[TWO] Chap.1: Makatotohanang Panaginip

๑۩۞۩๑ Makatotohanang Panaginip ๑۩۞۩๑

                (Gino Ivan Lazaro's POV)

Ako ay tahimik na nagmamasid sa kadiliman, nagtatago sa anino ng mga mayabong na halamanan. Nahaharangan ng makakapal na ulap ang maliwanag na buwan na siyang lalong nagpadilim sa kadiliman. Napangiti ako. Pabor ito sa akin.

Mabilis ang tibok ng aking puso. Basa na rin ng pawis ang manipis kong sando. Di naman malamig ang hangin pero konting dampi lang nito, ako ay nanginig na sa lamig. Ilang oras na rin akong nagmamasid. Nangangalay na ang aking mga hita at paa pero hindi ko ito pinansin. Kailangan ko itong simulan. Ito ay aking misyon. Oo kinakabahan ako pero desidido ako sa gagawin ko. Kailangan ko itong gawin. Wala nang atrasan!

At he'to na siya. 

Isang babae ang lumabas mula sa kanyang kusina papunta sa sampayan ng mga damit sa likod bahay nila. Pinapasok na niya ang kanyang natuyong mga sinampay para hindi mahamugan. Maganda ang 'mood' niya dahil may pagsipol pa siya ng kanyang paboritong awitin.

Tingnan natin kung makakasipol ka pa! natatawa kong inisip.

"PSSSSSSSSTTT!" pagkuha ko ng kanyang pansin.

Naging alisto ang babae.

Hmm... Malakas ang pandinig ni Ale.

"Sino yan?" tanong nito.

Hindi ako sumagot.

"Mikoy, huwag kang ganyan. Alam kong ikaw yan." siguradong sambit niya.

Sino si Mikoy? Hindi ako si Mikoy. Mukhang mag-'eenjoy' ako dito.

"Haha, alam ko na ang mga gawain mo. Hindi mo na ako magugulat. Tama na ang laro."

Umungol ang aso ng kapit-bahay. Lumakas ang hangin. May kung anong gumalaw sa mga halamanan. 

"Mikoy, anak. Tama na yan." sumimagot na ang babae. Hindi na natutuwa. "Pag hindi ka pa lumabas diyan sa tinataguan mo, hindi ka kakain ngayong gabi!" babala niya. "Anak, magsalita ka." 

Ngunit hindi pa rin ako sumasagot.

Lumiwanag ang kapaligiran. Nawala na ang mga makakapal na ulap na humaharang sa buwan. Nanlaki ang mga mata ng babae at tumingin sa aking direksyon. 

Nakita na yata niya ako. Ngumisi ako. Mabuti ito.

"Anak?" naging di sigurado ang tono ng boses ng babae. "Tama na yan. Lumabas ka na."

Pero walang mikoy ang lumabas. May dalawang mapupulang mata ang nakatitig sa kanya mula sa kadiliman.

"Si-Sino yan? Lumabas ka diyan. Hindi ako natatakot." pagsisinungaling niya kahit bakas na sa kanyang mga mukha ang namumuong takot.

Ginaya ko ang sinisipol niya kanina at mahinang tumawa. 

"Lumabas ka dito!" hamon ng babae. Hawak-hawak ang maliit na palanggana na handa niyang ihampas kung may aatake.

May isang maliit na lingas ng apoy ang biglang lumutang papalapit sa kanya. Maliit ito na para bang nagmumula sa isang kandila pero apoy lang ito, wala ang mismong kandila.

Magkahalong pagkagulat at pagkamangha ang nasa pagmumukha ng babae. Pero hindi ako nandito para mang-aliw. 

Gumalaw at nagpaikot-ikot ang lumulutang na liwanag. Pumarito, pumaroon. Gumagalaw ito na para bang nagwawala.  Biglang nasagi nito ang isa sa mga sinampay ng babae. Madali itong nagliyab.

"Naku, hindi! Ang paborito kong damit!" natatarantang sambit niya. Binitawan niya ang hawak-hawak na palanggana at dali-daling kinuha ang nasususnog na damit. 

"Aggggrrrhhh!" napaso ang babae at di sinasadyang naihagis niya ang damit sa lupa.

Tumawa ako.

Tuluyan nang naging abo ang kanyang damit pero ang apoy ay hindi nawala. Patuloy itong naliliyab. Sa isang iglap ay gumapang ang apoy paikot at pinalibutan ang babae.  Takot na takot na siyang nagsisigaw. Gusto niyang tumakbo pero hindi siya makadaaan sa tumataas na apoy.

"Ano ka? Sino ka? Umalis ka dito! Ano ang gusto mo?! Tama na!"

"HAHAHA" tumawa na ako ng malakas.

Lumingon siya sa direksyon sa mga halamanan. Lalo siyang nagsisisigaw. Mula sa kadiliman may isang mukha ang lumabas, pangit at nakakatakot.  Pulang-pula ang mga mata at may malisyong ngiti. 

Napahawak ang babae sa kanyang dibdib at unting-unti na paluhod sa sobrang pagkasindak.

"Nanay?" tawag ng isang batang lalaki na lumabas mula sa kusina. Ito ata si Mikoy. "Nanay!" sigaw niya ng makitang nakaluhod sa lupa ang kanyang ina pero hindi siya makalapit dahil sa apoy na nakapalibot . 

"Nanay, anong nangyayari?" naguguluhan na tanong ni Mikoy. 

"PSSSSSTT!"

Lumingon ang bata sa kinaroroonan ko.

"AAAAHHHHHHHHHH!" sigaw niya sa takot. Naglakad mula sa halamanan ang isang halimaw na siguradong nanatili sa kanyang murang pag-iisip at magiging isang bangungot sa kanyang pagtulog.

"Mi-Mikoy, anak..." hinang-hinang sambit ng kanyang ina. "Hi-Hindi ako makahinga!"

"Nanay!" sigaw ni Mikoy. Hindi niya malaman ang gagawin. Gusto niyang tulungan ang inang nanghihina pero napapalibutan ito ng apoy. At may isang halimaw pa ang papalapit sa kanya. Hindi niya alam ang gagawin.

"Aling Nena, anong nangyayari? Mikoy!" tawag ng kapit-bahay na narinig ang kanilang sigawan. 

Sa isang iglap nawala ang apoy at ang halimaw.

"Gino!" sigaw ng isang pamilyar na boses. "Gino, gising!"

Minulat ko ang aking mga mata. Hinang-hina akong bumangon mula sa aking pagkakahiga. Humihingal ako sa sobrang pagod. Basang-basa ng pawis ang aking higaan. Nanginig bigla ako sa lamig. Wala akong damit na pang-itaas. Dinampot ko ang hinudad kong t-shirt kagabi bago ako matulog at pinunasan ang katawan. Ang ayaw sa lahat ni Lola Esmeralda ay matuyuan ng pawis.

Umupo ako sa aking kama at humarap sa isang pares ng mga mata mula sa kadiliman. 

"Nananaginip ka na naman." sabi ni Itim,  ang pusa kong nagsasalita.

Tumango ako.

"Si Gunaw?"

Umuling ako. "Hindi. Iba ito." sagot ko. Kinuwento ko ang aking napanaginipan, detalyadong-detalyado na para bang hindi panaginip, na para bang totoong nangyari. Nakakapagtaka.

 Naguluhan din si Itim. "Isa kaya itong pamahiiin? Ano ang ibig sabihin ng panaginip mo."malakas niyang tanong sa sarili. 

Natahimik kaming pareho saglit. Nag-iisip. 

"Sa panaginip ko may apoy. Apoy..." nalungkot ako bigla. Naalala ko na naman ang aking elementong-kaisa na si Popoy na nilunok ng buong-buo ng isang 'pheonix.' Hinawakan ko ang singsing sa aking kanang hinlalato. Dati kumikinang na ruby ang dyamante nito pero ngayon, isang walang buhay na puti na lang. Hindi ko pa rin matanggap na ganun-ganun na lang ang pagkamatay ng aking kaisa.  Ilang buwan na rin ang nakalipas, dumaan na rin ang bakasyon pero hindi ko pa rin makalimutan ang mga pangyayari noong gabing iyon, ang gabing muntikan na akong makuha ng isang sakim na espirito ni Gunaw.  Simula din noon hindi na nawala sa aking tabi ang aking pusa na si Itim. Kahit sa pagpunta namin ng Lola Esme ko sa bayan ng San Nicolas para mamili ay palihim na sumasama siya at nagmamasid. Malimit din ang pagbisita ni Father Gilbert Quirante sa aming bahay. Malaki ang utang na loob ko sa pari. At hanggang ngayon ay binabantayan pa rin niya ako. Nararamdaman ko ang nakakagaan na loob na prisensya ng kanyang espiritong gabay na isang anghel na si Gabielo sa labas ng aming bahay. Nakakamangha ang lakas ng pari at ng anghel niya. 

Ayaw ko mang aminin pero naiingit ako. Naiingit ako sa aking mga kaibigan na sina Clarissa Gutang at Jun-Jun Sta. Maria na kasama pa nila ang kani-kanilang elementong kaisa. Sina Clarissa at Kikay pa ay naging ganap na mg-kaisa. Sobrang Naiingit ako! Sana naging ganun din kami ni Popoy. 

"Gino, iniisip mo na naman si Popoy?" tanong ni Itim. Lumapit sa akin ang pusa at tumingin sa aking mga mata. May mahinang kurot sa aking puso nang tinitigan ako siya. Sobrang pamilyar ng mga mata ng pusang ito. Hindi pangkaraniwan. Bakit kaya ganito ang nararamdaman ko kay Itim?

"Ako man, Gino. Hindi din ako makapaniwala na wala na si Popoy."

"Tsk! Kasalanan ko kasi. Kung bakit pa wala akong nagawa?! Wala akong kwenta!"

"Tama na yan, Gino. Ilang beses ko bang dapat sabihin sa iyo na hindi mo kasalanan ang nangyayari."

"Pero..."

"Shush, Gino. Makinig ka!" mariin na sambit ng pusa na para bang isang magulang sa isang makulit na anak.

Natahimik ako.

"Si Popoy ay isang engkanto, isang elemento ng kalikasan. Sinabi na ito ni Dahongo sa iyo ito dati pero uulitin ko ulit. Ang mga espiritong pangkalikasan kung mamatay, ay hindi lubusang mawawala. Babalik lang muli sila sa kung saan sila nagmula para isilang muli. Si Popoy ay hindi mamatay. Ipanganganak siya muli ng kalikasan para maging bagong santelmo."

"Iyon nga ang problema." sagot ko. "Magbabalik nga muli pero hindi na niya tayo matatandaan. Wala na ang alaala niya sa atin."

Nalungkot din si Itim. "Wala tayong magagawa, Gino."

"Pano na ngayon? Paano kung magtangkang kunin muli ako ng mga alagad ni Gunaw? Paano ko maipagtatanggol ang aking sarili? Alam kong hinding-hindi nila ako makukuha noong gabing iyon kung hindi lang nawala bigla si Popoy."

"Oo, alam ko. Pero Gino, nandito naman sina Father Gilbert at ang buong samahan ng SKKKS para protektahan ka. Isama mo pa ang mga kaibigan mo na sina Clarissa at Jun-Jun."

"Para naman akong isang inutil!" galit kong sambit at sa inis ay sinutok ko ang aking kama. Hindi ako nasaktan kaya tumayo ako para suntukin ang pader.

"GINO!" saway ni Itim.

"Gino?" tawag ng aking Lola Esme.  

"Lola?" gulat kong sambit. "G-Good Morning."

"Good Morning din, iho. Maghanda ka na kasi papasok ka na! Ngayon ang first day mo bilang sophomore!" nasasabik na sambit ng aking Lola. 

"Sige po."

"Bakit di ka excited?! Second year highschool ka na! Ang bilis ng mga pangyayari. Maya-maya di ko mamamalayan na gragraduate ka tapus mag-cocollege ka na!" naluluhang sambit ng aking lola. "Naku, di rin magtatagal after college, pag may maganda ka nang trabaho, magpapakasal ka na. Sana buhay pa ako nang mga panahon na iyon!"

"Tsk. Syempre naman lola. Buhay ka pa nun!" sagot ko. "Napakalakas nyo kaya."

"Haha... Sana nga, apo. Pero apo..." natigilan sadali ang lola ko at parang batang nahihiyang tumingin sa akin.

"Bakit po, Lola Esme?"

"Kailan mo ipapakilala sa akin ang girlfriend mo?"

"Huh?" nagulat naman ako. "Wa-Wala pa akong girlfriend. Di ba sabi nyo aral muna bago girlfriend?"

"Apo, hindi mo na kailangang ikaila. Alam ko nang mayroon ka na. Eh, sa simula nang ginamit mo na ang cellphone na padala ng Tita Dorina mo, lagi na lang may nag-tetext o tumatawag sa iyo. sabi pa nga sa isang text eh, I miss you na, bebe!" tumawa at para bang kinikilig ang lola ko.

Tsk. Si Jenny Roque! Bakit ko kasi binigay sa kanya ang cellphone number ko?! 

"Lola, binabasa mo ang mga text sa akin?!" kunwari galit ako. Hindi kailan man ako magagalit sa lola ko.

"Sorry, apo. Di ko mapigilan eh! Basta apo, ipakilala mo na siya sa akin!"

Hindi ako sumagot. 

Naging official girlfriend ko si Jenny after ng mga nangyari. Siya na mismo ang nagkalat sa buong school. Hindi na naman nagulat ang karamihan, kahit sina Clarissa at Jun-Jun dahil lagi na naman kaming magkasama. Kahit papano naman nabawasan ang malimit na pagdikit niya sa akin. Nalaman ko na noong una ay wala talaga siyang gusto sa akin kasi sinasapian lang siya ng isang matabang engkanto na siyang nag-uudyok sa kanya para lapitan ako. Pero sa kung anong kadahilanan, nagkagusto na siya sa akin at sinabing kami na.

Okay na sana kung hindi ko lang nalaman na may kakambal siya...

Si Abby.

Si Abby pala ang babaeng nakaputing nakita ko sa kamotehan, siya ang babaeng may kakaibang bango na lubos na nakaka-adik para sa akin. Siya... Tsk. Siya ang gusto ko...

"Sige po. One of these days." sabi ko sa lola ko. "Ligo na po ako."

"Oo. Handa na rin ang agahan mo sa kusina. Bumaba ka na lang pagkatapos mong magbihis."

Pumasok na ako sa banyo sa kwarto ko.

Sobrang lamig ng tubig pero ang sarap sa pakiramdam habang dumadaloy ang ito sa aking buong katawan. Pagkatapos kong maligo ay humarap ako sa salamin. Tinitigan ko ang aking sarili. Medyo nag-mature ng kaunti ang mukha ko. Mas humaba na rin ang itim na buhok ko. At ang pinakagusto ko sa lahat ay ang pagtangkad ko pa at pagkalaki ng aking katawan. Bunga ito ng paglalaro ng basketball at magbibike kasama si Jun-Jun buong bakasyon.

Tiningnan ko ang aking mukha. Ngumiti ako. Pero bigla akong napasimangot. May naalala ako bigla. Nagiging mas kahawig ko na siya. Nakita ko ang itsura ni Gunaw nung nasa loob ako ng sagradong banga. Hindi ko alam kung iyon talaga ang itsura niya dati noong nabubuhay pa siya pero... kamukhang-kamuhka ko nga siya! Gawing mas mahaba na lang aking buhok at tandaan pa ng kaunti ang aking mukha. Hindi ko alam, pero bigla akong ngumiti kahit ang nararamdaman ko ay pagkagulat.  Kinabahan ako bigla. 

"Arrrgggghhhh." napahawak ako sa aking ulo. Sumakit ito bigla na para bang may sumusuntok sa aking utak. Napakasakit!

"Gino! Ayos ka lang dyan?!" nag-aalalang tanong ni Itim sa labas ng banyo.

"O-Okay lang ako." sagot ko. Tiniis ko ang sakit hanggang sa unti-unti itong nawala.

"Ang bagal mo!" reklamo ni Jun-Jun. Naghihintay siya sa labas ng aming bahay. Nag-aabang din ang kotse ng kanyang Tito Derek.

"Sorry naman, pre." sabi ko.

"Masyado ka nang abusado, Gino! Libre na nga ang hatid-sundo mo sa school, pagpapaantay ka pa!"

"Oo na, Hiyang-hiya naman ako. Eh, di ba ikaw naman ang nag-alok na sa inyo na lang ako laging sasabay? Hahaha. Pwes magdusa ka!."

Napakamot sa ulo si Jun-Jun. "Adik!" sagot niya at kunwaring sinuntok niya ang aking braso.

"Mga bata!" gulat na sambit ng aking Lola Esme. "Nag-aaway ba kayo?!"

"Naku hindi po. Sorry Lola." sabi ko.

"Sorry po." sagot ni Jun-Jun.

"Ganyan lang ang lambingan ng dalawang yan, nagbubugbugan!" natatawang sabi ng Tito ni Jun-Jun.

"Ah, ganun ba, Derek? Salamat nga pala sa pagpayag na isabay sa pagpasok ng pamangkin mo sa school ang aking apo. Malaki ang aking utang na loob sa 'yo." may kakaibang kinang sa mga mata ng lola ko habang nagtititigan silang dalawang matanda.

Ang totoo, may dahilan kaya sumasabay na ako kay Jun-Jun. Para daw mas mabantayan ako at maprotektahan. Napansin ko na palihim na pumasok sa kotse si Itim. Kahit sa school man ay susundan niya ako. Tsk.

"Hoy, tingnan mo yung dalawa... Feeling mga bata!" bulong sa akin ni Jun-Jun.

Natawa ako. "Haha, may asim pa ang Lola Esme ko!"

"Tara na nga at baka ma-late pa tayo!"

"Bye po, Lola!" kinuha ko ang kamay ng aking lola para magmano.

"God Bless you, apo. Laging mag-ingat!"

"Opo."

"Bye, Esmeralda!" sabat ng Tito Drek ni Jun-Jun.

Tumawa ng malakas si Jun-Jun habang papasok ng kotse.

Sumunod ako sa kanya pero natigilan nang binuksan niya ang pintuan ng kotse. Lumingon sa akin si Jun-Jun at nawala ang ngiti sa kanyang mukha. Inayos niya ang kanyang salamin.

"Um... Tara na.. Maluwag dito sa likod." 

"Pero..."

Dali-daling pumasok sa loob ng kotse si Jun-Jun ng padabog. Galit siya.  

"Gino. Pumasok ka na, maluwag dito sa likod ng kotse." giit niya.

Huminga ako ng malamin. "Okay, sabi mo eh."

"Oh, nag-aaway na naman kayo?" tanong ng Tito niya. Na hindi man lang napapansin at nararamdaman na puno ng mga multo ng loob ng kotse niya!

Mabigat ang hangin sa loob ng kotse. Sobrang sikip sa pakiramdam kahit sa paningin naman ay maluwag pa ang aming inuupuan.

Kagaya ni Jun-Jun nakakakita din ako ng mga multo pero di gaya niya na naririnig ang mga ito. Marahil binging-bingi na siya ngayon kasi ang lahat ng multo sa loob ng kotse ay nakaharap sa kanya at sinisigawan siya. Ang bilang ko ay mahigit sa sampung mga multo ang nasa loob ng kotse. 

"Tito Derek," nakitito na rin ako. "pwedeng buksan na lang ang bintana kaysa sa air con?"

"Hah? Okay lang ba sa'yo, Jun-Jun?"

"Bahala kayo." sagot nito.

Nagkibit-balikat lang ang tito niya at pinatay ang air conditioner ng kotse. Binuksan ko ang bintana at napapikit sa malakas na pagpasok ng malamig na hangin! Ang sarap sa pakiramdam!

"Jun-Jun, buksan mo rin ang bintana mo." sabi ko.

Tumango siya at napangiti nang salubungin siya ng malamig na simoy ng hangin.

"Wow! Fresh air!" sabi niya. Gumanda muli ang mood niya.

"Tingnan nyo mga bata." biglang salita ng Tito ni Jun-Jun.

Lumingon kami sa madadaan naming bahay na puno ng mga barangay tanod. 

"Kilala ko ang mga nakatira sa bahay na yan!" sabi ni Jun-Jun. "Tito, itigil nyo muna ang kotse, please!"

Nagtaka ang tito niya pero itinigil nga niya ang kotse sa may harapan ng bahay.

Dali-daling bumaba si Jun-Jun. 

"Kuya Jun-Jun!" tawag ng isang bata.

"Anong nangyari dito, Mikoy? Si Aling Nena nasaan?"

"Dinala po siya sa ospital. Inatake sa puso!" umiiyak na sagot ng bata.

"Ano bang nangyari?" marahang tanong ni Jun-Jun.

"Ma-May Halimaw! Nakakatakot!"

"Halimaw?"

Tumango si Mikoy. " Inatake kami ng isang halimaw na gumagamit ng apoy."

 Halimaw? Apoy? At bakit kilala ko sa mukha ang batang ito?

Napanganga ako. Oo, siya ang anak ng babaeng napanaginipan ko kagabi! Pero pananginip lang ba ang nangyari?!

"AArrrrggggghhh!" Sumakit na naman ang ulo ko. Sumabay pa ang sikip ng aking dibdib. Ang puso ko ay  para bang pinipisil! Sa sobrang sakit ay nanlabo ang aking paningin hanggang sa dumilim ito. At wala na akong maalala pagkatapos nun...

____________________________01/03/2015

So How's the story so far?

Oi vote na!

And please Comment na rin about this Chapter

Thanks for the support!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top