Chapter Twenty-two
"BESPREN!!!" Ang lakas ng tili ni Maya nang makita si Emong. Kaagad siyang lumapit sa matalik na kaibigan at niyakap ito nang mahigpit. "Miss na miss na kita, bespren. Kumusta ka na?"
"Okay naman ako rito. Tingnan mo naman ang ganda-ganda ko." Parang modelo itong nagpaikot-ikot sa harap ni Maya.
"Lalakad na ba tayo?" tanong ni Aldrin kaya bigla ay muling napunta sa guwapong binata ang tingin ni Emong.Napansin ni Maya ang pagkakatitig ng kaibigan kay Aldrin.
"Ayan! Siya ang sinasabi ko sa'yong sorpresa. Hindi ba ang laki agad ng ipinagbago niya? Tumangkad at lumalim ang boses. Binatang-binata na si Aldrin, bespren!" kinikilig na sabi ni Maya. "At aminin mo, mas lalo siyang gumuwapo, 'di ba?"
Kunwari ay naghikab si Emong. "Haay, sakto lang naman. OA ka naman mag-describe."
"Aba! Don't tell me na hindi ka naguguwapuhan kay Aldrin. Kaloka ka, teh! Ang taas ng standard mo." Ikinumpas-kumpas pa niya ang kanang kamay paitaas.
"Eh, ganoon talaga. Ang kagandahan ko ay dapat lang na tapatan ng talagang guwapo rin. Hindi puwede sa akin ang puwede na. Dapat, 'yong kayang makipagsabayan sa ganda ko."
"Bakit? Kayang-kaya naman ni Aldrin na pantayan ang kagandahan mo," pagdedepensa ni Maya sa kaklase. "Alam mo, bespren ikaw ang OA. Pasalamat ka nga at sa dinami-dami ng babaeng nagkakandarapa kay Aldrin eh, ikaw pa ang hinahabol-habol niya."
"Kasama ka ba sa mga naghahabol na 'yon?"
"Shunga! Ang sinasabi ko, 'wag kang masyadong choosy kasi si Aldrin naman is a good choice." Ayaw magpatalo ni Maya.
"Tama na nga 'yan, Maya. Hindi ko naman ipagpipilitan ang sarili ko kay Emong kung ayaw niya sa akin. Sabi mo nga, marami naman ang naghahabol. Eh, 'di pipili na lang ako ng isa sa kanila. Huwag mo nang pilitin si Emong na magustuhan ako."
Natahimik sina Maya at Emong pagkatapos magsalita ni Aldrin. Ramdam ni Maya ang pait sa boses ng binata. Si Emong naman ay tila nahiya sa mga kaklase. Bakit hindi siya mahihiya eh, kanina lang ay halos gusto na niyang yakapin ang binatang kaklase. Ano ba? Aldrin is life! Totoo naman kasing mas gumuwapo ito sa paningin niya.
Pero bakit kung makapagsalita siya ay parang diring-diri siya kay Aldrin? Ano ba ang nangyayari sa kanya?
"Gumala na tayo. Baka mamaya kung saan pa mapunta ang usapan natin." Pinilit ni Emong na huwag maging asiwa ang pakikiharap niya sa dalawang kaibigan. "Lumuwas kayo rito para mag-bonding tayo, hindi para mag-away."
SA ISANG mall sa Pasay City sila pumunta. Nag-MRT lang sila at bumaba sa pinakahuling istasyon para makarating sa mall na iyon na kilalang pinakamalaki sa buong Pilipinas.
Habang naglalakad ay panay ang panakaw na sulyap ni Emong kay Aldrin. Hindi niya maitanggi sa sarili na iba ang dating sa kanya ng binatang kaklase. Kahit na nga ba palagi niyang sinusupalpal ito at hinihiya sa harap ni Maya, alam niyang sa loob ng kanyang puso ay may nararamdaman din siyang kilig para rito. Gustong-gusto niya 'yong tipong hinahabol-habol siya nito. Pakiramdam niya ay ang ganda-ganda niya para habulin ni Aldrin. Totoo naman kasi ang sinabi ni Maya na maraming babae ang nagkakandarapa rito. Ang iba pa nga ay lantaran nang nagtatapat kay Aldrin pero hindi sila pinapansin nito. At iyon ay dahil sa kanya. Alam niyang siya lang ang pinagtutuunan ng pansin ng guwapong binatang ito.
Ang ganda kasi niya! Sobrang ganda!
Biglang binawi ni Emong ang kanyang tingin nang lumingon si Aldrin sa gawi niya. Pero huli na. Kitang-kita ni Adrin na nakatingin siya rito.
Hinila niya si Maya. "Dito tayo, bespren! Kain muna tayo para mas masarap mamasyal." Napasunod na lang sa kanilang dalawa ni Aldrin.
Pumasok sina Maya at Emong sa isang sikat na fast food restaurant.
"Humanap na kayo ng mauupuan. Ako na lang ang oorder," pagboboluntaryo ni Emong. "Bespren, anong gusto mong kainin?" Ikaw, Aldrin anong sa'yo?"
"Chicken with rice sa akin," sagot ni Maya. "Iced tea ang drinks."
"Ganoon na lang din sa akin," sabi naman ni Aldrin. At saka tatlong halo-halo." Kumuha siya ng pera sa wallet. "Eto ang bayad."
"Huwag na. Ako na lang. Basta, humanap na kayo nang upuan diyan."
Hindi na nakasagot si Aldrin nang tumalikod na si Emong para pumunta sa counter.
Napatingin sa kanya si Maya. "Mayaman si Emong, ha? Nanlilibre!"
Nagkibit-balikat na lang ang binata. "Doon na lang tayo sa may sulok. Para malapit sa aircon."
Nang makaupo si Maya ay nagpaalam si Aldrin. "Pupuntahan ko lang si Emong, baka di niya mabuhat yung mga pagkain."
Namilog ang mga mata ni May. "Para-paraan! Pa-gentleman!"
Natatawang sumagot ang binata. "Hindi, ah. Marami rin kasi 'yon. Baka mabigat. Diyan ka lang muna." At nagtungo na ito sa counter kung saan naroon si Emong.
Nagulat pa si Emong nang makita siya. "Ba't pumunta ka pa rito? Kaya ko na ito."
"Wala namang masama kung tulungan kita."
Hindi na sumagot si Emong.
"Total is four hundred sixty-five pesos, sir." Narinig niyang sabi ng cashier.
Iniabot niya ang bayad.
"I received five hundred pesos." Binuksan ng kahera ang cash register at kumuha ng pangsukli kay Emong. "Here's your change, sir. Thirty-five pesos. Thank you."
Binuhat ni Aldrin ang tray na may lamang pagkain at dinala sa table kung saan naghihintay si Maya. Dala naman ni Emong ang isang tray kung saan naroon ang juice nilang tatlo.
"Kain na tayo. Para marami tayong mapuntahan," sabi ni Emong sa dalawang kasama pagkatapos maibaba ang tray sa mesa.
Maganang kumain silang tatlo. paminsan-minsan ay nag-uusap rin sila pero mas pinagtuunan nila ng pansin ang pagkain. Hanggang matawag ang pansin ni Emong sa isang pares ng lalaki at babae na naglalakad sa labas ng restaurant. Hindi siya maaaring magkamali. Si Grace 'yong babae. Pero bakit nakaakbay rito 'yong lalaki? At parang ang sweet nila.
Napansin ni Maya na tila natigilan siya. "Bakit, bespren?" Lumingon din ito sa gawin kung saan nakatingin si Emong. "Kilala mo?"
"Ha?"
"Tinatanong ko kung kilala mo 'yong tinitingnan mo."
"Ex ni Altaire," wala sa loob na nasabi niya.
"Ha?! Nasaan?" Nagkandahaba-haba ang leeg ni Maya sa pagtanaw sa gawing tinitingnan ng kanyang kaibigan.
"Alam mo, hindi ka rin talaga tsismosa."
"Titingnan lang naman," reklamo ni Maya. Si Aldrin ay nakikinig lang. Ang pagkain ang mas pinagkaabalahan nito.
Nang matapos kumain ay nag-ikot sila sa mall. Hanggang sa magkayayaan silang mag-videoke. Habang nakapila si Aldrin para bumili ng token ay niyaya ni Maya si Emong na samahan siya sa public toilet.
"Naiihi na ako," sabi ni Maya na tila pinipigil na huwag maihi.
"Halika na. Bilisan natin kasi malapit na sa counter si Aldrin. At saka excited na akong kumanta."
Pagliko nila sa kaliwa kung saan naroon ang toilet ay nabangga si Maya sa isang babaeng naglalakad. Kasunod nito ang isang lalaki.
"I'm sorry, miss. Hindi ko sinasadya," paghingi ng paumanhin ni Maya.
Napansin ni Maya na nakasimangot ang babae. Salubong ang kilay nito. Sayang, maganda pa naman. "Hindi kasi tumitingin sa dinadaanan."
May sasabihin pa sana ang babae ngunit napako ang tingin nito kay Emong.
"Anong nangyari, babe?" tanong ng lalaking kasama ng babae.
"Wala. Halika na." Hinila nito ang lalaki at mabilis na naglakad papalayo kina Maya at Emong.
"Anong nangyari doon? Parang weird lang," puna ni Maya.
"Si Grace 'yun. Siya 'yong ex-girlfriend ni Altaire."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top