Chapter Twenty-one
MATALIM ANG tinging ibinigay ni Grace kay Altaire. "Hindi ako nagbibiro, Altaire. Ipalalaglag ko ang batang ito kapag hindi mo ako pinanagutan."
"Jesus! Grace, naririnig mo ba ang sarili mo? Papatay ka ng inosenteng sanggol?" Hindi makapaniwala si Altaire sa sinabi ng kausap. "Alam mo pa ba ang tama at mali?"
"Ang alam ko ay kung ano ang kahihinatnan ng buhay ko kapag ipinanganak ko ito nang walang kinikilalang ama. Hindi kakayanin ng magulang ko ang kahihiyan. Baka nga mapatay pa nila ako kapag nalaman nilang buntis ako. Kaya bago pa mangyari iyon, aalisin ko muna sa landas ko ang batang ito."
"Hindi mo gagawin 'yan, Grace." Tinitigan niya sa mata ang babae.
"Try me..." Sinalubong niya ang titig ni Altaire.
"Grace, ano bang---" Hindi na niya natapos ang sasabihin.
"One week, Altaire. I am giving you one week to decide. Kapag hindi mo ako tinawagan pagkatapos ng isang linggo, ibig sabihin na wala kang intensyong panagutan ito. Puwes, it means that you are giving me the rights to decide for this child's fate." Tinalikuran na ni Grace ang natigilang si Altaire. Diretso siyang naglakad papunta sa gate at dali-daling nilisan ang tahanan ng pamilya Torres.
Naiwang nakatanga si Altaire. Maya-maya ay dinaklot niya ang sariling buhok at parang sira-ulong nagsisisigaw habang sinasabunutan ang sarili.
Napalabas tuloy sa silid nila sina Aling Rosita at Emong.
"Altaire, anong nangyari?" nahihintakutang sabi ng matandang babae.
Si Emong ay hindi rin alam kung ano ang gagawin. Noon lamang niya nakitang ganoon ang asta ni Altaire. Nagagalit din pala ang seminaristang ito. Gusto niya itong awatin dahil sinasaktan nito ang sarili pero nagdadalawang-isip siya.
Tuloy lang sa pagwawala si Altaire. Sigaw pa rin ito ng sigaw. Daklot pa rin nito ang sariling buhok. Sa isang hindi inaasahang pagkilos ito ay iniuntog ng binata ang kanyang ulo sa pader.
Napasigaw sa takot si Emong. "Altaire, 'wag!!!" Tinakbo niya ang nagwawalang binata.
"Tama na, Altaire. Huwag mong saktan ang sarili mo," sigaw rin ni Aling Rosita.
Niyakap ni Emong si Altaire para hindi na nito muling maiuntog ang ulo sa pader.
"Bitiwan mo ako!" pagpupumiglas ng binata. "Huwag mo akong pakialaman!"
"Altaire, tama na 'yan! Ano ka ba namang bata ka? Bakit ka ba nagkakaganyan?" Ang tindi ng kabang nararamdaman ni Aling Rosita.
Halos maitapon ni Altaire si Emong sa tindi ng pagpupumiglas nito. Ngunit hinigpitan ni Emong ang pagyakap sa binata para hindi ito makahulagpos.
Nang mapagod ay napaupo si Altaire sa marmol na sahig. Maging si Emong na mahigpit pa ring nakayakap ay napasalampak na rin.
Awang-awa si Emong sa itsura ni Altaire. Luhaan ito at magulong-magulo ang buhok na parang dinumog ang isanlibong maligno. Ngayon lang niya ito nakitang galit at depressed. Nakakatakot din palang magalit ang mga seminarista. Samantalang kapag nasa normal state naman ay napakaamo at napakabait nito na para bang hindi man lang makabasag ng itlog.
"S-sorry..." Nagulat pa si Emong nang magsalita si Altaire. Nanginginig ang boses nito na halatang galing sa pag-iyak.
"Ano ba ang nangyari? Bakit ka nagkakaganyan?" tanong niya sa binata.
Si Aling Rosita ay nahimasmasan na rin. "Altaire, tumayo ka na diyan. Halika rito sa kusina at ipaghahanda kita ng meryenda."
Umiling-iling lang ito.
"Ano ang gusto mo?" tanong ng nanay ni Emong.
"Wala po. Okay na po ako. Huwag n'yo po akong alalahanin."
"Tumayo ka na," sabi ni Emong. "Halika na, ihahatid na kita sa kuwarto mo. Gusto ko ba ng makakausap?"
"Hindi, okay lang ako. Okay na ako." Tumayo na ito at naglakad papunta sa kanyang silid. Naiwan sa salas ang mag-ina.
"Sige na po, 'nay. Bumalik ka na po sa kuwarto mo. Ila-lock ko lang ang gate." Tumayo siya at inayos ang sarili at saka nagtungo sa gate para siguruhing naka-lock ito. Pagkatapos ay muli siyang pumasok sa kanyang kuwarto na baon pa rin ang malaking pagtataka sa ginawa ni Altaire kanina. Ano nga ba ang nangyari at biglang nagwala ang lalaking iyon? Kung sana'y narinig niya ang pinag-usapan ng dalawa. Kaso, hindi. Pero sigurado siyang may kinalaman ang pagdalaw ni Grace sa biglang pagwawala ni Altaire.
Hanggang sa sumapit ang gabi ay nagkulong lang sa silid si Altaire. Kahit nang dumating ang mama nito ay hindi ito lumabas ng silid. Kaya naman minabuti na ni Mrs. Torres na puntahan ang anak at kausapin.
Mararahang pagkatok sa pinto ng silid ni Altaire ang ginawa ni Mrs. Torres. "Altaire, buksan mo 'to. I want to talk to you."
Nang bumukas ang pinto ay nakita niya ang anak. Sa isang tingin pa lang, alam niyang may problema ito. "Tell me, what's bothering you?"
Hindi sumagot si Altaire. Naglakad ito pabalik sa kama at umupo roon. Sumunod naman si Mrs. Torres sa anak.
"May problema ka, alam ko. Kahit hindi mo sabihin, nararamdaman ko 'yon kasi anak kita," deretsahang sabi niya habang hindi inaalis ang tingin kay Altaire.
Hindi kumibo si Altaire pero napasinghot ito.
"You can tell me your problems. I'm your mother."
Napahagulgol na si Altaire. Nakayuko itong nagsalita. "I failed you, mom..."
"What do you mean?" malumanay na tanong ng ina.
"I can no longer go back to the seminary. I'm a failure, mom. I did not resist temptation." Wala siyang tigil sa paghagulgol. Ngayon niya lubos na nadama ang napakalaking epekto sa kanya ng nangyari. Paano pa niya mapagbibigyan ang hiling ng kanyang ina na magpari siya kung ganitong magiging ama na siya?
"Linawin mo nga ang sinasabi mo..." Umupo siya sa tabi ng anak.
"Mom, Grace is pregnant and I am the father. I am sorry. I'm so sorry, mom." Hindi niya matingnan ang kanyang ina. Nanatili lang siyang nakayuko.
Napaluha si Mrs. Torres. Hindi niya inaasahan ang sinabi ni Altaire. Bakit ngayon pa nangyari ang ganito? Konting panahon na lang at magiging pari na ang kanyang anak. Pero sa isang iglap, gumuho lahat ng pangarap niya para rito.
"Sorry, 'ma..." Mas lumakas pa ang hagulgol ni Altaire. Halatang hindi rin ito handa sa biglaang pagbabago ng mga pangyayari.
Niyakap ni Mrs. Torres si Altaire. Iyon lang ang alam niyang makapagpapaluwag sa dibdib nito. Iyong ibigay rito ang kanyang buong suporta at pagdamay bilang isang ina. Hinding-hindi niya tatalikuran ang kanyang anak lalo na sa ganitong pagkakataon.
***
SABADO
Maagang nagpaalam si Emong sa kanyang nanay para puntahan sina Maya at Aldrin. Naibigay na sa kanya ni Maya ang kumpletong address kung saan titira ang tatay ni Aldrin habang dito naka-assign sa Camp Crame. Doon lang din iyon sa loob ng kampo, sa village na nakalaan para tirhan ng mga sundalo. Madali nang magtanong 'pag naroon na siya. Pati kung paano pumunta ng kampo ay naituro na rin sa kanya ni Maya. Iyon daw ang itinuro ng tatay ni Aldrin. Isang sakay lang ng bus pagkatapos ay bababa siya sa kampo na mismo. Madali lang talaga. Kahit hindi pa niya napupuntahan ang lugar, alam niyang hindi siya maliligaw.
Ka-text niya si Maya habang nasa bus siya papuntang Crame kaya mas kampante siyang mahahanap niya ang address nang walang problema. Pagbaba niya sa kampo ay pumasok siya sa loob. Sa gate pa lang ay nagtanong na siya kung saan ang address na hinahanap niya.
"Sir, saan po itong address na ito?" Iniabot niya sa sundalong nasa gate ang kapirasong papel na pinagsulatan niya ng address.
Binasa ng sundalo ang address. "#14 Sgt. Tecson St." Itinuro nito ang isang mahabang kalye sa bandang kanan mula sa gate. "Nakikita mo 'yong kalyeng iyan? Diretsuhin mo 'yan. Pagdating mo sa unang kanto, kumaliwa ka. Iyon ang Sgt. Tecson St. Hanapin mo na lang doon ang number 14. Sinong pupuntahan mo roon?"
"Susunduin ko lang po ang mga kaibigan ko kasi mamamasyal kami sa mall."
"Sige, basta sundin mo lang 'yong itinuro kong direksyon."
"Maraming salamat po, sir."
Hindi nahirapan si Emong na makita ang bahay na may numerong katorse. Excited siyang pinindot ang doorbell.
Inaasahan niyang si Maya ang magbubukas ng pinto. Nakaplano na siyang tumili sa oras na makita niya ang matalik na kaibigan. Miss na miss na niya ito.
Dahan-dahang bumukas ang pinto. Pero napigil ang kanyang gagawing pagtili dahil iniluwa nito ang isang pamilyar na mukha lamang ay mas matangkad na ito ngayon. At mas gumuwapo!
Napanganga na lang si Emong.
"Pasok ka, Emong. Kanina ka pa namin hinihintay." Parang gusto niyang mahimatay nang marinig ang baritonong boses ni Aldrin. Nagbago na rin ang boses nito. Boses binata na.
Ano ba? Bakit parang bigla siyang nakaramdam ng hiya kay Aldrin?
At saka, bakit parang gusto niyang kiligin sa harap nito?
"Hoy! Sabi ko, pumasok ka muna."
At saka lang parang nagising sa mahimbing na pagtulog si Emong. "Ha? Ah... oo, sige. Salamat."
"Ano bang nangyayari sa'yo? Parang ngayon ka lang nakakita ng guwapo." Pangiti-ngiti si Aldrin habang sinasabi iyon.
Nakita ni Emong ang pagngiti ni Aldrin at ewan niya ngunit lalo siyang nakaramdam ng hiya sa binatang kaklase. At kahit hindi niya nakikita, alam niyang namumula na ang pisngi niya nang mga sandaling iyon.
"Owmayghad!!! Aldrin is life!" tili niya sa kanyang kanyang isip.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top