Chapter Twelve
"IIWAN MO na ako, bespren?" parang nagtatampong sabi ni Maya. "Wala na pala akong makakasabay sa pagpasok sa eskuwela. Wala na rin akong mahihiraman ng notes. Ano ba naman 'to? Ba't pabigla-bigla naman?"
Si Aldrin ay hindi nakapagsalita, pero sa mukha nito ay naroon ang hindi maipaliwanag na lungkot.
"Kailangan ko kasing samahan si nanay doon. At saka ayaw rin naman ni nanay na maiwan ako rito, dahil siyempre only child ako. Wala akong makakasama rito," paliwanag ni Emong. "Pero huwag kang mag-alala, uuwi ako rito tuwing bakasyon, para magkasama ulit tayo."
"Aldrin, paano ba 'yan? Iiwanan ka na pala ng mahal mo."
Napairap si Emong sa sinabi ni Maya.
"Wala naman akong magagawa kung ganoon ang mangyayari. Hindi naman ako puwedeng tumutol."
"Hindi talaga!" mataray sa sabi ni Emong.
"Siyempre, mas mapapabuti ka kung nasaan ang nanay mo. Kasi may mag-aalaga sa'yo."
"Mabuti alam mo."
"Bespren, ano ba? Huwag ka namang masungit kay Aldrin. Wala namang ginagawang masama sa'yo 'yung tao."
Hindi na lang kumibo si Emong.
"Pabayaan mo lang siya, Maya. Hindi naman ako nagagalit kay Emong kahit lagi siyang parang galit sa akin. Naiintindihan ko siya."
Tumaas ang kilay ni Emong. "So, utang na loob ko pa?"
"Wala naman akong sinasabing ganoon."
"Sige na, bespren aalis na kami," sabi ni Maya bago pa tuluyang magkasagutan sina Emong at Aldrin. "Magpagaling ka agad, ha?"
"Salamat sa pagdalaw, bespren."
"Aling Rosita, aaalis na po kami," paalam ni Aldrin sa nanay ni Emong.
Nagmamadaling nagtungo sa salas si Aling Rosita. "Salamat sa inyong dalawa, ha? Mag-iingat kayo sa pag-uwi."
Tumango na may kasamang ngiti ang dalawang bisita ni Emong.
PAGKALIPAS NG ilang araw ay nakabalik na sa eskuwelahan si Emong. Kagagaling lang niya sa eskuwela noon nang mapansin niyang saradong-sarado na naman ang bahay nina Altaire.
"Bumalik na si Altaire sa Manila. Nagpaalam nga sa akin kanina?" salubong sa kanya ng nanay niya nang mapansin nitong nakatingin siya sa saradong bahay ng pamilya Torres.
"Ha?" gulat na reaksyon ni Emong. "Nay, ba't hindi ko alam? Hindi man lang siya nagsabi sa akin."
"Eh, bakit naman magpapaalam sa'yo 'yung tao? Kamag-anak ka ba?"
"Friend. Close friend," maarteng sagot ni Emong. "Nakakainis naman siya. Paano na 'yan? Siguradong mami-miss ko siya."
"Naku, Guillermo! Tigilan mo nga 'yang kaalembungan mo. Pati ba naman si Altaire na magpapari eh, ginugusto mo pa?"
"Inay, kapag tumibok ang puso, hindi naman tayo pwedeng kumontra. Ang puwede lang nating gawin ay sumunod at magpakasaya sa dala nitong ligaya."
Nanlaki ang mga mata ni Aling Rosita. "Guillermo!!!"
"Hmp! Ewan ko sa'yo, 'nay. Mabuti nga at lumaki lang akong malandi, hindi drug addict." Pagkasabi noon ay dali-dali nang tumakbo si Emong papasok sa loob ng kanilang bahay. Naiwang nakatulala si Aling Rosita na hindi malaman kung matatawa o mayayamot sa sinabi ng anak.
ILANG LINGGO lang ang ipinasok ni Emong dahil nagtapos na ang klase. Hindi na maitago ang excitement sa kanyang mukha. Makakapunta na sila sa Maynila. Sa wakas ay wala nang makakapigil sa kanya na muling makita si Altaire.
Maaga pa lamang ay naka-empake na si Emong. Itsura ng wala ng planong bumalik sa probinsiya, inilagay na yata niya lahat ng mga gamit sa travelling bag. Naligo na rin siya at nagbihis. Basta, handang-handa na siyang umalis sa probinsiyang kinalakhan. Handa na rin siyang suungin ang bagong buhay sa Maynila. Doon sa bahay ng mga Torres, kasama si Altaire siyempre!
"Bespren, bumili ka ng cellphone, ha? Para text-text tayo. O kaya naman, mag-online ka lagi. Chat tayo sa facebook. Basta, 'wag mo akong kalilimutan, naku sasakalin kita talaga!" Hindi matapos-tapos ang pamamaalam ni Maya sa kaibigan.
"Oo na. Ito naman, Maynila lang ang pupuntahan namin. Akala mo naman sa Amerika na kami titira." Nagpalinga-linga si Emong. "Asan 'yong asungot na lagi mong kasama?"
"Sino? Si Aldrin?" tanong ni Maya. "Ba't mo hinahanap? Kapag nandito naman lagi mong pinapahiya."
"Nagtataka lang ako, ba't wala siya. Eh, buntot mo 'yon."
"Kunwari ka pa. Ang sabihin mo, nami-miss mo rin si Aldrin. Ang bait-bait no'ng tao, inaaway mo."
"Mabait? Eh, kung mabait pala, sagutin mo na para magka-boyfriend ka na!"
"Baliw ka! Alam mong ikaw ang gusto no'n. At saka barkada ko 'yon. Bespren pa kita. Hindi ko aagawin sa'yo 'yon."
"Anak, lalakad na tayo." Lumabas ng bahay si Aling Rosita bitbit ang isang bag niyang puno ng mga damit.
"O, paano bespren? Aaalis na kami." Niyakap ni Emong si Maya.
"Ingat kayo roon, bespren. Babay!" Kumaway pa siya sa kaibigan.
Pumara ng traysikel si Aling Rosita at sumakay na sila ni Emong. Nagpahatid sila sa terminal ng bus.
Limang oras din ang tatakbuhin ng biyahe nilang mag-ina. Alas-dose ng tanghali sila umalis sa bahay nila, sakto para sa ala-unang biyahe ng bus patungong Maynila. Hindi mailarawan ang saya sa mukha ni Emong. Nakatanaw siya sa bintana ng bus habang tumatakbo ito patungo sa lugar na kanyang pinapangarap.
"Altaire, here I come..." bulong niya sa sarili. Sinulyapan niya ang ina na nakatulog na sa biyahe.
Ang inakalang limang oras na biyahe ay hindi naman nangyari dahil sa masikip na daloy ng trapiko. Alas-siyete na ng gabi nang makarating sila sa terminal ng bus sa parteng iyon ng Cubao. Maraming tao sa terminal at nakaramdam ng pagkabagot si Emong.
"Nay, alam n'yo po ba kung saan tayo pupunta?" tanong ni Emong. "Nagugutom na ako."
"May ibinigay na telephone number si Altaire. Tawagan daw natin ito kapag nandito na tayo sa terminal ng bus." Hawak ni Aling Rosita ang kapirasong papel kung saan nakasulat ang telephone number.
"Dapat talaga, 'nay ibili mo ako ng cellphone. Kung may cellphone lang sana ako, eh 'di wala tayong problema ngayon. Madali ang form of communication. Isang text lang, pak! Malalaman nila kaagad na nandito na tayo."
"Magtigil ka nga. Kung anu-ano ang sinasabi mo. Eto ang numero, makitawag ka muna doon sa sa tindahan." Iniabot ni Aling Rosita ang kapirasong papel sa anak.
Pumunta sa tindahan si Emong. "Ate, makikitawag ako sa telepono."
"Limang piso, tatlong minuto." Parang wala sa sariling sagot ng tindera.
Nag-dial si Emong. Narinig niyang nagri-ring ang telepono nina Altaire.
"Hello?" Bigla ang dating ng pagkabog ng dibdib ni Emong. Hindi siya maaring magkamali. Si Altaire ang nagsalita sa kabilang linya.
"Hello, si Altaire ba 'to?"
"Yes, may I know who is on the line?"
"Altaire, si Emong ito. Nandito na kami ni nanay sa terminal ng bus. Hindi namin alam kung paano pupunta diyan sa bahay n'yo."
"Ha? Emong? Wait, ako na lang ang susundo sa inyo. Zebra Bus ba?"
"Oo, dito nga," lalong bumilis ang pintig ng puso niya. Makikita na niya si Altaire. Susunduin pa nga sila, oh! Sosyal!
"Sige, hintayin n'yo ako diyan. Papunta na ako." Iyon lang at nawala na sa kabilang linya ang binatang seminarista.
Parang gustong tumili ni Emong. Hindi na siya makapaghintay. Makikita na niyang muli si Altaire.
"Bayad mo!" Narinig ni Emong ang masungit na boses ng tindera.
"Ay, oo nga pala." Dumukot ng barya sa bulsa si Emong at iniabot sa tindera. "Eto na, 'teh! Mag-smile ka naman. Iiwanan ka ng customers 'pag ganyan ka lagi." Hindi na niya hinintay na makasagot ang tindera. Agad na siyang bumalik sa lugar kung nasaan si Aling Rosita.
Bawal siyang ma-badtrip. Bawal siyang mainis. Ayaw niyang masira ang mood niya. Ilang minuto na lang ay makikita na niya si Altaire.
Ang guwapo at simpatikong si Altaire.
Ang mahal na mahal niyang si Altaire!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top