Chapter Fifteen

SOBRANG LAKAS ng tili ni Emong na umabot sa loob ng bahay. Tumatakbong lumabas si Aling Rosita at nagtungo sa pool area. Akala yata nito ay kung ano na ang nangyari sa kanyang anak. Nawala lang ang kaba niya nang makitang masayang lumalangoy sa pool si Emong kasama si Altaire. Napailing na lang siya. Ang kanyang anak, mukhang hindi na niya talaga mapipigilan ang kaalembungan nito pagdating kay Altaire.

MALUNGKOT SI Aldrin habang nakaupo sa pasamano ng bintana ng kanilang bahay. Sa ibaba ay tanaw pa niya ang kanyang ina na nagwawalis sa bakuran. Ang kanilang bahay ay tipikal na bahay sa probinsiya na ang bintana ay may malapad na pasamano na ginagawa niyang upuan kapag nag-iisa lang siya at nag-iisip.

"Aldrin!" Narinig niyang sumigaw ang kanyang ina. Tiningnan niya ito.

"Bakit po?"

"Mahulog ka riyan! Ang laki ng kuwarto diyan mo pa naisipang umupo!" sermon sa kanya nito.

"Mas okay dito, 'nay. Presko ang hangin. Nag-iingat naman po ako."

Ipinagpatuloy na ng nanay niya ang pagwawalis. Muli naman ay natuon siya sa pag-iisip. Kumusta na kaya si Emong? Sigurado, masayang-masaya iyon. Makasama ba naman sa bahay ang lalaking crush na crush, eh 'di malamang wala nang inatupag iyon kundi magpapansin at makipagharutan sa Altaire na iyon.

Pinakiramdaman ni Aldrin ang sarili. No, wala naman siyang nararamdamang galit kay Altaire. Wala naman itong kasalanan sa kanya. Hindi nito kasalanan kung magka-crush dito si Emong. At saka seminarista naman ito. Parang napakalayo namang mangyaring papatulan nito si Emong. Kaya kahit harap-harapan siyang pagsungitan ni Emong, hinding-hindi niya pagseselosan si Altaire dahil kumpiyansa siyang walang patutunguhan ang ilusyon nito sa guwapong seminarista. Totoo naman kasing guwapo ito. Mukhang maganda pa ang katawan. At mayaman. Pero kahit na. Guwapo rin naman siya at darating ang panahon na gaganda rin ang katawan niya. Kapag nakatapos siya ng pag-aaral, magtatrabaho siya para yumaman. Para magustuhan din siya ni Emong.

"Aldrin!"

Nagulat pa siya nang makita kung sino ang tumawag sa kanya. "Maya?! Anong ginagawa mo rito?"

"Bakit, masama na bang puntahan kita rito? Bumaba ka nga rito at may sasabihin ako sa'yo."

"Teka lang!" Dali-daling bumaba si Aldrin para puntahan si Maya. Nadaanan pa niya ang nanay niya na nasa kusina at nagluluto na ng pananghalian.

"O, saan ka pupunta?"

"Dito lang po sa labas, 'nay. May sasabihin lang si Maya." Tuluy-tuloy siyang lumabas ng pinto.

Nakangiti si Maya nang sa wakas ay makaharap siya.

"O, anong sasabihin mo?" tanong ni Aldrin.

"Puntahan natin si Emong sa Maynila," diretsahang sabi nito. "Bakasyon naman. Gumala tayong tatlo."

"Ha? Eh, kelan naman?"

"Sa Sabado. Aalis tayo nang madaling araw dito para umagang-umaga eh naroon na tayo sa Maynila." Mukhang pinlano na ni Maya ang lahat bago pa ito pumunta kina Aldrin.

"Parang andami mong pera, ah."

"May naipon naman akong konti. Kakasya na iyon para sa pamasahe at pambili ng makakain habang nandoon tayo."

"Problema, wala naman akong pera. Hindi ko alam kung makakahingi ba ako sa tatay. At hindi rin ako sigurado kung papayagan ako no'n."

"Grabe ka naman. Ako ngang babae, pinayagan. Ikaw pa kaya? Kalalake mong tao."

"Magkaiba naman tayo ng magulang," argumento ni Aldrin. "Hindi pa ako nakakapunta ng Maynila nang hindi kasama ang mga magulang ko, kaya hindi ko masisiguro kung papayag sila."

"Pinayagan ako ng nanay ko kasi sinabi kong makikipagkita tayo kay Emong. Kampante si nanay na hindi ako mapapahamak kasi naroon din naman si Aling Rosita," paliwanag pa ni Maya.

"Ah, basta! Hindi ko maipapangako. Magpapaalam muna ako sa mga magulang ko. Gusto ko mang makita si Emong, kapag hindi ako pinayagan ng mga magulang ko hindi ko sila susuwayin."

"Haay, ano ba 'yan. Hindi mo na ba mahal si Emong?" nanlulumong reaksyon ni Maya.

"Alam mo kung ano ang sagot ko diyan. Pero hindi ko pa rin puwedeng suwayin ang mga magulang ko," giit ni Aldrin. "Babalitaan na lang kita kung papayagan nila ako o hindi."

"Sige... Ikaw ang bahala."

"Iyon lang ba ang sasabihin mo? Sana nag-text ka na lang. Napagod ka pa pagpunta rito."

"Hindi naman. Papunta kasi ako sa bayan. Naisipan ko lang na dumaan muna rito."

"Ganoon ba? Paano? Ite-text na lang kita kapag pinayagan ako ni tatay. Sa kanya rin kasi ako hihingi ng pera sakali mang pumayag siya. Sana nga pumayag. Gusto ko rin namang makita si Emong."

NANG DUMATING ang tatay ni Aldrin nang gabing iyon ay agad niya itong kinausap. Sinadya niyang buksan ang usapan habang naghahapunan silang pamilya.

"Tay, may sasabihin po sana ako."

Diretso lang sa pagkain si Mang Caloy. "Ano ba 'yun? Parang importante, ah."

"Ah, medyo po," sagot niya. "Tay, papayagan mo po ba akong pumunta sa Maynila para makipagkita kay Emong. Plano po kasing lumuwas ni Maya sa Sabado, sasama po sana ako."

Napatigil sa pagsubo ang kanyang ama. Maging ang kanyang ina ay natigilan din.

"Alam n'yo ba ang pupuntahan n'yo sa Maynila?" tanong ni Tatay Caloy. "Malaki ang Maynila, baka maligaw kayo."

"Alam ni Maya ang address, 'tay." Hindi sigurado si Aldrin kung alam nga ba ng kaklase ang address. Pero hindi naman siguro maglalakas ng loob lumuwas si Maya kung hindi nito alam ang pupuntahan. "At saka, 'tay malapit lang naman, 'di po ba? Limang oras na biyahe lang mula rito sa atin."

"Kahit na. Ibang lugar pa rin iyon at hindi n'yo kabisado. Baka mapahamak kayo," giit ng ama niya.

"Anak, 'di ba kaluluwas lang nina Emong. Parang napakaaga naman para dalawin n'yo siya kaagad," sagot naman ng kanyang inang si Aling Naty.

"Siyanga pala, napag-usapan na rin lang ang Maynila meron akong ibabalita sa inyo. Simula sa isang buwan, sa Camp Crame na ako madedestino."

Napamulagat si Aldrin. "Iiwan n'yo kami rito, 'tay?"

Si Aling Naty ay medyo nabigla rin. "Ba't biglaan ka naman nilang inilipat?"

"Promotion iyon kaya tinanggap ko na rin. Para rin naman sa pamilya natin."

"Ang kaso, mapapalayo ka naman sa amin," argumento ng ina ni Aldrin.

"Puwede naman akong umuwi rito kapag walang pasok. O kaya naman, puwede kayong lumuwas para puntahan ako."

"Talaga, 'tay? Puwede kaming lumuwas ng nanay 'pag doon ka na nakadestino sa Camp Crame?" Biglang nagkaroon ng ideya si Aldrin. Hindi pa rin pala mababalewala ang pangarap niyang makitang muli si Emong.

Tumango ang tatay niya. "Oo. Kung puwede ko nga kayong isama, gagawin ko. Kaso, sayang naman itong bahay natin dito kung iiwanan natin. At saka mas masarap ang buhay dito kesa sa siyudad. Gusto ko pa ring dito tumira kapag retired na ako."

"Basta, mag-iingat ka roon palagi," paalala ni Aling Naty sa asawa. "At bawal ang kalokohan."

"Kelan ba ako nagloko? Alam mo namang stick to one lang ako. Ikaw ang nag-iisang babae sa buhay ko." Nakangiting sabi ni Tatay Caloy.

"Waaaahhh! Ang sweet ni tatay," panunukso ni Aldrin sa ama. "O, 'nay huwag ka na pong mag-alala. Good boy naman si tatay. Hindi niya tayo ipagpapalit sa iba."

SA BAHAY ng mga Torres ay ipinagtimpla ni Emong ng gatas si Altaire. Dadalhin niya ito sa kuwarto nito para may dahilan siyang umakyat at makapasok sa silid ng lalaking kinababaliwan niya. Ang totoo, gusto lang naman niyang makita si Altaire bago siya matulog. Alam mo na, pampa-sweet dreams.

Dahan-dahang umakyat si Emong sa ikalawang palapag ng bahay. Kabisado na niya kung saan ang silid ni Altaire kaya hindi na niya binuksan ang ilaw. Nakita niyang bahagyang nakabukas ang pinto ng kuwarto nito. Nanlaki ang mga mata niya nang masilip niya mula sa labas ng pinto ang nakatalikod na binata na nakatapis lang ng puting tuwalya. Mukhang katatapos lang nitong maligo. Halos lumuwa ang mga mata ni Emong nang biglang tinanggal ni Altaire ang nakatapis na tuwalya at ginamit iyon para tuyuin ang buhok nito at katawan. Agad rumehistro sa utak ni Emong ang itsura ng puwet ni Altaire. Parang puwet ng baby. Napakakinis at napakatambok!

Napalunok si Emong sa tanawing walang sawa niyang pinagmamasdan. Para siyang nakakita ng isang nakatalikod na diyos mula sa Mt. Olympus. Hindi niya tuloy alam kung ibibigay pa ba niya ang tinimplang isang basong gatas o tatakbo na lang pababa.

Biglang pumihit si Altaire at nakita niya ang tila natuklaw ng ahas na si Emong. "Emong! Anong ginagawa mo riyan?" Agad niyang itinapis muli sa baywang ang tuwalya para matakpan ang kanyang hubad na katawan.

Si Emong naman ay hindi nakasagot sa sobrang kahihiyan. Huling-huli siya ni Altaire na nakatitig sa hubad nitong katawan!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top