPAKURAP nang dalawang beses si Golda upang masiguro na totoo ang kanyang nakita, at hindi lang dahil sa gutom.

Tumikhim ang binatang kaharap. "Congratulations nga pala, Golda!" nakangiting wika nito. "Ikaw na ang mauna," puno ng sinseridad ang boses nito, tukoy sa sabay-hinawakan nilang food tong. Suot nito ang baby pink polo na pinatungan ng kurbata, at saka itim na slacks.

Napalunok siya ng laway bago tumugon at ngumiti pabalik dito. "Thank you!" nangingiming sagot niya.

Paano niya ako nakilala?

"Marble, ang tagal mo naman," sabad mula sa kanyang gilid. Tinig iyon ng Ate Pearla niya. Nag-refill ito ng pagkain at ang paboritong pork humba ang sinandok nito.

"Sorry, Pearl. Andami kasing clearing checks, kaya matagal din akong pinayagan ni Ma'am Nilda na mag-lunch break," wika ng binata.

"Ah okay, sige kain ka na," yakag ng ate niya sa binata. "Dadai, si Marble, officemate ko," baling naman nito sa kanya.

"A-ah hello..."

"Hi, Golda!"



"CONGRATULATIONS, Ms. Golda Silverio! Welcome to the company!"

Ibinuga ni Golda ang kanina pang pinigilang hininga. Damang-dama niya ang tuwa sa dibdib. Tila musika sa kanyang pandinig ang inanunsyo ng interviewer at head ng branch banking department na tanggap na siya sa trabaho. "Thank you so much po, Ma'am!"

"MA, NATANGGAP na po ako sa trabaho," tuwang pagbabalita niya sa ina nang makauwi.

"Salamat sa Diyos, 'nak! Walang imposible sa taong nangangarap, nagsusumikap at higit sa lahat ay nagdarasal."

"Opo, Ma. Salamat po palagi!"

Dahil sa pagmamahal ni Golda sa trabaho na mayroon siya, mabilis lang niyang natutuhan ito. Natutuhan rin niyang sumakay at huwag magpatangay sa bawat pagsubok niya sa buhay. Napatunayan niyang hindi lalaki ang makakasira ng kanyang mga pangarap, at kayang-kaya niyang tumindig sa sariling mga paa.

"Hi Ma'am, good morning! Welcome to Sunny Bank!" magiliw niyang bati sa isang ginang na lumapit sa kanya.

Ibinigay nito sa kanya ang queuing number at passbook. "Miss, pa-update ako."

"Sure, Ma'am!"

Matapos magtipa ng ilang saglit sa computer ay isinalang ang passbook sa printer.

"Ma'am, heto na po," nakangiti niyang wika sabay-abot ng passbook nito sa kliyente.

"Thanks, Miss!" Malawak ang ngiti nito, pagkatapos matingnan ang passbook.

"You're welcome Ma'am! Have a nice day!"

Pinindot niya ang button para sa susunod na kliyenteng tatawagin. "Next please," may kalakasang tinig niya para marinig ito ng mga naghihintay, dahil ilang segundo matapos mapindot ay wala pa ring lumapit.

"Hi, Ma'am, good morning! Welcome to Sunny Bank!" Masuyo siyang ngumiti sa papalapit na dalawang kustomer. Nang mga isang pulgada na ang layo mula sa kinauupuan niya ay namukhaan niya ang dalawang paparating: sina Irish at Elvie, ang mga dating kaklase niya sa high school. Minsang nagkita rin sila ng dalawa no'ng nagtrabaho pa siya sa gasolinahan.

"Oh, Golda, dito ka pala nag-work?" usisa ni Elvie na bahagyang nakataas pa ang isang kilay.

Mabilis siyang tumango. "Oo, Elvie. Pagkatapos ng graduation natin noong March, dito ako natanggap.

"Really?" tila hindi makapaniwalang tanong ni Irish na ikinatango niyang muli. "Ang puti mo na ah at sexy. Ang laki na ng ipinagbago mo," manghang dagdag pa nito na tila scanner ang mga matang nakatingin sa kanyang kabuuhan.

Mahina siyang tumawa. "Hala. Salamat, Irish!" Tinanggap niya ang isang kumpol ng pera at ilang nakaplastik na mga barya mula rito. Sinuri ang deposit slip na nakabalot sa pera. "Kayo pala, saan na kayo nagtrabaho ngayon?" usisa niya sa dalawa.

"Pareho kaming tumigil ng pag-aaral ni Elvie at nag-work muna diyan sa malapit lang na internet café," mahihimigan ang desperasyon sa boses ni Irish.

Isinalang niya ang pera sa bill counter at kinompara sa nakasulat sa deposit slip kung tama ba ito. Nang makompirmang tama ay saka binalingan ng atensyon ang dalawang kaklase. "Naku! Okay lang iyan. Makakapagtapos din kayo, balang-araw," pangongonsola niya sa mga ito.

"Buti ka pa, Golda. Nakapagtapos agad," nakalabing wika ni Elvie. "At dito pa sa bangko ka nakapasok," dagdag nitong iginala ang tingin sa malinis, de-kalidad at isa sa mga nangungunang bangko sa bansa.

Itinuon niya ang tingin sa screen ng computer at nagtipa. "Huwag kayong mag-alala. Walang hadlang kung gugustuhin nating makapagtapos talaga ng pag-aaral. Sa ngayon, ipunin n'yo na lang muna ang kinikita ninyo. Maliit man, magiging malaki rin sa katagalang pag-iipon," buong-puso niyang payo sa dalawa, saka isinalang niya ang deposit slip sa printer.

"Thank you so much, Golda! Nakakabilib ka. Pasensya na kung naging mababa ang pagtingin namin sa 'yo dati," mababang tinig ni Irish.

"Oo nga, Golda. Patawarin mo sana kami," segunda naman ni Elvie. Bakas sa mukha nito ang pagsisisi.

"Wala 'yon. Matagal na 'yon. Kalimutan na natin ang hindi mabuting nangyari sa nakaraan natin," sinserong turan niya, saka inabot ang validated deposit slip. "Thank you so much! Till our next transaction."

Sinelyohan niya ang bawat transaksyon ng matamis na ngiti at pasasalamat.



"HELLO, CLAR! Kumusta ka na diyan sa Bohol?" puno ng excitement ang boses niya, nang masagot ang tawag ni Clarisa sa cellphone. Nasa pantry siya at katatapos lang kumain.

"Okay naman dito, Golda. Ang busog ko. Nagpa-lunch si boss dahil birthday niya," masayang pagbabalita ng kaibigan sa kabilang linya. Nagtrabaho ito sa accounting department sa isang malaking mall sa Bohol. "Eh, ikaw, kumusta?" balik-tanong nito sa kanya.

"Heto, maayos din ako. Masaya at kontento sa buhay."

"Ayiee. So, baka may bagong nagpapa-inspire sa 'yo diyan?"

"Wala ah. Masaya lang talaga ako ngayon: sa pamilya ko, sa trabaho ko, sa inyong mga kaibigan ko."

"Be happy lang, Golda. Deserve mo iyan. Saksi ako sa mga pinagdaanan mo dati."

"Thank you, Clar! Kayo nga pala ni Dibson, kumusta na? Saan nga pala ang kasal? Diyan or dito?

Ilang segundong walang imik ang kaibigan sa kabilang linya. "Hello, Clar. Nandiyan ka pa ba? Clar..."

"Golda," garalgal na boses nito. "Wala nang kasal na mangyayari?"

Napaawang ang kanyang bibig at kumunot ang kanyang noo. "Ha? Hoy, huwag ka ngang magbiro diyan? Sabi mo naka-set na lahat?"

"Totoo, Golda." Narinig niyang sumisinghot ito. "Nalaman ko na lang nitong linggo na may bago na pala siya. Tinawagan ako ng babae na buntis na raw ito at huwag ko na sana silang gagambalain."

Bigla siyang napatayo. Di-maiwasang nanumbalik sa isipan ang katraydurang ginawa ni Hemler. "Haay. Sinabi ko naman sa 'yo na hindi nga tayo makasisiguro." Nagpalakad-lakad siya pakanan at pakaliwa. Awang-awa siya sa kaibigan. "Huwag ka nang umiyak. Ikaw rin ang maysabi sa 'kin dati na hindi lalaki ang sisira ng ating pangarap sa buhay, 'di ba?" pakikisimpatiya niya sa kaibigan.

"Ang sakit l-lang kasi, G-Golda." utal-utal na wika ng kaibigan dahil sa patuloy na paghagulgol.

"Ang hirap na talagang makahanap ngayon ng matinong lalaki. Basta huwag kang papadala sa emosyon mo. Kung malapit lang sana ako, eh 'di ikain na lang natin iyan ng Safari."

"Ayoko na, Golda."

"Anong ayaw mo na?"

"Ayoko na uling magka-fafa."

Napabunghalit siya ng tawa sa narinig mula sa kaibigan. "Ikaw talaga! Oh, sige na, mag-retouch ka na diyan. Alam kong na-erase na iyang make up mo."

"Gaga, sinabi mo pa."



MATIYAGANG naghintay si Golda ng masasakyang dyip pauwi, pagkatapos ng trabaho. Napasinghap na lang siya na puno pa rin ang panlimang dyip na dumaan. Sinipat ang kanyang orasang pambisig. Bente singko minuto na ang nakalipas at hindi pa siya nakasakay.

Kainis naman.

Tulad ng kandila ay unti-unti ring nauupos ang pasensya ni Golda. Nangawit na ang kanyang paa habang nakatayong naghihintay, at naiihi na rin. Ayaw rin niyang umalis na kinatatayuan at baka mas lalong matagalan pa siya.

Ilang sandali pa ay may puting kotseng huminto sa kanyang tapat. Ibinaba nito ang tinted na bintana. "Golda, sakay na," nakangiting imbita ni Marble.

"Thank you! Ayos lang ako," nahihiya pa niyang tugon.

"Pauwi na rin naman ako. Sakay na. Marami talagang pasahero pag ganitong rush hour. Aabutin ka pa ng siyam-siyam dito."

Napaisip siya sa tinuran ng binata. "Sure ka ba?"

"Oo. Halika na."

Sumalubong sa kanyang pang-amoy ang mabangong perfume ng binata pagsakay niya sa passenger's seat. Hindi maintindihan kung bakit napakabilis ng tibok ng kanyang puso ngayong nakita na niyang muli ito.

"A-ah, Golda, okay lang ba sa iyo na ihahatid kita tuwing uwian?" panimulang tanong ni Marble sa kanya. Nang mag-abot ang kanilang paningin ay saka niya napagtanto ang maamo nitong mukha at ang malalim na biloy na lumilitaw sa tuwing ngumingiti ito.

Kaagad naman siyang yumuko at hinawi sa tainga ang buhok. "Nakakahiya naman sa 'yo, Mar." Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang pisngi.

"Anong mahihiya? Hindi nga ako nahiyang pumunta sa inyo no'ng graduation mo," wika nitong nakatuon sa daan ang tingin. Walang humpay ang pagngiti ng binata na ikinagaan lalo ng kanyang pakiramdam.

"Siyempre, magkasama naman kayo ni ate."

"Oo nga rin naman."

Napuno ng tawanan ang apat na sulok ng kotse ni Marble. Pareho silang hindi nabagot at komportableng nagbabahagi ng mga karanasan habang nasa byahe. Hindi namalayang narating na nila ang bahay ni Golda.

"Bukas ulit, Golda."

"Sure. See you tomorrow, Mar!"

Kumaway siya nitong puno ng pag-asa. Pag-asang ito na ang lalaking kakargang muli ng pagmamahal sa puso niyang naubusan ng laman. Naubusan ng laman dahil sa minsang kataksilan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top