Capitulo Veinte-Sais


Capitulo Veinte-Sais:



"Celestine..."

Napahinto ako sa pagbuburda at lumingon ako kay Esmeralda. Nandito kaming dalawa sa azotea at parehong nagbuburda. "Bakit, Esmeralda?"

"Kung hindi ka na maikakasal kay Señor Alonzo, anong gagawin mo?"

Napatingin ako sa kalangitan. "Siguro'y sasama ako kay Simoun at yayayain ko siyang tumira kami sa Europa para tuluyang makalayo na sa lugar na ito. Doon ay bubuo kami ng aming pamilya, masaya at kontento na sa buhay." mapait akong ngumiti. "Ngunit hindi iyon mangyayari. Bakit mo naitanong iyan?"

Umiwas siya ng tingin sa akin. "Wala lang. Bigla lang naman iyon pumasok sa aking isipan."

Tumango na lang ako. Akala ko'y kung ano na ang sasabihin ni Esmeralda. Sana'y matupad ang pangarap ko ngunit alam kong imposibleng mangyari iyon. Malapit na akong matali kay Alonzo at hindi ko alam kung ano nang nangyari kay Simoun. Hindi siya nagpapadala ng kahit isang liham man lamang. Bumuntong hininga ako bago nagpatuloy sa pagbuburda. "Ikaw, kung sakaling hindi natuloy na ikasal si Emilio kay Milagros, ano na sa tingin mo ang nangyari sa inyo ngayon?"

Tumingin si Esmeralda sa kalangitan. "Marahil ay kasal na kaming dalawa ngayon at may sarili nang pamilya. Masayang pamilya at marahil ay wala ka dito."

Natigilan ako sa sinabi ni Esmeralda. Tama nga siya. Marahil ay wala ako dito at nandoon ako sa piling nina Mama at Papsi. Napailing na lang ako. "Oo nga pala, Esmeralda, hindi ba't noong nakaraang linggo ang balik mo sa kumbento? Hindi kita tinataboy ngunit hindi ba't dapat ay naroon ka sa kumbento?"

"Napag-isipan ko na kulang pa ang mga araw na magkasama tayo kaya napagdesisyunan ko na magpalipas muna ako ng ilang araw. Gusto kong makasama ka pa ng matagal."

"Ako rin, gusto kitang makasama pa ng matagal." lumapit ako kay Esmeralda at mahigpit siyang niyakap. Sa ilang buwan na nakasama kami ng kakambal ko, napunan nun ang taong hindi kami magkasama. Isang malambing at mabuting tao si Esmeralda. Sadyang iba lang talaga ang pakitungo niya sa mga tauhan ng hacienda pero sa likod ng ibang pakikitungo ni Esmeralda sa kanila ay ang pagpapahalaga at pagmamahal niya sa mga ito.

"Celestine, sana'y maging masaya ka sa darating na mga araw."

Nawala ang ngiti sa labi ko. Malapit na pala ang ika-7 ng Setyembre. Ang araw na ikakasal ako sa taong hindi ko mahal. Ang araw ng aking kamatayan. "Sa tingin ko'y hindi iyon mangyayari. Hindi ako magiging masaya."

Ngumiti ng napakatamis si Esmeralda. "Sa ika-6 ng Setyembre ng alas cuatro ng hapon ang aking alis. Hindi ko na maaabutan ang araw ng iyong kasal. Hanggang doon lang ang araw na pinayagan ako ng Madre Superiora."

Nakadama ako ng lungkot. Si Esmeralda lang ang nagpapagaan ng aking loob ngunit kailangan din niya akong iwan.

"Celestine, ako'y may munting pabor."

"Ano iyon, Esmeralda?"

Sinalubong niya ang aking mata. "Nais kong sa dati kong silid ako magpalipas ng mga natitira gabi na nandito ako. Gagamitin ko ang iyong kasuotan at ganoon ka rin sa aking mga kasuotan. Sana'y pumayag ka."

Tumango ako. Marahil ay nais lamang ni Esmeralda na makasama ang mga dati niyang gamit na ako na ang nagmamay-ari. Karapatan niya iyon dahil kanya naman talaga iyon. "Kung iyan ang nais mo, Esmeralda, sige pumapayag ako."

"Salamat, Celestine. Ngunit sa ating dalawa lang ito."

"Pangako iyon, Esmeralda."


------


"Esmeralda..."

Nagtatakang napalingon ako kay Papa. Tinawag niya akong Esmeralda. "Bakit Papa?'

"Mag-ingat ka sa iyong pag-alis bukas ng hapon."

Napilitan akong tumango. Napagkamalan siguro ako ni Papa na si Esmeralda dahil suot ko ang damit ng kakambal ko.

Niyakap ako ni Papa. "Ang aking anak. Sana'y maging maayos ang buhay mo sa kumbento. Tandaan mo, kung nais mong tumigil ay bumalik ka lang dito."

"O-Opo Papa."

"Bueno, ako'y may pupuntahan sandali. Pakisabihan na lang ang iyong kapatid na huwag masyadong magpagod. Masyaldo na siyang natuon sa pagpapatakbo ng hacienda at hindi na ata iniisip ang kanyang sarili. Mas nanaisin ko pang maghapon siyang sumasayaw ng baley kaysa doon sa labas."

Kung sana hindi mo kinontra ang pag-iibigan namin ni Simoun, hindi sana ako nagpapakapagod sa pagtatrabaho. Wala din sana siya sa kilusan. Muli'y pilit akong ngumiti.

"O siya, ako'y aalis na. Baka mamaya ay sumama sa akin si Padre Procopio, tiyak akong matutuwa siyang makita ka bago ka umalis." marahan akong tinapik ni Papa bago umalis.

Naglakad ako papunta sa kwarto ko kung saan si Esmeralda ang gumagamit ngayon. Marahan akong kumatok bago pumasok. "Esmeralda?"

Biglang napatingin sa akin si Esmeralda. Halatang nagulat siya sa akin. "Celestine!"

Marahan akong tumawa. "Bakit namang gulat na gulat ka sa akin?" lumapit ako sa kanya.

"Sadyang nagulat lang talaga ako." umupo siya sa silya. "Celestine, bukas ay maghapon ka sanang nasa silid ko. Isuot mo rin ang kulay rosas na baro't saya, kulay pulang pañuelo at kulay gintong tapis."

"Paborito mong damit ang mga sinasabi mong susuotin ko bukas. Bakit?"

"Binibigay ko na sa iyo 'yon. Ito na ang paborito kong damit." umikot pa siya sa harapan ko. "Kay ganda, hindi ba?"

Tumango ako. Kakulay ng batong esmeralda ang suot niya ngayon at masasabi kong bagay na bagay sa kanya ang damit na iyon.

"Ipangako mo sa aking gagawin mo iyon."

"Pinapangako ko." tinaas ko pa ang aking kanang kamay, simbolo na nangangako akong tutuparin ko ang nais niya.

"Salamat, Celestine."

Lumapit ako kay Esmeralda at kumapit ako sa kanya. "Esmeralda, tugtugan mo naman ako ng pyano."

Gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Esmeralda. "Sige, para sa iyo." marahan niya akong hinila palabas ng kwarto at dumeretso sa salas kung nasaan ang pyano. Magkatabi kaming umupo. "Mas maganda siguro kung sasayaw ka ng baley habang tumutugtog ako ng pyano."

"Sige! Sandali lang at magpapalit lang ako ng damit. Mahirap kasing sumayaw na ganito ang aking suot." tinanguhan ako ni Esmeralda.

Nagmadali naman akong bumalik sa silid at nagpalit kaagad ako ng damit. Tinali ko ang aking buhok para maging maayos ang aking pagsasayaw. Sinuot ko ang pointe shoes na binigay sa akin ni Simoun. Nang makabalik na ako sa salas ay naririnig kong tinutugtog ni Esmeralda ang Sugar Plum Fairy.

Napangiti ako bago lumapit kay Esmeralda. "Kailan mo natutunang itugtog iyan?"

Huminto siyang tumugtog ng pyano. "Kay Señora Glenda. Narinig ko kasing tinutugtog niya ito kaya nagpaturo ako."

Tumango-tango na lang ako. "Iyan na lang ang itugtog mo." nginitian ako ni Esmeralda bago mag-umpisang tumugtog. Ako naman ay nag-umpisa na sumayaw. Ngayon lang ulit naging magaan ang loob ko sa pagsasayaw. 'Yung parang walang problema. Sabay ng pagtapos ng tugtog ang pagyuko ko na para bang may mga manonood ako bukod kay Esmeralda.

Pumalakpak si Esmeralda habang may nakapaskil na ngiti sa kanyang labi. "Ang galing mong sumayaw, Celestine!"

Namula ang pisngi ko. "Hindi naman." umupo ako sa tabi ni Esmeralda at niyakap ko siya ng mahigpit. "Labis akong malulungkot sa oras na umalis ka, Esmeralda."

"Magiging masaya ka, Celestine. Maniwala ka sa akin."

Mapait akong tumawa. "Sana'y magdilang anghel ka."

"Iyon ay mangyayari." hinawakan niya ang aking kamay. "Ang iyong suot na sapatos ba'y maaari bang isuot sa labas?"

Bigla akong napaisip. "Maaari naman. Doon sa amin, minsan ay umaalis ako na ito ang aking suot na sapatos. Madali naman ito linisan basta huwag lang grabeng maputikan."

Lumawak ang ngiti sa labi niya. "Kung gayon, sana'y suot mo ang sapatos na iyan bukas."

"Kung iyan ang nais mo, sige." marahan kong iniangat ang aking paa. "Niregalo ni Simoun sa akin ang sapatos na ito. Siya kasi ang unang pinagsabihan ko dito na nais kong maging sikat na ballerina. May pagkakataong nakita niya ang aking paa na may sugat nang dahil sa pagsasayaw ko ng ballet. Ang sabi pa niya'y minsan ay nagsisisi siya kung bakit binili niya ang sapatos na ito ngunit ang makita daw niya na masaya sa pagsasayaw ako ng ballet ay hindi na daw niya magawang kumontra pa..." hindi umimik si Esmeralda kaya nagpatuloy akong magkwento.

"Siya ang unang binata na aking nakilala dito, una kong kaibigan dito, unang binatang nakapalagayan ko kaagad ng loob, unang taong sumuporta sa akin sa pagsasayaw ng ballet, unang binatang nagpapasaya, nagpapangiti at dahil ng aking pagtangis tuwing gabi, siya ang unang binata na nakapasok sa aking puso. Ang aking unang halik. Ang una't huling lalaking aking mamahalin."

"Celetine..."

"Siya ang tanging nagpabilis ng aking puso. Siya ang ang tanging nagpadama nun sa akin. Siya lang, Esmeralda, kaya ganito ako ngayon, may nawawala nang bahagi sa aking pagkatao dahil nasa kanya ang aking puso." napayuko ako at napakagat labi dahil pinipigilan kong umiyak.

"Celestine, naniniwala akong makakasama mo pa siya. Pinapanalangin ko na makakasama mo pa si Señor Simoun dahil kayong dalawa ang tunay na nagmamahalan."

Pilit na lang akong ngumiti sa sinabi ng aking kakambal. Sana'y matupad ang panalangin mo, Esmeralda.


-----


Huminga ako ng malalim. Buong araw na akong nasa loob ng silid ni Esmeralda. Suot ko rin ang pointe shoes ko. Pagtupad sa pinangako ko sa kakambal ko. Napatingin ako sa kalangitan. Mag-a alas cuatro na ng hapon. Ibig sabihin ay malapit nang umalis si Esmeralda. Nakadama ako ng pagkalungkot. Tuluyan na talagang mawawalan ng kulay ang aking buhay.

Napalingon ako nang may kumatok sa pintuan. "Pasok."

Pumasok sa loob ng silid si Aling Nenita. "Señorita Esmeralda, nandyan na po ang kalesang maghahatid sa iyo sa kumbento." nakayukong sabi nito.

Naguluhan ako sa sinabi ni Aling Nenita. Namali ata ito dahil nasa kabilang silid si Esmeralda. "T-Teka lang. Nasaan ang kakambal ko?"

"Nasa baba na po si Señorita Celestine, hinihintay po kayo."

Lalo akong naguluhan kaya nagmadali akong lumabas ng kwarto at bumaba. Nandoon nga si Esmeralda at katabi niya si Papa. Nginitian niya ako kaya nagmadali akong lumapit sa kanila. "Es—"

"Esmeralda, mag-ingat ka doon sa kumbento." pagputol niya sa sinasabi ko.

Hindi ko maintindi kung bakit ganito ang nangyayari ngayon. Para bang pinagdidiskitahan ako ni Esmeralda.

"Tama ang iyong kakambal. Sana'y maging mabuti kang madre sa pagdating ng panahon. Nais man kitang pigilan ay wala akong magagawa dahil iyon ang panata mo." niyakap ako ni Papa. "Magpadala ka ng liham sa amin."

Hindi ko alam ang sasabihin ko.

"Mami-miss kita, Esmeralda." yumakap sa akin si Esmeralda. "I'm gonna miss you so much."

Kailan pa natutong mag-ingles si Esmeralda? "A-Anong ginagawa mo, Esmeralda?" pabulong kong tanong sa kanya.

"Ginagawa ko lamang ang tama. Maging masaya ka sana sa patutunguhan mo, Celestine." bulong din niya. Humiwalay siya sa akin at may inabot siya sa akin ang hinabi niyang bag. "Paalam, Esmeralda."

Tumango ako sa kanila at napilitang sumakay sa kalesa. Ipinasok na sa loob ng kalesa ang maleta ni Esmeralda. Kumaway sila sa akin hanggang sa tuluyan nang nakaalis ang kalesang sinasakyan ko. Hindi ako mapalagay sa ginawa ni Esmeralda.

Nagmadali akong tiningnan ang bag na binigay ni Esmeralda. May rosaryo, suklay, payneta at mga sobre. Lahat ay blangko ang nakasulat sa sobre pwera na lamang sa isang kulay rosas na sobre dahil nakasulat doon ang aking pangalan. Kinuha ko kaagad ang sobre at binuksan. May liham si Esmeralda sa akin! Binasa ko ang nakasulat doon.


Mahal kong Celestina,

Marahil ay nakasakay ka na sa kalesa sa oras na mabasa mo ito. Alam kong labis kang nagugulumihanan sa nangyayari ngayon. Ito lamang ang nais kong iparating sa iyo. Nais kong maging masaya ka kaya magpapanggap akong ikaw. Pinag-aralan ko ang iyong kilos at nag-umpisa na rin akong magsalita ng wikang ingles. Ako ang magpapakasal kay Señor Alonzo dahil iyon naman talaga ang dapat na mangyari. Bilang iyong kapatid, responsibilidad ko na maging masaya ka at alam kong kay Señor Simoun mo lang iyon matatamasa.
Binitawan ko ang panata kong maging madre para makalaya ka na sa nais ng ating Papa. Katulad ng sinabi ko sa iyo kahapon ay magiging masaya ka. Matutupad iyon. Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala dito sa Hacienda Figuero. Ipagpapatuloy ko ang nais mo sa ating hacienda. Mag-ingat ka palagi at sana'y magkita kaagad kayo ni Señor Simoun.
Bueno hanggang dito na lang. Magkita sana tayo sa tamang panahon.

Esmeralda



Tumulo ang luha sa pisngi ko. Nagsakripisyo si Esmeralda para sa akin. Para lamang maging masaya ako.

Pinapangako ko na matutupad ang nais mo.

Napatingin ako sa labas ng kalesa. Napakunot noo ako. Parang iba itong dinadaanan namin. Parang nasa kagubatan kami. "T-Teka, hindi naman dito ang daan papunta sa Maynila."

Nilingon ako ng kutsero at mayamaya ay huminto ang kalesa. "Bumaba ka."

Naguluhan ako sa sinabi ng kutsero. "A-Ano?"

"Bumaba ka ng kalesa!"

"Aba't hindi ako makakapayag—"

"Kapag hindi ka bumaba, papaslangin kita!" may nilabas ito na rebolber at itinutok sa akin kaya napataas ako ng kamay. "Dalhin mo iyang hawak mo't bumaba ka na!"

Nagmadali akong bumaba at nang makababa na ako ay agad nang umalis ang kalesang sinasakyan ko. Papaano na ako nito? Hindi ko alam kung paano makabalik sa amin!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top