Capitulo Veinte-Uno


Capitulo Veinte-Uno:



"Señorita, tumigil na po kayo."

Hindi ko pinansin si Aling Nenita. Nagpatuloy lang ako sa pagsasayaw. Mga ballet steps na mahihirap at kung hindi pa ako titigil ay sigurado akong magkaka-injury ako. Well I dont care. Kung ganito din namang hindi ako makakalabas ng bahay at hindi makikita si Simoun, mas mabuting pang pagurin ko ang sarili ko sa kakasayaw para hindi siya mapasok sa isipan ko.

"Señorita..."

"Esmeralda!"

Bigla akong natumba dahil sa pagkagulat. Nilingon ko ang tumawag sa akin. Si Anastasia. "Hindi ako tumatanggap ng bisita. Bakit ka nandito?" humiga ako sa sahig.

"Dahil nag-aalala ako sa iyo at may kailangan kang malaman."

Dahan-dahan akong tumayo. "Kung tungkol 'yan sa nangyari sa iyo sa Maynila, huwag mo na ikwento. Maaari ka nang umuwi." naglakad ako papunta sa kwarto ko. Wala akong ganang makinig sa mga pang-araw-araw na buhay ng mga tao.

"Kailangan mong malaman ito, Esmeralda." nakasunod sa akin si Anastasia na pumasok ng kwarto ko.

Humarap ako sa kanya. "At ano naman iyon, Anastasia?" naiinis kong tanong sa kanya.

"Si Señor Simoun."

Nawala ang inis na nararamdaman ko ngayon at napalitan iyon ng pag-aalala. "A-Anong nangyari kay Simoun?"

"Napatawan siya ng kamatayan, Esmeralda, sa salang pagtatangkang gahasain ka."

Muntik na akong matumba dahil sa narinig ko. Mabuti na lang at naalalayan ako ni Anastasia. "Hindi niya iyon ginawa." napalingon ako kay Anastasia. "Hindi iyon totoo!"

"Ngunit iyon ang idinemanda ng iyong Papa at ni Señor Alonzo. Nakita nila na tinatangkaan kang gahasain ni Señor Simoun. Sa susunod na linggo na nila gagawin iyon, g-garote daw."

Sunod-sunod akong umiling. Hindi pwedeng gawin nila ito kay Simoun. Walang ginawang masama ang lalaking mahal ko. "H-Hindi maaari." iisang tao lang ang kailangan kong kausapin para hindi matuloy ito. Hindi pwedeng mamatay si Simoun dahil sa isang pagkakasalang hindi niya ginawa.

"Esmeralda?"

"Kailangan kong kausapin si Papa." tumakbo ako papunta sa opisina ni Don Rafael. "Papa!" bungad kong sigaw pagkapasok ko sa opisina.

Nabaling ang tingin sa akin ni Don Rafael. "Anong kailangan mo, Esmeralda?" bumalik ang tingin nito sa mga papeles.

Nagmadali akong lumapit kay Don Rafael. "A-Anong ginawa ninyo kay Simoun?"

Napatingin ulit sa akin si Don Rafael. "Anong ginawa? Wala akong ginawang masama sa kanya, hija."

"No! Bakit ninyo pinakulong si Simoun? Wala siyang ginawang masama."

"Mayroon, aking anak. Pinagtangkaan ka niyang gahasain."

Mariin akong umiling. "Hindi niya ako pinagtangkaang gahasain, Papa. Wala siyang ginawang masama sa akin. Huwag ninyong kunin ang buhay na para sa kanya."

"Kailangang mawala na siya sa mundong ito Esmeralda. Nagbago ka nang dahil sa kanya. Hindi na ikaw ang Esmeraldang nakilala ko."

"Dahil hindi naman ako si Esmeralda!" tumingin ako kay Don Rafael. "Hindi mo ako anak! Kung kailangan na—" isang malakas na sampal ang binigay sa akin ni Don Rafael.

"Talagang suwail ka na! Talagang gugustuhin mo pa na talikuran ang pagiging Figuero mo para lang sa lalaking iyon? Sasabihin mo pa sa akin na hindi kita anak, nagmimistulang ganoon ka na nga dahil sa kahibangan mo kay Simoun Pelaez!"

Napakagat labi ako at pumatak na ang luha sa pisngi ko. "Papa—"

"Lumabas ka na dito. Tumataas ang aking dugo nang dahil sa iyo."

Umiling ako. Hindi ako pwedeng umalis dito. Hindi ako hahayaan na mangyari iyon kay Simoun. Dahan-dahan akong lumuhod. "P-Papa, parang awa mo na po. Pigilan mo po ang pagpataw ng kamatayan kay Simoun. H-Hindi ko kayang mawala siya."

"Tumayo ka na dahil hindi ko pakikinggan ang nais mo!"

Umangat ang tingin ko kay Don Rafael. "Papa, parang awa mo na po. G-Gagawin ko lahat ang nais mo b-basta huwag lang iyon matuloy."

"Gagawin mo lahat ng nais ko para lang sa buhay ng taong iyon?"

Tumango ako. "Opo Papa." napayuko ako at mariing pumikit. Patuloy rin ang pagtulo ng luha sa pisngi ko. Lahat gagawin ko para kay Simoun.

"Kung gayon, pakasalan mo si Alonzo Ferrer."

Napasulyap ako kay Don Rafael. "P-Po?"

"Pakasalan mo si Alonzo. Iyon ang nais kong gawin mo na matagal mo na dapat ginawa."

Unti-unti akong tumango. Para kay Simoun, papayag ako. "P-Pumapayag po ako basta palayain ninyo si Simoun."

Napangiti si Don Rafael. "Mabuti kung ganoon." bumalik ito sa inuupuan. "Bumalik ka na sa iyong silid at kailangan ko pang magtrabaho."

Mahigpit akong napahawak sa saya ko. "Pumapayag akong pakasalan siya pero sa dalawang kondisyon."

"Ano iyon?"

Nilingon ko si Don Rafael. "Haharapin ko lang si Señor Alonzo sa araw mismo ng kasal namin at gusto ko ako na ang mamahala ng haciendang ito."

Gulat ang gumuhit sa mukha ni Don Rafael at agad rin itong tumango. "Kung iyan ang nais mo, simula bukas ay ikaw na ang mamamahala ng ating hacienda. Gagabayin kita sa—"

"Kaya kong mag-isang pamahalaan ang hacienda." tumayo ako at binigyan ko ang Don ng malamig na tingin. "Tapos na ang ating usapan. Kalayaan ko kapalit sa kalayaan ng lalaking mahal ko." at nagmadali akong lumabas ng opisina. Pagpasok ko sa kwarto ko ay napaupo ako sa sahig at doon tuluyan na akong napahagulgol.

"Esmeralda..."

"Anastasia, kailangan ko nang putulin ang ugnayan naming dalawa."

"Esmeralda—"

"Para maging ligtas siya, kailangan kong gawin ito." tumayo ako at kumuha ako ng papel. "Kailangan niya itong matanggap." nag-umpisa na akong sulatan siya. May mga tulo ng luha ang mga papel. Kahit nanginginig ang kamay ko ay pinilit ko pa ring magsulat. Inilagay ko kaagad iyon sa sobre nang matapos na ako magsulat at binigay ko kay Anastasia. "P-Pakibigay kay Simoun."

Tumango si Anastasia. "Esmeralda kung may nais kang ipagawa, huwag kang mahihiyang sabihin sa akin."

"Hindi ako si Esmeralda." malamig kong sabi. "Huwag mo na akong dalawin pa pagkatapos mong ibigay ang sulat kay Simoun." tinulak ko siya papalabas ng kwarto ko.

"Pero Esme—"

Bigla kong sinara ang pintuan. Nang dahil kay Esmeralda, nagkagulo ng sobra-sobra ang buhay ko. Napahamak pa ang lalaking labis kong minamahal.


---------


"Huminto na kayo sa pagtatrabaho. Bukas na lang ulit." anunsyo ko sa mga nagtatrabaho bago ako sumakay ng kabayo. Pangalawang linggo ko na ngayon na pinamamahalaan ang Hacienda Figuero. Marami rin akong binago at kasama na roon ang maayos na oras ng trabaho nila. Magsisimula ang trabaho nila ng alas sais at matatapos iyon ng alas cinco. May mga pahinga rin sila at noontime break na hindi pinapagawa ni Don Rafael noon. Masasabi kong maganda ang dinulot ng pagbabagong ito.

Nakakatrabaho na sila ng maayos. May pagkakataong tumutulong rin ako sa kanila.

"Ngunit, Señorita, hindi pa namin tapos ito."

Napailing ako. Hindi pa talaga sila sanay sa pamamahala ko. "Mas mahalaga ang kalusugan ninyo. Mang Felipe, hayaan ninyong makapagpahinga kayong lahat ng maayos. Sobrang init ng panahon kanina at baka magkasakit pa kayo. Bueno, ako'y aalis na." pinatakbo ko na ang sakay kong kabayo at dumeretso ako papunta sa naging tagpuan namin ni Simoun.

Hindi ko na ginawang bumaba ng kabayo nang makarating na ako. Mapait akong ngumiti nang nanariwa sa aking isipan ang mga alaala namin ni Simoun dito. Mga matatamia na alaalang hanggang sa isipan na lamang. Isang multong alaala na nakakulong dito sa tagpuan na ito. Pinunasan ko ang luhang tumulo sa pisngi ko.

Huminga ako ng malalim bago bumaba. Wala naman sigurong masama na dumito muna ako kahit sandali lang. Gusto kong maalaala ang lahat ng meron dito. Ang lugar na kinakatakutan ng mga nakatira dito na naging saksi sa pagmamahalan namin ni Simoun.

Umupo ako sa nakausling sanga ng puno ng Acacia. Paano kung hindi ako napunta sa panahong ito? Paano kung hanggang tingin na lang ako sa larawan ni Simoun? Paano kung pumayag ako na ako ang mamamahala sa kumpanya namin? Paano kung hinayaan ko sina Papsi sa gusto nilang pakasalan ko si Jared? Hindi kaya ito mararanasan ni Simoun?

Maraming katanungan pero huli na para masagot ang mga tanong. Nangyari na ang dapat hindi mangyari.

"Esmeralda?"

Natigilan ako. Nagkakaroon na ata ako ng guniguni dahil sa labis kong pangungulila kay Simoun.

"Esmeralda, ikaw ba 'yan?"

Isang boses na gusto kong marinig. Mariin akong pumikit at tumulo ang luha sa pisngi ko. Naramdaman ko na may daliring nagpunas ng luha sa pisngi ko. Unti-unti kong dinilat ang aking mata at bumungad sa akin ang mukha niya. "S-Simoun?"

Ngumiti siya sa akin. "Tumahan ka na, aking orkidia."

"Simoun!" niyakap ko siya. Kahit isang guniguni lang ito, susulitin ko ang minutong nakikita ko siya.

Gumanti siya ng yakap sa akin. "Aking orkidia." humigpit ang yakap niya sa akin. "Huwag mo nang ituloy ang nais mo."

Bigla akong humiwalay kay Simoun. Hinawakan ko ang mukha niya na may mga pasa. Napaigik siya. "Totoo ka." halos bulong kong sabi.

Masuyo niyang hinaplos ang mukha ko. "Totoo ako, Esmeralda. Hindi ako isang guniguni."

Tumayo ako at nagmadaling lumayo sa kanya. "Hindi maaari ito. Hindi na dapat tayong magkita muli. Ikakasal na ako kaya hindi ito maaari."

Hinila ako ni Simoun papalapit sa kanya at hinawakan niya ako sa magkabilang balikat. "Esmeralda, hindi mo kailangang magpakasal sa kanya. Mas mabuti pang mawala ako sa mundong ito kaysa mapunta ka sa kanya."

Pumiglas ako. "Ayokong mawala ka, Simoun. H-Hindi mo dapat maranasan iyon. Layuan mo na ako, Simoun." nagmadali akong sumakay ng kabayo.

"Esmeralda, huwag mo itong gawin sa ating dalawa. Sumama ka sa akin. T-Tumira ka sa aming hacienda. Doon, walang kokontra sa pagmamahalan nating dalawa."

Umiwas ako ng tingin. Hindi ako pwedeng sumama kay Simoun dahil tiyak akong magkakagulo ang dalawang hacienda. "K-Kalimutan mo na ako. Malaya ka na, Simoun." parang sinaksak ang puso ko lalo na nang makita ko ang sakit sa mukha niya. Hinapit ko ang aking kabayo at agad itong tumakbo. Pinigilan ko ang sarili ko na lumingon kay Simoun.

Nang makarating na ako sa tapat ng bahay namin ay basta na lang akong bumaba sa sinasakyan kong kabayo at hindi na ako nag-abalang itali ang renda nito sa puno. May makakakita namang tauhan namin sa kabayong ito.

Hindi ako gumanti sa mga bati sa akin ng mga katulong na nakakasalubong ko. Pinunasan ko ang tumulong luha sa pisngi ko.

"Señorita, gusto mo na po bang maghapunan?"

"Hindi." pumasok ako sa kwarto ko. Agad akong nagpalit ng damit at humiga sa higaan.

Doon ko nilabas lahat ng luhang pilit kong pinipigil kanina. Sobra akong nasasaktan sa nangyayari ngayon. Makitang nasasaktan si Simoun sa sinabi ko kanina ay doble ang sakit na nararamdaman ko ngayon.

Narinig kong may kumatok sa pintuan ng kwarto ko. "Hindi ako kakain!"

"Anak, mag-usap tayo."

Bumukas ang pintuan kaya agad kong pinunasan ang mga luha sa pisngi ko. "Anong pong gusto mong pag-usapan natin?" malamig kong tanong kay Don Rafael.

"Umiiyak ka na naman nang dahil sa kanya?" may halong galit ang tono ng boses ni Don Rafael.

"Kayo naman ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito." simula nang pumayag ako sa gusto ni Don Rafael, malamig na ang pakikitungo ko sa kanya. Walang sigla. Bakit ako magiging masigla kung inalis niya ang dahilan kung bakit ako masaya?

"Tumigil ka na sa iyong pagtangis. Mag-ayos ka na at kailangan mong sumama sa akin."

"Hindi po ako sasama sa inyo. Matutulog na ako."

"Huwag matigas ang ulo, Esmeralda. Kailangan nating makipagkita sa pamilya Ferrer upang mapag-usapan ang inyong kasal."

Lumingon ako kay Don Rafael. "Hindi ba't sinabi ko na sa inyo na hindi ako makikipagkita kay Alonzo hangga't hindi pa dumarating ang araw ng kasal naming dalawa? Hindi na ako kailangang magpakita sa kanila."

Lumapit sa akin si Don Rafael at hinila niya ako patayo. "Esmeralda, huwag na huwag mong papainitin ang aking ulo't baka masaktan kita ngayon!"

"Hindi ba't sinasaktan mo na po ako ngayon?"

Minasahe ni Don Rafael ang kanyang sentido. "Hindi mo mararanasan ito kung sinunod mo ang aking sinabi. Tayo'y umalis na. Kanina pa nandito si Señor Alonzo kaya kailangan na nating umalis."

"Hindi!" nagpupumiglas ako habang hinihila ako ni Don Rafael palabas ng kwarto ko. "Hindi po ako sasama sa inyo!"

"Huwag matigas ang ulo, Esmeralda. Umakto kang isang binibini!" tumayo si Alonzo nang makita niya kami.

"Magandang gabi, Señorita Esmeralda!*

Sinamaan ko ng tingin si Alonzo. "Anong maganda sa gabi kung nandito ka, Señor Alonzo?"

"Esmeralda!" may babala sa tono ng boses ni Don Rafael.

Muli akong nagpumiglas sa pagkakahawak sa akin ni Don Rafael. "Ilang ulit ko po bang sasabihin sa inyo na hindi ako sasama at lalong ayokong makipagkita kay Señor Alonzo! Bakit po ba ayaw—" nanlaki ang mata ko nang makita kong umakyat si Lola Glenda at sinalubungan niya ako ng isang ngiti. "L-Lola Glenda?"

"Señora Glenda, ipagpaumanhin mo po ngunit kami po'y aalis." may paggalang na sabi ni Don Rafael.

Binitawan ako ni Don Rafael. "Sandali lang naman ako dito, Don Rafael. May inihatid lang akong binibini dito."

Para akong nawalan ng kulay sa mukha dahil nakita kong nakasunod kay Lola Glenda ang kamukhang-kamukha kong babae at nakasuot ito ng damit ng isang sister sa kumbento. Ngumiti siya sa akin nang makita niya ako. "E-Esmeralda?"

"Masaya akong makita ka, Celestina!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top