Chapter Twenty-eight
HINDI makapaniwala si Altaire sa sinabi ng doktor. "Sigurado po kayo?"
"Yes. She is not pregnant. I am sure of that," kampanteng sagot ng manggagamot.
"Pero, pinakitaan niya ako ng pregnancy test result," naguguluhang sabi ni Altaire. "Kung hindi siya buntis, niloko lang niya ako para pakasalan ko siya."
"Lalabas na muna ako," sabi ng doktor. "Babalik ako from time to time para i-check ang progress ng condition n'yo."
"Maraming salamat, Doktora," ani Mrs. Torres.
"Bakit ginawa ni Grace iyon, 'ma?" tanong ni Altaire sa ina pagkalabas ng doktora. "Alam niyang magpapari ako. Bakit kailangan niya akong lokohin para lang mapilitan akong pakasalan siya?"
"Mas makabubuting mag-usap kayo pagkalabas n'yo ng ospital. Huwag mo muna siyang kakausapin habang nandito pa kayo," payo ng kanyang ina.
Noon bumukas ang pinto at pumasok si Emong. "Mrs. Torres, dala ko na po itong mga gamit ni Altaire."
"Emong..." tawag ni Altaire sa kanya.
"Kumusta ka na, Altaire? Ayos ka na ba?"
"Dito muna kayo at sisilipin ko lang si Grace sa kabilang kuwarto," paalam sa kanila ni Mrs. Torres at lumabas na ito ng silid.
Lumapit si Emong sa kama ni Altaire. "Kumusta ang pakiramdam mo? Saan ka nasaksak? Sino ang sumaksak sa'yo?" sunod-sunod niyang tanong. Hanggang ngayon ay nag-aalala pa rin siya para sa binatang seminarista.
"Eto, o..." Ipinakita ni Altaire ang bahagi niyang nasaksak. "Boyfriend ni Grace ang sumaksak sa amin. Nagselos no'ng makita niya kami ni Grace."
"Sorry, ha? Kung hindi ko sinabi sa'yo ang nalalaman ko, hindi ka sana sumugod doon. Hindi ka sana nasaksak," malungkot niyang pahayag.
"Hindi mo naman kasalanan ang nangyari."
"Sobrang na-guilty ako..."
"Okay na ako, Emong. You don't have to feel any guilt. Everything happens for a reason. Kung hindi nangyari ito, hindi ko sana malalaman na hindi pala buntis si Grace."
Nanlaki ang mga mata ni Emong. "Hindi buntis si Grace? Bakit?"
"Iyon ang sabi ng doktor. Baka sinabi lang ni Grace na buntis siya para mapilitan akong pakasalan siya. Akala ko, okay na ang lahat no'ng naghiwalay kami. Hindi ko inisip na aabot sa ganito. Muntik nang hindi ako makabalik sa seminaryo." Medyo ngumiwi si Altaire na para bang nakaramdam ng sakit.
"Bakit?"
"Sumakit 'yong sugat ko. Ang hapdi."
"Tatawagin ko ba ang doktor?" nag-aalalang sabi niya.
Umiling si Altaire. "Hindi na. Okay lang ito. Salamat, Emong."
Isang kiming ngiti ang isinagot niya kay Altaire.
TAHIMIK na nakaupo sa pasamano ng bintana ng kaniyang silid si Aldrin. Tila wala itong pakialam sa paligid. Ang mga mata nito ay nakatuon sa malayo.
Nakapasok si Aling Naty sa silid ng anak nang hindi nito namamalayan.
"Baka mahulog ka riyan," pansin niya sa anak.
Nilingon siya ni Aldrin. "Kayo po pala, 'nay. May iuutos po ba kayo sa akin?"
"Wala naman. Napansin ko lang na bukas ang pinto ng silid mo kaya pumasok ako. Ano ba ang iniisip mo at parang ang lungkot-lungkot mo?"
"Iniisip ko po kasi si Emong," umpisa niya na halos pumiyok ang boses. "Mag-uumpisa na ang klase. Hindi ko na siya makikita nang madalas. Hindi ko alam kung kelan ko siya makikitang muli."
"Pinapayagan ka naman ng tatay mo na dalawin siya sa Maynila, 'di ba?"
"Pero, 'nay iba pa rin 'yong nakakasama ko siya nang madalas. Gusto kong nakikita ko siya araw-araw."
"Anak, sigurado ka na ba talaga sa nararamdaman mo? Alam mong wala kaming tutol kung si Emong ang gusto mo. Pero, isipin mo rin sana na bata ka pa. Maaari pang magbago ang damdamin mo sa pagdaan ng panahon."
"Hindi ko po alam, 'nay. Basta ang alam ko po, mahal ko si Emong at nagpapasalamat ako sa inyo ni tatay dahil nauunawaan ninyo ang nararamdaman ko. Maswerte ako dahil nagkaroon ako ng magulang na bukas ang isipan sa ganitong klase ng pagmamahal. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari kung naging iba ang reaksyon ninyo. Baka mas lalo akong naguguluhan ngayon."
"Naiintindihan kita, anak. At patuloy ka naming iintindihin ng tatay mo, dahil mahal na mahal ka namin," madamdaming sabi ni Aling Naty.
Bumaba sa bintana si Aldrin at buong pagmamahal na niyakap ang kanyang ina. "Maraming salamat, 'nay."
KINABUKASAN ay nagising si Aldrin sa mga katok ni Aling Naty sa kanyang silid.
"Anak, bumangon ka na. Nasa ibaba si Maya hinahanap ka."
"Bakit daw po?" inaantok pa niyang tanong habang kinukusot ang mga mata.
"Aba, ewan ko. Babain mo na siya at kausapin mo."
"Opo, babangon na ako."
"Bilisan mo riyan!"
Bumangon na si Aldrin at mabilis na nagsuklay ng buhok gamit ang kanyang kamay. Kasunod noon ay agad siyang nagtungo sa ibaba ng kanilang bahay.
Naabutan niya sa salas si Maya. "O, ang aga mo namang sumugod dito para makipagtsismisan," sita niya rito.
"Hindi tsismis ang sasabihin ko sa'yo. Totoong balita ito."
"Anong balita?"
"Nagkausap kami ni bespren kagabi. Nasa ospital siya..."
"Ha?! Anong nangyari sa kanya?" nag-aalalang tanong ni Aldrin. Agad na nawala ang natitira niyang antok.
"Uuyyy, affected siya kaagad. Mahal na mahal niya talaga..." Nakuha pang magbiro ni Maya.
"Ano nga, Maya?!" Hindi mapakali si Aldrin.
"Eto naman! Hindi si Aldrin ang naospital. Pero nandoon siya para magbantay. Nasaksak si Altaire kaya siya ang nagbantay doon kagabi."
"Sinong sumaksak kay Altaire?"
"Boyfriend daw noong ex ni Altaire. Ewan! Iyon daw 'yong nakita namin ni bespren sa mall no'ng nagpunta kami sa cr," kuwento pa ni Maya. "Pati nga raw 'yong ex-girlfriend ni Altaire, sinaksak rin. Mas malala nga raw ang tama noong ex-gf."
"Mabuti naman at nadala agad sila sa ospital. Magulo talaga sa Maynila, ano? Paano pa kapag nagsimula na ang klase, lagi nang nasa labas si Emong. Baka maholdap siya. Baka mapagtripan ng mga tambay sa kalye."
"Grabe ka namang mag-isip. Siyempre mag-iingat naman si bespren. Kahit naman nasaan tayo, kung mapapahamak ka, mapapahamak ka," argumento pa ni Maya. "Kaya dapat, dobleng ingat na lang."
Umiling si Aldrin. "Hindi... Dapat talaga nakikita ko si Emong araw-araw, para sigurado akong ligtas siya. Para panatag ang loob ko."
"Imposible 'yon! Paano mo magagawa iyon, eh ang layo nitong probinsiya natin sa Maynila?"
Hindi nakasagot si Aldrin dahil alam niyang tama naman ang sinabi ng kanyang kaibigan.
"NAKAUSAP ko ang doktor. Puwede ka na raw lumabas bukas. Hindi na ako pumasok sa trabaho ngayon para ako naman ang magbantay sa'yo rito," sabi ni Mrs. Torres kay Altaire. Pagkatapos ay bumaling ito kay Emong. "Emong umuwi ka na muna para makatulog ka naman nang maayos. Maraming salamat sa pagbabantay mo sa anak ko."
"Wala pong anuman, madam," magalang niyang sagot.
"Tatawag na lang ako kapag may kailangan kang dalhin dito." Kumuha ng pera sa wallet ang ginang. "Eto ang pera. Mag-almusal ka na muna sa labas bago ka umuwi."
"Naku, huwag na po," tanggi niya. "May pera pa ako rito galing po kay nanay. Sobra pa ito."
"Tanggapin mo na ito. Ibili mo mg kahit ano. Itabi mo para pandagdag sa baon mo sa pasukan," giit ng ginang at inilagay sa kamay niya ang pera.
Wala na siyang nagawa kundi kunin ang pera. "Salamat po, madam."
"Mag-iingat ka."
"Opo," tugon niya kasabay ng marahang pagtango. "Altaire, uuwi na muna ako. Pagaling ka agad."
"Salamat, Emong."
Isang matamis na ngiti ang isinagot niya kay Altaire at lumabas na siya sa silid.
"Kumusta na si Grace, 'ma?"
"Ligtas na rin si Grace pero baka magtagal pa siya rito ng ilang araw. Nandiyan na ang mga magulang niya. Kakausapin ko nga mamaya para masabi ko na wala kang pananagutan kay Grace. Kailangan ko ring malaman kung magsasampa sila ng kaso sa sumaksak sa inyo. Basta ako, itutuloy ko ang demanda sa lalaking iyon," seryosong sabi ni Mrs. Torres.
Noon may kumatok sa pinto kasunod ang pagpasok ng dalawang pulis.
"Magandang umaga po, misis. Kami po ang nag-iimbestiga sa pagkakasaksak sa anak n'yo."
"May balita na ba kayo sa lalaking sumaksak sa anak ko?"
"Base sa aming imbestigasyon, ang lalaking sumaksak sa anak n'yo ay si Neiji Ricohermoso. Comatose siya ngayon sa De Dios Memorial Hospital pagkatapos niyang maaksidente habang tumatakas sa pinangyarihan ng insidente," pagbabalita ng pulis.
Parehong nabigla sa balita sina Altaire at ang kanyang ina. Hindi malaman ni Mrs. Torres kung matutuwa o malulungkot sa ibinalita ng pulis. Hindi niya gustong maging ganoon ang sitwasyon ng lalaking muntik nang pumatay sa kanyang anak.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top