Chapter Twenty-four

BIGLANG NATAKAM si Emong sa tila masarap na pagkaing nasa kanyang harapan. Hindi niya inasahang ganito pala kaganda ang katawan ni Aldrin. Gusto sana niyang bumalik sa loob ng kuwarto pero huli na. Nakita na siya ng kanyang kaklase.

Nagulat si Aldrin nang makita si Emong na nakatingin sa halos hubad niyang katawan. Agad niyang ipinulupot ang tuwalyang hawak sa kanyang baywang.

"Sorry, akala ko kasi tulog na kayo," paghingi niya ng paumanhin. Pakiramdam niya ay pulang-pula ang kanyang mukha.

"W-wala 'yon. Kukuha lang sana ako ng tubig. Hindi ko alam na gising ka pa... rin." Lumakad na siya patungo sa ref.

"Ah, Emong..."

Napahinto sa paglalakad si Emong. Nanuyo bigla ang kanyang lalamunan. "Ano iyon?"

"Itatanong ko lang kung inaantok ka na ba?"

"Ahm, hindi pa naman." Hindi pa rin siya umaalis sa kinatatayuan. "Bakit?"

"Yayayain sana kitang magkwentuhan muna. Pero pumunta ka na muna sa ref at kumuha ng tubig. Napako ka na riyan sa kinatatayuan mo, eh." Sinundan niya iyon ng mahinang tawa.

"Ah, oo nga pala..." Nagmamadali siyang kumuha ng tubig sa ref at agad na uminom. Hawak pa rin niya ang basong may lamang tubig nang muling magsalita si Aldrin.

"Ano, puwede ba tayong mag-usap?"

"A-ano ba ang pag-uusapan natin?" Sumagot siya nang hindi nililingon ang kausap.

"Kahit ano. Tungkol sa'yo... tungkol sa akin. Sa atin."

Humarap siya kay Aldrin at pilyong ngumiti. "Sige, pero magbihis ka muna." Inginuso pa niya ang bahagi ng katawan ni Aldrin na natatakpan ng tuwalya.

"Naku po! Oo nga pala. Nakalimutan ko nang magbihis." Dali-dali siyang tumakbo pabalik sa salas at kinuha ang kanyang damit at mabilis na isinuot. "Ayan, okay na ako." Tabingi ang pagkakangiti niya kay Emong. Halatang nahihiya siya rito.

Umupo si Emong sa sofa. Tumabi sa kanya si Aldrin.

"Anong gusto mong pag-usapan?" magkasabay nilang sabi tapos ay sabay din silang natawa.

"Sige na, mauna ka nang sumagot," pagbabaubaya ni Emong.

"Kahit ano lang. Ang totoo, gusto lang naman kitang makasama..." Nahihiya pa rin si Aldrin. Alam niyang hindi pa rin naaalis ang pamumula ng mukha niya mula sa nakahihiyang itsura niya kanina na nakita ni Emong.

Bago pa nakapagtanong si Emong ay nagsalita na ulit si Aldrin. "Alam mo naman kung bakit, 'di ba?"

"Ha?" Napailing-iling siya. "Hindi..."

"Alam mo 'yun. Ayaw mo lang aminin kasi hindi mo 'ko gusto." Napayuko siya pagkasabi noon. Hindi niya kayang tingnan nang diretso si Emong. "Si Altaire ang gusto mo. Kahit malabo na maging kayo."

Nakikinig lang si Emong.

"Suwerte nga ni Altaire. Hindi niya kailangang mag-effort. In an instant gusto mo na siya," malungkot sa sabi ni Aldrin.

"Crush ko lang naman si Altaire..."

"Ako, hindi."

"Mabait siya at masayang kausap..."

"Ako ba hindi?"

"Hindi ko naman sinabing hindi ka ganoon."

"Pero hindi mo pa rin ako nagustuhan..." Nag-angat siya ng mukha at kitang-kita niya si Emong na nakatingin sa kanya. Nagtama ang kanilang mga mata. "Hindi mo ba talaga ako magugustuhan?"

Matagal bago sumagot si Emong. "H-hindi..."

Nanlumo ang itsura ni Aldrin.

"Hindi siguro ito ng tamang oras para sagutin ko ang tanong mo. Hindi ito ang tamang panahon para pag-usapan natin ito. Malalim na ang gabi, matulog na tayo, Drin." Agad na siyang tumayo pero maagap na hinawakan ni Aldrin ang kanyang kamay.

"Emong..." Mas hinigpitan pa niya ang hawak sa kamay nito.

Nanlalaki ang mga mata ni Emong. Hiindi niya inaasahang gagawin iyon ni Aldrin.

"Tulog na tayo, Drin..." Binawi niya ang kamay kay Aldrin at agad na tumakbo papasok sa kuwarto. Naiwan si Aldrin na walang nagawa kundi sundan na lang ng tingin ang kaklaseng may malaking bahagi sa kanyang puso.

Napasandal sa pinto si Emong nang makapasok sa loob ng silid. Kumakabog ang dibdib niya. Iba... Iba ang tibok ng puso niya. Kumakalabog. Nadidinig na nga yata niya sa sobrang lakas, eh.

"Bespren, anong ginagawa mo riyan?" tanong ng naalimpungatan na si Maya.

"Ay, ulo mong malaki!" tili niya sa pagkagulat. "Ano ka ba naman, bespren? Nakakagulat ka. Bigla-bigla ka na lang nagsasalita sa gitna ng dilim."

"Ano nga ang ginagawa mo riyan?"

"Uminom lang ako ng tubig, nauhaw ako. Pabalik na nga ako riyan sa kama nang bigla kang nagsalita." Lumapit na siya sa kaibigan at humiga sa tabi nito. "Matulog ka na ulit. Inaantok na ako," sabi na lang niya sa kaibigan.

Hindi na sumagot si Maya. Nagtalukbong na lang ito ng kumot.

Si Emong ay pumikit at nagpumilit na makatulog, ngunit hindi siya makaramdam ng antok. Laman pa rin ng isip niya si Aldrin. Gusto niya itong yakapin kanina habang nag-uusap sila dahil ramdam niya ang lungkot sa tinig nito.

Bakit?

Gusto na ba niya ulit si Aldrin?

Pero hindi puwede. Paano na si Altaire?

Hindi na niya nasagot ang sariling tanong dahil hindi rin niya alam kung paano ito sasagutin. Naguguluhan siya. Gusto niya si Altaire pero ayaw na niyang masaktan si Aldrin. Tama naman kasi ito. Mabait din ito at masayang kausap. Wala nga itong iniisip kundi ang ikabubuti niya. Kahit na noong pinakikitaan niya ito ng hindi maganda, nanatili itong maayos sa pakikitungo sa kanya. Kahit minsan, hindi na nagpakita si Aldrin ng kagaspangan ng ugali sa kanya.

Kinaumagahan ay nagising sina Maya at Emong ng mga katok sa pinto.

"Maya! Emong! Bangon na kayo. Kakain na tayo.

Si Emong ang unang bumangon para buksan ang pinto. Nabungaran niya si Aldrin na preskong-presko ang itsura dahil bagong ligo ito. Naamoy pa nga niya ang bango ng sabon na ginamit nito.

"Good morning! Kain na tayo. Si Maya, gising na ba?" Tingin ni Emong ay mas lalong gumuwapo si Aldrin dahil sa matamis na pagkakangiti nito.

Nginitian din niya ang kaklase. "Ako na ang bahala, gigisingin ko na."

"Sige, sumunod na kayo kaagad dito, ha?" Kumindat pa ito kay Emong bago tumalikod at naglakad pabalik sa kusina.

Napalunok si Emong habang sinusundan ng tingin si Aldrin. At muli ay naramdaman niya ang kakaibang pintig ng kanyang puso, katulad ng pagtibok na naramdaman niya kagabi pagkatapos nilang mag-usap ni Aldrin.

PAGKATAPOS KUMAIN ay nagpaalam na si Emong sa dalawang kaibigan.

"Hindi mo na ba kami ihahahid sa bus terminal, bespren?" tanong ni Maya. "Hinihintay lang namin si Mang Caloy tapos uuwi na rin kami."

"Ihahatid naman kayo ni Mang Caloy, imposibleng hindi," sagot niya. "At saka hinihintay na ako ni nanay. Nakakahiya naman kay Mrs. Torres, baka isipin inuna ko pang maglakwatsa kesa gawin ang mga trabaho doon sa bahay nila."

"Sige na nga, andami mo na agad sinabi. Naglalambing lang naman ako sa'yo," kunwari'y nagtatampong sabi ni Maya. "Ingat ka lagi, bespren."

"Kayo rin. Ingat kayo sa biyahe pauwi sa atin. Ikumusta mo na lang ako sa nanay at tatay mo. Sa'yo rin, Aldrin. Pakisabi na lang sa nanay mo na kinukumusta ko siya. At kay Mang Caloy, salamat kamo."

"Makakarating, Emong." Muli niyang nasulyapan ang matamis na ngiti nito. Bakit ba mas gumuguwapo ito kapag ngumingiti?

Hanggang sa makauwi ay si Aldrin pa rin ang nasa isip niya. Ang mga ngiti nito. Ang guwapo at maamong mukha. Ano ba? Nami-miss na niya kaagad si Aldrin!

Bukas ang gate ng bahay nina Altaire kaya diretso na lang siyang pumasok sa loob. Pero natigilan siya nang marinig ang isang pamilyar na boses.

"Kailangang pakasalan mo ako, Altaire! Nalaman na ng parents ko na buntis ako and they want to talk with you today. Hindi ako aalis dito nang hindi ka kasama, Altaire. You are going with me. Right now!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top