ET 12 ⛽️ - Safari
"GOLDA, malalim na ang gabi. Hindi ka ba papasok sa loob?" nababahalang tanong ng ina ni Golda. Tatlong buwan na rin ang lumipas; ni anino ni Hemler ay hindi na niya nakita.
Pinatay muna niya ang lamok na dumapo sa kanyang braso saka masiglang sumagot, "Eh, Ma, baka pupunta si Hemler. Sabado naman ngayon at walang klase."
Napabuntong-hininga lamang ito at nakarehistro sa mga mata ang pag-aalala sa kanya. "Anak, masakit ang umasa sa wa—"
"Hindi, Ma. Darating siya. Sabi niya na maglalaan siya ng oras na magkikita kami," mabilis at nakangiti niyang tugon. Kung gaanong kababaw ng pag-asa ng kanyang ina ay siyang katayog naman ng pag-asang pinanghahawakan niya; sintayog ito ng Mt. Apo.
"Golda," tinabihan siya nito sa pag-upo sa kawayan nilang upuan at hinawakan ang kanyang kamay, "minsan, mabilis bumitaw ng mga salita, pero napakahirap nitong ipakita sa gawa."
"Pero bakit ganoon, Ma?" garalgal na boses niya. "Pinanghahawakan ko ang pangako niyang iyon. Araw-araw akong nagbabaka-sakaling bisitahin niya ako, na hindi magiging problema ang pagkakahiwalay namin ng paaralan, na baka busy lang talaga siya sa pag-aaral niya." Nag-unahang kumawala ang masaganang mga luha sa kanyang mga mata.
"Makinig ka, Golda," mahinahong wika ng ina. "Nasusukat ang isang relasyon hindi sa mga panahong palagi kayong nagkakasama, ngunit sa mga panahong malayo kayo sa isa't isa. Doon nasusubok ang tatag ninyo. Kung may isang bibigay o sabay ninyong hahawakan ang inyong pagmamahalan."
Sa mga panahong iyon ay tila isa siyang bahay-kubong gawa sa kugon at kahoy na marahan ngunit maiging tinutupok ng apoy — unti-unting naghihina, unti-unting nawawalan ng pag-asa.
Ngunit muling nakabawi at nag-angat ng tingin. "Hindi, Ma. Maghihintay pa rin ako." Pinahid niya ang kanyang mga luha. Hiling niyang may ibang paraan pa upang magkaroon sila ng komunikasyon, ngunit iyon lang ang tanging paraan. Hindi rin naman niya alam ang bahay nila Hemler.
Napasinghap ang kanyang ina at pinisil ang kanyang palad. "Okay, naiintindihan kita. Hahayaan na lang muna kita. Sa ngayon ay matutulog na tayo."
"Sige, Ma, mauna na po kayo. Susunod ako," walang ganang sambit niya.
ABALA ANG LAHAT ng second year students ng Commerce Department sa gaganaping Entrepreneurship Day. Umaga pa lang ay kanya-kanyang nagtayo ng tent ang grupo sa malawak na espasyo ng paaralan.
"Ritchie, tulungan mo kaya si Clar sa paglalagay nitong signage natin," utos ni Golda sa kagrupo. "Palibhasa ay pagpapa-cute lang ang ginagawa mo diyan," nababanas pa niyang sambit. Nakitang nakatayo lang ito at masuyong ngumiti sa ibang kagrupo kung saan ay nandoon ang magandang kaklaseng si Melissa.
Tumawa lang si Ritchie at nasulyapang kininditan pa nito ang sabi-sabi ng marami na pinopormahan nitong si Melissa. "Yes, Madam," tudyo nito sa kanya.
'Palibhasa ang ibang kagrupo'y hindi naman tumutulong sa trabaho, nakikinabang naman pagdating sa grado,' himutok ng kanyang kalooban.
"Golda, hayaan mo na nga iyan si Ritchie, parang hindi ka pa naman nasanay," pagpapakalma sa kanya ni Clar.
Napahalakhak lang ang binatang kagrupo. "Tama si Clar, Golda. Hindi pa ba kayo nasanay sa kagwapuhan ko?" muling hirit nito sabay muwestra ng papogi.
Mas lalo lang na kumulo ang kanyang dugo sa inakto nito. Napailing siya.
"Ang init ng panahon tapos ang hangin-hangin mo, Chie," nairitang sambit ni Clar. "Ito hawakan mo nga sa kabila para idikit natin," utos nito.
Hawak ni Clar ang kartolinang sinulatan nila ng business name, pangalan ng kanilang produkto, at ang presyo. Banana muffin ang napili nilang produkto.
"Iyan nga ang dapat, Clar. Hahangin para naman hindi natin ma-feel ang init ng panahon," wika ni Ritchie na binuntutan ng nakakalokong tawa.
"Ewan ko sa 'yo, Ritchie!" Si Golda.
Dumating naman si Melodie, ang isa pa nilang kagrupo na bitbit ang isang malaking lagayan na puno ng finished product nilang banana muffin. Pagbukas nito ay nalanghap nila ang mabangong amoy. Mainit-init pa ito at hitsura pa lang ay masarap na. Tamang-tama ang pagkakaluto: hindi hilaw at hindi naman sunog. Malambot din ang tekstura nito.
Akmang kukuha si Ritchie ng isa. "Guys, titikim ako ng isa ha... Para masiguro nating saleable ba talaga ang product natin."
Mabilis namang pinalo ni Clarisa ang kamay nito. "Ang takaw mo talaga! Sige, basta bayaran mo iyan."
"Anong bayaran? Food tasting 'to 'no," depensa naman ni Ritchie.
"Hep hep, guys, tama na," awat niya sa mga kasama. "Sige, Ritchie, kuha ka ng isa at tikman mo."
"Hmmm," ngumunguya-nguya pa ito at ninanamnam ang lasa. "Parang may kulang."
"Anong kulang?" sabad ni Melodie.
"Kulang pa ng isa. One more. Ang sarap eh," hirit ng binatang si Ritchie.
Mabilis naman na piningot ni Clarisa ang tainga ni Ritchie at napaaray ito. "Ikaw talaga, kahit kailan ay puro ka kalokohan."
Nagtawanan silang mga kagrupo.
Saktong natapos nila ang pagset-up ng kanilang booth ay saka tumunog ang alarm bell, senyales na recess time na. Nagtulong-tulong silang lahat ng kagrupo para asikasuhin ang mga mamimili mula sa elementary at high school department. Marami ngang namili ng kanilang produkto. Napansin din niyang pati ang ibang kaklase mula sa ibang grupo ay dinumog ang kani-kanilang booths na may binebenta ring pagkain. May nagbenta ng homemade ice cream, puto cheese, sukang maanghang. Ang iba naman ay keychains, native bags at iba pa.
Pawisan man ay patuloy pa rin sila sa pagngiti at pag-estima ng mga mamimili. Wala pang isang oras ay simot na ang kanilang paninda.
"Yehey! Apir, guys," masayang wika ni Golda. Bilang lider ng grupo ay nagagalak siyang nairaos din ang kanilang activity at project nang maayos.
"Oh 'di ba, Golda, sabi ko naman sa iyo na pasado sa masa kasi nga pasok din sa aking panlasa," pagmamalaking sambit ni Ritchie.
Napangiwi siya at nagtaas ng isang kilay. "Oo na, ikaw na, Chie," puno ng sarkasmong sagot niya rito.
"Basta ikaw ang lider, Golda. Sureball na 'di mameligro ang grades namin," kampanteng sambit ni Ritchie.
"Talaga lang ha?" aniya na sinang-ayunan ng lahat ng kasama.
TAKIPSILIM na nang pauwi sina Golda at Clarisa sa bahay. Pumunta muna kasi sila sa bahay nila Melodie at doon nagpahinga at nagpalipas ng hapon. Sa wakas ay natapos na rin ang kanilang Entrepreneurship Day, ang isa sa maituturing na highlight activity ng Commerce students.
"Golda, bili muna tayo ng Safari," suhestiyon ni Clar.
"Oh siya, sige, Clar. Heto limang piso, dagdagan mo na lang ng piso para tigtatatlo tayo," pagsasang-ayon naman niya rito.
"Hay salamat sa Diyos, Clar at tapos na ang entrep day natin. Nakakapagod din iyon, pero masaya naman. Ang sarap ng makabenta tayo ng sariling produkto natin," aniya habang ngumunguya ng Safari cornick. Naglalakad sila patungo sa kanto kung saan nakaparada ang mga traysikel.
"Totoo, Golda. Pangarap ko rin kasi iyon na soon, magkaka-business din ako pag graduate na tayo. Thank you at ikaw ang leader namin."
"Ano ka ba? Nagtutulungan naman tayo. Hindi lang talaga maiiwasan na may 'di tutulong at walang ambag sa grupo. Pero ayos lang, nasanay na rin ako bilang leader halos lahat ng pagkakataon. Basta gagawin natin ang best natin. Hindi tayo magpapadala sa mga problema. "
"Speaking of problems, hmm, saan na kaya nilagay ni Lord ngayon ang butihin mong boyfriend na si Hemler?"
"Hay naku, Clar! Hayaan mo na iyon. Kung saan man siya nilagay ni Lord, sana ay masaya siya at sana ay magkikita pa rin kami balang-araw kung pareho na kaming professionals na," puno ng pag-asang wika niya.
"Wow! Bilib talaga ako sa iyo. To the highest level ang hope mo for Hemler. Basta support lang ako sa iyo," bibong saad ni Clarisa.
Biglang napatda siya sa kanyang kinatayuan. Napaubo siya nang mabilaukan sa kinaing Safari. "Clar, wait..."
"Ha? Bakit?"
Sumenyas siya at itinuro ang isang binata at isang babae na naglalakad sa katapat ng dinaraanan nilang kalsada. "Siya!"
Kumunot ang noo ni Clarisa. "Ano ba, Golda, kalulubog lang ng araw. Huwag mo 'kong masenyas-senyas diyan dahil hindi ako naniniwala sa multo. Para kang nakakita ng multo dahil sa putla ng mukha mo."
"Si Hemler."
"Ha? Iyan sa sa tapat ng daan?" paninigurado ng kaklase na ikinatango niya. Hinila siya nito at binilisan ang paglalakad. "Hemler..." pasigaw na tawag ni Clarisa.
Saktong bumusina ang isang sixteen-wheeler truck na dumaan kaya hindi narinig ni Hemler ang pagtawag ni Clarisa.
"Sshh..."
"Anong sshhh? Iyan na nga ang boyfriend mong mahigit isang taon nang hindi nagpakita sa 'yo. Puntahan natin." Mabilis siyang hinila ni Clarisa.
"Clar, huwag. Tingnan mo may kasama siyang babae." Pinigil niya ito.
"Baka kaklase lang niya iyan, kapatid, kaibigan o cous—"
Pareho silang natulos sa kinatatayuhan nang makitang inakbayan nito ang babaeng kasama. Sigurado siyang si Hemler ang nakita, ngunit hindi niya naaninag ang mukha ng babae dahil nasa gilid ito ng nobyo sa kabilang banda. Sa mga panahong iyon ay gusto niyang pumalahaw at ipalabas ang sakit ng nararamdaman. Mistulang dinikdik ang kanyang puso at binagsakan ng patong-patong na hollow blocks ang kanyang balikat dahil sa nasaksihan.
Bakit mo nagawa sa akin ito, Hem?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top