ET 1 ⛽️ - Tinolang Manok
"FULL TANK, sir?" sabayang bigkas ng dalawang bagong pump attendants na sina Golda at Hemler sa magkabilaang pwesto, matapos maibaba ang bintana ng mga sasakyang kararating lang sa sa gasolinahang kanilang pinagtatrabahuan.
"Hi!" Kumakaway pa si Hemler at halatang nagpapa-cute ito kay Golda. Habang ang dalaga ay nangingimi namang tumugon dito ng ngiti.
"Hoy! Hoy! Kayo dalawa," dumagundong na boses ng maputi at payat na Intsik na nasa likod nila — si Mrs. Lim — ang may-ari ng naturang gasolinahan. "Bago kayo sabi full tank sil, sabi niyo muna kanila, 'Good molning!' Bati naman kayo kanila. Smile ba! Ganito." At iminuwestra ang tamang pagngiti kuno ngunit pilit din pala.
Napayuko lang ang dalawang empleyado at napatango. "Yes, ma'am!" Saka mabilis ang mga yabag ni Mrs. Lim na tinungo ang convenience store, kung saan ay naroroon din ang opisina nito na nasa tapat lang ng gasolinahan.
Matapos nilang makargahan ng gasolina ang sasakyanan ay saka nakahinga nang maluwag si Golda. 'Kailangan mo ito, para sa pag-aaral mo, kaya huwag na huwag kang susuko,' kastigo sa sarili habang pinupunasan ang tilamsik ng krudo sa pump.
Nasa ganoon siyang pag-iisip nang hindi niya napansing may tumikhim sa kaniyang likuran. "A-ah.. Hi, miss —"
Putol nito nang hindi alam kung anong idudugtong.
Pumihit siya para siguraduhin kung kaninong tinig iyon. "Golda," tipid naman niyang sagot, singtipid ng ngiting ipinukol niya sa binata. Saglit siyang tumingin sa mapupungay na mga mata nito, at saka muling ibinaling ang pansin niya sa pagpupunas. Kita ng isang sulok ng mata niya na nakamasid pa rin ito sa kanya.
"Hemler pala." Naglahad ito ng kamay sa kanya na siya namang tinanggap niya. Kasinglagkit ng kanyang pawis ang titig ng binata sa kanya.
Nahiya siyang binawi ang kanyang kamay. "Hala, tingnan mo, may traysikel na sa lane mo, Hem," pag-iiba niya sa usapan. Nasilayan niya ang malawak at matingkad na ngiti ng binata. Kasingtingkad ito ng sinag ng araw na humahalik sa kanyang balat. Alas otso pa ng umaga. Buwan iyon ng Abril.
Hindi niya namalayan ang oras, marami na ang dumating na konsumidor. "Good morning! Kuya, diesel po ba?" maligayang bungad niya sa may katandaang tsuper ng traysikel.
Napahalakhak ito. "Naku! Ineng, sisirain mo ba itong traysikel ko?" puno ng sarkasmong tanong nito.
Napakislot siya sa hiya. "Ay sorry po! Unang pasok ko po kasi sa trabaho ngayon," paliwananag niya rito. "Full tank po ba?" bumalik ang sigla niyang tinanong ito.
"Two liters lang, neng. Unleaded," mahinahong wika ng matanda. "Sige lang, naintindihan ko. Masasanay ka rin sa trabaho mo," alo pa nito sa kanya.
Mabilis naman niyang pinindot sa machine ang dalawang litro ng unleaded gasoline. Kinuha ang pump nozzle saka itinutok sa tangke ng traysikel.
"Thank you po, Kuya! Come again!" pasasalamat niya pagkatapos ng transaksiyon.
"Walang anuman, Ineng!"
Naging matulin ang mga oras sa kanya dahil hindi niya ito napansing uwian na pala.
"GOLDA, NANDITO ka na pala," anas ng ina niya nang makarating siya sa bahay.
"Mano po, Ma!" matamlay na kinuha ang isang kamay ng ina, saka nagmano. Inilagay sa makintab na mahabang upuan na nilapatan ang barnis ang dala niyang backpack saka mahinahong umupo.
Tinabihan siya ng ina. "Golda, anak," mahinahong sambit nito, "hindi ba sinabi namin sa iyo ni papa mo na titigil ka muna ng pag-aaral. Hayaan muna nating ga-graduate si ate mo. Pag makapagtrabaho na siya ay siya naman ang tutulong sa iyo."
"Ma, ayoko pong tumigil ng pag-aaral. Baka mamaya ay tamarin na talaga akong mag-aral." Tinitigan niya ang ina sabay kuha ng isang palad nito at hinawakan nang mahigpit. "Sige lang, kakayanin ko ito, Ma. Alam kong mahirap talaga ang trabaho kapag sa una, 'di po ba?"
Nagpabuga na lamang nang malalim na hininga ang kanyang ina saka marahang tumango.
Pangalawa si Golda Silverio sa tatlong babaeng magkakapatid. First year college na siya sa pasukan. Accountancy sana ang kanyang kursong kukunin; ngunit walang kursong ganoon sa mga paaralan sa kanilang bayan kung kaya't napagpasyahan niyang Commerce na lang ang kukunin. Sa kagustuhan niyang magpatuloy ay naisipan niyang mag-apply sa isang gasolinahan bilang cashier slash pump attendant, nang sa ganoon ay makaipon siya para pambili ng mga kinakailangan niyang gamit sa pagkokolehiyo. Nakita niya itong may nakapaskil na bakanteng trabaho nang pumunta siya sa palengke. At saka pumasa rin naman siya sa pagiging iskolar sa paaralan na nasa bayan lang nila.
Ang kanyang ate na si Pearla na fourth year student na sa darating na pasukan sa kursong Accountancy ay sa siyudad pa nag-aaral. Ang bunsong kapatid naman niyang si Turqa ay magsi-second year high school student.
"Anak, kung gaano kamamahalin ng mga pangalan na ibinigay ko sa inyo ay siya ring kahikahos natin sa buhay," madamdaming wika ng ina niya.
"Naku! Ma, tama na nga ang pagdadrama diyan. Ano bang niluto mo? Gutom na ako. Sina Ate po at Kakai nasaan sila?" Sunod-sunod niyang tanong rito at napalinga-linga pa sa kabuuhan ng bahay.
"Hayun, nandoon nag-volleyball sa court."
Pagkuwan ay tumunog ang kanilang gate na gawa sa cyclone wire. "Oh, nariyan na pala sila," aniya.
"Dadai," masayang sambit ng dalawang kapatid sa kanya.
"Hala kayo, hindi ninyo tinulungan si Mama rito sa bahay."
"Nagwalis na ako kanina ah," depensa ni Turqa.
"Ako naman ay tutulong bukas ni Mama sa paglalaba," may himig ng pagmamalaki naman sa boses ni Pearla.
"Ate Lalai, paano mo matutulungan si Mama eh kakakulay mo lang niyang mga kuko mo, aber?" Sarkastikong tanong niya. Mahilig sa kakikayan ang ate niya at isa ang pagkukulay ng kuko na walang palya nitong gawain. Iba't ibang kulay ang ipinapalit nito bawat linggo.
"Dai, ako ang magbabanlaw. Si Mama naman ang magkukusot. Ang slow mo," palatak na wika ng ate niya na nakataas pa ang isang kilay.
"Oh tama na nga iyan. " Pumagitna ang kanyang ina. Alam nitong sa pikunan din ang punta ng kanilang usapan. "Kai, ihanda mo na ang mesa," baling ng ina sa kanilang bunso.
Nanunuot sa kanyang ilong nang malanghap niya ang mainit-init pang bisayang tinolang manok na puno ng malunggay at papaya, nang buksan niya ang kaldero. "Hmm sarap nito, Ma."
At masayang pinagsaluhan nila ang hapunan. Kasing-init ng tinolang manok ang tuksuhan at kuwentuhan nilang magkakapatid habang nasa hapag.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top