Chapter Five

BUMILIS bigla ang pagtibok ng puso ni Emong. Tumalikod siya sa bintana at tila baliw na kilig na kilig sa paanyaya ni Altaire.

"Aayyyy! Pinapupunta niya ako sa kanila. Alam na this! Crush talaga ako ng Altaire na 'to." kinikilig na sabi ni Emong. Imagine, nung unang araw pa lang niya rito, ilang beses na niya akong nginitian. Hindi pa kami magkakilala nu'n. Tapos ngayon, sinenyasan niya ako para pumunta sa kanila. Hmm... anong akala niya sa akin easy to get? Dalagang probinsiyana ito, oy! Paghirapan niya kung gusto niya ako."

Muling dumungaw sa bintana si Emong pero hindi na niya nakita roon si Altaire.

"Ha? Nasaan na siya? Umalis na agad? Nakakainis naman!" nagmamaktol na sabi ni Emong. Hindi niya inaasahan na biglang aalis ang guwapong binata. "Sayang naman. Pagkakataon na sana para magkausap kami." Nalungkot si Emong sa panghihinayang. Pero bigla ring nagliwanang ang kanyang mukha. "Tama! Pupuntahan ko siya sa bahay nila. Pinapupunta naman niya ako, 'di ba?"

Mabilis na lumabas sa silid niya si Emong at patakbong tinungo ang pintuan ng bahay nila. Nadaanan pa niya si Aling Rosita sa salas.

"O, saan ka pupunta?" tanong ng ina ni Emong.

"Dito lang ako sa labas, 'nay! Babalik din po ako kaagad." Tuluy-tuloy na lumabas ng pinto si Emong.

Napailing na lang si Aling Rosita. "Batang ito, bumalik ka agad at maghahapunan na tayo!"

Hindi na sumagot si Emong. Mabilis nitong narating ang gate ng bahay ng mga Torres at agad siyang nag-doorbell. Hindi naman nagtagal at may nagbukas ng gate.

Nanlaki ang mga mata ni Emong. Nasa harapan niya ngayon si Altaire na guwapong-guwapo sa suot nitong puting sando at pambahay na shorts. Litaw na litaw ang mahahabang hita ng binata.

Napalunok si Emong. Grabe! Parang diyos sa Mt. Olympus ang lalaking ito. Napakaguwapo! At ang katawan, siyet na malagkit! Nakaka-wet!!!

"Pasok ka," ang cute ng pagkakangiti ni Altaire.

Nagtatanong ang mga mata ni Emong. Hindi pa rin siya makapaniwalang inaanyayahan siya ni Altaire na pumasok sa loob ng bahay. "Sigurado ka?"

Natawa ang binatang seminarista. "Oo naman. Mukha ba akong nagbibiro lang?"

"Ha? A-e, h-hindi naman." Diyos ko! Kelan pa ba ako naging utal? Bakit ganito ang nararamdaman ko gayong kaharap ko lang naman ang guwapong-guwapo lalaking ito?

"Halika na, tikman mo 'yung nilutong biko ni Aling Nida kanina." Si Aling Nida ang caretaker ng bahay ng mga Torres. Dinadalaw nito ang bahay tuwing umaga, tapos ay umuuwi na rin kaagad pagkatapos maglinis ng bakuran at ng buong kabahayan.

Pumasok na si Emong at sinundan sa paglalakad si Altaire.

"Maraming nilutong biko si Aling Nida kaya pinauwi ko na sa kanya 'yung iba. Pero may natira pa riyan." Nagkuwento na si Altaire habang papasok sila sa bahay.

Namangha si Emong pagpasok sa loob ng bahay. Hindi niya inaasahan na ang tila lumang bahay sa harapan ng bahay nila ay napakaganda pala sa loob. Lutang na lutang ang estado ng pamumuhay ng may-ari nito. Mula sa mga gamit na makikita sa loob hanggang sa interior design ng bahay ay hindi maikakailang may sinasabi sa buhay ang pamilya ni Altaire.

"Magtatagal ka ba rito?" biglang naitanong ni Emong.

"Isang buwan lang. Babalik din ako agad sa Maynila pagkatapos ng isang buwan," sagot ni Altaire habang kinukuha sa ref ang biko. Naglagay siya ng dalawang hiwa nito sa platito.

"Seminarista ka raw?" gustong kumpirmahin ni Emong ang detalyeng nauna na niyang nalaman kay Maya.

"Oo," maikling tugon ni Altaire.

Parang nalugi sa negosyo ang itsura ni Emong. Kahit alam na niyang totoong seminarista si Altaire, hindi pa rin niya naiwasang malungkot nang marinig mismo kay Altaire ang kumpirmasyon.

"Eto o, tikman mo itong biko." Inilagay ni Altaire sa mesa ang platito.

Hindi tuminag sa kinatatayuan niya si Emong.

"Uy!"

"Ha?" tila naalimpungatan si Emong mula sa isang mahimbing na tulog.

"Sabi ko kumain ka muna."

"S-sige... salamat." Umupo si Emong at sinimulang kainin ang biko.

Nakangiti si Altaire habang pinanonod si Emong sa pagkain ng kakaning niluto ni Aling Nida.

"Masarap, ah." Totoo ang pagpuri ni Emong sa kinakain.

"Oo, kaya nga pinatikim ko sa'yo kasi alam kong hindi ako mapapahiya."

"Bakit ka umuwi rito sa probinsiya?" pag-iiba ni Emong sa usapan.

"Nakabakasyon kasi ako ng isang taon sa seminaryo. Kaya naisipan kong umuwi rito kahit isang buwan lang."

"Isang taong bakasyon? Ang tagal naman. Baka hindi mo na maisipang bumalik doon."

"Isa 'yun sa purpose ng bakasyon. Para bigyan ako ng sapat na panahong makapag-isip kung gusto ko ba talagang pasukin ang bokasyon ng pagpapari."

"At 'pag bumalik ka sa seminaryo pagkalipas ng isang taon?"

"Ibig sabihin, buo na talaga ang loob ko sa napili kong bakasyon. 'Yung pagpapari nga."

"Ano ba sa tingin mo ang isang mabigat na dahilan na pwedeng magpabago sa isip mo na talikuran ang seminaryo?"

Napaisip si Altaire. Matagal bago siya sumagot. "Ewan ko. Wala akong maisip sa ngayon. Buong-buo ang loob ko na gusto kong maging pari at paglingkuran ang Diyos."

Isinubo ni Emong ang huling piraso ng biko saka muling nagsalita. "Puwede pa rin namang maglingkod sa Diyos kahit hindi ka maging pari."

Tumango si Altaire. "Oo, tama iyon. Pero iba siyempre kung pari ako. Dahil paglilingkod sa Diyos ang magiging trabaho ko habang buhay."

"Ako, puwede ba akong maging pari?" walang kaabog-abog na tanong ni Emong.

Bago pa nakasagot si Altaire ay nakapagsalita nang muli si Emong.

"O madre? Mas bagay yata sa akin na maging madre."

Nanlaki ang mga mata ni Altaire. Tila gusto nitong natawa pero pinipigilan lang nito ang sarili. "Gusto mong maging madre?"

"Joke lang. Gusto ko lang makita ang magiging reaksyon mo."

"Palabiro ka pala," tanging nasabi ni Altaire.

Pero 'yung pagtibok ng puso ko sa'yo, iyon ang hindi biro. "Paminsan-minsan lang, sa mga ka-close ko lang."

"So, close na pala tayo."

"Ayaw mo ba akong maging ka-close? Sa ganda kong 'to?"

"Ops, wala akong sinabing ayaw ko."

"Ibig sabihin, gusto mo ako?" pabiting tanong ni Emong. "...na maging ka-close?"

Malapad ang ngiting pinakawalan ni Altaire. "Bakit naman hindi? Mabait ka naman. May respeto sa magulang. At masipag mag-aral."

"At maganda," dugtong ni Emong. Naging first runner up kaya ako sa Ms. Gay.

"Sa bagay..."

"Anong sa bagay?"

"Na maganda ka."

"Weh? Palabiro ka rin pala."

"Maganda ka naman talaga, ah. Totoong napakaganda mo."

Muntik nang mahulog si Emong sa kanyang kinauupan. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Naririnig na nga niya ang pagtibok ng puso niya. Totoo ba ang narinig niyang sinabi ng guwapong seminarista? Nagagandahan sa kanya si Altaire?

Si Altaire na crush na crush niya?

Sorry na , Lord! Patawad po. Pero pagbigyan mo na ako. Lalandiin ko na talaga ng bonggang-bongga ang Altaire na 'to!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top