Chap.22: ISIP BATA

Aba, sinong isip bata?

Basahin at alamin! Enjoy!

+++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++

๑۩۞۩๑ISIP BATA๑۩۞۩๑

++++NARRATOR'S POV++++++++++++++++++++++


Di matanggal ang ngiti sa mukha ni Gino Ivan Lazaro habang pinagmamasdan niya ang mahimbing na pagtulog ng kanyang mahal na ina na si Cindy sa kanyang mga bisig. Maaliwalas at mapayapa ang mukha na kahit may mga pasa at galos, napakaganda pa rin nito sa paningin ni Gino.

Isa itong pangarap na nagkatotoo at kung panaginip man ito, ayaw na niyang magising!

Hindi na siya makapaghintay sa bagong pahina ng kanyang buhay na kasama ang kanyang ina. Nawala man ng tuluyan ang presensya ng kanyang Tatay Alberto, nandito naman ang kanyang Nanay Cindy!

"Um... Kung gusto mo, maaari kong bawasan kahit papapano ang sakit na nararamdaman ng nanay mo." nahihiyang sambit ni Abigail Roque na naglakas loob na lumapit. Nagising na siya mula sa hipnotismo ng school director at nasaksihan niya ang masayang tagpo ng mag-ina. Ayaw niyang masira ang moment nila pero nais niyang makatulong. "Kung, okay lang sa iyo, Gino.. Ah.. Um, Ginn?"

"Gino, tawagin mo ulit akong Gino, Abby."

Medyo naguguluhan na si Abby sa pabago-bago na pangalan nito pero di na muna niya ito pinagtuunan pa ng pansin.

"Sige, Gino." sagot ni Abby. Ipinatong niya ang kanyang mga palad sa may noo ni Cindy at mataimtim na nag-isip ng kagalingan para dito. Kagaya ng sa mga palad ni Abby, bahagyang nagliwanag din ang katawan ni Cindy. Kamangha-mangha na nawala ang pagkaputla nito at bumalik ang sigla ng katawan. Nawala din ang ilang mababaw na sugat at galos nito.

"Maraming salamat, Abby!" nakangiting sambit ni Gino pero hindi ito makatingin ng diretsyo. Nahihiya ito.

Hindi maintindihan ni Abby pero kapansin-pansin ang pagbabago sa mga kilos ni Gino. Parang nawala ang nakakatakot at malakas na pagkatao nito, nawala din bigla ang mga tattoo nito sa katawan. Bumalik ang dating highschool student na di sigurado sa sasabihin at may pagkainosente, bumalik ang dating si Gino.

Gumawa si Abby ng malaking bula gamit ang kanyang elementong tubig para dito sa loob makapagpahinga ng mas mabuti si Cindy. Tuwang-tuwa naman si Gino at abot langit ang pasasalamat.

"Pare, ang saya-saya mo ngayon!" sambit ng kanyang best friend na si Junior Sta. Maria.

"Oo, Jun-Jun. Para bang nabunutan ako ng malaking tinik sa dibdib at wala na akong kailangang problemahin pa sa buhay kasi kasama ko na ang nanay ko na may normal nang pag-iisip!"

"I'm so happy for you, friend!" pagbati din ni Katherine Dela Rosa.

"Salamat, salamat sa inyong lahat!"

Hinawakan ni Gino ang bula kung nasaan ang nanay niya. "Tara, umalis na tayo dito."

"Balik na tayo sa Tore ng Buhay?" tanong ni Jun-Jun.

Umiling si Gino. "Hindi. Ang ibig kong sabihin ay umalis na tayo dito sa Purgatoryo, bumalik na tayo sa mundo ng mga buhay na tao."

Nagulat si Jun-Jun. Kahit sina Katherine at Abby ay di makapaniwala sa sinabi ni Gino.

"Pre, naiintindihan mo ba ang sinasabi mo?"

"What are you talking about, hindi tayo basta-basta makakaalis dito." giit ni Katherine.

"Tsk. Alam ko ang sinasabi ko!" sagot ni Gino, medyo naiinis.

"Hindi natin pwedeng gawin ang gusto mo, pare." sabi ni Jun-Jun. "Di pa tapos ang lahat. Di pa natin natatalo ang Supremo!"

Bigla na lang nakarinig sila ng malakas na pagguho. Dito nila nasaksihan ang pagkasira ng Tore ng Buhay.

"OMG!" gulat na sambit ni Katherine. "Okay lang kaya sina Mommy dun?"

"Guys, puntahan natin sila doon." sabi ni Jun-Jun at gamit ang kanyang mga pakpak ay lumipad na sa ere. Sumunod sa kanya si Katherine na may sariling pakpak din.

Hindi naman nag-paiwan si Abby. Mabilis siyang tumawag ng bula na nagsilbi niyang sasakyang panghimpapawid.

"Gino?" lumingon si Abby pero di niya akalain na di man lang nabahala ito sa mga nangyari. Nanatili si Gino sa lupa, katabi niya ang bula ng kanyang ina.

"Ah, Sorry Gino. Wala ka papalang pakpak. " puna ni Jun-Jun. Gamit ang kanyang elementong hangin ay pinahiram niya ang kaibigan ng hangin na pakpak.

"Salamat, pare." sambit ni Gino at lumipad na rin. Itinulak niya ang bula ng ina, pataas.

Pero sa ibang direksyon!

"GINO?!" tawag ni Jun-Jun. Ayaw man niyang isipin pero siguro nga, seryoso ang kaibigan sa nais nitong umalis sa Purgatoryo at iwan ang kaguluhan!

Mabilis na lumipad si Jun-Jun at hinarangan ang dadaan ni Gino.

"Pare, ano ka ba?" tanong ni Jun-Jun.

"Hindi ba malinaw sa iyo na gusto ko nang umalis!" sagot ni Gino.

"Hindi pa tapos. Sakop pa rin ng Purgatoryo ang buong Barangay Sta. Cruz! Saan ka naman pupunta?"

"Eh di sa ibang barangay! Bahala na! Gusto ko nang umalis dito!"

"Ano bang nangyayari sa iyo, Gino? Bakit bigla kang naging makasarili?"

"Jun-Jun, malaki ang utang na loob ko sa iyo. Di ka nagdalawang isip na sumama sa akin para hanapin at iligtas ang nanay ko. Isa kang tunay na kaibigan. Habang buhay akong may pasasalamat sa iyo. PERO tapos na, naligtas na natin si Nanay Cindy! Di ba, iyon lang naman ang ating dahilan kaya tayo pumunta sa Purgatoryo? Okay na. Tapos na. Nasa mabuting kalagayan na si nanay. Wala na tayong dahilan para manatili dito!" giit ni Gino.

"Pero, iba na ngayon, Pare. Marami nang nangyari at marami din na mga inosenteng tao ang nadamay dahil sa ginawa ng Supremo. Di mo man lang sila naisip?"

"Wala akong pakialam sa kanila." diretsyuhang sagot ni Gino.

Kanina pang nagtitimpi si Jun-Jun. Hindi niya maintindihan kung anong nangyayari sa isip ng kaibigan. Pero sa sagot nito, hindi na niya napigilan ang sarili. Sinugod niya si Gino at tinulak pabalik sa lupa.

"Jun-Jun, anong ginagaw mo?! Pakawalan mo ako!" galit na sigaw ni Gino.

"HINDI! Hindi kita papatakasin sa responsibilidad! Bakit ka naging ganyan? Ano bang nangyayari sa iyo?!"

"PAGOD NA AKO! AYAW KO NA!"

"AKALA MO IKAW LANG ANG PAGOD? KAMI DIN! LAHAT AY PAGOD NA! PERO DI KAMI KAGAYA MO NA MAKASARILI! WALANG KANG KWENTA!"

Napabuntong-hininga si Gino. Hindi na siya nagpumiglas.

"Pagod na ako. Ayaw ko na ng ganitong buhay. Simula nang unang araw na makaranas ako ng kababalaghan, tuluyan nang nabago ang aking buhay. Hindi na ito naging normal. Madalas na sumagi sa isip ko, bakit ako pa? Bakit ba ang malas-malas ko? Sa dinami-dami ng mga bata sa mundo, ako pa ang maswerteng napili para kay Gunaw? Dahil dito, namatay ang tatay ko at nabaliw ang nanay ko. Malaking pasakit ang mabuhay ng ganito. At ngayon, bumalik na sa dati ang Nanay Cindy ko. Nagkaroon na ako ng pag-asa. Bagong buhay! Gusto ko nang kalimutan ang lahat at mabuhay ng normal." may mga luhang pumatak sa mga mata ni Gino.

"Alam ko ang nararamdaman mo, Gino. Alam mo naman ang kakayanan kong makakita ng mga patay. Bawat araw ay isang bangungot na kailan man di ko matatakasan. PERO ang dami nang nangyari sa akin na nagpabago sa aking pananaw. Ang aking kakayanan ay isang regalo, isang kapangyarihan na may kasamang responsibilidad. Maswerte nga tayo dahil naging mga taong-kaisa tayo. Hindi lahat ng tao ay nabibiyayaan ng pagkakataon na makagamit ng elemento. Gino, ganun na lang ba? Kakalimutan mo na lang lahat ng napagdaanan natin? Paano na lang si Popoy? Nakalimutan mo na siya? At ang tatay mo na sumanib sa pusa para lang bantayan ka, isasawalang-bahala mo na lang ang kanyang sakripisyo? Ano Gino? Ganun na lang?"

Natahimik si Gino.

Ano na nga ba nangyayari sa kanya?

Hahaha, isip bata ka talaga. May bumulong sa kanyang isipan.

Si Ginn.

Oh, ano? Sige, umalis ka na! Yan naman ang ikakasaya mo, di ba? Iwana mo silang lahat, sina Clarissa, si Jun-Jun pati na rin si Abby. Di ba gusto mo namang maging mag-isa?

"At Gino." dagdag ni Jun-Jun. "Paano din ang Tita Dorina mo at Lola Esmeralda? Nandito sila sa loob ng Purgatoryo. Iiwan mo na rin ba sila? Isipin mong mabuti... "

Nakakabingi ang tawa ni Ginn sa isipan ni Gino. Naiinis siya. Pero bakit ba siya naiinis? Iisa lang naman sila. Si Ginn ay isang katauhan lamang na likha ng kanyang sariling pag-iisip. Pero aaminin niya na mas malakas ang pagkatao nito at handa sa kahit anong pag-subok o balakid sa buhay. Mas mature, kung sasabihin.

"GRRRRAAAGRRRR!" malakas na tinulak ni Gino si Jun-Jun papalayo.

"ANO BA KAYONG DALAWA?!!" sigaw ni Katherine at mabilis na pumagitna sa magkaibigan. "Bakit ba kayo nag-aaway? This is not the right time to fight!"

"Gino?" tanong ni Jun-Jun na pinilit na tumayo sa pagkakatumba. Di na naman niya maintindihan ang kaibigan kung bakit siya nito itinulak ng malakas. Hindi naman ganun kahigpit ang kanyang pagkakahawak dito kanina.

Tumahimik si Gino, nakayuko ang ulo at nakaupo sa lupa.

"Arggghhh!" sigaw nito. Biglang sumakit ang kanyang ulo.

"Gino, okay ka lang?" nag-aalalang tanong ni Jun-Jun.

Grabe, ang swerte mo talaga sa mga kaibigan mo! He'to pa si Jun-Jun at nag-aalala sa nararamdaman mo ngayon. sambit ni Ginn.

Nakaramdam si Gino ng hiya sa sarili.

Baka nakakalimutan mo na may isa ka pangkatauhan sa isip mo. Kaya mo na ba siya?

Si Gunaw.

Napapikit sa sakit ng ulo si Gino. Dama niya ang galit ni Gunaw na nais kumawala.

Si Ginn ay ang kanilng pinagsamang diwa, siya si Gino, siya din naman si Gunaw. Iisa sila.

Bumaba si Abby mula sa kanyang bula. Nais niyang tumakbo papalapit kay Gino. Nakikita niya ang hirap ng nararamdam nito. Nais niyang tulungan ito pero natatakot pa rin siya. Naalala niya bigla ang nangyari sa may kamotehan, noong halos maubusan na siya ng hininga sa pagkakasakal ni Gino, buti na lang natauhan ito. Sa tingin niya, may kinalaman si Gunaw dito.

Kaya mo bang kontrolin ang galit at kapangyarihan ni Gunaw? tanong ni Ginn.

Pinilit ni Gino na linawagin ang kanyang pag-iisip. Hindi niya hahayaan na mamayani ang diwa ni Gunaw sa pagkatao niya... pati na rin si Ginn... Siya si Gino, kanya ang katawang mortal. Siya dapat at siya lamang ang makakagamit nito!

MAHINA KA, DI MO AKO KAYA! sigaw ni Gunaw sa kanyang isipan.

"AARRRRRRGGGHHHHH!" sigaw ni Gino.

Nagising si Cindy.

"Gino, anak? Anong nangyayari?" nag-aalalang sambit nito.

Binaba ni Abby ang bula ni Cindy at inalalayan papalapit kay Gino na sumisigaw at namimilipit sa sakit ng ulo.

"Anak?"

Tumingala si Gino, nanlilisik ang mga mata.

"GGGGGGRRRRRRRRRRR!" patuloy ang pagwawala ni Gino.

Napaatras si Cindy. Natakot si Abby.

"G-Gino? Anong nangyayari sa anak ko? May sumasapi din ba sa kanya?" tanong ni Cindy.

"Marahil po si Gunaw." sagot ni Jun-Jun. Malakas ang kutob niya na ang espiritu ng sakim na datu ang gumugulo ngayon sa isipan ng kaibigan. "Nakikipaglaban siya kay Gunaw upang pigilan ang pagsanib nito."

"Si Gunaw?!" naalala ni Cindy ang gabing may umatake sa kanila, noong bata pa si Gino. Nabanggit ng lalaking sumalakay sa kanila na si Gino ay ang tinakdang bata para kay Gunaw!

Mabilis na lumuhod si Cindy sa anak at niyakap ito. "Anak, magpakatatag ka! Huwag kang magpapatalo sa kasamaan! Mahina ako kaya ako nabaliw pero ikaw anak, alam kong malakas ka. Kaya mo siya. HUWAG KANG MAGPAPATALO. May tiwala ako sa iyo, anak..." umiiyak niyang sambit.

Tama ang mga ito, sa isip ni Gino ay nakikipaglaban siya kay Gunaw.

SUMUKO KA NA, BATA! sambit ni Gunaw.

Muli silang nasa isang malawak na blangkong lugar na purong kulay puti. Bawat paglingon ay wala kang makikita kundi walang hanggang kapatagan ng kawalan.

Lumilipad ito sa ere gamit ang kanyang mga malalaking pakpak ng kagaya sa isang paniki.

Nasa baba lang si Gino, puno ng galos at sugat.

Hindi, Hindi ako susuko! Para ito kay Nanay Cindy! sagot ni Gino. Muli itong nabuhayan ng loob dahil rinig na rinig niya ang tinig ng ina. Malaki ang tiwala sa kanya ng ina at hindi-hindi niya ito bibiguin!

Maya-maya pa ay inihiga ni Cindy ang anak sa kanyang mga bisig at nagsimulang kumanta, ang paboritong kanta ni Gino bago matulog noong maliit pa lang ito.

Napakalambing at nakakagaan sa pakiramdam ang boses ni Cindy. Kahit sina Abby, Katherine at Jun-Jun ay saglit na nakalimutan kung nasaan sila at huminahon bigla ang kani-kanilang mga diwang balisa at pagod. Halos maluha din sila dahil naalala nila ang kanilang mga nanay.

Napuno ng pagmamahal ang isip ni Gino. Nag-uumapaw sa pag-ibig ang kanyang puso. Lunod na lunod siya sa wagas na pagmamahal ng kanyang Nanay Cindy.

HUH?! ANONG NANGYAYARI?! gulat na sambit ni Gunaw. Kahit maging siya ay nakakadama ng init ng pagmamahal. Hindi na siya pamilyar sa pakiramdam na ito. Napakasakit nito para sa kanya! Nanghina si Gunaw at naglaho bigla. Dumilim ang kapaligiran sa isip ni Gino.

Nakapikit siya.

"Gino..." narinig niya muli ang nakapaganda boses ng kanyang Nanay Cindy. Nararamdam niya ang marahang paghaplos nito sa kanyang mukha.

Ang sarap sa pakiramdam at nakakarelax.

"La lalala lalala lalala, mahal kong anak... La lalala lala..." pagpapatuloy sa pag-awit nito.

Nakakahiya.

Sobrang nakakahiya ang kanyang pinagsasabi at ikinilos sa harap ng kanyang mga kaibigan kanina. Nandoon pa si Abby at nasaksihan ang kanyang pagkamakasarili at kahinaan ng loob.

Isip bata.

Tama nga si Ginn, siya ay isip bata. Sa lahat ng mga nangyari, wala siyang kinatandaan.

Pero hindi na ngayon.

Pinapangako niya sa sarili ang tuluyan niyang pagbabago. Siya si Gino Ivan Lazaro, alam niya sa sarili na malakas na siya at may kakayahan siyang makipaglaban sa kasamaan. Walang lugar ang kahinaan ng loob sa kanyang puso at isipan. Para ito sa kanyang dating elementong-kaisa na si Popoy, para ito sa mga pangaral sa kanya ni Itim na kanyang sariling ama, para ito sa kanyang mga mahal sa buhay na sina Lola Esme, Tita Dorina at Nanay Cindy at higit sa lahat, para ito sa kanyang sarili!

Panahon na ng kanyang pagbabago para sa ikakabuti ng lahat. Ang pagbabago para maging mas malakas ang kakayahang pisikal at mas matalas na pag-iisip.

Hindi niya matatakasan ang kanyang tadhana... hindi niya matatakasan si Gunaw. Pero hindi siya dapat magpatalo dito! Hinding-hindi na siya magpapasindak sa presensya nito sa kanyang isipan. Si Gunaw ay parte lamang ng kanyang kabuuan, ng kanyang pagkatao. Siguro simula pa lang na pinanganak siya, iisa na sila ni Gunaw. Muling nabuhay ang datu sa pamamagitan niya. Wala na siya ditong magagawa. Kailangan na lang niya itong tanggapin. At sa pagtanggap, kailangang malaman ni Gunaw na siya lamang ang masusunod! Walang nang Gunaw... Wala nang Ginn... Si Gino lamang!

Sino ako? tanong niya sa sarili.

Ako si Gino.

"AKO SI GINO!!!" isinigaw niya ng malakas.

Minulat niya ang kanyang mga mata at bumungad ang mukha ng kanyang ina.

"Oo, anak ikaw si Gino!" natatawang sambit ni Cindy.

Tumatawa na rin ang kanyang mga kaibigan.

"Pare, ano na bang nangyayari sa iyo?! Hahaha!" sabi ni Jun-Jun.

"Pasensya na po, nanay kung pinag-alala ko kayo."sambit ni Gino at niyakap ng mahigpit ang ina.

"Anak, huwag kang paghinaan ng loob. Nandito lang ako para sumuporta para sa iyo."

"Salamat po, nanay!"

"Pre, okay ka na?" tanong ni Jun-Jun.

"Ah oo, pare! Pasensya na kayo. Nag-isip bata ako. Hehehe." Inakbayan niya ang kanyang best friend. "Salamat at di ka sumuko sa akin."

"Nyeh! Parang ewan ka kasi!" saway ni Jun-Jun. "So ano na? Iiwan mo na kami? Aalis ka na dito? Magiging selfish ka na? Tandaan mo, kakalimutan ko na naging magkaibigan tayo!" banta ni Jun-Jun.

"Hahahha! Naku, hard to forget kaya ako! Pero, seryoso. Sorry. Tapusin na natin ang kaguluhang ito!" tumapak si Gino isang bato at tinuro ang Tore ng Patay. "Humanda ka Supremo, paparating na si Gino at wawakasan ko ang kasamaan mo!"

Tumawa ng malakas si Jun-Jun.

"Adik ka talaga, pare!"

Natawa si Abby. Masaya siya na bumalik na sa normal si Gino. Hindi na kaya niya tatawagin itong Ginn?

"Teka, anak. Mga tattoo ba iyan sa magkabilang braso mo?!" puna ni Cindy sa anak.

"Hah? Ah..." hindi ma-explain ni Gino kung bakit siya nagkatattoo. Bigla na lang kasi itong nagmarka sa kanyang balat.

Pero lubos ang galak ni Gino. Itong mga tattoo na ito ang patunay na nasa kanya ang presensya ni Gunaw. Ang tattoo na lumabas kay Ginn dati ay sa kaliwang dibdib at braso lamang ngunit ngayon, magkabilang dibdib at braso na! Ito na rin kasi ang patunay na lubos nang naging isa sila ni Gunaw!

"Pero... Bagay naman po sa akin, nanay di ba?" ang naging sagot na lang ni Gino sabay nagpalaki ng muscle. "Ang hot at ang gwapo ko di ba?" kumindat siya kay Abby.

Namula si Abby.

"Naku, anak. Tutol ako at humanda ka sa sermon ng Lola Esme mo!" napabuntong-hininga si Cindy. "Nandyan na iyan, eh. Wala na akong magagawa. Basta huwag kang mapapariwara sa buhay. Mag-aral ng mabuti kasi walang sino man ang makakakuha ng kaalaman na matututunan mo sa school. Ito rin ang pundasyon para maging mas matibay ka sa labas ng eskwelahan. Basta anak, huwag kang magbisyo. Naku, ito ang makakasira sa buhay mo!"

"Nanay naman, huwag mo akong sermonan sa harap ng mga kaibigan ko!" pabirong sambit ni Gino.

Nagtawanan lahat.

+++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++ 06/15/2016

Ahaha.. Isip bata ka ba?

Sorry kung umasa kayo na complete na sila for this update pero I need to add this chapter first! Okay naman di ba? Mamimiss nyo kaya si Ginn? 

Paki-comment ng inyong thoughts about this chapter, Vote at share na din para mas maraming magbasa.

Thanks!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top