[TWO] Chap.7: Ang Batong Kanyon

๑۩۞۩๑ Ang Batong Kanyon  ๑۩۞۩๑

   

"AAAHHHHHHHHHHHHHHH!" sumigaw si Mang Derek. "LUMAYO KAYO SA AKIN!"

Nawala ang mariin na pakikinig ni Jun-Jun sa boses na tumatawag sa pangalan ni Gino Lazaro. Nagulat siya sa biglang pagsigaw ng kanyang tito mula sa kanilang kusina. Malakas din ang magkakasunod na pagkakahulog ng mga metal na bagay, parang mga gamit pangluto. Bakit may kaguluhan?

"AHHHWWWHOOOOAAAAAHHHHH!" may panindig balahibong pag-ungol na para bang nagmula sa isang mabangis na halimaw.

Katakot-takot na panlalamig ang naramdam ni Jun-Jun na para bang nasa north pole siya! Kahalo din nito ang matinding pangingilabot.

"Jun-Jun, suotin mo ito." sabi ng multong si Marian Mirasol na kitang-kita ang panginginig ng katawan ni Jun-Jun. Kataka-takang naibigay niya ang navy blue na jacket ni Jun-Jun na matagal nang hindi nagagamit. Hindi na masyadong pinansin ni Jun-Jun ang kakayahan ni Marian na humawak ng bagay, lubos na lang ang kanyang pasasalamat at dali-dali itong sinuot.

"AAAAHHHHHHHH! JUN-JUN!" muling pagsigaw ni Mang Derek. 

"Tito!" sagot ni Jun-Jun. Alam niyang nasa panganib ang kanyang tito.

Sana mali ang kanyang iniisip pero lubos ang kanyang pagkadismaya nang madatnan niya sa kusina ang dalawang pangit na halimaw na nais manakit sa kanyang Tito Derek!

"Lumayo kayo sa kanya!" banta ni Jun-Jun. "Aking tapat na elementong-kaisa,

Ang iyong kapangyarihan ay sa akin

Malakas, mabilis, hindi makita,

Espadang hangin!" kuminang ang topaz na bracelet niya at namuo sa kanyang palad ang isang espada na lubos ang talas kahit purong hangin lang ito.

 Hinati niya ang katawan ng halimaw na hugis oso. 

"AGGGGRRRRRHHHHHH!" hiyaw ng halimaw at naglaho. Ngunit dahil nagmula sa isang multo ang halimaw, unti-unting nabubuo muli ito.

Sinugod ni Jun-Jun ang natitira pang halimaw na may mga paa na katulad sa isang gagamba. 

"Tito Derek, okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Jun-Jun sa matanda na nakaupo sa sahig at nanginginig sa sindak at pagkatakot.

Tumango si Mang Derek pero hindi makatayo ng maayos. Nanghina bigla ang kanyang mga tuhod. 

"Jun-Jun anong  nangyayari? Bakit may mga halimaw? Sila ba ang lagi mong nakikita?"

"Opo." sagot ni Jun-Jun habang inaalalayan ang tito niya sa paglakad. Malapit nang mabuo ang dalawang halimaw. Kailangan nilang makaalis sa kusina. 

Natahimik ang matanda. "Pasensya ka na pamangkin kung hindi ako naniniwala sa'yo dati. Hindi naman talaga ako naniniwala sa mga multo o halimaw. Pero ngayong nakakita na ako, wala akong masabi. Nahihiya ako sa'yo. Ako pa naman ang tagapangalaga mo."

Napangiti si Jun-Jun saglit. Sa wakas naiintindihan na siya ng kanyang tito! 

"Okay na, kaya ko nang maglakad mag-isa." sabi ni Mang Derek.

"Pasensya na rin po, tito. Ako ang may kasalanan kaya muntik na kayong masaktan. Sa tingin ko ako ang nais ng mga halimaw." pag-amin ni Jun-Jun.

"SA LIKOD MO!" sigaw ng kanyang tito. Tuluyan nang nabuo ang unang halimaw na inatake ni Jun-Jun. 

"Huwag kayong mag-alala, tito. Akong bahala!" sabi ni Jun-Jun. Pagkakataon na niyang magpasikat sa kanyang Tito Derek. Namangha ang matanda sa paggamit ni Jun-Jun sa espadang gawa sa hangin. 

"Tito, takbo!" sigaw ni Jun-Jun.

Sumugod ang halimaw na oso at inatake si Jun-Jun gamit ang mga kuko nitong mahahaba at matatalas. Madali namang naiwasan ito ni Jun-Jun pero nabuo na rin ang isa pag halimaw at dumura ng malagkit na likido, isang asido. 

"Ipo-Ipo!" mabilis na tawag ni Jun-Jun. Ang ipo-ipo ang nagsilbing panangga niya sa asidong dura ng halimaw na may mga paa ng gagamba. 

"Jun-Jun, dito!" tawag ni Mang Derek sa kanyang pamangkin. Hindi niya maiiwan si Jun-Jun na mag-isa. Nasa may pintuan na siya papunta sa likod bahay. Sumunod si Jun-Jun at mabilis na kinulong ang dalawang halimaw sa loob. 

"Wala ba silang katapusan?" tanong ng matanda.

"Parang ganun na nga, tito. Mga patay na sila, mga multo. Hindi ko alam kung paano muling mapapatay ang patay na."

"Nagbukas na naman ang purgatoryo." seryosong sambit ni Marian na bigla na lang sumulpot sa tabi ni Mang Derek.

"MULTO!" gulat na sigaw ng matanda at napahawak sa may dibdib. Sigurado siyang aatakihin siya sa puso sa mga nangyayari.

"Marian, huwag mong ginugulat ang tito ko!" saway ni  Jun-Jun.

"Opps, sorry!" nagbelat ang multo at nag-peace sign. "Sorry po, tito!"

Hindi umimik ang Tito Derek ni Jun-Jun. Hindi niya lubos maisip na makikipag-usap siya sa isang multo. Hindi din niya maintindihan kung paanong lubos na nag-iba ang kanilang likod bahay. Ang lumang bahay ay sa may gitna ng taniman ng kamoteng kahoy. Tandang-tanda niya ang mayayabong nitong mga dahon ngunit ngayon, puro walang mga dahon ang mga matutuwid na kahoy at animo'y nasunog dahil nangingitim ang mga ito. Kakaiba din ang walang bituwin na langit at ang buwan nito na di pangkaraniwan ang laki at pagkabilog.

Ang matanda ay sobrang kinakabahan. Pakiramdam niya maraming mga mata ang nagmamasid sa kanya mula sa mga madidilim na sulok at kahit anong oras ay may aatake sa kanya.

"AAAGGGGRRRRRRRHHHHHHRRRR!"

"AHHHWWHOOOOOAAAAARRRRGGG!" nagwawala ang dalawang halimaw sa loob ng kusina at pilit nilang sinisira ang pintuan.

Napansin ni Jun-Jun na lalong naging mas luma pa ang kanilang bahay, mas nagmukhang haunted house!  Sa may second floor may mga multong nakasilip. Kinakatok ang mga bintana at tinatawag siya.

....TULUNGAN MO KAMI!....

....TULUNGAN MO KAMI!....

Hindi inaasahan ni Jun-Jun ang mga sumunod na pangyayari. Biglang nagbagong anyo ang halos sa lahat ng mga multo at naging halimaw!

"HINDI!" di makapaniwalang sambit niya. Ano na ang ggawin niya? Hindi niya matatalo ang mga halimaw mag-isa!

"Huwag kang mag-alala, Jun-Jun. Tumawag ako ng back-up." sabi ni Marian at nagpa-cute kay Jun-Jun.

"Back up?"

"Oo, yung bestfriend mong si Gino. Nagtext ako sa kanya. Biruin mong malakas ang signal dito sa purgatoryo! Pwede kang magkaroon ng tetxmate dito if ever! San kaya ko makakabili ng cellphone para sa mga multo?"

Napakamot si Jun-Jun sa ulo.

"GGGRRRRRRRRRR!"

"HAHAHAHAHHAHAH!"

Pinagbabasag ng mga bagong halimaw ang mga bintana at tumalon patungo kay Jun-Jun.

"Tito Derek, dito lang po kayo sa likod ko!" sigaw ni Jun-Jun. Dali-daling sumunod ang matanda. "Ipo-Ipo!" ginamit muli ni Jun-Jun ang mabilis na pag-ikot ng hangin bilang panangga pero di ito sapat para pigilan ang ilan pang multo.

....ISASAMA KA NAMIN!... banta ng isang halimaw na nakapagsasalita at may kamay na patalim.

"Anong pinagsasabi mo? At bakit kayo nagkakaganito?"

Di sumagot ang halimaw sa mga tanong ni Jun-Jun at tumawa lang malakas.

"JUN-JUN!" takot na takot na sigaw ni Mang Derek. PInapalibutan na sila ng mga halimaw. Mga sampu din ang mga ito at dumagdag pa ang dalawang galing sa kusina na nagawang sirain ang pintuan na kumulong sa kanila.

"ganito ba tayong mamatay, pamangkin?"

"Hindi! Hindi ko hahayaan!" determinadong sagot ni Jun-Jun. "Aking tapat na elementong-kaisa

Ang iyong kapangyarihan ay sa akin

Malakas, mabilis, hindi makita,

Kambal na Katana!" May isa pang namuong espadang hangin sa kabilang kamay ni Jun-Jun. Ngayon, dalawa na ang hawak-hawak niyang espada!

Sumugod si Jun-Jun at buong bilis niyang pinaghahati ang mga halimaw na nakapalibot sa kanila ng tito niya.

"Go Jun-Jun!" pag-cheer ni Marian.

Nagsigawan ang mga halimaw pero hindi tuluyang naglaho at unti-unting bumabalik sa dati.

"Asar!" inis na sambit ni Jun-Jun. Wala talaga itong katapusan. Di rin nagtagal, nakapalibot na naman ang mga halimaw.

"Jun-Jun!" may pamilyar na boses ang tumawag sa kanya.

Si Gino Lazaro!

"Lupa, Lupa,

Ako ay  iyong alagad, iyong sugo.

Ako ay sumasamo.

Ulan ng mga Bato!" sambit ni Dahongo. Kasama ni Gino ang duwendeng kaibigan ng pusang si Itim.

“Jun-Jun!” sigaw ni Gino at nagsenyas na sumunod sa kanya. Tumakbo sina Jun-Jun at si Mang Derek papunta kay Gino.

“Salamat at nakapunta kayo dito!” masayang sambit ni Jun-Jun.

“Syempre, nagtext ka na kailangan mo ng tulong kaya nandito kami.”

“Ah, hindi ako yun, si Marian iyon.”

“Sinong Marian?”

“Ako! Hi pogi!”  bati ni Marian at nag-beautiful eyes.

“Ahhh… O-Okay.” Di ninaasahan ni Gino na isang multo pala ang nagtext sa kanya. Paanong nakapagtext ang multo? Siguro mamaya na lang niyang itanong kay Jun-Jun.

“Jun-Jun, anong nangyayari bakit bukas ang lagusan ng purgatoryo?” tanong ni Itim. Noong una, ayaw pa ng pusa na pumunta dahil naisip niya na baka nanggugulo na naman ang mga alagad ni Gunaw pero syempre dahil matalik na kaibigan ni Gino si Jun-Jun, alam niyang pupuntahan pa rin siya ni Gino kahit wala siyang elementong-kaisa.

Tagong napangiti si Jun-Jun. Kitang-kita niya ang reaksyon ng kanyang Tito Derek nang makita at marinig si Itim.

Gusto nang mahimatay ni Mang Derek. Sobra-sobra nang kababalaghan ang mga nangyayari. Ngayon, may nagsasalitang pusa at may kasama pang duwende?!

“Hindi ko po alam. Kahit sa school ganito din.”sagot ni Jun-Jun.

“San galing ang mga halimaw na yan?” tanong ni Gino.

“Ito ang sinasabi kong mga multong nagiging halimaw. Di ko rin alam.”

"GGGRRRRRRRRRR!" ungol ng mga halimaw.

“Tulong naman dito, oh!” reklamo ni Dahongo na mag-isang nakikipaglaban sa mga halimaw.

“Dito lang kayo!” sumugod si Jun-Jun at tinulungan si Dahongo.

Di mapigilan ni Gino sumimangot at mainis. Siya ay nandito para tulungan si Jun-Jun at hindi ang manuuod lang sa pakikipaglaban niya. Naiinis siya. Ayaw niyang maging inutil. Pansin na pansin niya na mas naging magaling si  Jun-Jun sa paggamit ng kanyang espadang hangin. Namangha din siya dahil dalawa na ang gamit ng kaibigan at walang kahirap-hirap sa pakikipaglaban.

Pero ayaw ni Gino na walang ginagawa. Pumulot siya ng bato at binato ito sa isa sa mga halimaw. Natamaan ang halimaw na oso at galit na sumugod kay Gino.

Imbes na matakot ay buong tapang na hinarap ni Gino ang halimaw, hawak-hawak ang isang patpat na napulot niya sa di kalayuan. Ngunit sa isang hampas lang ng kamay ng halimaw, naputol ang patpat at tumilapon si Gino sa lupa.

“Gino!” sigaw ni Jun-Jun. Galit nitong pinaghahati ang katawan ng halimaw. “Gino, ano ka ba? Wala ka naming elementong-kaisa, huwag ka nang makipaglaban!” saad ni Jun-Jun. Lubos siyang nag-aalala sa kaibigan, ayaw niya itong mapahamak.

Iniabot niya ang kanyang kamay para tulungan si Gino na makatayo. Pero laking gulat niya nang itinulak ni Gino ang kanyang kamay papalayo. Natigilan si Jun-Jun. Parang minasama ni Gino ang mga sinabi niya.

“Eh, di ikaw na nga ang may elementong-kaisa!” galit na sagot ni Gino at tumayo mag-isa. Nakasando lang siya at puno ng galos ang kanyang braso.

“Pre, sorry. Hindi iyon ang ibig kong sabihin.”

“Wala. Ikaw na!” nang-init ang ulo ni Gino. Gusto niyang suntukin si Jun-Jun. Parang ang yabang-yabang na niya ngayon.

“Gino! Nagiging mainitin naman ang ulo mo!” saway ni Itim na pumagitna sa dalawa.

“Pareng Gino, Ayaw ko lang na masaktan ka.” marahang sagot ni Jun-Jun.

Huminga ng malalim si Gino. Oo, nagiging mainitin na naman ulo niya. Hindi siya dapat magalit sa kaibigan.

“Pasensya ka na, Jun-Jun. Di ko lang mapigilan ang aking sariling mainggit…” may lungkot sa mga mata ni Gino. “Gusto ko lang naman makatulong.”

Naiintindihan ni Jun-Jun ang pinagdadaanan ni Gino. Kung siya man, malamang hindi niya kakayanin na wala din sa kanya si Magayon.  “Pre, maraming salamat at nandito ka. Kung gusto mo talagang makatulong, keep my uncle safe.”

Si Mang Derek ay nanghina na at inatake ng rayuma.

Tumango si Gino at nag-thumbs up. Medyo naging okay na ang pakiramdam ni Gino.

Medyo lang.

Muli nang nakipaglaban si Jun-Jun.

Tahimik lang na nanunuod si Gino. Binaling niya ang atensyon kay Dahongo. Alam niya kung papanuorin niya si Jun-Jun, maiingit na naman siya.

“Dahongo sa likod mo!” babala ni Gino nang makita niyang may halimaw na susugod sa likod ng duwende. Mabilis na umiwas si Dahongo.

“Bata, huwag mo nga akong sinisigawan!” galit na sambit ng duwende.

“Oh sa may kanan mo!” sabi ni Gino.

Naiinis si Dahongo pero buti na lang at sinabi ni Gino ang pag-atake ng isa pang halimaw sa may kanan niya.

“Ano pang hinihintay mo? Gamitin mo na ang taong-bato mo!” paalala ni Gino.

Tiningnan ng masama ng duwende si Gino.

“Lupa,Lupa

Ako ay iyong alagad, iyong sugo.

Ako ay sumasamo.

Taong Bato!" nagsama-sama ang mga nagkalat na bato at bumuo ng isang anyo na hugis tao.

Mas madali ang pakikipaglaban ni Dahongo dahil sa tulong ng taong-bato. Ayaw mang aminin ng duwende, malaki ang tulong ni Gino sa pakikipaglaban niya. Si Gino ang nagsasabi kung nasaan na ang kalaban. Kitang-kita ng duwende ang kagustuhan ni Gino na makipaglaban, nag-aalab ang kanyang mga mata sa sabik. Naaawa siya dito. Noong una galit siya dahil matalik din niyang kaibigan ang santelmong si Popoy pero wala naming kasalanan ang bata. Lubos din ang pangungulila nito.

May naisip siya. Pero biglang nagdalawang-isip. Umiling siya. Hindi. Hindi ito normal para sa kanya. Paanong nagkakaroon na siya ng malasakit sa bata?

“Bahala na!” naiinis na bulong ni Dahongo sa sarili. “Gino, itaas mo ang iyong kanang kamay at itutok mo sa isa sa mga halimaw.”

“Huh?” naguluhan si Gino pero tinaas nga niya at itinutok ito sa halimaw na may gagambang mga paa.

“Lupa,Lupa

Ako ay iyong alagad, iyong sugo.

Ako ay sumasamo.

Bigyan ang batang ito

Ng ninanais ng kanyang puso.

Batong Kanyon!"

Napanganga si Gino. Hindi niya inaasahan ito. May mga naglalakihang batong nagsidikitan mula sa kanyang balikat hanggang sa kanyang braso at unti-unting nagkahugis na para bang isang napakalaking kanyon at tuluyan nang nabalutan ang kanyang kanang kamay. Ang nakakamangha pa, hindi ito mabigat kahit mukhang ilang kilo din ang bigat nito.

 “Dahongo…” speechless si Gino. Totoo ba ito?

“Salamat, Dahongo.” tumango si Itim at pinagsang-ayunan ang ginawa ng duwende. Matagal-tagal na din niyang kinukulit ang duwende na tulungan si Gino. Sa wakas nagbago na ang isip nito.

“Hoy, bata! Ano pang hinihintay mo, pasko? Gamitin mo na yan!” sigaw ni Dahongo.

“Ah, Oo.” naging seryoso ang mukha ni Gino at inisip niyang patamaan ang halimaw. Nakaramdam siya ng malakas na enerhiya mula sa lupa na para pang dumadaloy mula sa kanyang paa hanggang sa kanyang kanang braso. Sa isang iglap may isang malakas na pwersa ang siyang nagpasabog ng isang bilog na bato at tinamaan ang halimaw. Sumabog ito at nagkalat ang maliit na mga bato mula dito. Kung hindi lang multo ang halimaw, siguradong wasak at kalat-kalat ang katawan nito! 

____________________________01/25/2015

So How's the story so far?

Oi vote na!

And please Comment na rin about this Chapter

Thanks for the support

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top