Chap.16: Multo Dito, Multo Doon, Multo Kahit Saan
๑۩۞۩๑ Multo dito, Multo doon, Multo Kahit Saan ๑۩۞۩๑
(Junior "Jun-Jun" Sta. Maria's POV)
Isa itong sumpa.
Nainis ako. Nagagalit.
Bakit ako pa? Sa dami-daming mga bata sa mundo, bakit ako pa ang may ganitong kakayanan?
Ah...Oo nga pala, di ako nag-iisa.
Sina Gino at yung kaklase niyang si Clarissa mayroon din. At mukhang nag-eenjoy pa sila?!
Well. astig naman yung kanila. Yung kay Gino, bolang apoy at yung kay Clarissa isang fairy. Eh yung sa akin?
Pangit. Halimaw. Nakakatakot.
Kamukha niya ang multo dun sa napanuod kong penikula, si Sadako. Kaya nga yun ang tawag ko sa kanya.
"Junior..."
"Huwag mo akong tawaging junior!" sigaw ko.
"Huh?" gulat na sambit ng Tito Derek ko. "Jun-Jun, di ako nagsasalita..." natigilan siya at lumingon sa akin. "Ah...may naririnig ka na naman?"
Di ako sumagot. Lalo akong nainis. Sinuntok ko ang likuran ng front seat.
"Jun-Jun, nagda-drive ako!" saway ng matanda.
Kakagaling lang namin sa burol ng tatay ni Gino.
Okay na sana,eh...di ko akalaing mayroon ding elementong-kaisa yung adviser ng section 1 at yung school nurse...kung di lang umepal yung pari!
"Sta. Maria? May kilala akong mag-anak na Sta. Maria ang apelyido. Kamag-anak mo ba sina James at Nadine Sta. Maria?" tanong niya.
Hmp! Pina-alala niya bigla.
Oo, kilala ko sila. Oo. kamag-anak ko sila.
Sila lang naman ang aking mga magulang!
Sina mommy at daddy.
Asar! Napasuntok ulit ako.
"Jun-Jun! May gumugulo naman ba sa'yo? May naririnig ka naman ba? Imahinasyon mo lang iyan!" sambit ni Tito Derek.
Imahinasyon?!
Kung alam nya lang. Bakit ba ang kikitid ng pag-iisip ng ibang matanda? Porket ba di nila nakikita, di na totoo? Alam ko naman ilang beses na niyang nararanasan din..pero nagmamaang-maang pa siya.
.....ughhh..ahhhwohh...
Isa itong sumpa.
.....ohhh..ummm.tsk...
Heto naman sila.
Biglang mas lumamig ang aircon ng kotse at para bang bumagal ang pagmamaneho ni Tito Derek. Dapat wala pang 15 minutes ang byahe pero bakit ang tagal-tagal?
"Tito?" tawag ko pero di siya lumingon, kitang-kita ko sa rear-view mirror na nakatitig lang siya sa daan, di kumukurap.
....psssssttttt!.....
....Bata-bata.......
........Tulong!......
...Tulungan mo kami!.....
Heto naman sila.
May matandang babae.
May mga batang gusgusin.
May babaeng namumutla at basang-basa.
Mang mamang duguan.
May lalaking pugot ang ulo.
Mga patay....Mga multo!
Di ko sila pinansin.
"Tito Derek!" sigaw ko.
"Oh, bakit ba Jun-Jun? Di ka na bata, bakit nagtatantrums ka na naman?"
"Bakit po ba ang baga-bagal nyong magdrive?" inis kong tanong.
"Hindi, ah. E'to na nga tayo eh."
Pinark ng tito ko sa tapat ng lumang bahay namin.
Gabi na. Sobrang dilim ng bahay. Sa unang tingin palang ay kikilabutan ka na. Mukha itong haunted house.
Tama nga ang tsismis sa barangay, haunted house naman talaga ito.
May sumilip nga sa may kwarto sa may second floor ng bahay kani-kanina lang.
Lalabas na sana ako ng kotse nang may batang lalaki palang nakaharang sa may pintuan.
Umiiyak siya. Nakakaub-ob ang ulo.
"Bata, alis!" utos ko.
Lalong lumakas ang mga hikbi niya. Sa isang iglap, face to face na kami!
"Kuya tulong!" sigaw nito, habang lumuluha ng dugo!!
Nagulat ako. Oo, sanay na ako sa mga ganitong panggugulat pero..syempre, nakakagulat pa rin!
"Jun-Jun, okay ka lang?" tanong ni Tito Derek. Siya na ang nagbukas ng pintuan, "Parang nakakita ka ng multo."
Sumimangot ako. Ang tono kasi ng kanyang pananalita ay nakakaasar, yung obvious na di siya maniniwala kung sabihin ko man na nakakita nga ako ng multo.
Di siya pinansin at naglakad na lang patungo sa main door ng bahay.
As usual, bumungad sa akin ang mga 'uninvited guests' ko. Silang lahat ay nakakumpol sa harapan ko na para bang isa akong artista.
"Tabi." sabi ko pero alam ko naman na di sila susunod kaya dumiretsyo na ako sa paglakad. Nanginig ako. Iba ang lamig pagdinaanan mo ang isang multo, tagus sa buto!
Malaki itong problema para sa akin. Napakarami kong invisible na kasama sa bahay. At ang nakakaalarma pa, parang dumarami sila! May mahigit na silang 20...at haaaaaaayyyyy.... naghakot nanaman ako. May limang bagong multo sa likuran ko, kasama na ang batang lalaki kanina sa may kotse. Di ko na kailangang lumingon, ramdam ko.
Napabuntong-hininga ako.
Okay na sana kung mga engkanto o diwata lang ang nakikita ko pero pati ba naman multo?!
Naiinis ako. Ayaw ko nang ganito!
Kung sana nagpaparamdam lang sila pero, hindi sumusunod pa sa akin!
Ano bang mayroon sa akin? Bakit ba gustong-gusto nila sa akin?!
"Junior..."
"Huwag mo nga aking tawaging Junior!" sigaw ko "Tumahimik ka! Ayaw kong marinig boses mo!"
Umiling si Sadako at umungol na para bang umiiyak.
Bumaba na ako sa underground na kwarto ko. Puno ito ng mga posters ng zombies at mga multo sa mga horror na laro at penikulang napanuod ko na.
Bakit ganito ang trip kong design?
Simple lang para masanay ako sa mga pangit na 'friends' ko.
Sa araw-araw ba na mang imulat mo ang iyong mga mata, lagi na lang may bubungad sa'yong duguan, nakakatakot o sobrang pangit. Malimit kasi kung ano ang itsura nila noong namatay sila, iyon na ang kanilang magiging itsura pag naging multo sila. Ang mga di matahimik kasi yung mga namatay o napatay ng brutal.
Buti na lang di ako duwag at matibay ang sikmura ko.
Haaaaayyyy... problema lang sa napakaraming multo sa bahay. Wala kang privacy!
Sa banyo, may babaeng nakatingin sa'yo. Sa may salamin may dalawang multong sumisilip. May batang multo sa may kabinet ko. Naku, lalo na sa ilalim ng kama, may kukunin ka lang, may kamay na hihila sa'yo!
Ang hirap-hirap magbihis! Lalo na pagmaliligo at magto-toilet. Nakakaasar!
Multo dito, multo doon, multo kahit saan!
Feeling ko talaga, isa akong palabas na pinapanuod ng mga multo. Sabi ko nga, artista ako. Hmp!
Sa totoo lang may daya akong ginagawa para di ko sila makita. Buti na lang malabo ang mga mata ko. Pagtinatanggal ko kasi ang aking salamin, blurred sila! hehe. Near-sighted kasi ako.
"Jun-Jun, handa na ang pagkain!" tawag ng Tito Derek ko.
"Ang paborito mo, tinola..." bungad ng tito ko nang pumunta na ako sa may kusina.
Pinagmasdan kong maigi ang lamesa. May specific kasi akong instruction sa tito ko.
Tumungo ako nang makita ko na ay dalawang extrang plato sa lamesa.
Para kay Mommy Nadine at Daddy James.
Tama, paborito ko talaga ang tinola. Iyon kasi ang niluluto ng mommy ko para sa akin. Paborito din yun ng daddy ko.
Buti na lang alam ng kapatid ng mommy ko na si Tito Derek ang recipe, kaya parehong-pareho ang lasa.
"Kain na tayo." yaya ng tito ko.
"Teka..." sabi ko, may hinihintay.
"Jun-Jun, bakit na lang laging ganito? Sawang-sawa na ako sa ritual mo bago kumain." reklamo ng matanda.
Tumingin ako ng masama sa tito ko.
"Pamangkin, ano nanama ang ginagawa mo?!" gulat at takot na sambit ng tito.
Alam kong bigla siyang kinilabutan. Yung batang multo kasi nasa likuran niya ay hinawakan ang kanyang braso.
Tumungo ang multo at ngumiti sa akin. Cute sana siya kung di lang mapula ang kanyang mata na may dugo pa ring tumutulo at kung di lang kulang-kulang ang namumula niya ng ngipin.
Ano kaya ang kinamatay ng batang ito?
"Wala, tito, wala akong gingawa. Hintayin lang natin sila."
Nirolyo ng tito ko ang kanyang mga mata sa irita. Halatang di makapaniwala na kinukunsinti niya ang gusto ko.
"Sila? Jun-Jun matagal na silang..."
"Shhhhh!" saway ko.
Biglang lumakas ang daloy ng hangin sa labas ng bahay namin. At may kung anong pwersa na nagbukas ng bintanang nakasara.
Nagulat ang Tito Derek ko.
"Nandito na sila." sambit ko na nakangiti.
Naging sobrang lamig ng kusina, may parang mist pa nga eh.
"Naku, ano ba 'to, ang lamig-lamig!" reklamo ng tito ko at sinara ang bintana.
"Kain na po tayo." sabi ko.
"Sa wakas."
Kumain lang ang tito ko at di na niya ako pinansin habang nilalagyan ko ng kanin at ulam ang dalawang ekstrang plato sa lamesa.
"Nag-aaksaya ng pagkain." bulong ni Tito Derek.
"Mommy, Daddy kain na po tayo..."
Walang sumagot.
Tanging ang tito ko lang ang di nakakakita. Lahat ng multo ay nakatingin sa dalawang kaluluwang bagong dating...
Yup. Ang mga multo ng aking mga magulang.
Kitang-kita ko ang napakagandang Mommy Nadine at ang napakamapormang Daddy James ko.
Ang kanilang itsura ay kagaya pa rin nang huli ko silang makita 2 years ago.
Nakasuot ang mommy ko ng napakagarang cream-colored dress na puno ng sequins, may matching pearl earring at necklace pa. Ang daddy ko naman naka-coat and tie.
2 years ago, umattend kami ng parents ko sa isang sosyal na party, isang party na may mga hot-air ballons.
Kakadiskobre ko lang sa aking elementong-kaisa. Gustong-gusto kong ipakita at ipagyabang sa mga parents ko ang aking 'powers.'
"Mommy! Daddy! Tingnan nyo ako!" sigaw ko.
Pumasok ako sa isang deflated na hot air ballon. Buong lakas loob na ginamit ko ang hangin upang palobohin ito.
Lumobo nga ang 'balloon envelope,' ang parte ng hot air baloon na gawa sa nylon at pabilog. Unting-unting umangat ang wicker basket na kinatatayuan ko.
"Junior, anak!" sigaw ng Mommy Nadine ko.
"Get down from there this very instant!" utos ng Daddy James ko.
"Mommy, Daddy, sama kayo! Kayang-kaya kong paliparin ito!" sagot ko.
Napakatigas ng ulo ko.
Sumugod ang aking mga magulang para pababain ako.
"Junior, please!" paki-usap ng daddy ko.
Napakataas ko na. Lampas tao na ang taas ko mula sa lupa.
Sa wakas at natakot na ako. Pinigilan ko na ang hangin sa aking kamay pero na-turn on ko pala yung mga tangke na syang nagdadagdag ng mainit na hangin para mas lumaki at lumutang ang hot air balloon.
"Mommy! Daddy!" sigaw ko sa takot.
"Junior!" tumalon ang daddy ko at nahawakan naman niya ng dulo ng entrance ng wicker basket. Nakalambitin siya pero patuloy pa rin ang pagtaas ng hot air balloon, lampas na ng ilang palapag ng isang building. Di kinaya ng tatay ko at nahulog siya sa may mga puno.
"James!!!!!!!" sigaw ng Mommy Nadine ko.
"Daddy! Noooooooooooo!!!" di ko alam ang gagawin ko. Gusto kong makita ang daddy ko kung okay lang siya.
Umiiyak na ako.
"Magayon! Magayon!" tawag ko sa aking elementong-kaisa.
"Junior!" sagot ni Magayon. Nagpakita ang isang engkantong ibon na may katawan at pakpak ng isang ibon pero may ulo at leeg ng isang babaeng may napakahabang buhok. Isang harpy.
"Ibaba mo ako dito, please!" paki-usap ko.
"Oo pero kailangan ko munang ilayo ang sinasakyan mo sa mga poste ng kuryente!" sambit nito.
Papalapit na nga ako sa mga poste.
Ginamit ni Magayon ang kanyang mga paang kagaya ng sa isang malaking ibon upang hilain ang hot air balloon papalayo.
Tumalon ako sa may likuran ng harpy.
"Salamat" sabi ko.
"Delikado!!" sigaw ni Magayon nang mapansin niya na papunta pa rin sa mga poste ng kuryente ang hot air balloon.
"Hangin,Hangin
Ako ay iyong alagad, iyong hinirang.
Ako ay sumasa-iyo.
Ipo-Ipo!"
Kinampay ni Magayon ang kanyang dalawang pakpak at may dalawang napakabilis na ipo-ipo ang lumabas. Dahil sa bilis ng pag-ikot na para bang may maliit na talim, ang hot air balloon ay nagkapunit-punit.
"HINDI!!!!!!!!!!" sigaw ko nang sa di inaasahang pagkakataon, tumalsik ang mga naglalakihang tangke patungo sa mommy ko na papunta sana kung saan nahulog ang daddy ko.
Natamaan ang ulo niya.
Oo, ang kanilang itsura ay kagaya pa rin nang huli ko silang makita 2 years ago...
Basag ang ulo ng Mommy Nadine ko dahil sa pagkakatama ng tangke at may malaking butas naman ang tiyan ng Daddy James ko dahil natusok siya ng isang puno.
That was 2 years ago...
Hinding-hindi ko makakalimutan ang pangyayaring iyon.
Labis-labis ang aking pagsisisi.
Ako ang may kasalanan kung bakit namatay ang mga magulang ko. Napakatigas kasi ng ulo ko.
Bakit ko ba naisipang magpasikat?
Di ko mapatawad ang aking sarili. Hindi kong matanggap na wala na ang aking mga mahal na magulang.
Hindi sila mawawala. Hindi ko inisip na patay na sila.
Ginusto kong makita sila muli...
.... kahit kaluluwa lang nila.
Di ko alam kung paano pero nagising na lang ako isang gabi, nasa may kwarto ko na sila.
Oo, sa una natakot ako. Minumulto nila ako. Pero nang maisip ko na kahit kaluluwa lang sila, basta kasama ko sila ay okay lang.
Hinding-hindi ako papayag na magkakahiwalay kami muli.
Masaya ako at lagi nila akong sinasamahan gabi-gabi sa pagkain. Kahit sa pagtulog ay nakabantay din sila.
May umeepal lang na ibang multo, pero wala akong paki-alam sa kanila. Ang mahalaga, kasama ko sina mommy at daddy.
Mahal na mahal nila ako. Sila din, mahal na mahal ko.
Pero sana buhay pa sila... Mas masaya sana ako.
Kung sana di ko na lang naging elementong-kaisa si Magayon. Kung di ko na lang sana nalaman na pwede kong kontrolin ang hangin, hindi ko maiisipang magyabang at magpasikat.
Isa itong sumpa.
Kamalasan lang ang dala niya sa akin.
Pinapaalis ko na si Magayon. Ayaw ko sa kanya.
Pero lagi na lang siyang nandyan. Ang kulit-kulit niya.
Noong dumami na ang mga multo, sa di ko malaman na dahilan, bigla na lang nagmukhang white lady si Magayon.
Ang pangit-pangit niya! Di bagay ang Magayon na pangalan. Mas bagay ay Sadako kaya simula noon, Sadako na ang tawag ko sa kanya.
Isang araw bago ang aming first periodical test, halos lahat ng estudyante ay busy-busihan sa pag-aaral.
Lunch break.
Sinadya kong di magpakita kina Gino at Clarissa. Ayaw ko munang pakipag-usap sa kanila.
Nakatambay ako sa may fire exit na hagdanan sa fourth floor ng highschool building. Walang masyadong estudyanteng dumadaan dito. Mas gusto kong mag-aral dito kaysa sa school library. Ayaw kong may kasabay mag-aral.
May tumabi sa akin.
Isang babae na naka-uniform. May tali sa leeg niya.
Siya ata yung estudyanteng nagtiwakal sa may CR ng girls sa may fourth floor.
....Pakinggan mo ako.... sabi niya.
"Tahimik!" sagot ko. "Nag-aaral ako dito, huwag mo akong guluhin!"
Umiyak ang babaeng multo.
Nakakaasar! Napakakulit din ng multong ito!
Bigla na lang lumabas ang mukha niya sa librong binabasa ko.
....Pakinggan mo ako....
"Hay naku!" galit kong sambit. Tumayo ako. "Huwag na huwag kang susunod sa akin!" pagbabanta ko.
Bumaba na ako patungo sa second floor kasi doon ang aking classroom.
Lumingon ako at tsk! .... sumusunod ang multo!
THHHUUUUDDD!
May bumangga sa dibdib ko. Mayroon akong nakasalubong. Paakyat siya habang ako ay pababa.
Nanginginig sa takot ang babae.
May isang lalaking naka-light blue uniform na paakyat din. Mayroon itong matching sobrero, belt at sapatos na kulay brown na gawa sa leather. May rifle din siyang nakasabit sa may balikat niya. Mukha siyang pulis noong panahon ng kastilla. Isang guwardiyang sibil.
Napalingon siya sa akin. Di ko naaninaw ang kanyang mukha kasi bigla siyang naglaho. Isang multo pala.
Hindi ito napansin ng takot na babae at laking gulat ko nang mapayakap siya ng mahigpit sa akin.
"Ilayo mo siya sakin... please..." umiiyak na sambit ng babae.
Pamilyar ang boses niya.
Huh?!
Si Katherine Dela Rosa!
___________________________________________
So How's the story so far?
Oi vote na!
And please Comment na rin about this Chapter
Thanks for the support!
WAIT FOR THE NEXT CHAPTER!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top