Chapter One
NAGKAKAGULO na ang mga tao sa plaza. Ang daming may gustong mapanood ang taunang paligsahan ng naggagandahang mga bakla sa bayan ng Buenavista. Tuwing fiesta sa bayang iyon ay hindi nawawala ang Search for Miss Gay-Buenavista. Ito na ang culminating activity ng pagdiriwang ng fiesta at ginagawa sa mismong gabi ng kapistahan. Pero kung dati ay 18 to 30 years old ang mga puwedeng sumali, ngayon ay ginawa nilang 13 to 17 years old na lang para bagong mukha naman ang makasali at mapanood ng mga tagaroon. Napansin kasi ng organizers na taon-taon ay pare-pareho lang ang grupo ng mga sumasali kaya naisipan nilang lagyan ng konting twist ang paligsahan. Noong una ay tumanggi pa nga ang ilang miyembro ng komite. Hindi nila maisip kung may sasali bang ganoon kababata na mga bakla. Pero sa huli ay nakumbinse rin sila na ibaba ang edad ng mga puwedeng sumali sa paligsahan. Sa aminin man kasi o hindi, walang matris ang mga bakla pero taon-taon ay nadaragdagan ang kanilang populasyon. 'Di na nila kailangang manganak dahil kusang dumadami ang kanilang lahi.
Sa stage ay naroon na ang dalawang hosts na kabilang rin sa ikatlong kasarian. Nagkukulitan ang dalawa para aliwin at 'di mainip ang mga manonood na naghihintay sa announcement ng top three ng paligsahan.
"Sa ilang saglit lang po ay malalaman na natin ang top three. Excited na ba kayo?" masayang tanong ng host na sa tantiya ay lagpas bente na ang edad.
"Oo!!!" Hiyawan ang mga manonood.
Bumaling ang host sa kasama niya, "Mother, na-experience mo na bang sumali sa mga beauty contest no'ng kabataan mo?"
"Gaga! Bata pa ako, 'noh?!"
"Bakit, ilang taon ka na ba mother para sabihin mong bata ka pa?"
"Thirty!" nagmamalaking sagot ng bakla.
"Thirty?! Mother, huwag kang magbiro ng ganyan."
"Hindi ako nagbibiro. Thirty years old na talaga ako. Hindi ba halata? Sabagay, marami talagang nagsasabing hindi ako mukhang trenta."
"Mother, hindi ka talaga mukhang trenta. Mukha kang singkuwenta! Ano bang ginawa mo sa fez mo? Ba't wala ka nang face value?"
Tawanan ang mga manonood.
"Natatakot ako, mother. Twenty-five na ako ngayon. Ibig bang sabihin, ganyan na rin itsura ko 'pag trenta na ako? Juice colored!!!"
"Bakit, choosy ka pa? Oy, for your information suki ako ng mga beauty contest at madalas akong nananalo."
"Weh, eh 'di ba last year, Miss Friendship lang napanalunan mo?"
"O, eh panalo pa rin 'di ba? At least, hindi ako umuwing luhaan."
"Ano pa bang award ang napanalunan mo na, mother?"
"Darling of the Crowd."
Tawanan na naman ang mga tao.
"Mother, 'di ba usually ang nananalo ng Darling of the Crowd ay 'yung mga mukhang pinabili lang ng patis eh, nag-join na ng beauty contest."
"Hindi naman! Grabe ka sa akin. Nananalo rin ng Darling of the Crowd award 'yung mga nagiging paborito ng audience kasi maganda, o sexy, o talented at magaling sumagot sa question and answer portion."
"So, alin ka roon, mother?"
"Siyempre lahat! Hindi naman ako maglalakas-loob sumali ng beauty contest kung 'di ako maganda. Kailangan maganda, beauty contest, eh. At saka dapat may talent din. Ikaw ba, nanalo ka na ba sa beauty contest?"
"Oo naman, mother. Childhood dream ko 'yan at natupad ko naman."
Tumayo ang isa sa mga hurado na nakaupo sa harapan ng stage. Umakyat ito sa entablado at ibinigay sa host ang isang papel.
"Ladies and gentlemen, hawak ko na ang mga pangalan ng top three sa search for Ms. Gay-Buenavista 2015!"
Tumugtog ang isang mabagal ang tiyempong musika. Lumabas mula sa back stage ang sampung contestants suot pa rin ang gown na ginamit nila sa long gown competition. Bawat isa ay nakangiti. Hindi mo mababakas ang nararamdaman nilang kaba. Lahat ay umaasang sana ay kasama sila sa tatlong maswerteng pasok sa top three.
Ang contestant number 8 na si Guillermo Flores ay excited rin. Emong kung tawagin siya ng kanyang mga kaibigan. Nang malaman niyang ibinaba ang edad ng mga pwedeng sumali ay agad niyang pinaghandaan ang kompetisyong ito. Tiwala siya na kayang-kaya niyang sungkitin ang korona ng Ms. Gay-Buenavista 2015. Bakit ba hindi? Sa edad niyang disisais ay 5'7" ang kanyang height. Sakto lang ang kanyang pangangatawan. Hindi siya mataba. Ang kanyang mukha ay maamo at binagayan ng mapungay na mga mata at manipis na labi. At higit sa lahat naniniwala si Emong na loaded siya with talents na magiging dahilan para manalo siya sa paligsahan.
Bata pa lang ay alam na ni Emong na hindi siya katulad ng ibang mga batang lalaki sa lugar nila. Hindi siya mahilig tumambay o makipaglaro sa ibang mga batang lalaki. Ayaw niya rin ng mga panlalaking laruan. Mas gusto niyang nasa bahay lang. Nasanay na siyang tumutulong sa nanay niya sa mga gawaing bahay. Sabagay, sino pa ba naman ang magdadamayan kundi silang dalawa ng nanay niya. Mula nang mamatay ang tatay niya apat na taon na ang nakalilipas ay siya na ang naging gabay sa buhay ng kanyang ina. Pero bilang isang batang alam at tanggap ang kanyang kakaibang kasarian, si Emong ay may itinatago ring kalandian sa katawan. Mahilig siyang magsuot ng mga damit na pambabae. Madalas ay pinagbabawalan siya ng nanay niya lalo na sa tuwing nahuhuli siya nito. Pero paglipas ng ilang araw ay balik na naman siya sa nakagawian. Walang masyadong kaibigan si Emong. Pero balewala lang iyon sa kanya. Kuntento na siya na mayroon siyang bestfriend, si Maya. Kababata niya ito, kapitbahay rin kaya madalas na silang dalawa ang magkasama. Minsan ay pumupunta sa bahay nila si Maya. O kaya naman ay siya ang pumupunta sa bahay ng matalik niyang kaibigan. Talagang magkasundo silang dalawa at handang damayan ang isa't-isa sa oras ng problema.
Umalingawngaw ang boses ng host. "The first to enter top three is contestant number...," binitin nito ang pag-aanunsyo. "contestant number 7! Kathryn Bernardo!"
Naglakad papuntang harapan ng stage ang tinawag na contestant. Nag-pose ito at muling lumakad patungo sa kaliwang gilid ng stage. Sabay pose muli.
"O, mother basahin mo ang isa pang pasok sa top three," inabot nito sa kasamang host ang papel.
"Okay, let's say congratulations to contestant number 4, Nadine Lustre!" Talagang pinanindigan na ng mga kalahok ang paggamit ng pangalan ng mga sikat na artista.
Katulad ng naunang tinawag, naglakad din papuntang harapan ng stage si contestant number 4 at nag-pose. Tapos ay naglakad ito papunta naman sa kinatatayuan ni contestant number 7 at nag-pose sa tabi nito.
"And last but not the least... to complete our top three, we have contestant number..." Huminto ang host at nagtanong sa audience. "Sino? Sino ang gusto n'yo?"
Kanya-kanya namang sagot ang mga manonood pero dahil sa sigawan ay hindi naman maintindihan ang kanilang sinasabi.
"O, mother sabay tayong mag-announce... One... Two... Three... Contestant number 8! Maine Mendoza!"
Halos mapatalon na tuwa si Emong pero pinigilan niya ang sarili. Sa pagmamadaling maglakad patungo sa harap ng stage ay muntik pa siyang matapilok. Pero tulad ng isang reyna, aral na aral siya sa tinatawag na grace under pressure kaya keri niya pa ring ilutang sa lahat ang kanyang poise and bearing.
Tila prinsesa si Emong na mabining naglakad at ipinarada sa mga manonood ang kanyang ganda at porma. Masigabong palakpakan ang ibinigay sa kanya ng mga tao sa plasa.
Nang sa wakas ay kahilera na si Emong ng dalawang naunang tinawag, nagpasalamat sa mga naiwang kalahok ang dalawang hosts at pinabalik na nila ang mga ito sa back stage upang maisagawa na ang question and answer portion.
"Let's call on candidate number 7, hello Kathryn!"
Lumapit si candidate number 7 sa dalawang hosts at bumati. "Hello!"
"Kinakabahan ka ba?" tanong ng host.
"Konti lang. Mas lamang ang excitement," pa-tweetums na sagot ni Kathryn.
"Para mawala na ang konting kaba mo, kumuha ka na ng question dito sa bowl."
Dumukot ng isang nakabilot na papel sa bowl si Kathryn at ibinigay iyon kay mother host.
"O, mother ikaw na ang bumasa ng question."
"Eto ang tanong mo, Kathryn. Kung mabibigyan ka ng pagkakataong makapunta sa isang bansa na hindi mo pa nararating, saang bansa ito at bakit?"
Saglit na nag-isip si Kathryn pagkatapos ay puno ng kumpiyansang sumagot. "Pipiliin kong makapunta sa Vatican sa Rome, Italy dahil gusto kong bisitahin ang Santo Papa at personal kong maitanong sa kanya ang kanyang buong saloobin at pananaw sa mga taong nabibilang sa third sex. Gusto ko ring basbasan ako ng Papa sa Roma hindi dahil ako'y isang makasalanan kundi dahil ako'y isang tao na naniniwala sa kahalagahan niya bilang tagapagpalaganap ng mga salita ng Diyos. Iyon lang po at maraming salamat."
Nagpalakpakan ang mga manonood. Iyong iba ay sinabayan pa ng sigaw ang mga palakpak.
"Ang taray! Narinig mo 'yun, mother? Gusto niyang makipag-eyeball kay Pope. Thank you, Kathryn."
Naglakad na si Kathryn pabalik sa dati niyang puwesto katabi ng dalawa pang pasok sa top three.
Nagsalita naman si mother. "Tawagin naman natin si candidate number 4, Nadine Lustre."
Lumapit sa dalawa si Nadine. Maganda ito at medyo hawig nga kay Nadine Lustre ang itsura nito. Mas lalo pa itong gumaganda pag ngumingiti dahil lumalabas ang dimples nito.
"Bumunot ka ng tanong..."
Dumukot ng isang papel si Nadine at ibinigay sa host.
"Eto ang tanong mo, candidate number 4... Ano ang isang bagay na gusto mong ibigay bilang regalo sa lahat ng tao sa buong mundo at bakit?"
Agad na sumagot si Nadine. "Isa lang ang gusto kong ibigay na regalo sa lahat ng tao sa buong mundo, ito ay world peace! Bakit? Dahil marami na ang mga bansang hindi nagkakasundo, may giyera sa iba't-ibang panig ng mundo at tanging world peace lang ang makapagpapabalik ng totoong kaligayahan at kapayapaan sa bawat isa sa atin. Thank you po." Ang ganda ng ngiti nito pagkatapos sagutin ang tanong.
Hiyawan ang mga tao sa plasa. Tila kumbinsido sila sa sagot ni Nadine.
"Thank you, Nadine. So, huwag na nating patagalin. Tawagin na natin si candidate number 8, Maine Mendoza!"
Full of confidence na rumampa si Emong patungo sa dalawang hosts.
"Kumusta ka, Maine?" tanong ni mother host.
"Mabuti naman po. Masaya ako na nakarating ako sa top three."
"Bumunot ka na ng question dito sa bowl," sabi naman ng isa pang host.
Agad na ginawa ni Emong ang dapat gawin. Tapos ay iniabot niya sa host ang nabunot na papel.
"Here's your question. "Aling pagmamahal ang mas pahahalagahan mo, pagmamahal sa bayan o pagmamahal sa sarili at bakit?"
Ngumiti ng pagkatamis-tamis si Emong bago nagsalita. "Para sa akin, mas pahahalagahan ko ang pagmamahal sa sarili dahil paano ko pa magagawang magmahal ng iba kung sarili ko mismo ay hindi ko kayang mahalin? Kung mamahalin ko ang sarili ko, madali na para sa akin ang magbigay ng pagmamahal din sa iba maging sa bayan dahil naiintindihan ko na ang tunay na konsepto ng pagmamahal."
Sigawan na naman ang mga manonood. Halos pareho lang sa impact ng sigawan sa dalawang nauna kay Emong.
Nag-pose muli si Emong pagkabalik niya sa tabi ng dalawa pang kandidata.
"At habang hinihintay natin ang resulta, eto muna ang isang dance number mula sa sa Danz Mix Troupe!!!"
Lumabas mula sa backstage ang grupo ng limang kabataang lalaki na puro gwapo at sumayaw sa tugtog ng Talk Dirty. Hiyawan ang mga manonood dahil sa husay na ipinakita ng all male dancers. Ang mga kababaihan ay kinilig, maging ang mga miyembro ng third sex. Aliw na aliw sila sa bawat paggiling ng bewang ng mga kalalakihang nasa entablado.
Nang matapos ang sayaw ay muling bumalik sa stage ang dalawang hosts. Dala na ng mga ito ang resulta ng patimpalak.
"Eto na, mother! Excited na ako. Hawak ko na ang resulta!!!"
"Ano pa ang hinihintay natin? Lumalalim ang gabi, i-announce na natin kung sino ang nanalo."
Nakapuwesto na sa gitna ng stage ang tatlong natitirang kandidata. Bawat isa sa kanila ay tila pigil ang paghinga. Lihim na nagdarasal na sana ay pumabor sa kanila ang resulta.
"Our second runner-up, to receive five thousand pesos plus a trophy is candidate number 7, Kathryn Bernardo."
Kumaway sa audience si Kathryn.
"Dalawa na lang sila, mother kaya ang tatawagin nating pangalan ay 'yung grand winner ng titulong Ms. Gay-Buenavista 2015. Sino kaya kina Nadine Lustre at Yaya Dub Maine Mendoza ang nanalo?"
Sumagot si mother host. "Eto na, Ms. Gay-Buenavista 2015 to receive ten thousand pesos and a trophy is no other than candidate number..."
Halos hindi na humihinga si Emong. Dama na niya, siya ang tatanghaling pinakamagandang beki ngayong gabi!!!
"...candidate number 4 Nadine Lustre!!! It means that Maine Mendoza is the first runner-up and will receive seven thousand pesos and a trophy."
Hindi na naintindihan ni Emong ang iba pang sinasabi ng host. Nangilid na ang luha sa kanyang mga mata sa nadamang pagkabigo sa patimpalak na pinaghandaan niya nang husto.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top