Chap.19: PAGGUHO NG TORE NG BUHAY

Salamat sa pahihintay! May Update na po!

+++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++

۩۞۩๑PAGGUHO NG TORE NG BUHAY๑۩۞۩


++++NARRATOR'S POV++++++++++++++++++++++


Hindi maiwaksi ng Supremo ang ngiti sa kanyang mukha. Hindi rin magtatagal ay makakamit din niya ang kanyang ninanais, ang pamunuan ang mundo ng mga espirituwal na nilalang at ng mga buhay na tao. Lahat ay magsisimula muna dito sa Barangay Sta. Cruz.

'Start small,' ang sabi nga. 'Slowly but surely.'

Lubos na kasiyahan ang nadarama ngayon ng Supremo. Nananabik na siya na isakatuparan ang kanyang mga plano kapag nagtagumpay siya na masakop ng Purgatoryo ang buong Bayan ng San Nicolas. Dito muna, unti-unti, hanggang mapasailalim ang buong Batangas at di maglalaon ay buong Pilipinas!

Huminga siya ng malalim. Medyo di kaaya-aya ang amoy ng hangin sa Purgatoryo. Di bale, masasanay din naman siya dito. Binaling niya ang tingin sa isang tore na nagbibigay liwanag sa kabilang parte ng barangay, ang Tore ng Buhay.

Gusto niyang matawa. Kahit anong gawin ng pari, wala na itong magagawa. Walang kwenta ang tore nito. Oo, di magawang makalapit ng mga kaluluwang-ligaw o mga di matahimik na espiritu ang kinaroroonan ng tore. Malakas ang pananalig ng pari sa Diyos, marahil may biyaya nga ito mula sa langit.

Pero nasa lupa sila, sa Purgatoryo, ang magiging kaharian at teritoryo ng Supremo! Mas malakas ang kanyang kapangyarihan sa kahit ano mang pananalig!

Nagpadala ang Supremo ng malaking grupo ng kanyang mga kabataang taga-sunod para sugurin ang tore ng buhay. Gugulatin nila ito ng salakay. Kahit pa may mga elementong-kaisa ang ilang kasamahan ng pari, wala silang laban sa dahil sa dami! Matatalo sila! May ilang mangkukulam din siyang pinasama para kontrahin ang dasal ng pari.

"1... 2..." nagsimula siyang magbilang. Ngayon ang ngiti niya ay may mga ngipin nang sumusilip. "3!" sigaw niya na siyang ikinagulat ng ibang mangkukulam na humalili sa orasyon ng pagbukas ng Purgatoryo pero mabilis silang bumalik sa matinding konsentrasyon sa pagbanggit ng orasyon.

Nasa tuktok sila ng Tore ng Patay. Pitong mangkukulam ang nakaharap sa isa-isa at nakataas ang mga kamay, sabay-sabay na nagdarasal ng orasyong banyaga ang salita, pinaghalong latin at espanyol. Sila ang pumalit sa Supremo nang mapagod na ito.

Ang isang matinding kahinaan sa kampo ng pari, siya lang ang nag-iisang nagdarasal ng pangontra laban sa paglaganap ng Purgatoryo. Nag-iisa siya, walang mga kahalili. Di tulad ng Supremo na may mga tapat na mangkukulam na sumusunod sa nais niya.

Sa pagbigkas niya ng tatlo, biglang nawala ang liwanag ng Tore ng Buhay. Di rin nagtagal ang pagguho nito.

"HAHAHHAHAHAHA!" malakas na pagtawa ng Supremo.

Kapansin-pansin na may liwanag pa rin ang krus sa tuktok ng chapel ng barangay. Marahil nandito ang mga residente ng barangay na nagdarasal pa rin para sa kaligtasan nila. Pero hindi na ito problema para sa Supremo. Mga taong takot lang naman ang mga ito, bahala na ang kanyang mga alagad na mas ipalaganap ang takot at kawalan ng pag-asa.

"Ang mahalaga wala na ang paring pakilamero. Hindi na siya makapagdadarasal sa kanyang diyos." bulong ng Supremo sa kanyang sarili.

Simple lang naman ang utos niya sa kanyang mga alagad na sumugod sa Tore ng Buhay, ang patayin ang pari!

Ang pari ang nagsisilbing taga-pagligtas ng mga tao sa barangay. Siya ang nagbibigay ng pag-asa. Kapag nawala na ang pari, wala na ang lahat! Magkakagulo na sila!

Mas lalong lumakas ang tawa ng Supremo nang tuluyan nang nawala ang liwanag na nangmumula sa chapel.


۩۞۩๑______________۩۞۩    


Biglang natigilan si Fr. Gilbert Quirante sa pagdarasal, may matinding sakit siyang nararamdaman sa kanyang puso. Para bang may mga kamay na pumipisil dito!

Napakabilis ng pangyayari! Saglit lang siyang tumigil, nagsimulang nanginig ang Tore ng Buhay at unti-unting gumuho. Hindi sa mahina ang pananalig niya o ng mga taong nagdarasal kasabay niya, isang makapangyarihang orasyong itim ang nagpahina dito.

Ito na nga ang kinakatakutan niya, ang pagsalakay ng mga alagad ng Supremo.

Sa pagguho ng tore, mabilis siyang nagdarasal ng mga pakpak upang makalipad papalayo pero sa sobrang sakit na kanyang nararamdam, nawalan siya ng konsentrasyon at tuluyang nahulog sa lupa. Mabuti na lang sinalo siya ng kanyang espiritung-gabay na si Gabielo. Matiwasay na nakatapak sa lupa ang pari.

"Arrghh!" mabilis naman na natumba ito at gamit ang dalawang kamay, pilit na kinakapa ang dibdib kung nasaan ang kanyang puso baka sakaling maibsan ang sakit nito.

"May kumukulam sa iyo!" sambit ni Gabielo. Mariin na inilibot nito ang kanyang mga mata sa paligid. Kailangang makita niya kung nasaan ang mangkukulam, kung hindi baka ikamatay ito ng pari!

"Anong nangyari!" nag-aalalang tanong ni Dorina Lazaro. Hindi man maintindihan kung bakit biglang gumuho ang tore, mas nag-aalala siya sa kaibigang pari na nagdurusa sa sakit.

"Ang-Ang mga t-tao..." pilit na nagsalita si Fr. Gilbert. "P-Protektahan nnnnyoo s-ssila." Umubo siya ng dugo.

Napasigaw ai Dorina.

"Teka lang Gilbert, ano bang nangyayari sa iyo? Ba-Bakit may dugo?!" nagsimula na siyang umiyak sa labis na pag-aalala.

Umiling ang pari. "Huwag ako. Ang m-mga t-tao!" giit nito.

Nagsimula nang magsigawan ang mga tao sa loob ng chapel! May mga grupo ng mga kabataang naka-maskara ang nagsimulang sumugod na may kanya-kanyang elementong gamit.

Nagsimula nang makipaglaban sina Daniel Solis, Ruby Javier at Violy Dela Rosa. Pilit naman pinapakalma ni Jose Gutang ang mga taong natatakot sa nangyayari. Hinihikayat naman ng nanay ni Dorina na si Esmeralda na magpatuloy sa pagdarasal ang mga tao pero sa takot at pagkabahala tuluyan nang namatay ang liwanag sa krus ng chapel!

"Pano ka?" tanong ni Dorina. Hindi na sumagot ang pari. Pumikit na ito at dinama ang sakit.

Nagbuntong-hininga si Dorina. Bilang pari alam niyang mas nanaisin ni Gilbert na tulungan ang mga tao. Mas mahalaga ang buhay ng marami kaysa sa isa.

Pero hindi basta-bastang buhay lang si Gilbert. Siya ay matalik na kaibigan ni Dorina. Labis niya itong na-miss nang nag-ibang bansa siya. Noong mga bata pa sila, si Gilbert ang kanyang takbuhan at taga-payo. Di niya maamin pero mas higit sa kaibigan ang turing ni Dorina sa kanya, mahal na mahal niya ito. Masakit man, tinanggap niya ang pagnanais ni Gilbert na maglingkod sa Diyos. Wala na siyang magagawa.

Ngunit hindi ngayon!

May magagawa pa siya! Hindi niyang hahaayaang mawawala ang pinakamamahal niyang pari!

"May magagawa ba ako?" tanong ni Dorina kay Gabielo. Nangungusap ang mga mata ni Dorina, hindi man niya banggitin pero lubos na nagmamakaawa niya sa espirituwang-gabay na mailigtas ang pari.

"May kumukulam sa kanya." sagot nito.

Hindi na kailangan pa ng dagdag na paliwanag ni Dorina. Sa gitna ng sigawan at kaguluhan, tinuon niya ang kanyang mga teynga sa naiibang tunog sa kapaligiran, mga bulong na animo'y nagdarasal!

Dahil tuluyan nang namatay ang liwanag sa chapel, nagawa nang makalapit ng mga kaluluwang-ligaw sa kinaroroonan ng mga taga-barangay. Mabilis namang lumipad si Gabielo sa ere at nagpakawala ng matinding liwanag. Dahil sira na ang Tore ng Buhay at wala ng liwanag ang krus ng chapel, siya na ang magsisilbing liwanag sa mga tao. Ito ang nais ni Fr. Gilbert.

Pilit kinalma ni Dorina ang sarili. Kailangan niyang makita ang patuloy na kumukulam sa pari. Pinikit niya ang kanyang mga mata at mas nag-focus siya sa kanyang pandinig.

Huli ka!

Hindi na nag-aksya ng panahon si Dorina. Gamit ang elementong-apoy, nagpakawala siya ng maliliit na bolang apoy sa direksyon kung nasaan may nakatumbang puno sa tabi ng sirang bahay, di kalayuan sa chapel.

May dalawang taong nasigawan dahil nasunog ang damit na suot-suot nila. Tumakbo ang mga ito pero hindi naman hinayaang ni Dorina na makalayo ang mga ito. Mabilis niyang sinugod ang dalawa at pinag-untog ang mga ulo nito at sabay na nawalan ng malay.

Gusto mang tuluyang saktan ni Dorina ang dalawang mangkukulam, hindi niya magagawa. Hindi ito magugustuhan ni Gilbert.

"Gilbert!"tawag ni Dorina. Idinikit niya ang teynga sa may dibdib ng pari, mahina angtibok ng puso nito. Tiningnan niya ito, panatag na ang gwapong mukha nito!Nawalan lang ng malay marahil sa pagkapagod.  

Napangiti si Dorina at nagsimulang umiyak. Mahigpit niyang niyakap ang pari. "Buti naman at okay ka na! Bakit ba sobrang bait mo na kahit sariling buhay iaalay mo?!" sambit ni Dorina. Alam niyang hindi naman siya naririnig ni Gilbert kaya naglakas-loob na siya. "Hindi ko alam ang gagawin ko kung tuluyan ka nang mawawala... kung m-mamatay ka! Hindi ko kakayanin! Mahal na mahal kita! Dati pa... Mahal na kita..."

Makalipas ng ilang saglit ay dahan-dahan na inalalayan ni Dorina ang pari papasok sa Chapel.

"Ako na ang bahala kay Gilbert." bungad ni Jose. "Tulungan mo sina Daniel." Nais man tumulong ni Jose sa pakikipaglaban, nawawala pa rin ang kanyang elementong-kaisa na si Buhano. Nag-aalala na siya dito. Kapag natapos na ang kaguluhan dito, hahanapin na niya ito.

Tumungo si Dorina. Lalabas na sana siya nang may humawak sa kanyang kamay.

"Dorina." nagsalita si Fr. Gilbert. "Salamat."

"O-Okay lang." for the first time after many years, hinawakan ng pari ang kamay niya. Pinigilan niya na ipahalata na may epektong dulot ito sa kanya.

Pero di niya alam ay namumula na siya. Napuna ito ni Jose.

"Malaki ang utang na loob ko sa iyo..." saglit na natigilan si Fr. Gilbert at tumitig kay Dorina. Ngumiti siya na halos ikahimatay ni Dorina sa kilig pero hindi niya pinahalata, mali ang kanyang nararamdaman para sa pari.

"Salamat..."

"Haha, ano ka ba, Gilbert, okay lang iyon..."

Pinisil ng pari ang kamay Dorina.

"At... Pasensya ka na... Nais kong malaman mo na... dati pa... M-Mahal din kita..."

Halos nais sumabog ang puso ni Dorina dahil sa bilis ng tibok nito.. Totoo ba ang kanyang naririnig? Nananaginip lang ba siya ng gising?

"...Um... Mahal kita..." pagpapatuloy ng pari. "...gaya ng pagmamahal ko sa lahat ng anak ng Diyos."

Nagsimulang tumulo muli ang mga luha sa mga mata ni Dorina.

"Hahhaha... Oo naman. Mahal mo kaming lahat... Gilbert... Ah, Sorry... Father Gilbert. Sige, baka kailangan na ako nina Ruby sa labas."

Hinila ni Dorina ang kanyang kamay mula sa pagkakahawak ng pari at mabilis na tumakbo papalabas.

"God Bless." ang huling sambit ng pari.

+++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++ 05/25/2016

This chapter is quite shorter than usual. Sorry naman.

So may something pala si Dorina kay Father Gilbert! Naku! Bawal yun!

Awww.... 

Bitin ba? hahaha!  

Wait lang.. kasi pagtuloy-tuloy.. tapos na agad ang BOOK TWO.. Grabe sya!

Sabi nga ng Supremo, 'Slowly but surely.'

Abangan ang next Chapter! Simula na ng bakbakan!

Paki-comment ng inyong thoughts about this chapter, Vote at share na din para mas maraming magbasa.

Thanks!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top