Chapter Ten

"TIGILAN MO na nga 'yan! Akala mo naman totoo."

"Totoo naman talaga. Ano pa bang patunay ang gusto mo?" tanong ni Aldrin. "Gusto mo bang ipagsigawan ko pa rito sa ospital na gusto kita? Na mahal kita?"

"Bespren, 'wag ka namang masyadong rude kay Aldrin. Dati naman okay kayo, ah. Parang bigla ka lang nagbago mula nung nakilala mo si Altaire," ani Maya. Kahit siya ay lubhang nagtataka sa mga pambabara ni Emong sa kaklase.

Parang walang narinig si Emong. Ipinikit lang nito ang mg mata at nagkunwaring natutulog.

Hindi na nagsalita si Maya. Si Aldrin naman ay tumahimik na lang din. Hindi ito ang tamang pagkakataon para ipilit niya ang pagkakagusto niya kay Emong. Saka na lang. Kapag magaling na ito at nakalabas na ng ospital.

Nang dumating na si Aling Rosita ay nagpaalam na ang dalawa. "Maaga pa po kasi ang pasok bukas kaya kailangan na naming umuwi. Babalik na lang po ako bukas," sabi ni Aldrin.

"Ako rin po, babalik ulit bukas," pagsegunda ni Maya.

"Maraming salamat sa inyong dalawa, ha? Mag-iingat kayo sa daan."

"Opo," sabay na sagot nina Maya at Aldrin.

"Anak, aalis na ang mga kaibigan mo."

Kinawayan ni Emong si Maya. "Ingat kayo, bespren. Salamat."

"Nanay, matulog na po kayo," sabi ni Emong nang makaalis na sina Maya at Aldrin. "Maghapon na kayo rito. Alam ko pong pagod na kayo."

"Huwag mo akong alalahanin. Ayos lang ako. Ikaw ang magpahinga para gumaling ka kaagad."

"Saan po tayo kukuha ng pambayad dito sa ospital? Wala po tayong pera."

"Ako na ang bahalang mamroblema niyan. Nasa akin pa naman 'yong napanalunan mo sa Ms. Gay. Huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano. Basta magpagaling ka kaagad."

"Sorry, 'nay ha? Napagastos ka pa tuloy ngayon."

"Ang importante buhay ka. Ang pera, kikitain pa natin 'yan. Pero ang buhay ng tao kapag nawala, the end. Hindi na maibabalik. Mas importante ka kesa sa pera anak. Mahal na mahal kita."

Parang hinaplos ang puso ni Emong sa sinabi ng ina. Higit kailanman, ngayon niya naramdaman kung gaano siya kahalaga sa taong pinagkakautangan niya ng buhay at kung gaano rin ito kahalaga sa kanya.

"Good evening po."

Sabay na napalingon sa pintuan ang mag-ina. Dumating ang doktor ni Emong at lumapit ito sa pasyente.

"Kumusta na ang pasyente ko?"

"Ayos na po ako, dok. Medyo masakit lang itong mga sugat ko," pagbibigay impormasyon ni Emong.

"Titingnan natin bukas ang result ng MRI mo para masiguro natin na walang naapektuhan sa loob ng ulo mo. Pati na rin diyan sa binti mo."

"Dok, sa tingin mo po kelan makalalabas ng ospital ang anak ko?" nag-aalangang tanong ni Aling Rosita.

"Kung okay na ang resulta ng MRI at wala namang ibang pinsala, puwede na siyang lumabas sa makalawa. Sa bahay na lang siya magpahinga," nakangiting sabi ng doktor.

"Mabuti naman kung ganoon. Salamat, dok. Akala ko talaga eh matatagalan dito ang anak ko."

"Kung lalabas na po ako sa makalawa, puwede na rin po ba akong pumasok sa school?" tanong ni Emong.

"Mas makabubuti kung next week ka na lang papasok. Pagalingin mo muna ang sugat mo para wala ka ng iniinda pagpasok sa klase," payo ng doktor. Naglabas ito ng reseta at iniabot kay Aling Rosita. "Pakibili na lang po nito, mauubos na kasi 'yung dextrose niya."

"Sige po, doktor."
***
"MAHAL MO ba talaga si Emong?" tanong ni Maya kay Aldrin habang sakay sila ng tricycle.

Hindi sumagot si Aldrin.

"Sabi mo, ipinagmamalaki mo siya sa magulang mo. At sabi mo rin, hindi sila nagagalit na sa bading ka nagkagusto? Bakit?"

Hindi pa rin sumagot ang lalaki.

"Nagtataka kasi ako. Iyong mga magulang ayaw na ayaw na maging bading ang anak nila. Eh 'di mas lalong ayaw nilang ma-in love ang anak nila sa bading."

Wala pa ring sagot.

"Pero ang parents mo, wow ang cool, ha? Sana lahat ng magulang ganoon. Marunong rumespeto sa nararamdaman ng anak nila."

Dedma pa rin si Aldrin.

"Hoy!" Hinampas ni Maya sa balikat si Aldrin. "Para naman akong nakikipag-usap sa tuod. Sumagot ka naman, Aldrin!"

"Eh, ano bang gusto mong isagot ko? Sinabi ko na 'yun sa inyo dati pa. Baka nakalimutan mo lang. Hayan, o malapit na ang sa inyo. Bababa ka na."

"Para mama! Dito na ako." Huminto ang tricycle at bumaba si Maya. Bumaling ito kay Aldrin. "Kita na lang tayo bukas. Salamat..."

Tumango ang lalaki at muli nang umandar ang tricycle. Ilang minuto lang ay huminto ito sa isang 'di kalakihang bahay na yari sa semento. Nagbayad si Aldrin sa driver at pumasok na sa loob ng bahay.

"O, anak andito ka na pala. Kumusta 'yung kaklase mo?" tanong ng isang lalaking siguro ay nasa tatlumpu't siyam ang edad. Ito ang tatay ni Aldrin na isang sundalo.

"Medyo okay na po siya, 'tay Caloy. Kailangan lang gumaling 'yung sugat niya. Pero nakakausap na po namin siya. Malakas na."

"Ah, mabuti naman kung ganoon," sabi ng ama niya. "Kumain ka na ba? Ipaghahain na kita. Tulog na ang nanay mo."

"Ako na lang po, 'tay. Kaya ko na po 'to." Dumiretso na siya sa kusina para kumuha ng makakain. Sumunod din sa kanya sa kusina ang ama niya.

Pagkatapos kumuha ng pagkain ay umupo na si Aldrin. Sa harapan naman niya nakaupo ang kanyang ama.

"Hindi ba 'yung kaklase mong nasa ospital eh 'yung kinukuwento mo sa amin na crush mo sa school? 'Yung bading?" kaswal na tanong ng ama.

"Opo, 'tay. Pero ayaw po niya sa akin."

"Ah, kaya pala madilim ang mukha mo. Halatang 'di ka masaya kahit kagagaling ko lang sa ospital at nakita mo siya." Napansin pa pala 'yun ng ama niya. Wala yata siyang maitatago rito. Napaka-transparent naman niya talaga kasi.

"Tay..."

Napatingin sa kanya ang ama. "Bakit?"

"Bakit po okay lang sa inyo na crush ko si Emong. Alam n'yo naman po na bading siya. Bakit po hindi kayo nagagalit? Hindi po ba dapat sa babae ako magkagusto?" Pinakawalan na ni Aldrin ang mga tanong na gusto rin niyang malaman ang sagot. Hindi lang si Maya ang nagtataka. Maging siya rin.

"Ano ang gusto mong gawin ko? Pagbawalan ka? Higpitan ka? Hanggang sa magtanim ka ng galit sa akin. Hanggang sa matuto kang paglihiman kami ng nanay mo. Gusto mo ba ang ganoon, anak?" malumanay na sabi ng ama ni Aldrin. "Ayokong matulad ka sa tito Aldrin mo."

Si tito Aldrin niya. Sa kanya kinuha ng tatay Caloy niya ang pangalan niyang Aldrin. Kapatid siya ni tatay Caloy, nakababatang kapatid. Dalawang taon lang ang pagitan nila. Pero hindi na naabutan ni Aldrin ang tito Aldrin niya. Ang alam niya lang, patay na ito. Hindi rin naman napag-uusapan sa pamilya ang dahilan ng pagkamatay nito kaya hindi na siya nag-abalang magtanong pa noon. Pero bakit sinasabi ngayon ng tatay Caloy niya na ayaw nitong matulad siya sa tito Aldrin niya? Ano bang nangyari sa tito Aldrin niya?

"Ano po bang nangyari kay tito Aldrin?"

Huminga muna ng malalim ang tatay niya bago ito nagsalita. "Close na close kami ng kapatid kong 'yun. Lahat ng problema niya, sa akin niya sinasabi. Kapag masaya siya, ako rin ang unang nakakaalam. Nagkagusto rin siya sa isang kaklase niyang bakla. Hindi niya agad iyon ipinaalam sa mga magulang namin. Pero nagtiwala siya sa akin na ikuwento ang taong nagpapasaya sa kanya nang husto."

"Bakla po ba si tito Aldrin? Bakit sa bakla po siya nagkagusto? Ako po, bakla ba ako, 'tay dahil nagkagusto ako kay Emong?" naguguluhang tanong niya sa ama. Hindi na niya naituloy ang pagkain dahil naging interesado na siya na ikinukuwento ng ama.

"Hindi ko masasabing bakla ang tito Aldrin mo dahil bago siya nagkagusto sa bakla ay nagkaroon na rin siya ng girlfriend. Pero nagkahiwalay sila. At dinamdam niya iyon ng sobra. Naging malungkutin siya. Bumalik ang sigla niya nung nakilala niya si Kiena, 'yung bakla niyang kaklase. Pero mahigpit namang tumutol ang tatay namin nang malaman ang tungkol sa tito Aldrin mo at kay Kiena. Hanggang sa pinagbawalan na ng lolo mo na makipagmabutihan si Aldrin kay Kiena. Inilipat din siya ng eskuwelahan. Kaya mas lalong nagulo ang mundo ng tito mo. Hanggang isang araw, nakita na lang namin siyang patay sa loob ng kuwarto niya. Naglaslas siya ng pulso," mahabang kuwento ni tatay Caloy.

Gulat na gulat si Aldrin. Hindi niya inakala na ganoon kasalimuot ang kuwento ng tito Aldrin niya. At parang itinadhanang nangyayari sa kanya ngayon ang nangyari rin dati sa kapatid ng kanyang ama.

"Nangako ako sa bangkay ng tito mo, na kung mangyari sa mga anak ko ang katulad ng nangyari sa kanya, hinding-hindi ako tututol. Ibibigay ko ang buong pang-unawa sa aking anak. Dahil ayokong maulit muli ang nangyari sa kanya."

"Sorry, 'tay..."

"Wala kang dapat ihingi ng tawad. Sinunod mo lang ang tibok ng puso mo. Kung saan ka masaya, anak asahan mong susuportahan kita." Nangilid ang luha sa mga mata ni tatay Caloy.

"Salamat, 'tay."

"Tapusin mo na ang pagkain mo at matulog ka na. Mauuna na akong pumasok sa kuwarto at kanina pa ako inaantok," sabay tayo nito at tumalikod na sa anak pero nahagip pa rin ng mga mata ni Aldrin ang mabilisang pagpahid nito sa mga luhang nagbabanta nang tumulo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top