01 : Crystal Palace
Masakit ang buong katawan ko dahil sa malayong paglalakbay kaya naisipan niyang magpahinga muna sa isang puno na halos kasingtangkad ko lang. Tinitigan ko ang mayayabong nitong mga dahon na kulay asul na pinapalibutan ng mga bolang tubig na lumulutang sa ibabaw nito.
Napatingala ako at nakitang maganda ang araw ngayon. Naisip ko bigla ang misyon inako ko. Hindi ko lubos maisip na aakuin ko ito. Sa sobrang desperada kong magkaroon ng sariling kapangyarihan ay ginawa ko ang isang bagay na hindi ko alam kung magagawa ko ba ng maayos.
Ni hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko sa oras na makaharap ko ang peligro sa gitna ng paglalakbay ko.
Napabuntong hininga nalang ako saka tumayo para ipagpatuloy ang aking paglalakad.
"Anong ginagawa mo dito? Anong nais mo sa lugar na 'to?"
Naging alerto ako nang makarinig ng isang boses ng isang babae. Matinis ito kahit puno ng awtoridad ang boses na narinig.
Napatawa ako ng mahina. Ramdam ko na gusto akong takutin ng taong ‘yon pero batid kong hindi ito sanay sa pananakot.
"SINO KA?!"
Biglang bumuhos ang malakas na ulan. Nawala ang mga ngiti sa labi ko.
Hindi ko ‘yon inasahan.
Ang akala ko ay namamanipula ng mga nakatira sa Water Kingdom ang tubig. Naisiksik ko tuloy ang sarili ko sa punong kinatatayuan ko. Ngunit hindi ‘yon sapat.
“Hindi mo kayang ilagan ang ulan—hindi ka galing sa lugar na 'to-pero hihihi ang ganda ng buhok mo! Ngayon lang ako nakakita ng kulay pilak na buhok. Saan ka nagpakulay nyan? Baka pwede mong sabihin sakin. Kung 'di mo naitatanong, gustong gusto ko talagang mapalitan ang kulay ng buhok ko—”
At nagpatuloy lang sa pagkekwento ang kung sino mang babaeng kumakausap sa'kin. Wala pa akong nakikilalang peculiar na ganito kadaldal. Parang inabot kami ng ilang oras dahil sa pagkekwento niya.
Hindi pa rin tumitigil ang pag-ulan. Kada sisigaw o kaya tatawa ang kausap ko, mas lalo lumalakas ang pagbuhos ng ulan at inaabot pa nito ang pwesto ko. Basa na rin ang kulay pilak kong bota.
"Pwede ka bang magpakita sakin? Kanina pa tayo nag uusap pero hindi kita makita. Mukha tuloy akong baliw na tumatango tango dito."
Hindi ako nakatanggap ng sagot mula sa kan'ya. Akala ko nga iniwan niya na ako at umuwi na siya kung saan man ang bahay niya pero napapikit nalang ako nang may makita akong papalapit na rumaragasang tubig sa kinatatayuan ko. Naghintay ako ng ilang segundo pero walang tubig na tumama sa katawan ko. Unti unti kong iminulat ang mga mata ko saka nakitang may nakatayong babae sa harap ko.
Ang buhok nito ay hanggang beywang at kulay asul ito. Ang mga mata niya ay ganoon din ang kulay. Kulay asul din ang hanggang tuhod nito damit at may nakasabit na veil sa buhok niya.
"Ako yung kausap mo kanina! Tawagin mo kong Silvermist." Inilahad nito ang kanang kamay niya. Hindi pa gaanong prumoseso sa utak ko ang mga nangyayari kaya hindi ko agad siya nakamayan. Hindi na ako nagulat nang makitang tubig na hugis kamay na ang hawak ko. "Siguro iniisip mo kung bakit Silvermist ang pangalan ko pero hindi kulay pilak ang buhok ko,no? HAHAHAHA. Si Inang Lidagat kasi ang may gawa nito."
Lidagat.
Isa siya sa mga reyna na nakakausap ni Reyna Cladestine tuwing may pagtitipon ang buong Fantasia kabilang ang tatlo pang nasa ibang kingdom.
Si Lidagat ang diyosa ng katubigan o karagatan. Isa sa mga abilidad nito ang paggawa at pagmanipula ng tubig at utusan ang mga hayop sa ilalim ng karagatan o kahit saang parte na mayroong tubig.
"Mythia." Pagpapakilala ko.
Halos mapunit na ang pisngi nito sa pagngiti ng mapapad.
"Ang ganda naman ng pangalan mo, Mia." Saad niya saka pumalakpak pa.
"Mythia ang pangalan ko. Hindi Mia."
"Oo nga, Mia."
Hindi nalang ako nakipagmatigasan pa at umiling iling nalang ako.
"Saan nga pala ang punta mo, Mia? Kung ibang tagadito ang nakakita sayo, paniguradong sa Dragon's Lair ang punta mo." Aniya saka ngumuso. Pinaglaruan nito ang mga hugis bolang tubig sa aming dinadaanan.
"Hinahanap ko ang mga tagapagmana ng dyamanteng kwintas sa kada kingdom. Kailangan makasama ko silang lahat. Pag nangyari 'yon, paniguradong mabubuo na ang elementum."
...at siguro ay magkakaroon na din ako ng sarili kong kapangyarihan.
"Elementum." Napalingon ako kay Silvermist na napatigil sa paglalaro ng mga bolang tubig.
"May alam ka ba tungkol sa elementum, Silver?"
Nanlaki ang singkit na mga mata ni Silvermist. Kunot noo akong napatitig sa kaniya. May maliliit na tubig na tumulo mula sa kamay niyang nakababa.
"Hihi. Ngayon lang may tumawag sa'kin ng Silver. Laging buong pangalan ko ang binabanggit ng iba sa tuwing nakikita nila ako. Nakakatuwa at may isang tao na akong maituturing na kaibigan!"
Kaibigan?
"Gusto rin kitang maging kaibigan, Silver."
Wala pa akong nagiging kaibigan. Ang dahilan nito ay ang pagiging isang normal na peculiar ko lang. Sandali lang akong nabigla nang sabihin ni Silver na sa maiksing panahon ay itinuturing niya na 'kong kaibigan. Magaan sa pakiramdam. Nakakawala din sa sarili. Napatawa na naman ako ng mahina.
"Yuhoo, Miaaa."
Napabalik ako sa reyalidad nang makitang kumakaway-kaway si Silver sa harap ko.
"Nga pala Mia, ano nga ulit yung tanong mo?"
Tiningnan ko muna ang paanan ni Silvermist saka napailing.
"Bumaba ka nga muna." Napahagikgik ito.
Pa'no ba naman kasi, akala ko nakatingkayad lang siya pero hindi pala. May pahabang tubig sa paanan niya tapos yun ang tinatapakan niya.
"Alam mo ba yung Elementum?"
Tumango si Silver at saka humagikhik na naman nang muntik na akong madapa.
"Hmm...elementum. Narinig ko na 'yan nung bata pa ako. Pinaguusapan 'yan nila ina noon kasama ng apat na reyna sa iba pang mga kingdom. Sabi nila, kung ang tubig, apoy, hangin at lupa ay puro kalakasan lang ang taglay, ang elementum naman ay kakaiba. Ito ang pinakamalakas sa apat na nabanggit ko pero ang hindi maganda don, kapag may isa sa apat na elementong nabanggit ko ang nasira, masisira rin ang elementum."
Napatango naman ako.
Ako lang yata ang walang alam tungkol sa elementum.
"Pero alam mo ba, Mia? Walang tagapangalaga ng elementum." Pinaglaruan nito ang mga nadadaanan namin katubigan. "Walang nakalagay sa kahit anong kasulatan sa kada kingdom na may tagapangalaga nga ito. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa lahat ang tunay na tinataglay ng elementum. Dahil nga wala pa itong tagapangalaga, tanging mga kuro-kuro palang ang maririnig mo tungkol dito."
Tumigil sa paglalakad si Silver at lumingon sa likod niya kung nasaan ako.
"Nandito na tayo."
Napataas ang kilay ko nang sabihin niya 'yon.
Agad ko ring inilibot ang paningin ko sa lugar na nasa harapan ko.
Ang Crystal Palace.
Ang lugar kung saan nakatira ang mga taga-Water Kingdom.
Nang makarating kami sa loob ay agad kaming sinalubong ng mataray na mukha ni Reynang Lidagat.
"Ina, siya nga pala si Mia, ang bagong kaibigan ko. Ang ganda ng buhok niya,diba? Nais ko sanang magpaalam, Ina. Magpapakulay ako ng buhok!"
Napahilot ng sintido si Reyna Lidagat. "May kulay na ang buhok mo, anak. At saka," tiningnan ako nito mula ulo hanggang paa. ", sa susunod ay wag kang makikipag-usap sa estrangherong makikita mo sa daan."
Napayuko ako.
Alam kong hindi basta basta si Reyna Lidagat. Hindi ito ganon kataray ngayon. Ang sabi nila ay mukha itong pinaglihi sa sama ng loob.
"Ano nga palang kailangan ng kasama mo, Silvermist?" Nakataas kilay nitong tanong.
Napaismid ako.
Ramdam kong hindi ako gusto ng Reyna bilang kaibigan ng anak niya.
"Gusto ko po sanang magpaalam." Tumango naman ang Reyna at saka ipinagkrus ang kaniyang mga braso. Bakas pa rin ang mataray nitong awra na kahit ako ay hindi kayang matingnan ang mukha niya ng matagal.
"Maglalakbay ka?!" Nanlalaki ang mga matang tanong sakin ni Silver. Ngumiti ako ng matipid saka tumango.
"Ito ang misyon ko. Ang pagsama-samahin ang apat na tagapangahawak ng hiyas ng apat na elemento."
Nailang ako nang makitang titig na titig si Silver sakin.
Mukhang may sasabihin siya na hindi niya kayang sabihin.
"Alam mo naman na, 'di ba?"
"Ang alin?"
"Handa akong tulungan ka sa misyon mo. Ang pagsasama-sama sa apat at pagbuo sa elementum." Pumalakpak si Silver at nagsilitawan ang mga patak ng tubig sa gilid niya. Inilahad niya ang kanang kamay niya at nakipagkamay.
"Kinagagalak kang makilala ng tagapangahawak ng hiyas ng elemento ng tubig."
"MIAAAAAAA! YUHOOOO!"
Lumingon ako kay Silver na nakahanda na ngayon.
Sa hinaba-haba ng diskusyon nila ng Reyna ay pinayagan pa din siya nito. Hindi niya sinabi ang totoong rason dahil paniguradong hindi siya papayagan nito at iisipin nitong may masama akong balak sa anak niya.
"Tara na."
Naglakad na kami palabas ng Crystal Palace.
Mahigit tatlong oras kaming naglalakad ni Silver sa kahabaan ng gubat. Malayo na kami sa tahanan nila Silver.
Pagod na pagod na kami. Ang kaninang maingay na si Silver na nasa harapan ko ay bagsak ang balikat na nagsasalita nalang ng kung ano-ano.
Dahil hindi na rin namin kinaya, hapong hapo kaming napaupo sa lupa.
Ang magandang kasuotan ni Silver ay nabahiran ng putik. Wala namang problema 'yon dahil malilinisan niya naman 'yan gamit ng tubig niya.
Nakatingala ako sa kulay asul na kalangitan nang bigla akong makakita ng rumaragasang bulalakaw na halatang tatam sa pwesto namin ngayon.
Nag-aalab ito habang papalapit. Napasigaw ako na nakapagpagising sa natutulog na kaluluwa ng katabi ko.
Agad namang niya itong binato ng isang bolang tubig. Nawala naman ang bulalakaw pero nandito pa rin ang kaba ko.
Tatayo na sana ako para kumapit kay Silver nang makarinig ako ng mahina at malamig na boses ng isang babae.
Napatayo si Silver at napatingin sa likod. Tumayo rin ako dahil sa kuryosidad.
Isang babaeng may mahabang buhok ang nakatingin samin ngayon. May natatangi itong pulang buhok at ang kasuotan nito mula ulo hanggang paa ay kulay pula. Ang ipit sa buhok, kwintas, pulseras na nakakabit mula balikat hanggang daliri at ang mahaba nitong dress.
"Moriyana."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top