ET 15 ⛽️- Lumpiang Shanghai
SA ILALIM ng malawak na kalangitan at payapang paligid, natagpuan ni Golda ang kanyang sariling nakaupo, at yakap-yakap ang kanyang mga binti. Ninamnam niya ang malamig na simoy ng hangin, kasabay ng pakikinig ng mga 80's to 90's love songs sa radyo. Ang kapiranggot na ilaw na nagmula sa buwang nakakubli sa kaulapan ang nagbigay ng liwanag at init sa malamig niyang gabi. Hanggang sa maramdaman niyang may presensyang papalapit sa kanya.
"Golda, mabuting nalaman natin ang katotohanan habang maaga pa," puno ng simpatiyang tinig ng ina.
Bahagyang pinihit niya ang volume ng radyo upang hinaan ito. Kasalukuyang tinugtog ang Victims of Love ni Joe Lamont. "Bakit ang unfair, Ma?" paos niyang boses.
Nilapitan siya nito at umupo sa kanyang tabi. "Iyan ang masakit na reyalidad... at dapat nating tanggapin. Hindi lahat ng bagay na binibigay natin sa kapwa natin ay natutumbasan. At huwag na huwag kang magmakaawa na hingin ang mga bagay na hindi nila kayang ibigay sa iyo," wika nito. "Gawin mo lang ang nararapat."
Humugot siya ng malalim na hininga at tumingala sa buwan. "Kailangan pa ba talaga nating masaktan, Ma?" Di-napigilang nagsipatakan ang mga luha sa pisngi. Naramdaman niya ang paninikip ng dibdib dahil naalala niya ang nalaman mula mismo sa nobyo.
"Nak, ganoon talaga pag nagmahal tayo — kaakibat niyon ang parehong ligaya at pait." Marahang hinagod ng ina ang kanyang likod. "Tingnan mo ang buwan," usal nito sabay tingala sa kalangitan, "ngayon ay nakatago pa iyan. Pero pagdating ng ilang oras ay muling makikita natin ang liwanag. Gaya mo ngayon, nasa kadiliman pa ang puso mo. Subalit darating din ang panahon na liliwanag itong muli. Mawawala ang lahat ng sakit at pangamba mo. Darating din ang lalaking hindi magiging ulap sa iyo."
Hinigpitan niya ang pagyakap sa kanyang mga binti at isinubsob ang mukha sa tuhod, kasabay nang pag-ihip ng makapangyarihang hangin. Tila nakikisimpatiya rin ang panahon sa nararamdaman niyang hinagpis. Ang mga mata niya ay tila talon na walang humpay ang pagbagsak ng mga tubig.
"Sige lang, iiyak mo lang, hanggang sa kusa nang huminto ang pagpatak ng mga luha mo. Magiging mas matatag ka pagkatapos ng mga pagsubok mo sa buhay. Tibayan mo pa ang paniniwala mo sa Diyos."
SA HALIP na malugmok ay ginamit ni Golda ang problemang iyon para mas pagbutihin pa ang pag-aaral. Naging consistent Dean's Lister siya sa kanilang paaralan. Matuling lumipas ang mga araw, buwan at taon, at nalalapit na ang kanilang graduation day.
"Oh, bakit malungkot yata tayo ngayon, Clar? Nag-away ba kayo ni Dibson?" usisa ni Golda sa kaibigan, tinukoy niya ang nobyo nitong kapitbahay lang din nila. Nakapangalumbaba ito habang wala sa huwisyong nagbabasa ng libro na Rizal.
Mahina itong umiling. "Uuwi na kasi ako sa amin, Golda, pagkatapos ng graduation natin."
Binaba muna niya ang ginawang outline bilang reviewer sa exam at inilipat ang tuon sa kaibigan. "Oh, eh 'di dapat masaya ka na, kasi makakasama mo na ang pamilya mo," bulalas niya.
"Mami-miss kita," pagtatapat ni Clarisa.
"Mami-miss din kita syempre," nalulungkot niyang sambit. "Pero pamilya mo iyan. Family comes first, 'ika nga," dagdag pa niya na ikinatango nito.
"Si Dibson kasi."
"Oh, bakit anong problema sa boyfriend mo?"
"Naalala ko kayo ni Hemler. Baka hindi rin siya makatiis at hahanap ng ibang putahe habang nasa malayo ako."
"Dapat ihanda mo na ang sarili mo. Kahit gaano pa 'yan kabait, kaasikaso, kalambing ngayon, hindi talaga natin mahuhulaan kung darating ang tukso sa kanya. Tingnan mo si Hemler."
"Pero, Golda. Si Dibson ko ay naiiba."
"Weh?"
Inalis na nito ang isang kamay na isinalo sa baba at tumuwid ng upo. "Totoo nga. Sabi niya, hinding-hindi niya raw ako ipagpapalit kahit pa sa sinong sexy at magandang girls diyan," mahihimigan ang pagmamalaki sa boses ni Clarisa. "Ako lang daw ang kanyang sasambahin."
Napahagalpak siya ng tawa sa narinig. "Naniwala ka naman?"
"Of course, Golda. Hindi kami aabot ng three years kung hindi pa siya true sa 'kin."
"Hmm mabuti kung ganoon. Masayang-masaya ako para sa 'yo, Clar, dahil nahanap mo na ang tamang lalaki para sa 'yo."
"Thank you so much, Golda! Excited din ako na darating sa buhay ang lalaking magmamahal at hinding-hindi magtataksil sa 'yo."
"Oh, sige na, mag-review ulit tayo para 'di tayo bumagsak sa exam." Itinuon muli sa outline ang kanyang atensyon.
Bahagyang tumawa ang kaibigan at sumang-ayon, "Oo nga. Mamaya, hindi pa tayo makakamartsa."
NAMUKHAAN ni Golda ang pababang estudyante mula sa dyip, nang nasa kanto na sila at naghihintay ng traysikel na dumaan. Abot-tainga ang ngiti nitong sumalubong sa kanya. Kaagad siyang niyakap nang mahigpit ni Angelie, ang dating kasama niya sa Blaze Gasoline Station. "Dai Golda, kumusta?" usisa nito nang kumalas na sa pagkakayakap.
"Heto, malapit nang ga-graduate, Gel," tuwang tugon niya sa dating kasama. "Ikaw, sa downtown ka pala nag-aaral? Anong year ka na?" balik-tanong niya rito.
"Oo. Third year na ako ngayon."
"Ay, Gel, si Clarisa pala, kaklase at kaibigan ko," pagpapakilala niya sa dating kasama. "Clar, si Angelie, kasama ko dati sa pinagtrabahuan ko, diyan sa Blaze, " baling naman niya sa kaklase.
"Hello," sabayang turan ng dalawa, sabay kaway ng kamay.
"Hoy, dai, nabalitaan ko ang tungkol sa inyo ni Hemler," kuwento ni Angelie.
Umatras muna si Clar at pumunta sa labas ng bakeshop. Dinukot nito sa bulsa ng palda ang Nokia keypad cellphone at nagsimulang mag-text.
Hilaw siyang ngumiti. "Oo nga eh. Hindi talaga kami para sa isa't isa. Nakahanap siya ng ibang sexy, makinis at maganda," pag-amin niya rito. Diniinan pa niya ang tatlong huling salita.
"Maganda ka, ang panloob at panlabas mo. Sadyang 'di lang iyon nakita ni Hemler. Eh, kumusta ang puso mo ngayon?"
"Ayos naman. Buo na ulit. Natanggap ko na. Pero hindi pa rin ako nag-eentertain ng bago. Ayoko pa. Hindi pa ako handa."
"Handang magmahal?"
"Handang masaktan muli."
Hinawakan nito ang palad niya. "Okay lang 'yan, Golda. Unahin mo muna ang paghahanap ng trabaho. Saka na lang iyang boyfriend. Mabubuhay naman tayo nang walang lalaki sa tabi natin," alo nito sa kanya.
Masuyo siyang ngumiti at tumango. "Yes, Gel. Hindi ko siya kawalan. Ibubuhos ko na lang oras ko sa pag-aaral at soon, sa pagtatrabaho."
"Very good, girl. Anyway, sabi ni Jordan noong nagkita kami, nasa Japan na raw pala si Hemler kasama no'ng babae at anak nila."
"Hmm okay. Sige, Gel, mauna na kami ha. Nakakapagod ang exam,"
"Okay sige, dai. Bye. Ingat kayo."
"SUMMA CUM LAUDE: Silverio, Golda Y., Bachelor of Science in Commerce major in Management Accounting."
Nakabibingi ang palakpakan ng lahat ng tao sa loob ng auditorium, kasabay sa saliw ng musikang pangmartsa tuwing graduation. Naghiyawan din ang mga ka-department niya. Dinig niyang nangibabaw ang boses ni Ritchie sa pagtsi-cheer, "Golda... Golda... Golda," na sinabayan ng lahat ng college graduating students.
Ramdam niya ang panunubig ng kanyang palad at talampakan. Kay bilis ng pintig ng puso niya nang nagmartsa na siya, kasama ang mga magulang sa kanan at kaliwa niya.
"Anak, proud na proud ako sa iyo. Hindi mo kami binigo ng mama mo na magtapos ka ng pag-aaral." Sa narinig mula sa kanyang ama ay hindi napigilang mapaluha, nang paakyat na sila sa entablado.
"Anak, laking pasalamat ko sa Diyos na hindi ka nadala dati sa mga problema mo. Tingnan mo ngayon, nagbunga ang lahat ng paghihirap at pagpupursige mong makatapos. Bonus na lang itong pagiging summa cum laude mo," buong pagmamalaki naman ng kanyang ina.
Mas lalong bumuhos ang kanyang luha. "Maraming salamat din po sa inyong pagmamahal at sakripisyo para sa amin, Ma, Pa."
"Aba, siyempre! Kanino pa ba magmana ang anak natin? Evidently, from his good-looking and intelligent father," eksaheradang wika ng ama, matapos tinanggap mula sa dean at direktor ng paaralan ang mabigat na gintong medalya.
Pinahid niya ang luha sabay tawa bago siya sinabitan ng medalya ng ama. "Si Papa talaga."Walang mapasisidlan ng tuwa niya sa mga panahong iyon. Malawak ang ngiting humarap sa mga kumikislap na flash mula sa iba't ibang analogong kamera; katabi niya ang mga magulang na pinag-alayan niya ng kanyang matamis na tagumpay.
"DADAI, gift ko sa 'yo." Inabot ni Pearla ang isang maliit na paperbag sa kanya pagdating nila sa bahay. "Congratulations! Proud na proud ako sa 'yo."
"Ako rin, Dai. Super proud ako sa 'yo," segunda naman ni Turqa, saka mahigpit silang tatlong magkakapatid na nagyakapan.
"Thank you Ate Lalai! Thanks Kakai!" Muli siyang naging emosyonal. "Wait, saan na ang regalo mo sa akin, Kai?" kunot-noo niyang tanong sa bunsong kapatid, matapos kumalas sa pagkakayakap.
"Gift ko ay sama ng loob."
Mabilis niyang binatukan si Turqa, saka nagtawanan silang magkakapatid.
"Pearla, Golda, tulungan muna ako ninyo rito para maihanda natin ang mesa," utos ng ina sa kanilang dalawa ng ate niya. "Turqa, ilabas mo na ang mga plato, kutsara at tinidor."
"Opo, Ma." sabay-sabay na sagot nilang tatlo.
Matapos maestima ang mga bisita ay sinilip niya kung anong laman ng paperbag na ibinigay ni Pearla kanina. Napatakip siya ng bibig at namilog ang mga mata nang makita nito ang laman: isang CD na may koleksyon ng paborito niyang mga love song. "Ate, thank you! Thank you!" Pinuntahan niya ang ate kasama ang mga officemates nito para magpasalamat.
"Alam ko ang mga favorite songs mo, kaya pina-burn ko na sa isang CD. Mamaya mo na 'yan pakinggan, kain ka na."
Sa dami ng kanilang handa ay tila naguguluhan siya kung anong unang pipiliin. Magkahalo-halo ang mabangong amoy ng mga ulam na nanunuot sa kanyang ilong.
Alin kaya ang uunahin ko? Masarap naman ito lahat.
Napagpasyahan niyang unang kukunin ang malutong at malinamnam na lumpiang shanghai. Paborito niya iyon kapag luto ng mama niya.
'Hmm. Sarap nito,' natatakam na naisip niya.
Nang akma na niyang kukunin ang food tong, nagkalapat ang kanyang kamay sa isa pang kamay na kumuha rin nito. Nang mag-angat siya ng tingin, nagningning ang kanyang mga mata — isang may guwapong may mala-tsokolateng mga mata at masuyong ngumiti. Litaw ang nakabibighaning biloy ang nagmamay-ari niyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top