ET 10 ⛽️ - Bitso-Bitso
"GOLDA, sure ka na ba talaga? Hindi ka na ba namin mapipigilan? Paano na lang ang pinagsamahan natin?" eksaheradang turan ni Angelie na kunwaring naiiyak pa.
"OA mo naman, Gel. Dadaanan ko pa rin naman kayo dito. Syempre, hinding-hindi ko kayo makakalimutan," wika niya sa kasama.
Nakitang nakatungo lamang si Hemler at tila nilagyan ng dagta ng langka ang bibig, dahil hindi ito naibuka. Maaga pa silang dumating gaya nang nakasanayan, kaya may oras pa silang magkuwentuhan.
Tumingin sa kanya si Jordan, saka nakangising tumingin kay Hemler sabay inginuso ang nobyo.
"Love, ayos ka lang ba?" alalang usisa niya sa nobyo.
"Medyo masakit lang ang ulo ko," walang ganang sagot nito.
"Iyong totoo, Hemler? Ulo o puso?" pasaring ni Angelie.
Nakitang nagpabuga lang ng hangin ang nobyo.
"Tsk! Guys, kayo naman," sabad ni Michael at nilapitan si Hemler, saka tinapik ito sa balikat. "Syempre nasasaktan iyong tao. Alam na alam ko iyan," mahihimigan ang kaseryosohan sa tinig ng kasama.
"Ay weeh! Seryoso mo, pre," panunuya ni Jordan kay Michael.
Sa gitna ng pakikipagbiruan at tawanan ng mga kasama ay hindi rin maitatago sa mga mata ng mga ito ang kalungkutan na sanhi ng kanyang paglisan na sa trabaho. Kahit pa man sa kaunting panahon na naging empleyado siya bilang pump attendant, napamahal na rin sa kanya ang mga kasamahan — sa iyakan man o halakhakan.
"SULE KA NA BA, Golda?" usisa sa kanya ni Mrs. Lim, habang nasa opisina siya ng amo.
Napahugot siya ng malalim na hininga. "Opo, Ma'am. Magpapatuloy po kasi ako sa pag-aaral ng college," diretsahang paliwanag niya rito.
Mabilis na napatango ang Intsik na ginang. "Bueno, 'yan desisyon mo. Pelo gusto kita Golda, magaling ka empleyado akin. Gusto ko pelfolmance mo."
Sa narinig ay tila nagkaroon ng pakpak ang kanyang puso at lumipad ito sa himpapawid. Naalala niyang nahirapan siya noon sa pagsisimula ng trabaho. Ngunit nagbunga rin pala lahat ng pagtitiis at pagsisikap niya — nasiyahan ang may-ari ng kanyang pinagtatrabahuan.
"Thank you so much po, Ma'am!"
Sa huling araw niya sa gasolinahan ay ibinuhos niya ang lahat, kagaya ng nakagawian. Malugod ding namaalam siya sa iilang tsuper ng mga dyip at traysikel na naging suki na niya.
"Hala, last day mo na pala ngayon, neng?" hindi makapaniwalang tanong ng may katandaang drayber, habang kinargahan niya ang minanehong traysikel nito.
Nakapaskil ang ngiti sa kanyang labi ngunit may halong pait. "Yes po, kuya. Hindi bale, nandito pa rin naman ang mga kasama ko."
"Mawawalan na rito ng mabait na pump attendant."
"Mababait din naman po sila ah, kuya."
"Pero iba pa rin ang kabaitan mo."
Matamis na napangiti siyang muli.
"Iyan... Iyang ngiti mong iyan ang nagpapaiba, neng. Kasi kahit ramdam kong pagod ka na, hindi ka pa rin napagod na ipakita ang masiyahin mong mukha, na nakapagpawi din ng pagod naming mga kustomer mo."
"Naku, si kuya talaga. Kung sisamangot ako, tapos sisimangot pa kayo, lahat na lang tayo ay nakasimangot na. Kaya, smile lang para maganda at pogi tayong lahat," kuwelang saad niya rito.
"Tama, tama. Gwapo ako." Malakas itong tumawa.
"Sige po, kuya. Thank you! Balik ka pa rin gaya ng dati," pamamaalam niya ritong may ngiti, sabay saludo sa tsuper.
PAGKAPASOK ni Golda sa paaralan kinabukasan ay magkahalong kaba at tuwa ang kanyang naramdaman. Lumingon-lingon siya sa paligid at lahat ng nasilayan niyang hitsura ay bago sa kanya. Palibhasa ay nasa siyudad nag-aral lahat ng mga kaklase niya. Malamang siya lang naiwang sa munisipalidad nila nag-aral. Namangha siya sa malinis at malaking espasyo sa loob ng campus. Hindi masyadong matataas ang mga gusali; sa katunayan ay tatlong palapag lang ang pinakamataas. Napapaligiran din ito ng maraming mga matataas na puno at mga bulaklak na siyang nagpapaaliwalas sa napakainit na panahon.
Dahil hindi pa siya kabisado sa lugar, sinundan niya lang ang bugso ng mga tao. Inayos ang dalang maong na backpack at saka sinulyapan ang bitbit sa kaliwang kamay na dilaw na plastic folder na may slider.
Salamat at intact pa rin.
Nang may lalaking mabilis na kumaripas ng takbo at natangay ang dala niyang folder. "Hoy! Walang modo!" Uminit ang kanyang ulo kasabay ng mainit na panahon. Napasinghap na lang siya at napaismid, bago pinulot ang nakalat na iilang papel na gagamitin niya sa enrollment. Nakakapaso ang init ng semento na sumagi sa kanyang mga daliri. Binilisan niya ang pagpulot saka nagsimula ulit na maglakad.
'Ba't andami pa ring lalaking walang modo? Mas marami pa yata kaysa mga lalaking babaero?' pagpuputok ng kanyang butsi.
"Miss." Narinig niyang may tumawag sa kanyang likuran. Hindi niya lang ito pinansin at patuloy siya sa paglalakad. Paniguradong hindi lang naman siya ang babaeng naroon.
"Miss, sa iyo yata itong birth certificate."
Sa narinig ay agad siyang huminto at nilingon ang pinanggalingan ng tinig. Kinuha niya ang inabot na papel at tiningnan. "Ay oo, sa akin nga 'to." Muli ay kumalma ang kanyang kalooban. "Maraming salamat!"
"You're welcome! Magpapa-enroll ka rin ba?" usisa ng babae sa kanya. Malapad ang ngiti nito. Maputi ito at mas matangkad siya ng kaunti. Maliit at may magandang mukha.
"Oo. Ikaw rin ba?" Sinuklian niya rin ito ng ngiti at magkasabay na silang naglakad.
"Commerce ang kukunin kong course. Anong sa iyo?"
"Hala! Commerce din sa sa akin."
"Wow! Mas mabuti para may kasama na ako sa pag-eenroll."
"Sige, sure."
"Wait, anong pangalan mo?"
Huminto sila sa paglalakad nang marating ang pasilyo ng building kung saan may nakapaskil na doon gaganapin ang enrollment.
"Golda pala." Inabot niya ang kanyang kamay.
Kinuha naman ito ng babae. "Clarisa."
"Nice meeting you," malugod na pagtanggap niya rito. Unang tagpo pa lang ay ramdam niyang mabait ang babae at makaka-vibes niya ito. "Tara, punta na tayo doon," yakag niya kay Clarisa papunta sa registrar.
Tiningnan nila ang mga nakapaskil sa mga blackboard na naroon sa bulwagan ng gusali kung saan ay may malaking rebulto din ni Maria. Masusing tiningnan ang unang blackboard, ngunit hindi ito ang para sa kanila, dahil Education curriculum pala ito. Sa pangatlong blackboard ay nahanap nila ang para sa Commerce curriculum.
"Golda, pwede bang mag-classmates lang tayo? Same lang na subject at time ang kukunin natin," mungkahi ni Clarisa.
"Sure, Clar. No problem sa akin iyan," walang pag-aalangang sagot naman niya.
Pagkatapos nilang magbayad sa cashier at mabili ang kailangang mga gamit ay saka sila umuwi. Nalugod ang kanyang pusong may naging kaibigan agad siya. Kahit papaano ay hindi siya nag-iisa at maiilang sa panibagong papasukang paaralan.
"Uy, Golda, thank you ha!"
"Thank you saan?"
"Thank you at ang friendly mo. First time ko kasi rito sa Davao at wala akong kilala rito sa school. "
"Ano ka ba, pareho lang naman tayo, Clar. Ako nga rin naman kasi nasa downtown lahat nagkokolehiyo ng mga kaklase ko."
"Talaga?"
Marahan siyang tumango at hindi namalayang narating na nila ang gate.
"Wait, taga saan ka pala, Clar?" usisa niya sa bagong kaibigan sabay lingon nitong nakasunod sa kanya palabas ng gate.
"Taga Bohol talaga ako, Golda," maikling sagot nitong nakakunot pa ang noo dahil sa matinding sinag ng araw. "Napunta lang ako rito dahil nag-offer si uncle ko na pag-aaralin ako ng kolehiyo kapalit ng pagtatrabaho ko sa bahay nila at pag-aalaga ng pinsan kong newborn pa lang."
"Naks! Gusto ko talagang puntahan ang Bohol — ang Chocolate hills, ang tarsier, at ang napakasarap na kalamay," nagagalak niyang wika. "Ang sipag mo ha! Isang working student."
"Dapat tayong magtrabaho dahil wala nang libre sa panahon ngayon."
"Sinabi mo pa," pagsasang-ayon naman niya rito.
Nang mapadaan sila sa gilid ng kalsada ay nakitang may nagbebenta ng maraming kakanin. Paborito niya ang mga ito. Tila sumang-ayon din ang mga alaga niya sa tiyan dahil saktong tumunog na rin ito. Kakaahon lang mula sa pinagpritohang kawali ng bitso-bitso. Napalunok siya ng laway ng budburan pa ito ng linga.
"Kuya, dalawang piraso po niyang bitso-bitso."
Ibinigay ang mga ito sa kanya ng tindero, kasabay ng pag-abot din niya rito ng bayad.
"Clar, sa iyo oh."
"Naku, Golda, sa iyo na iyan. Baka kulang pa sa iyo ang isa."
Imbes na magtampo ay napaalik-ik siya buhat sa narinig. "Mukha ba talaga akong matakaw?"
Napabunghalit ng tawa ang bagong kaibigan. "Huwag mong mamasamain ang sinabi ko, Golda. I mean, maliit lang din naman kasi iyan," seryosong wika nito habang naglakad silang muli.
Marahan siyang napailing. "Maliit man, mas masarap ito kapag pinagsaluhan. Kaya kunin mo na."
Tiningnan siya nito sa mga mata at masuyong ngumiti. "Ayiee! Ang bait mo talaga, Golda. Hmm sige na nga."
Pumara na si Golda ng traysikel nang marating nila ang paradahan. "Taga saan ka pala rito, Clar?"
"Sa Villareal iyong uncle ko."
Napanganga siya at namilog ang mga mata sa tinuran ni Clar. "Hoy, pareho lang pala tayo. What a small world!"
"Small world nga kaya tara na, sakay na tayo."
Kasingsarap ng kanilang kainan ng nakatuhog na bitso-bitso ang masarap nilang kuwentuhan, habang lulan sila ng traysikel. Nang mahagip ng kanyang mga mata ang pamilyar na likod na sinundan nilang nakasakay din ng traysikel. Naningkit ang kanyang mga mata nang masigurong ito nga ang lalaking nakabundol sa kanya kanina.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top