EMPTY TANK ⛽️




"FULL TANK, Sir?" sabayang bigkas ng dalawang bagong pump attendants na sina Golda at Hemler.

Nag-abot ang kanilang mapupungay na mga mata at ang matatamis na ngiting sumilay sa kani-kanilang mga labi, matapos umalis ang dalawang sasakyan. Doon na nagsimula ang kanilang pagmamahalan.

"Love, salamat sa matamis mong oo. Pangakong pupunuin ko palagi ang puso mo," sinserong saad ni Hemler, habang ikinawit sa likod ng tainga ni Golda ang nakatabing na buhok.

"Full tank ba 'ka mo?" Nakangiting usisa naman niya.

Tawa at tango ang tugon ng binata. "No arms can ever hold you more than I do." Hinarap pa nito ang dalaga habang umaawit sa videoke.

Naging masaya ang mga unang buwan ng kanilang pagsasama. Sapat na para sa dalaga na ihatid siya nito sa bahay araw-araw pagkatapos ng kanilang trabaho.

"Love," mababang wika ni Golda. "Sa susunod na linggo na ang pasukan. Paano na tayo kung magkakalayo na tayo?"

Tapos na ang kanilang bakasyon. Sapat na rin ang naipong dalawang buwang sahod ng dalaga para sa gagastusin niya sa pasukan sa kolehiyo.

"Magkikita pa rin tayo. Maglalaan ako ng oras. Ano ka ba?"

Ngunit sa pagdaan ng panahon, ni anino ni Hemler ay hindi na naaaninag ni Golda. Sa puso't isipan niya ay hinihintay pa rin niya ang muling pagkikita nila.

Isang araw ay nagtagpo muli ang kanilang landas. Ang matingkad niyang ngiti ay dahan-dahang napalitan ng tila makulimlim na kalangitang mukha.

"Gusto kong punuin ulit ang tangke ng ating pagmamahalan, ngunit umiwas ka, kaya't ito ngayo'y wala nang laman," may pait sa boses ni Golda.

"Goodbye, Love!" tanging tugon ni Hemler. Saka inalalayan ang may kaumbukang tiyan na babaeng kasama at sumampa ang mga ito sa traysikel.

Tuluyang bumuhos ang ulan mula sa mga mata niya habang naiwang nakatanaw sa papalayong dalawa.



WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top