ET 13 ⛽️ - Green Peas




NANLUMO ang buong katawan ni Golda sa nakita. Gumuho ang mga pangarap para sa kanila ni Hemler. Tila pinagsakluban siya ng langit at lupa.

"Hoy, Golda, sure ka ba talaga na si Hemler iyan?" paninigurado ni Clarisa.

Tanging tango ang kanyang tugon at naumid ang kanyang dila. Napakabilis ng tibok ng kanyang puso at namamasa ang kamay sa malamig na pawis.

"Tara na, puntahan na natin!" Mariing hinawakan ang kanyang kamay ng kaklase at hinatak patawid ng kalsada, tungo sa kinaroroonan ni Hemler at ng babaeng kasama.

Ngunit agad na pinigil niya si Clarisa. "Huwag! Huwag na, Clar," basag na tinig niya.

"Hindi! Puntahan ko. Uupakan ko ang lalaking iyan at ang babae niya," matigas na turan nito. Kitang napakuyom ng maliit na kamao ang kaklase at kaibigan.

Kasabay ng pag-agos ng rumaragasang luha sa mga mata niya ay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Walang mapagsisidlan ng sakit na ginawa ni Hemler. Ang mahigpit na yakap ni Clarisa ang tanging nagbibigay ng lakas niya sa mga sandaling iyon.

"Clar, bakit ganoon?" Piniga ang kanyang puso nang makitang inalalayan pa ni Hemler ang babae pasakay sa traysikel. Nang makaupo na ay ipinulupot naman sa baywang ng babae ang kaliwang kamay ng nobyo. Naramdaman na lang niya ang mga kamay ni Clar na humagod sa kanyang likod na nagbigay ng hinahon sa kanya.

Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya at humarap sa kanya. "Naku, Golda, hayaan mo siya. Hindi mo siya kawalan. Marami pang matinong lalaking diyan at hindi agad kakarengkeng sa iba. Iyong lalaking mapagkakatiwalaan mo kahit hindi kayo madalas magkikita. Walang kwenta ang ganyang lalaki, Golda. Sarap ipatiwarik!" madiin ngunit mapagmalasakit na payo ni Clar

Napahagulgol na lamang siya.

Ako sana ang kasabay niya ngayon, pero bakit nasa piling na siya ng iba?

Minabuting hindi na muna pinaalam ni Golda sa ina niya ang nangyari, pagdating sa bahay. Mugto ang mga matang dumiretso sa kwarto at padapang humiga. Doon ay pinakawalang muli ang mga luhang nais lumaya mula sa pagkukubli sa kanyang mga mata. Saksi ang unan sa naramdaman niyang labis na hinagpis. Hindi niya maikakaila sa kanyang kumot dahil basang-basa ito sanhi ng pag-iyak. Hanggang sa pumikit ang mga mata nang mapagod subalit, patuloy sa paghikbi.



"HOY, GOLDA. Nakatulala ka na naman diyan." Dalawang linggo na ang nakaraan mula nang makita niya si Hemler at ang kasama nito. "Sisirain mo na lang ba ang kinabukasan mo dahil sa letseng lalaking iyon?" matigas na wika ni Clarisa sa pagitan ng pagnguya ng green peas. Nakaupo sila sa cafeteria habang naghihintay ng first subject na Natural Science.

Tanging pagbuga ng mainit na hininga habang nakapangalumbaba sa mesa ang tanging sagot niya sa tanong ng kaibigan.

"Hindi ka pa bumabagsak sa mga quiz natin, Golda — nitong linggo at nakaraang linggo lang. Pati paggawa ng assignments ay 'di mo na inaasikaso. Sa oral recitation ay 'di ka na rin nagpa-participate. Akala ko ba gusto mong makapagtapos ng pag-aaral? Nagtrabaho ka pa bilang pump attendant noong bakasyon para lang may mapang-enroll. Isusuko mo na lang ba ang lahat ng pangarap mo sa buhay para lang sa isang lalaki?" mahabang litanya ni Clarisa.

Nanatili siyang nakatungo. Narinig niya ang bawat pangaral ng kaibigan, subalit mas nananaig sa isipang nasayang lang ang relasyon nila ni Hemler. Kung ang Goldang positibo dati, ngayon ay nanghahaba na ang mukha at pinilit lang ang sarili sa pagngiti sa bawat nakakasalubong na mga kaklase o kaibigan.

"Pag-isipan mo iyang mabuti, Golda."

Matamlay siyang tumayo nang marinig ang alarm bell, hudyat na magsisimula na ang unang subject nila. Pagdating sa silid-aralan ay ganoon pa rin ang naramdaman niya. Tila nasa ibang mundo ang kanyang isipan: nag-iisa, walang gana, iniwanan ng lahat ng tao. Nang dumating ang kanilang instructor ay hindi niya ito napansin.

"Okay class, get one fourth sheet of paper," tinig ng kanilang instructor na nagpabalik sa kanyang ulirat.

Habang nagtanong na ito ay blangko ang kanyang isipan. Kung kaya't kahit ano na lang ang isinulat niyang sagot sa papel.

Bahala na.

Nang tumunog ang alarm bell ay walang ganang iniligpit niya ang kanyang ballpen at notebook.

"Class dismissed," wika ni Mr. Parantar, ang matandang instructor nila sa Natural Science.

Akma na silang lalabas ni Clarisa kasabay ng mga kaklase nila nang marinig niya ang boses ng kanilang instructor, "Miss Silverio..."

"Hala, tinawag ka ni sir. Hihintayin na lang kita sa room natin sa next subject," ani Clarisa na nagpabilis ng tibok ng kanyang puso.

"Sige." Kabado man ay lumapit siya sa mesa ng guro at umupo sa pinakaharap na silya malapit dito. "Yes, Sir?"

"What's the problem, Miss Silverio?" panimulang tanong nito. Hindi man direkta ngunit alam na niya ang ibig sabihin nito.

Yumuko lamang siya at hindi sumagot.

"You are the top student of this class," puri nito sa kanya. "Pero ngayon ay zero ang nakuha mo sa quiz. The other day at last week ay five out of twenty at three out of fifteen ang nakuha mo. When I am discussing, you are out of focus at nakatingin ka sa labas nang nakatulala. What's the matter?" paglalahad ng guro.

"S-sir, i-it's personal po kasi." Ramdam niya ang pamumula ng kanyang pisngi at maging ng kanyang mga mata. Gusto man niyang magpaliwanag subalit walang lumabas na karagdagang salita sa kanyang bibig.

Napasinghap lamang ang kanyang instructor. "Well, if that's the case, I have full respect on you. But as your instructor, I am just concern. I hope you can make out your problem as soon as possible. I am looking forward that you will not fail in this subject."

"Thank you po, sir!" taos-puso niyang pasasalamat habang nahiyang tumingin sa mga mata nito.

Tinungo na nito ang pinto. Lumingon ito sa kanya nang nasa bungad na ito ng pintuhan. "Sayang, Miss Silverio," makahulugang wika nito bago tuluyang lumabas.

Humugot muna siya ng malalim na hininga bago nilisan ang silid.



"OH, KUMUSTA kanina noong pinatawag ka ni Sir Parantar?" usisa ni Clarisa nang naglakad na sila pauwi pagkatapos ng klase.

"Zero daw ako kanina sa quiz," walang ganang sagot niya rito.

Napatutop sa bibig ang kaibigan. "What?"

"At saka iyong sabi mo kanina, bagsak din ako noong nakaraang araw at last week na quiz. Naninibago raw siya kasi ngayon lang na may bagsak ako at zero."

"Iyan ang sinasabi ko sa 'yo, Golda." Binigyan siya nito ng paborito nilang Safari. "Hindi mo pa rin ba talaga naintindihan? Pati instructor natin ay concern sa 'yo. Sana'y maging concern ka rin sa sarili mo," muling pangaral ng kaibigan sa kanya.

Doon ay napaisip siya sa sinabi nito. Tama nga naman ito, masyado niyang napabayaan ang sarili dahil sa nangyari. Masyado siyang nalunod sa tanawing ni sa panaginip ay hindi niya inaasahang mangyari.

"Salamat, Clar ha," masuyong usal niya sa pagitan ng pagkain ng Safari.

"Basta ikaw, Golda. Para naman tayong hindi magkakaibigan. Hindi ba't pangarap natin na sabay-sabay na maka-graduate at makapagsuot ng corporate attire habang nagtatrabaho sa bangko o opisina, o magkaroon ng sariling negosyo?"

Magkakasunod na tango ang sagot niya.

"May assignments tayo para bukas. Gawin mo mamayang gabi."

"Yes po."

"Basta umayos ka na, kundi isusumbong kita kay Auntie Wilma."

"Oo na. Huwag mo sasabihin kay mama para hindi siya mag-alala."

"Okay. Mukhang hindi ko alam paano sasagutin iyong Accounting, paturo ako sa iyo bukas ha?"

"No problem, Clar. Salamat sa concern mo ulit!"

Sa ilang araw na pagkakalungkot niya, ngayon ay naibalik na ang pagpinta muli ng matamis na ngiti sa kanyang labi.

Lalaban ako para sa mga pangarap ko. Magpapatuloy kahit sa pag-ibig ay bigo.



MULING NAIBALIK ang sigla ni Golda. Sa tulong ng pamilya at matalik na kaibigan na si Clarisa ay unti-unti siyang nakabangon mula sa pagkalugmok. Bumalik ang pangunguna niya sa klase.

"Nak, siguradong matutuwa si papa mo nito sa mga grado mo. Halos lahat ay line of nine," nakangiti ang kanyang ina habang isa-isang tiningnan ang kanyang card bawat subject.

"Thank you rin sa inyo, Ma — sa palagi ninyong pangangaral sa akin!"

"Oh siya, sige. Magbihis ka na at mago-grocery tayo."

"Ma, sama po ako," sabad ni Pearla na nakikinig lang at abala sa paglalagay ng kulay sa kuko; frosted fuchsia pink ang napili nitong kulay.

"Ate Lalai, paanong sasama? Eh, busy ka pa diyan sa pagkukulay ng kuko mo," aniya.

"Hindi ka pa nga tapos sa mga paa mo," pagsasang-ayon ng kanilang ina. "Alam ko namang hindi talaga pwede sa iyo na walang kulay rin iyan. Dito ka na lang muna. Abangan mo na lang at baka tatawag si papa mo ngayon sa telepono," dagdag pa nito.

Napalabi na lang ang kanyang ate at napilitang sinunod ang utos ng kanilang ina.

Habang nasa loob na sila ng supermarket, tulak-tulak niya ang malaking cart. Naghiwalay sila ng mama niya sa pagkuha ng mga bibilhing mga pagkain at hindi. Nangalahati na ito ng laman.

"Kukuha lang ako ng mga sabon at shampoo, doon ka naman sa mga gatas at kape," utos ng kanyang ina.

"Okay po, Ma."

Marami rin ang mamimiling naroon kaya dahan-dahan siya sa pagtutulak ng cart patungo sa makipot na pasilyo ng mga gatas at kape. Kinuha niya ang pinakamalaking pouch ng gatas at saka isang pack ng kape. Nang may umatras dahil sa nahulog nito ang kinuhang pinakamalaking kahon ng cereal sa itaas ng shelf, kaagad na iniwas ang dalang cart patungo sa kanan. Hindi namalayang mahinang nabundol niya ang likod ng isang babaeng umbok ang tiyan na kumuha ng gatas na pambuntis.

"Oops! Sorry, Miss," hinging paumanhin niya rito.

Nang nilingon siya nito ay namilog ang kanyang mga mata. Pamilyar ang mukha ng babaeng bumungad sa kanya. At nang makita ang katabi ng babae ay mas lalong namilog ang kanyang mga mata — si Hemler iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top