Chap.28: Ang Madugong Piging

 ๑۩۞۩๑ Ang Madugong Piging ๑۩۞۩๑

      (Junior "Jun-Jun" Sta. Maria's POV)

Nang binuksan ni Ibarra ang pintuan na iniukit mula sa puno ng narra, isang malawak na bulwagan ang bumungad sa amin. Napakaganda at engrandeng-engrande ang dating dahil sa dalawang detalyado at naglalakihang chandelier. Puno ng mga sosyal at mukhang kilalang tao. Puno din ng tawanan at musika.

Isang masayang piging.

Dahan-dahan kaming naglakad kasama si Ibarra. Nagmamasid at handa sa kung ano mang di inaasahang mangyayari. Mahigpit ang hawak ko sa aking espedang hangin, kagaya nina Gino Lazaro at Clarissa Gutang na hawak-hawak ang kani-kanilang elementog-armas.

May isang lalaking naka-coat at may fedora hat pa na biglang dumaan sa harapan namin. Nabigla ako at tumigil ng walang pasabi. Nabunggo si Gino sa likod ko at sa impact ay napa-move forward ako. Napahawak tuloy ang aking kaliwang kamay sa lalaki.

Nanginig ako sa sobrang lamig! Para bang sinawsaw ko ang aking kamay sa ice water! Dali-dali kong nilayo ang aking kamay. Tumingin lang saglit sa akin ang lalaki, blanko ang ekspresyon ng mukha at tumuloy na sa paglalakad patungo sa grupo ng mga babae sa di kalayuan.

"Ano ka ba, Gino!" inis kong sambit.

"Ikaw, eh. Bigla ka kasi tumitigil!" sagot ni Gino.

"Tama na nga yan. Mukhang di naman nila pinapansin na nandito tayo." nabanggit ni Clarissa.

Tumungo ako. Tama si Clarissa.

"Teka, si Ibarra?" tanong ni Gino.

Napansin ko nga na biglang nawala si Ibarra sa tabi ko. Nakita ko na lang siya na nauuna sa amin patungo sa isang pintuan.

"Ibarra, hintay!" sigaw ko. Hindi ko na pinansin ang mga taong nabubunggo ko. Gaya ng sinabi Clarissa, di naman nila ako pinansin. Lahat sila ay isa lang 'mirage,'hindi totoo.

Naabutan ko siya at hinawakan ang braso para pigilan sa paglalakad. "Nasaan na si Katherine?" tanong ko.

Nakaramdam bigla ako ng matinding kalungkutan at inggit. Binatawan ko si Ibarra. Para bang naramdaman ko ang emosyon ng multo.

"Nasaan na si Katherine?" 

Hindi siya sumagot at kagaya ng lalaking may sobrero kanina, blanko din ang ekspresyon ng kanyang mukha at nagpatuloy pa rin sa pagpasok sa pintuan. Susundan ko na sana siya nang bigla akong tinawag ni Clarissa.

"Jun-Jun, si Katherine!" sabi niya.

Napalingon ako. Nagpapalakpakan na ang mga tao at naghihiyawan sa tuwa. May bagong dating. 

Si Katherine!

Pero older version niya, mga nasa early twenties ata. Napakaganda niya talaga. Nakataas ang kanyang buhok na puno ng mga bulaklak. Nakapang-kasal siya, yung pangkasal na pangsinauna. 

May mas matandang lalaking naka-akbay sa kanya. Naka-suklay pataas ang kanyang buhok at may manipis na bigote. Ang lalaki ay ngiting-ngiti at halatang pinagyayabang na kasal na sila ni .... Katherine.

Alam kong hindi naman talaga iyon si Katherine, siya marahil si Maria Katerina, ang may ari ng brooch na paru-paru. Pero gaya ni Ibarra nakaramdam ako ng lungkot at matinding inggit. Bigla kong na-imagine what if kung magpapakasal kami ni Katherine? I bet napakaganda niya at marahil magiging super proud din ako.

"Binabati ka namin, Don Paquito La Quintanillas!"

"Napaka-swerte ko at asawa ko na ngayon ang pinakamagandang dalaga sa bayan." Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kanyang asawa. "Siya na ngayon si Maria Katerina Dela Rosa Y La Quintanillas."

Di na ako nag-isip pa ng kung ano at agad lumapit kay Maria Katerina. "Nasaan si Katherine?" tanong ko. Ngunit hindi niya ako pinansin. Hinawakan ko ang kanyang braso at sa nakakapagtakang pagkakaton, naramdaman ko rin ang kanyang emosyon; emosyon ng padurusa at pananabik sa iisang tao... pananabik kay Ibarra.

"Jun-Jun, para kang sira, tanong ka ng tanong dyan, eh.. alam mo naman na di kanila sasagutin." natatawang sabi ni Gino.

Itong si Gino, di ko alam kung nagtri-trip ba? Parang laging nang-iinis!

"Ano pa ba ang pwede nating gawin?" iritable kong sambit.

"He'to na naman kayo!" saway ni Clarissa.

Ewan ko ba. Sa totoo lang naiinis talaga ako kay Gino pero for some reason, I'm really enjoying his company. Siya lang ang laging nagsasabing magkaibigan kami na hanggang ngayon di ko pa rin yun ina-acknowledge. Sanay kasi akong mag-isa, walang kasama. Ito ang dahilan kaya parang hanggang ngayon nag-aadjust pa rin ako sa pagkakaroon ng kaibigan. At kasi... nahihiya ako sa kanya. Tandang-tanda ko pa noong nagsuntukan kami dati sa may parking lot ng Owkward Academy, alam ko na nais lang niyang magkasundo kami kasi pareho kaming may elementong-kaisa. Pero tinanggihan ko siya, worst, sinabi ko pa na wala akong pakialam sa problema niya kay Gunaw. And now? Walang alinlangan na tinutulungan niya ako para iligtas si Katherine. Pati si Clarissa sumama pa. Ang sarap pala ng pakiramdam ng may mga kaibigang maaasahan. 

Tuloy pa rin ang kasiyahan sa paging.

Di ko inalis ang paningin ko kay Maria Katerina. Nakasimangot siya at halatang-halata na di kumportable habang pinapakilala siya ni Don Paquito sa bawat grupo ng bisita sa loob ng bulwagan. Pero sa wakas at nakatakas ang kawawang dalaga sa mahigpit na pagkakahawak ng kanyang asawa nang bigla hinila si Don Paquito ng mga kaibigan nito upang mag-inuman. Dali-dali at walang lingon-lingon na naglakad si Katherine patungo sa pintuan kung saan pumunta si Ibarra.

"Sundan natin si Maria Katerina!" sabi ko kina Gino at Clarissa. 

Sa pagmamadali ay di sinasadyang nasagi ko ang lamesa kung saan nakalagay ang mga inuming alak. Laking gulat ko nang biglang nahulog ang mga baso at nabasag!

Akala ko ba isang projection lang ito ng alaala?!

Nanahimik ang lahat. Nawala ang tawanan at musika. Lahat ay lumingon at tumingin sa aming direksyon.

Nakaramdam ako ng matinding pangingilabot at takot!

Lahat ng tao sa bulwagan ay walang mukha! Ang tanging makikita lang ay tatlong bilog na butas para sa mga mata at sa bibig. Wala man sila mga mata, ramdam na ramdam ko ang init ng kanilang tingin.

Hindi rin nagtagal ay naglakad sila papalapit sa amin. Nag-panic si Clarissa.

"Anong nangyayari!" tanong ni Gino na nagulat din at tinulak ang isang babaeng matanda na bigla na lang siyang hinawakan.

"Umalis na tayo dito!" Tawag ko at tinuro ang pintuan na dinaanan nina Ibarra at Katherine.

Magaling na lang ay nakapasok kami agad sa pintuan at nasarado ko bago pa kami tuluyang kuyugin.

Isang mahabang corridor ang nilabasan namin.

Nakarinig kami ng  mga hikbi ng isang babae. Nakita namin si Maria Katerina na kadungaw sa bintana at umiiyak.

May isang lalaking biglang lumapit sa kanya. Si Ibarra.

"Patawad, Maria Katerina. Hindi ko lubos maiisip na ang ating pagmamahalan ay magwawakas ng ganito. Sadyang di tayo ang syang tinakda ng Diyos para sa isa't-isa."

"Hindi ko matatanggap ang iyong sinasambit, Ibarra. Diyos ang nakakaalam at siyang saksi sa ating pag-iibigan, bakit hindi niya tayo mapagbigyan?"

"May mga bagay na mahirap tanggapin. Hindi natin pwedeng ipagkaila na hindi tayo nababagay. Isa kang anak mayaman at ako naman ay isang pobreng guwardiya lang. Ang isang prinsesa ay hindi nababagay sa isang alipin. Isa itong sumpa na hindi kailanman natin mapapawi."

"Hindi ba totoo ang nararamdaman mo para sa akin? Wala bang halaga ang pinagsamahan natin? Bakit para bang tinatapon mo lang na parang basura ang ating pagmamahalan? Lubos akong nagdurusa ngayon. Sobrang sakit na isa ka na lang pangarap na hinding-hindi ko makakamit." Lumakas ang pag-iyak ni Maria Katerina. Niyakap naman siya ni Ibarra at nilambing.

"Hindi ko nais na lalong pabigatin ang iyong nararamdang sakit. Huwag mo sanang isipin na hindi totoo ang pag-ibig na inalay ko sa iyo. Ang puso ko ay para sa iyo. Ikaw lamang ang dahilan ng aking pagngiti. Ikaw ang aking buhay, Maria Katerina."

May kinuha si Ibarra sa kayang bulsa at nilagay sa mga palad ng kanyang mahal. "Isa kang paru-paru sa hardin, isang napakagandang nilalang na siyang nagpapamukadkad ng mga bulaklak."

Ngumiti si Maria Katerina at buong galak na sinuot ang paru-parung brooch na ibinigay ni Ibarra.

"Mahal na mahal kita, Ibarra. Ang buhay na wala ka ay isang buhay na puno ng hinagpis at pighati."

Puno ng pagmamahalan ang dalawa. Unting-unting naglapit ang kanilang mga mukha at naghalikan.

"Chessy." komento ni Gino.

"Ang sweet!" sabi ni Clarissa na kinikilig at namumula pa.

"Mga taksil!" sigaw ni Don Paquito. Di namin nalamayan na nasa likod na namin pala siya. 

Tumakbo siya at pwersahang hinila papalayo si Maria Katerina kay Ibarra. "Isang salawahan!" paratang ni Don Paquito at sinampal ang asawa.

"Huwag na huwag mong sasaktan si Maria Katerina" pagbabanta ni Ibarra sabay suntok sa mukha ng nanakit sa mahal niya.

"Magagawa ko ang gusto ko dahil pagmamay-ari ko siya. Siya ay asawa ko! Akin lang siya!" sagot ni Don Paquito at ginantihan si Ibarra.

Nagbugbugugan ang dalawa.

"Tama na! Pakiusap, tigilan nyo na ito!" sambit ni Maria Katerina.

Tinulak ni Don Paquito si Ibarra at binaling ang atensyon sa kanyang asawa. "Ikaw, halika dito!" hinila niya si Maria Katerina pabalik sa bulwagan.

"Bitawan mo ako. Ayaw kong sumama sa iyo!"

"Maria Katerina!" sigaw ni Ibarra.

Sinundan namin sila. 

Bumalik sa dati ang bulwagan, ang mga bisita ay nasa kani-kanilang orihinal na kinatatayuan kahit ang mga nabasag na baso kanina ay walang gasgas at maayos na nakapatong sa may lamesa.

Pinahiya ni Don Paquito si Maria Katerina at pinagkalat sa mga bisita ang relasyon nito kay Ibarra. Pero imbes na mangliit si Maria Katerina, pinagmalaki niya ang mabuting kalooban ni Ibarra.

"Si Ibarra ay isang tunay na makatao, lagi niya iniisip ang kapakanan at kabutihan ng iba. Ginagawa niya ng mabuti ang kanyang tungkulin para sa bayan. Hindi ba isa siya sa mga nagtanggol sa atin sa mga rebelde? Di tulad nitong si Don Paquito na nagtago lang na parang isang mumunting manok!" lakas loob na sambit ni Maria Katerina.

Natahimik ang mga bisita. Alam nilang totoo ang mga sinabi niya.

"Anong karapatan mong ipahiya ako!" galit na sigaw ni Don Paquito at sinampal ng malakas sa harapan ng lahat si Maria Katerina.

Marami ang nagulat. Marami ang nagbubulungan.

"Isa itong malaking eskandalo! Alam kong magiging usapan ito sa bayan! Ito ay kahihiyan sa aking angkan!" tumawa na animo'y nababaliw si Don Paquito. Kinausap niya ang sarili. "Hindi - Hindi... Hindi ito maari. Oo, tama. Hindi ito dapat kumalat sa labas. Walang ibang makakaalam!" Tumawa siya ng malakas at dali-daling kinuha ang kanyang baril.

"Walang lalabas ng buhay!" kanyang sigaw at walang habas na namaril! Marami ang sinawing palad na hindi kaagad nakatakbo at natamaan ng bala.

Nagkalat ang dugo.

Si Maria Katerina ay napapikit sa takot at inakala niya na iyon na ang katapusan ng kanyang buhay. Ang kanyang maputing damit ay namantsyahan na ng dugo.

"Tama na!" Pinigilan ni Ibarra ang nagwawalang si Don Paquito. Naagaw nito ang baril at tinapon sa malayo. Binugbog niya ito na halos mawalan na ng malay pero hindi niya ito pinatay.

"Maria Katerina, umalis na tayo dito!" sabi ni Ibarra. Takot na takot si Maria Katerina at nanghina bigla sa nasaksihang pagpatay sa mga bisita. Walang pinatawad si Don Paquito kahit sariling kamag-anak at kaibigan.

"Hindi kayo makakaalis! Akin lang si Maria Katerina!" sigaw ni Don Paquito na kamangha-mangha na may lakas pang tumayo at muling pinulot ang kanyang baril.

BANG!

Isang bala ang tumama sa aking balikat.

ARRRRGGHHHH! hiyaw ko sa sobrang sakit. 

Ramdam na ramdam ko ang hapdi ng paso sa aking balat at ang dumadaloy na dugo sa aking kaliwang balikat.

"Ibarra!" gulat na tawag ni Maria Katerina. 

Teka... Si Katherine?

Si Katherine ang nasa aking harapan, umiiyak at suot-suot ang duguang pangkasal!

Laking pagtataka ko. Paanong ako na ang nasa posisyon ni Ibarra?! Si Katherine na rin ang kay Maria Katerina!

_____________________________

So How's the story so far?

Oi vote na!

And please Comment na rin about this Chapter

Thanks for the support!

NEXT CHAPTER: ISANG RED LADY

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top