Chapter Eight
BINALOT ng hilakbot ang buong pagkatao ni Aling Rosita. "Ang anak ko! Anong nangyari sa anak ko?"
"Nabundol siya ng traysikel, Aling Rosita. Nasa ospital na po si Emong ngayon," sagot ng bata.
Napatingin si Aling Rosita kay Altaire na tila nagpapasaklolo. Agad namang nag-alok ng tulong ang seminarista. "Puntahan na po natin siya sa ospital." Bakas sa mukha ni Altaire ang pag-aalala. Sa maikling panahon ng pagkakakilala nila ni Emong ay kaibigan na ang turing niya rito.
"Salamat, Altaire. Teka lang at kukunin ko ang pitaka ko sa kuwarto." Nagmamadaling pumasok ang ina ni Emong sa loob ng bahay.
"Aalis na ako, kuya." Nagpaalam na ang bata kay Altaire.
"Sige, salamat sa'yo. Mag-iingat ka."
"Opo." At tumakbo na papalayo ang batang lalaki.
Hindi naman nagtagal at lumabas din kaagad si Aling Rosita.
"Nanginginig po kayo, Aling Rosita. Okay lang po ba kayo?" tanong ni Altaire.
Tumango ang ina ni Emong. "Oo, okay lang ako. Kinakabahan lang ako ng sobra."
"Huwag po kayong masyadong mag-alala. Magiging maayos rin ang lahat," pagpapakalma ng binata sa kausap.
"Sana nga maayos ang lagay ng anak ko."
"Tayo na po." Si Altaire. Pinara niya ang unang traysikel na dumaan at sumakay silang dalawa. "Sa ospital po tayo."
SA INFORMATION desk agad na nagtungo sina Altaire at Aling Rosita.
"Nasaan po si Guillermo Flores, 'yung nabundol ng traysikel? tanong ni Aling Rosita sa receptionist.
"Nasa operating room pa siya. Hintayin n'yo na lang po na lumabas sa operating room ang doktor."
"Diyos ko, 'wag mong pababayaan ang anak ko," naiiyak na usal ng ina ni Emong.
"Gusto mo po bang pumunta muna tayo sa chapel? Magdasal tayo doon," alok ni Altaire.
"Oo sige," pagsang-ayon ni Aling Rosita.
Habang papunta sa chapel ay nakasalubong ng dalawa sina Maya at Aldrin.
"Aling Rosita!"
"Maya! Anong nangyari? Paanong nabundol ng traysikel si Emong?"
"Naglalakad po kami pauwi. Hindi po namin namalayan nang bigla na lang dumating 'yong rumaragasang traysikel. Nawalan po yata ng preno, nahagip si Emong," mangiyak-ngiyak na kuwento ni Maya. "Sorry po, Aling Rosita. Wala po kaming nagawa para maiwasan ni Emong 'yong traysikel."
"Huwag mong sisihin ang sarili n'yo. Aksidente ang nangyari. Wala namang may gusto na mapahamak ang anak ko. Nag-aalala lang talaga ako sa kalagayan n'ya."
"Nasa operating room pa po siya. Napuruhan po ang paa niya," sabi ni Aldrin. "Pero hindi pa po tayo sigurado kung paa lang niya ang apektado. May sugat din po siya sa ulo."
"Pupunta kami sa chapel. Kayo ba?" tanong ni Aling Rosita.
"Uuwi po sana muna kami," maikling sagot ni Maya. "Pero babalik po kami mamaya."
"Ganun ba? O, sige mag-iingat kayo, ha?"
"Balik na lang po kami mamaya, Aling Rosita," sabi ni Aldrin.
Tumango ang matandang babae. "Salamat sa inyong dalawa."
Ngumiti sina Aldrin at Maya sa nanay ni Emong bago tuluyang naglakad papalabas ng ospital.
"Sana walang grabeng pinsalang tinamo si Emong," nag-aalalang sabi ni Aldrin habang naglalakad sila ni Maya. "Naiinis ako sa sarili ko, wala man lang akong nagawa para hindi siya nasagasaan nung tricycle."
"Aksidente 'yon. Hindi naman natin ginustong mangyari. At saka nahuli naman ng mga pulis 'yong tricycle driver. Sana nga, gumaling agad si Emong. Malapit pa naman ang graduation, baka 'di siya maka-attend kung hindi siya kaagad makalalabas ng ospital," malungkot na sabi ni Maya.
"Alam mo bang hindi pa rin maalis sa utak ko ang nangyari?" tanong ni Aldrin. "Masaya lang tayong naglalakad pauwi habang nagkukuwentuhan. Tapos ganoon..."
"O, bespren kelan mo ba talaga sasagutin itong si Aldrin?" nangungulit na tanong ni Maya kay Emong. Pauwi na sila noon at gaya ng nakagawian, mas pinili na lang nilang maglakad kesa sumakay ng tricycle.
"Hay, naku! Ba't 'di na lang kaya ikaw ang sumagot sa kanya. Mukha namang botong-boto ka riyan kay Aldrin kaya siguradong magkakasundo kayo."
"Ano ba ang ayaw mo sa akin? Guwapo naman ako, mabait pa. Ang dami ngang girls ang may crush sa akin sa school. Pero ayaw ko sa kanila kasi nga ikaw ang gusto ko," tila nagtatampong sabi ni Aldrin. "Kita mo naman, kahit malayo sa inyo ang bahay ko, eto sumabay pa ako sa inyo para maihatid ka."
"Utang na loob ko ba?" taas-kilay na tanong ni Emong. Ewan pero mula nang makilala niya si Altaire, bigla na lang siyang naging masungit kay Aldrin. Dati naman ay pinababayaan niya lang ito kahit na madalas siyang kulitin. Ngayon, binabara na niya ang binatilyong kaklase.
"Wala naman akong sinasabing ganun, ah. Ang sinasabi ko lang, sana mapansin mo naman 'yong effort ko para mapalapit sa'yo," paliwanag ni Aldrin. "Hindi ko alam kung anong nangyari at bigla ka na lang naging masungit sa akin. Dahil ba may iba ka na?"
Hindi na sumagot si Emong.
Noon sila nakarinig ng mga sigawan. Kasabay ang pagdating ng isang traysikel na tila nawalan ng preno at patungo sa gawi nilang tatlo.
Agad na nakatakbo si Maya at Aldrin para hindi sila mahagip ng rumaragasang traysikel. Ngunit huli na para makaiwas pa si Emong. Ang huling namalayan na lang niya ay ang imahe ni Maya na nagsisisigaw sa takot at si Aldrin na agad na bumuhat sa kanya.
"Text mo ako 'pag pupunta ka na sa ospital, ha?" sabi ni Maya. "Sabay na lang tayong pumunta."
Tumango si Aldrin. "Maliligo lang ako, tapos babalik na rin ako kaagad do'n."
***
"DOKTOR..."
Agad na napatayo si Aling Rosita para salubungin ang doktor na lumabas mula sa operating room.
"Kayo po ang nanay ng pasyente?" magalang sa tanong ng manggagamot.
"Ako nga po," sagot ni Aling Rosita kasabay ang mabilis na pagtango. Si Altaire ay nakamasid lang sa dalawa. Hinihintay rin niya ang sasabihin ng doktor.
"Okay na ang pasyente. Nabugbog ang kanyang kaliwang binti kaya kailangan pa niyang manatili rito sa ospital ng mga ilang araw. At para na rin maobserbahan ang sugat niya sa ulo. Medyo malalim kasi ang naging sugat niya. Pero huwag na po kayong mag-alala, ligtas na sa panganib ang anak n'yo."
"Salamat sa Diyos, at sa inyo rin po, Doc." Umaliwalas ang mukha ng nanay ni Emong.
"Sige po, may pupuntahan pa akong pasyente. Hintayin n'yo na lang po siya sa kuwarto."
"Salamat po ulit," pahabol ni Aling Rosita.
"Mauna na po kayo sa kuwarto. Pupunta lang muna ako sa nurse station para tingnan kung may mga gamot na kailangang bilhin para kay Emong," mahabang sabi ni Altaire.
Agad na kumuha ng pera sa kanyang pitaka si Aling Rosita. "Altaire, iho eto ang pera. Pasensya ka na at naabala ka nang masyado."
Tinanggihan ni Altaire ang iniaabot na pera ng ina ni Emong. "Huwag na po, ako na ang bahala. Hindi naman po ito abala. Malapit kayo sa pamilya namin at kaibigan ko na rin si Emong."
Wala nang nagawa si Aling Rosita nang lumakad si Altaire patungo sa nurse station. Nang bumalik ito ay nasa kuwarto na si Emong pero tulog pa ito.
"Eto po 'yung mga gamot ni Emong." Iniabot ni Altaire ang mga gamot kay Aling Rosita.
"Magkano ito, Altaire? Baka mabaon ako sa utang sa'yo," nag-aalalang sabi ng nanay ni Emong.
"Huwag n'yo pong isipin 'yan. Bigay ko lang 'yan kay Emong."
"Napakabait mong bata, Altaire. Bagay ka ngang maging pari."
Malapad ang ngiting isinagot ni Altaire.
"Baka may gagawin ka sa bahay, iwan mo na lang kami rito. Ako na ang bahala kay Emong," sabi ni Aling Rosita. "Hindi kita itinataboy, ha? Gusto ko lang na makapagpahinga ka rin."
"Sige po, mamayang konti uuwi na rin ako. Pero babalik po ako bukas," sagot ng binatang seminarista.
"Nay..."
Sabay na napalingon sina Altaire at Aling Rosita kay Emong.
"Emong, salamat sa Diyos at gising ka na."
"Ang sakit ng ulo ko, 'nay. Pati ang binti ko."
"May sugat ka kasi sa ulo. Malalim daw sabi ng doktor. Tapos 'yung binti mo, nabugbog. Gagaling ka rin kaagad, anak. May awa ang Diyos."
"Altaire..." Kahit may nararamdamang sakit ay binalot ng tuwa ang puso ni Emong nang makita ang binatang seminarista.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top