Chapter Six
"May naging girlfriend ka na ba?" biglang tanong ni Emong kay Altaire.
"Oo, noong high school ako," seryosong sagot ni Altaire.
"Anong nangyari? Bakit kayo nagkahiwalay?" curious na tanong ni Emong. Sa mga isasagot ni Altaire, doon siya kukuha ng tips kung paano niya makukuha ang loob ng binata.
"Pagka-graduate ng high school, pumasok na kasi ako sa seminaryo. Kaya kinailangan kong makipag-break sa kanya. Unfair naman kasi kung magpapatuloy ang relasyon namin. Unfair sa kanya, unfair din sa Diyos."
"Hindi mo ba siya nami-miss? Kasi di ba, naging kayo. It means, minahal mo siya. Hindi ka nanghinayang?"
Mapait na ngumiti si Altaire. "Iniyakan ko ang paghihiwalay namin. Sobrang minahal ko si Grace."
"Ah, Grace ang name niya. Hiniwalayan mo siya para sa ibang grace din naman."
Napakunot noo si Altaire. Hindi niya agad nakuha ang gustong sabihin ni Emong.
"Divine Grace," bulalas ni Emong. "Hindi ba maituturing na divine grace ang pagpapari? Ibang level ng grace pala ang gusto mo."
"Wow, naisip mo 'yun? Pinabibilib mo ako, Emong."
"Eh 'di nga ba, first runner-up ako sa Ms. Gay. Ibig sabihin, beauty and brains ako," nagbibiro pero confident na sagot ni Emong.
Mahinang tawa ang isinukli ni Altaire. "Nakakaaliw kang kausap. Parang walang dull moment kapag ikaw ang kasama."
"O, beware baka ma-in love ka sa akin!"
Napalakas ang pagtawa ni Altaire.
Umikot ang mga mata ni Emong. "Pinagtawanan lang talaga ako?"
"Hindi naman. Natutuwa lang talaga ako sa'yo. I'm glad na umuwi ako rito sa bayan natin. Dahil doon nakilala kita."
Oh my God! Bumilis ang tibok ng puso ni Emong. Ayaw niya ng mga ganitong eksena. Gusto lang niya na siya ang nagpaparamdam sa lalaki. Natutuliro na siya kapag tila sinasakyan na ng lalaki ang pagpaparamdam niya.
"Seryoso?" pagkukumpirma ni Emong.
"Seryoso! Masaya ako na nakilala kita."
This is it pancit! Hulog ka na sa charm ko, Altaire Torres! Tila gustong maglulundag sa tuwa ni Emong. Kung hindi lang nakakahiya, gusto rin niya sanang yakapin ang binatang seminarista.
"O, ba't parang naiihi ka diyan?" natatawang tanong ni Altaire.
"Naiihi talaga? Hindi ba puwedeng kinikilig lang?"
"Eh bakit ka kinikilig?" Nakatitig si Altaire kay Emong habang nagtatanong.
Hindi agad nakasagot si Emong. Pero likas siyang malakas ang loob... at pasaway!
"Eh kasi gusto kita. Crush na crush kita!" Sinalubong ni Emong ang pagtitig ni Altaire.
Hindi siguro inasahan ni Altaire ang kaprangkahan ni Emong kaya ito naman ang tila nakalunok ng kanyang dila. Hindi niya yata alam kung paano sasagutin ang sinabi ni Emong. Pero nanaig sa kanya ang pagiging seminarista. "Alam mong hindi puwede."
"Kasi seminarista ka?"
"Maliban doon, kasi lalaki ka rin."
"So kung babae ako, pupuwede kahit seminarista ka?"
"Hindi pa rin. Nakipaghiwalay nga ako kay Grace, 'di ba?"
"Ahhh..." Nawalan ng sasabihin si Emong. Parang ang lahat ng magagandang ilusyon niya kanina ay biglang naglahong lahat.
"It's time for my daily prayer. Gusto mo bang sabayan akong magdasal?" tanong ni Altaire.
"Ha? A-e hindi na lang. Uuwi na lang ako. Maaga pa ang klase ko bukas."
"Sige, ikaw ang bahala. Isara mo na lang ang gate paglabas mo."
Hindi mo ba ako ihahatid hanggang gate? gusto sanang itanong ni Emong pero iba ang lumabas sa kanyang bibig. "Sige, salamat. Tutuloy na ako."
Bumaba na si Emong. Sinundan na lang siya ng tanaw ni Altaire. Hindi hiniwalayan ng tanaw ni Altaire si Emong hanggang tuluyan na itong mawala sa kanyang paningin.
"O, saan ka ba nanggaling? Kumain ka na. May pagkain diyan sa mesa."
"Diyan lang po sa labas, 'nay. Mamaya na lang po ako kakain, busog pa po ako eh."
"Ikaw ang bahala. Papasok na ako sa kuwarto. Ikaw na lang ang mag-lock ng pinto. Huwag mong kalilimutan."
"Opo, 'nay. Matulog na po kayo. Ako na ang bahala rito."
Nagpasya si Emong na manatili muna sa salas. Binuksan niya ang tv at naghanap ng mapapanood. Nang walang magustuhan ay pinatay na niya ito at nagtungo sa pinto para i-lock ito. Nagpasya siyang huwag nang maghapunan. Nabusog naman siya sa biko na bigay ni Altaire.
Nag-toothbrush na lang si Emong at naglinis ng katawan upang makatulog na rin siya.
Pero hindi siya agad dinalaw ng antok. Kung ganitong excited siya ay hindi naman talaga siya kaagad nakakatulog.
At bakit ba siya excited?
Siyempre dahil matagal silang nagkausap ni Altaire. Ang saya-saya niya. Up close and personal ang usapan nila kanina. Para silang matagal nang magkakilala, komportable na sa isa't-isa.
Sabi ni Altaire nakakatuwa raw siya. Parang wala raw dull moment kapag siya ang kasama. Totoo naman iyon. Kahit sa school nga, siya ang nagpapasaya sa mga kaklase nila. Hindi dahil mukha siyang clown na katawa-tawa kundi dahil likas talaga siyang masayahin at puno ng nakaaaliw na anekdota tungkol sa kung anu-anong aspeto ng buhay.
Pero naisip ni Emong, mukhang wala naman siyang pag-asang masungkit si Altaire. Straight pa sa ruler ang lolo mo, seminarista pa! Anong milagro ang gagawin ko para maakit siya sa taglay kong ganda?
Haay, nawawalan na ako ng pag-asa. Minsan lang ako magkagusto sa isang lalaki, napurnada pa. Bakit kasi seminarista pa ang nagustuhan ko? My God! Ang daming puwedeng maging karibal. Bakit ang Diyos pa ang karibal ko?
Makukuntento na lang ba ako na friends lang kami?
Sabagay, mabuti na 'yung friends kami kesa naman wala kaming relasyon. Relasyon, daw oh! At least, may relasyon kami as friends.
Biglang naisip ni Emong, kailangan talagang makumbinse niya ang nanay niya na magtrabaho sa Maynila sa bahay nina Mrs. Torres. Kapag nangyari iyon, magkakaroon pa rin siya ng balita kay Altaire. May chance na hindi maputol ang communications nila.
Communications?
Kailangan ko ng cellphone!
Dapat pala hindi ko muna ibinigay lahat kay nanay 'yung premyo ko sa Ms. Gay. Sana pala bumili ako kahit mumurahing cellphone lang. Sigurado may cellphone si Altaire. Di bale, hihingin ko na lang ang number niya tapos mag-iipon ako ng pambili ng cellphone.
Saan pa ba may Ms. Gay contest? Makasali nga ulit.
Si Maya, may cellphone 'yun. Matagal na niya akong pinipilit na bumili rin ng cellphone para daw makapag-text kami pero ako lang 'yung ayaw. Sana pala sinunod ko ang sinabi niya.
Eh, malay ko ba na bigla kong kakailanganin ang cellphone. Eh, dati naman wala talaga akong pakialam sa mga ganyang gadget.
Pero iba na ang sitwasyon ngayon. Kaya dapat akong mag-adjust. Kung cellphone ang kailangan para may komunikasyon pa rin kami ni Altaire kahit bumalik na siya sa Maynila, puwes bibili ako ng cellphone!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top