[TWO] Chap.3: Ang Multo sa may CR (Part 1)
๑۩۞۩๑ Ang Multo sa may CR ๑۩۞۩๑
(Junior 'Jun-Jun' Sta. Maria's POV)
"Gino!" gulat na sigaw ko nang bigla na lang nahimatay ang aking kaibigan. Buti na lang nasalo ko siya at dali-daling inupo sa loob ng kotse ng tito ko.
Sandali lang naman iyon at muli siyang nagkamalay pero masakit naman daw ang kanyang ulo at hindi siya makahinga ng mabuti.
"Dalhin na kaya natin siya sa ospital." sabi ni Tito Derek na nag-aalala na rin. Sa kanya nga naman ibinilin ni Aling Esme ang apo. "Teka, tawagan ko nga ang lola niya..."
"Hindi na... Wag po!" pagpigil ni Gino. "Okay lang ako. Huwag nyo na pong sabihin sa lola. Ayaw ko siyang mag-alala."
"Pero..."
"Okay na po!" pilit ngumiti si Gino at nag-'thumbs up' pa.
Alam kong di kumbinsido ang tito ko pero nagsimula na siyang mag-drive. Baka ma-late na kami!
"Okay ka lang, Gino?" tanong ko.
"O-Okay lang."
"Pre, sa tingin ko di na normal ang mga bigla-biglang pagsakit ng ulo mo. At di ba sabi mo, sumasakit din ang iyong dibdib? Nagpatingin ka na ba sa doktor?"
Umiling si Gino.
"Alam ba ito ng lola mo."
"Sshhhh." nagsenyas sa akin si Gino na hinaan ang boses. "Hindi pa alam ni lola." bulong niya.
"Bakit mo ba nililihim sa lola mo?" sagot ko pero pabulong na rin.
"Ayaw ko lang siyang mag-alala."
"Pano kung malala na palang sakit yan?"
"Hindi 'to. I'm fit and healthy!" sagot niya nag-flex ng kanyang 'biceps'
"Bahala ka!"
Hindi ko alam ang mga buong pangyayari at hindi ko pa rin maintindihan kung paano kami nagkahiwalay ni Gino sa loob ng lagusang ginawa ng engkantong kumuha kay Clarissa Gutang na nalaman ko na Malanti-Aw pala ang pangalan. Magkasunod lang kami pero paglabas ko sa kabilang lagusan ay nag-iisa na lang ako. Akala ko bumalik ako sa 'open field' ng Owkward Academy pero napagtanto ko na nasa purgatoryo muli ako. Nakakapangilabot ang hangin sa lamig at malakas ang amoy na para bang may nabubulok na kung ano sa di kalayuan. Magulo at makalat din ang buong kapaligiran.
"Junior." may tumawag sa akin at magbigla na lang nagpakita ang isang babaeng may sobrang mahabang buhok at natatakloban ang mukha! May suot-suot din na puting damit na duguan! "Junior, maging alisto ka." sabi nito. Akala ko may isang 'white lady' na nagpakita sa harapan ko, si Magayon lang pala, ang elementong-kaisa ko.
Isang misteryo pa rin para sa akin kung bakit nag-iba ang itsura niya mula sa isang 'harpy' na may katawan ng isang agila at may magandang mukha ng isang babae. Bakit nga pa naging ganyan siya? Kailan nga ba nagsimula? Dahil sa itsura niya kaya natawag ko siyang Sadako. Pero hindi na, nagbago na ko. Hindi ko na siya sisisihin kung bakit nawala ang aking mga magulang. Malaki pa nga ang utang na loob ko sa kanya dahil binabantayan niya ako. Hindi ako nag-iisa.
"Nakakapagtaka kung paano tayo napunta dito. Pero malakas ang presensya ng isang itim na orasyon ng isang mangkukulam. Isa itong patibong."
"Patibong?"
"Oo, sa tingin ko patibong para sa kaibigan mong si Gino."
"Kay Gino?! Tara, umalis na tayo dito at iligtas sina Gino at Clarissa!" sabi ko. Gusto ko na rin umalis kaagad kasi nakikita ko na ang mga multong umuungol at papalapit sa akin!
....Tulungan mo kami....
....Pakinggan mo naman kami...
.....Bata....Bata.....
....Tulong!....
Natatakot ako baka sundan pa nila ako sa bahay! Alam ni Magayon ang inisip ko kaya dali-daling gumawa ang lagusan pabalik sa mundo ng mga buhay.
Pagbalik namin, tapos nang gumawa ng malaakas na orayson ang tatay ni Clarissa na si Mang Jose para kahit papano maging masamang ala-ala na lang ang mga nangyari sa Grand ball. Iisipin na lang ng mga guro at estudyante na may naalala silang pangyayari na hindi kailan man mangyayari at kakalimutan na lang nila ito. Astig din ang orasyong iyon!
Makalipas ng ilang oras ay bumalik na si Clarissa kasama si Ren Dela Rosa na may elementong-kaisa na rin! Sobra-sobra ang pasasalamat ni Mang Jose na ligtas ang kanyang anak.
Buong magdamag kaming naghintay at nag-isip kung nasaan na si Gino. Nag-uusap-usap din ang mga nakatatanda na sina Mang Jose, Nurse Ruby Javier, Si Sir Daniel Solisat ang nanay ni Katherine na si Ginang Violy. Sila ay mga miyembro ng SKKKS o yung 'Samahan sa Kaayusan at Katahimikan ng Kalikasan at Sangkatauhan.' Lubos ang pag-aalala nila na baka nagtagumpay na si Gunaw na kunin si Gino.
Naiinis ako. Sana may nagawa ako para iligtas ang aking kaibigan. Siguro kasalanan ko na naman, 'guilty' na naman ako. Natatandaan ko pa noon sa may parking lot ng O.A., tinanong niya ako kung pwede ko siyang tulungan laban kay Gunaw pero tinanggihan ko siya. Hindi naman siya nagdalawang isip na tulungan ako para iligtas si Katherine sa purgatoryo. Malaki ang utang na loob ko sa kanya. Sana may magawa ako para makabawi.
Kinabukasan, nabalitaan ko na nagbalik na si Gino. Iniligtas siya ni Father Gilbert Quirante. Ilang araw din na wala sa sarili si Gino dahil nawala ang kanyang elementong-kaisa na si Popoy. Mas naging mahigpit din ang mga miyembro ng SKKKS para sa kaligtasan niya. Ako naman, hindi na kailangang pilitin, ako na ang nag-volunteer na proprotektahan ko siya pag kami ang magkasama.
Dumaan ang mga natitirang buwan namin sa first year na para bang walang nangyari. Lubos naman namin na-enjoy ang bakasyon dahil lagi kaming naglalaro ni Gino ng basketball o kaya sa bahay namin para maglaro ng 'computer games.' Lagi lang nakabuntot sa kanya ang kanyang pusang nagsasalita na si Itim at kung minsan ang mayabang na duwende na ang pangalan ay si Dahongo...
......HOOOOOOOYYYYYYYY!.......
Simula din nang bumalik si Gino, lagi na lang sumasakit ang kanyang ulo...
....TINGNAN MO KAMI BATA!.....
Lagi din siyang nakakaranas ng pagsikip ng dibdib at hirap sa paghinga....
.....MAKINIG KA SA AMIN!....
Naiinis na ako.
....TULUNGAN MO KAMI!.....
Sobra na. Mga peste na sila.
....ANDYAN NA SIYA.....
....ISASAMA KA NAMIN!......
"TUMAHIMIK KAYO!" galit kong sigaw. Sobrang ingay. Nabibingi na ako. Tinitiis ko lang. Hindi ko sila pinapansin at pinipilit kong mag-isip ng maayos pero sumosobra na sila. Sinisigawan pa nila ako!
"Huh?" nagtatakang reaksyon ng Tito Derek ko, napalingon siya mula sa 'driver's seat.' "Wala namang maingay, Jun-Jun, ah?"
Hindi ako makatingin ng maayos sa tito ko na puro dugo ang mukha. May isang multong ginagaya siya.
"Ako po yun. Maingay daw ako." sagot ni Gino at tumango sa akin.
Naguguluhan pa rin ang tito ko pero hindi na niya inisip pa dahil papasok na siya sa 'parking lot' ng Owkward Academy.
"Huwag kayong susunod!" banta ko.
"Hah?" akala ng tito ko kinakausap ko siya.
"Wala po. Sige po. Bye." sagot ko at nagmadaling bumaba mula sa kotse. Sumunod si Gino.
"Salamat po sa paghatid!" sabi niya.
Tumango ang tito ko at nag-drive paalis.
May matitigas pa rin ang ulo at nagpaiwan. Lima din sila. Isang matandang babae, dalawang batang gusgusin na parehong wasak ang mga kamay, isang duguang lalaking may tama ng bala sa didbdib at isang babaeng basang-basa at puno ng lumot ang buong katawan.
Mga multo.
"Kagaya mo rin ako, may chaperone. hahaha..." sabi ni Gino. Tinuro niya ang pusang si Itim na nagmamasid sa likod ng halamanan.
Alam kong gusto lang niya na mapagaan ang pakiramdam ko. Mabuti na lang nakakakita din si Gino ng mga multo kasi kung hindi, isa siya sa makaka-isip na nababaliw ako. Pero ako lang ang may kakayanan na marinig sila kaya ako lang ang ginugulo nila.
"Hindi pa rin tayo magka-section?" tanong ni Gino sa akin. Hinanap niya ang pangalan ko sa second year section one, Rizal.
"Sorry, ha.. hindi ako ganun katalino!" sagot ko.
"Pero at least tumaas ang section mo. Section three ka na, Mabini! Unti na lang pre, magiging section one ka na! Hahaha! Kunting aral pa!"
"Eh kung gusto mo talaga tumaas ang grades ko, lagi mo na lang akong papakopyahin ng assignments!" biro ko.
"Hahaha! Adik!"
"Guys! Musta na!" bati ni Clarissa sa amin. Sinamahan ko muna si Gino sa classroom nila. sinalubong niya kami. Sobra ang pinagbago ni Clarissa, masasabi kong mas gumaganda pa siya. Kasama niya si Katherine na mas maganda sa paningin ko.
"Jun-Jun!" natutuwang bungad ni Katherine. Niyakap niya ako saglit pero mabilis ding lumayo. Lumingon sa kaliwa't kanan. Baka nasa paligid lang ang kanyang kuya.
Ang status namin? 'Mutual understanding' lang.
Asar lang ako sa kuya Ren niya. Madaya. Balita ko nililigawan niya si Clarissa. Siya pwede pero si Katherine, hindi?! Madaya talaga!
"Okay ka lang, Jun-Jun?" nag-aalalang tanong ni Katherine. Napansin niya ang limang multo sa may likuran ko. "Ginugulo ka pa rin nila?"
Umiling ako. "Okay lang. Huwag kang mag-alala. Kaya ko sila." sabi ko. Problema ko ito. Hindi ko siya idadamay. Sobrang trauma na siya dati sa mga multo. Hindi ko hahayahang mapahamak siya muli.
Hinawakan niya ang kamay ko. "Basta, nandito lang ako."
"OOOOYYYYYYYY!" kantyaw ni Gino.
Dali-daling binitawan ni Katherine ang kamay ko. Pareho kaming namula.
"Wow ang mga contestants last year sa O.A. student of the year, nagkasama-sama!" komento ng isang estudyante. Marami naman ang na-curious at tumingin na rin.
"Si Gino ba iyon?! Ang gwapo-gwapo niya!" tili ng isa. May ibang girls din ang kinilig.
"Ang ganda talaga ni Clarissa!"
"Cute naman tingnan ni Katherine"
"Sila na ba ni Jun-Jun?"
Nakakapanibago. Hindi ko akalain na mapapasama ako sa 'school gossip.' Marami-rami na rin ang nakakakilala sa amin pagkatapos ng 'school contest.'
Inayos ko ang aking salamin. E'to pala feeling ng sikat! Hehehe.
Pero after ng 'school assembly' at nagbalikan na sa kani-kanilang classrooms, wala nang pumapansin sa akin.
Okay. 'So then I realized' di pala ako ganun kasikat. hehehe. Siguro pagkasama ko sina Gino at Clarissa, dun lang nila ako mapapansin. Wala na mang 'issue', okay lang. Mas sanay naman talaga ako mag-isa. At alam ko na ang 'main reason' ay dahil sa kakaibang pangingilabot na nararamdaman nila paglumalapit sila sa akin. Syempre hindi nila kita na may kasa-kasama akong mga multo! kawawa ang katabi kong classmate pati na rin ang nasa likod.
"Ba-bakit parang ang ginaw-ginaw?"
"Ang lamig din dito sa tayo ko." reklamo ng isa.
Hindi ko na lang sila pinansin.
Ang hirap lang na nasa ibang section ang mga kaibigan mo, magkaiba ang 'recess' at 'lunch.' Hindi ko tuloy nakita sina Gino buong araw. Pare-pareho kasi silang first section. Kailan ko na talagang galingan para maging section one ako next year!
Mahaba pa ang lunch. Since nasa third floor ng highschool building ang mga classrooms ng second years, naisipan kong tumambay sa may fire exit ng building paakyat sa fourth floor. Siguro mag-aadvance reading na ako sa ibang subjects. Kailangn ko nang magpabibo sa klase kung gusto kong maging 'first section' sa susunod na taon para laging kong kasama si Katherine. Siya ang aking inspirasyon.
Paakyat ako ng hagdaan nang biglang bumigat ang aking pakiramdam at nangilabot ako ng sobra. Isa pang hakbang at nag-iba ang kapaligiran. Nasa school pa rin ako pero naging mas luma na ang itsura nito na para bang ilang taon nang hindi ginagamit. Maraming mga kalat sa sahig at puno ng sapot ng gagamba ang mga dingding. May mga kahina-hinalang mga mantsa din sa pader na para bang dugo.
Lumabas si Magayon. "Jun-Jun, nasa purgatoryo tayo!" sabi niya.
"Hah?" gulat kong sambit "Paanong nangyari iyon?! Hindi ko nga alam kung paano buksan ang lagusan papunta sa purgatoryo!"
...TULUNGAN MO KAMI!.....
....PAKINGGAN MO KAMI!... nagsigawan ang mga multo.
"PAANO BA AKO MAKIKINIG SA INYO, SINISIGAWAN NYO AKO!" sagot ko sa mga kaluluwang sumunod sa akin.
Mabuti na lang nagpakita si Magayon. Hindi makalapit ang mga multo sa akin dahil tinutulak sila ng hanging nagmumula sa mga palad ng aking elementong-kaisa.
Dahil sa hindi makalapit ang mga multo lalo silang nagwala! Lumalakas ang pwersa nila. Kahit si Magayon ay nagulat din.
"Jun-Jun, tumakbo ka pataas!" sabi niya. Tumakbo ako, eksakto sa pagsabog ng kakaibang pwersa ng mga multo.
"Aking tapat na elementong-kaisa,
Ang iyong kapangyarihan ay sa akin
Malakas, mabilis, hindi makita,
Espadang hangin!" tawag ko.
Nakakagulat paanong naging malakas ang mga multong sumunod sa akin. Kahit sinisigawan nila ako at kinukulit hindi naman sila nananankit?!
Nasa 'fourth floor' na ako. Malapit sa may CR ng girls.
.....PSSSSSSSTTTTTTTT!.....
Lumingon ako.
Isa pang multo. Ang multo ng babaeng estudyanteng nagpakamatay sa may CR.
____________________________01/10/2015
So How's the story so far?
Oi vote na!
And please Comment na rin about this Chapter
Thanks for the support!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top