Chapter Twenty-three
"Ha? Ang taray naman! Paano naging girlfriend ni Altaire ang ganoon kataray na babae?" nagmamalditang pahayag ni Maya.
Nagkibit-balikat si Emong. "Malay ko. Halika na, pumasok ka na sa toilet at baka hinihintay na tayo ni Aldrin."
"Uuyyy! Miss na niya si Aldrin," panunukso ni Maya sa kaibigan.
Napaismid si Emong. "Umihi ka na! Kung anu-ano pa ang sinasabi mo."
"Oo, na. Hintayin mo ako riyan. Sungit!" Mabilis itong pumasok sa toilet.
Hindi naman nagtagal at lumabas ng toilet si Maya.
"Halika na," yaya nito sa kaibigan. "Baka naiinip na si Aldrin doon."
Nakita nila ang kaklase na matiyagang naghihintay sa kanila. Nasa videoke booth na ito at kumaway pa nga nang makita sila.
"Kanta na tayo," masayang sabi ni Maya na agad umupo sa tabi ni Aldrin. Inabot rin nito ang songbook at nagsimulang maghanap ng mga kakantahin niya. Si Emong naman ay umupo sa kabilang bahagi, kaharap si Aldrin. Kinuha rin niya ang isa pang songbook at binuklat-buklat.
"Salamat, Aldrin. Inilibre mo pa talaga kami rito sa videoke." Ang ngiti ni Maya ay umabot hanggang tenga. "Limang kanta sa akin, ha?"
"Thank you, Aldrin," sabi rin ni Emong. Nahihiyang sinulyapan niya ang kaklase at nahuli niyang nakatingin ito sa kanya. Nagtama ang kanilang paningin. Jusko! Ang guwapo na niya talaga!
Muntik na siyang masamid nang ngumiti sa kanya si Aldrin. "Kanta na," yaya nito na hindi nawawala ang matamis na ngiti. "Nakapili ka na ba ng kakantahin?"
"H-ha? Ah, eh oo. I-ikaw, k-kumanta ka na. Mauna na kayo ni Maya." Hindi siya magkandatuto sa sasabihin. Napatingin tuloy sa kanya si Maya.
"Anyare, bespren? Ba't nauutal-utal ka riyan?"
"W-wala. Maglagay na kayo ng token at kumanta na tayo."
Nauna nang kumanta si Maya. Isang kanta ng Aegis ang binanatan nito. In fairness, may boses ito at kayang-kayang ibirit ang matataas na nota ng kanta. Sumunod si Aldrin. Isang love song ang kinanta nito. Malungkot ang mensahe ng kanta at hindi nakaligtas sa mga mata ni Emong ang katumbas na kalungkutan sa mukha ni Aldrin habang umaawit. Nang matapos ay si Emong naman ang kumanta. Isang masayang awitin ang kinanta niya na sinabayan pa niya ng pagsayaw. Silang dalawa ni Maya ay sobrang nag-enjoy habang sumasayaw kasabay ng pagkanta ni Emong. Tinupad ni Maya ang sinabi niyang limang kanta ang kakantahin niya, samantalang sina Emong at Aldrin ay nakuntento na sa tig-dalawang kanta.
Pagkatapos mag-videoke ay nagpasya silang manood na lang ng sine.
Malamig sa loob ng sinehan. Pinagitnaan nina Maya at Aldrin sa upuan si Emong. Tahimik sila habang nanonood pero sa kalagitnaan ng palabas ay nakaramdam ng antok si Emong. Hindi niya namalayang nakasandal na pala ang ulo niya sa balikat ni Aldrin.
Hindi naman nagdamot si Aldrin. Hinayaan lang niyang makatulog si Emong sa balikat niya.
Lihim na natatawa si Maya. Kung hindi lang nakakahiya sa ibang mga manonood ay gusto sana niyang kunan ng litrato ang dalawang kaibigan.
"Emong, gising na. Tapos na ang palabas." Marahan niyang tinapik ang balikat nito para magising.
Agad namang naalimpungatan si Emong at halos hindi ito makapagsalita nang makitang nakahilig ang ulo niya sa balikat ni Aldrin.
"Sorry, nakatulog pala ako," paghingi niya ng paumanhin. "Hindi ko namalayan..."
"Okay lang 'yon," nakangiting sagot ni Aldrin.
"Ang sweet n'yo nga, eh," panunukso naman ni Maya.
"Halika na, labas na tayo." Agad na tumayo si Emong.
"Saan pa tayo pupunta?" Tumayo na rin si Maya at sumunod sa kaibigan. Si Aldrin ay ganoon din.
"Okay lang ba kung bumalik na lang tayo doon sa kampo? Magkuwentuhan na lang tayo doon."
"Oo nga, Maya. Doon na lang tayo sa bahay," pagsang-ayon ni Aldrin.
"O, siya. Tara na!"
Pagdating sa bahay ay nagbukas ng telebisyon si Aldrin. Okay itong tirahan ng tatay niya. May telebisyon, may ref din at sofa. Maayos din ang kuwartong tulugan.
Inilabas ni Aldrin ang electric fan na nasa kuwarto. Dito na muna ito sa salas para may magamit sila.
Bandang alas-sais ng gabi nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sa malas ay mukhang hindi ito kaagad na hihinto.
"Nag-text si tatay," sabi ni Aldrin. "Hindi raw siya makakauwi ngayong gabi. Magluto na lang daw tayo ng makakain."
"Bespren, dito ka na lang matulog. Ang lakas ng ulan, o. Bukas pa yata 'yan titila." Si Maya ay dumungaw pa sa bintana para tanawin ang malakas na buhos ng ulan.
"Oo nga, Emong. Para tatlo tayo rito sa bahay. At saka, baka mahirapan kang makasakay," segunda ni Aldrin.
"Baka mapagalitan ako ni nanay 'pag 'di ako umuwi."
"Eh, 'di magpaalam ka. Anong ginagawa ng cellphone mo?" Gagawin ni Maya ang lahat makumbinsi lang ang kaibigan.
"Teka, tatawagan ko si nanay." Nag-dial siya sa cellphone at naghintay na sumagot ang kanyang ina.
"Anak, napatawag ka?" narinig niyang sabi ng boses sa kabilang linya.
"Opo, 'nay. Umuulan po ba diyan?"
"Oo, ang lakas nga, eh."
"Dito rin kasi, 'nay ang lakas ng ulan. Baka po 'di ako makauwi, lalo na kapag bumaha na sa labas."
"Paano 'yan? Saan ka matutulog?"
"Okay lang po ba na dito na lang ako magpalipas ng magdamag? Kasama ko naman po si Maya... at si Aldrin. Hindi rin po kasi makauuwi ngayong gabi ang tatay ni Aldrin."
"Ganoon ba? O, sige basta mag-iingat kayong tatlo riyan," paalala ni Aling Rosita.
"Opo, 'nay. Huwag po kayong mag-alala, nasa loob ng kampo itong bahay kaya safe naman kami rito. Salamat po, 'nay."
Nakamasid sa kanya si Maya.
"Okay na. Dito na ako matutulog." Nginitian niya ang kaibigan. "Pumayag na si nanay."
"Yes!" Hindi maitago ni Maya ang kasiyahan.
"Manood muna kayo ng tv diyan. Magluluto lang ako ng hapunan," paalam ni Aldrin.
"Tulungan na kita," alok ni Maya.
"Huwag na. Kaya ko na ito. Samahan mo na lang dito sa salas si Emong." Hindi na niya hinintay na sumagot si Maya. Naglakad na siya patungong kusina.
Bumaling si Maya kay Emong. "Nakita mo 'yon? Guwapo na, marunong pang magluto. At higit sa lahat, mahal na mahal ka."
Huminga nang malalim si Emong at saka ibinuga ang hangin.
"Ang ganda mo, ha? Pa-girl pa rin? Aba, kelan mo mapapansin si Aldrin kapag may nakita na siyang iba?"
Umismid si Emong.
"Ano ba kasi ang ayaw mo kay Aldrin? Hanggang ngayon ba ay umaasa ka pa ring magugustuhan ka ng mahal mong seminarista? Teh, gumising ka. Umpisa pa lang, alam mong walang pupuntahan ang pagkakagusto mo kay Altaire. Ayan si Aldrin, o naghihintay lang na mapansin mo."
"Ewan ko sa'yo. Wala ka nang ginawa kundi ibugaw sa akin si Aldrin."
"Kaibigan kasi kita. Gusto ko, kung magkakadyowa ka eh doon na sa lalaking alam kong mahal ka talaga."
Hindi nakasagot si Emong.
PAGKATAPOS maghapunan ay naghanda na silang matulog. Malakas pa rin ang ulan at mas masarap matulog kapag umuulan.
"Doon na lang kayo ni Emong sa kuwarto. Dito na lang ako sa salas," ani Aldrin kay Maya.
"Okay ka lang ba dito sa salas? Nakakahiya naman sa'yo."
"Mas mapapanatag ako kung naroon kayo sa kuwarto. Don't worry, okay lang ako."
"Sabi mo 'yan, ha?"
Nakangiting tumango ang binata.
Nang nasa kuwarto na ang dalawa ay saka pumasok sa banyo si Aldrin para maligo. Sanay na siyang maligo muna kung gabi bago matulog. Nang matapos ay lumabas siya ng banyo na tanging tuwalya lang ang nakatapis sa kanyang baywang. Litaw ang matikas na didbib ng binata habang tumutulo pa ng ilang patak ng tubig na nagmumula sa basa nitong buhok.
Pagdating sa salas ay kaswal na tinanggal ni Aldrin ang tuwalyang nakatapis sa kanya at ginamit iyon para tuyuin ang kanyang buhok.
Noon naman lumabas ng kuwarto si Emong para kumuha ng tubig sa ref. Napahinto siya sa kanyang kinatatayuan at nanuyo ang kanyang lalamunan nang makita si Aldrin na tanging itim na briefs lang ang suot.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top