Capitulo Treinta y Tres
Capitulo Treinta y Tres:
Mahal kong Simoun,
Aking mahal ako'y nababahala dahil sa aking naririnig. Nais kong malaman na hindi totoo ang mga bali-balita na ika'y ikakasal na sa ibang binibini. Umaasa na ako'y iaalis mo dito sa may salikmatang kulungan upang tayo'y magpakalayo't magkasamang malaya. Aking mahal ako'y labis na nalulumbay sa bawat araw na ako'y malayo sa iyo. Sana'y magkita tayong dalawa sa ating tagpuan na saksi sa ating pagmamahalan.
Hihintayin ko ang iyong sagot. Hanggang sa muli.
Humahaplos sa iyong puso,
Celestine
"Rosa, ipadala mo ito kaagad kay Simoun." nagmamadaling tinupi ko ang liham ko para kay Simoun at nilagay ko sa sobreng kulay lila. Imabot ko kaagad ito kay Rosa. "Kung maaari ay ngayon mo na ihatid sa hacienda Pelaez." pinunasan ko ang luhang tumulo sa pisngi ko.
"Pero, Señorita Celestine, hindi ba't ikakasal na rin—"
"Hindi iyon totoo! Kaya siya nagbalik dito upang itakas ako sa lugar na ito." impit kong sigaw. Ayokong maniwala sa mga sabi-sabi dahil sinasadya lang nilang iparinig iyon sa akin para bumitaw na ako kay Simoun. "Huwag na huwag mo iyan sasabihin." humiga ako sa kama at huminga ako ng malalim.
"Señorita..."
"Kung maaari lang ay iwanan mo na ako. Pakisabi kina Papa na ako'y matutulog na."
"Kung 'yan po ang gusto ninyo."
Hindi ko na nilingon si Rosa hanggang sa nakalabas siya ng aking silid. Pinatay ko ang ilaw ng lampara upang magmukha talagang natutulog na ako ngayon.
Nang marinig ko kay Padre Procopio ang tungkol sa pagpapakasal ni Simoun ay labis akong nasaktan kaya umalis ako sa hapag kainan na walang paalam. Sabihin nilang wala akong galang, kung sila ang nasa posisyon ko'y malamang ay gagawin rin nila iyon.
Bakit ba hindi nila maintindihan na ayokong pakasalan si Alonzo? Sa inaakto nina Papa at Don Crisostomo ay parang hindi sila umibig sa kanilang esposa sa labis ng pagpapahirap nila sa damdamin ko. Huminga ako ng malalim. Hindi ako pwedeng magpadala sa isang walang katuturang sabi-sabi. Kung inaakala nila na titigil na ako sa aking nararamdaman para kay Simoun p'wes nagkakamali sila. Hindi mapapalitan ni Alonzo kahit kailan ang puwesto ni Simoun dito sa aking puso.
"Celestina!"
Agad akong pumikit at nagkunwaring natutulog. Alam kong pupuntahan ako ni Papa dahil sa ginawa ko kanina.
"Celestina, gumising ka!"
"Don Rafael, hayaan mo muna ang iyong anak. Pagod ang buong sistema niya." wika ni Padre Procopio.
"Sana'y tumigil na siya sa kahibangan niya kay Simoun Pelaez dahil nararapat lang siya kay Señor Alonzo Ferrer." at sumara na ang pintuan ng aking silid.
Dumilat ako. Hindi kahibangan ang umibig kay Simoun. Kumuyom ang aking mga kamay. Wala dapat ako dito kung hindi lang sinabi ni Lola Filomena sa mga guardia civil kung nasaan ako. Marahil ay nasa Ilocos na kami ngayon ni Simoun at nag-uumpisa ng bagong buhay bilang Sierra at Isagani. Masayang magkasama.
Muli akong pumikit at nakita ko ang nakangiting siya. Tumulo ang luha ko. "Simoun, nasaan ka na? Ayoko dito. Itakas mo na ako sa lugar na ito."
-----
"¡Buenas tardes, Señorita Celestina!"
Isang matipid na ngiti ang binigay ko kay Alonzo. "Magandang hapon rin sa iyo, Señor Alonzo." pinagpatuloy ko ang binuburda kong paru-paro sa panyong plano kong ibigay sa aking mahal. Malapit ko na rin itong matapos at sinadya ko talagang may ginagawa ako habang kaharap ko si Alonzo. Para naman mapansin niyang ayoko siyang makausap ngayon.
"Kay ganda naman ng iyong binuburda."
"Salamat."
"Señorita Celestina..."
Umangat ako ng tingin. "Bakit, Señor Alonzo?"
"Rosas para sa iyo." binigay niya sa akin ang isang pumpon ng kulay pulang rosas.
Muli'y matipid akong ngumiti. "S-Salamat." inamoy ko ang mga rosas bago ipatong sa mesa. Pinagpatuloy ko ang pagbuburda kahit medyo naiilang ako dahil nakatingin sa akin si Alonzo.
"Kaninang umaga ay napadaan ako sa pamilihan at may nakita akong libro na sa tingin ko'y magugustuhan mo. Agad ko iyon binili para sa iyo."
"Ah, talaga? At ano namang libro iyon?" hindi ko siya tinapunan ng tingin.
"Nakasalin sa wikang Ingles ang nobela na likha ni Lewis Carroll."
Doon lang ako muling umangat ng tingin dahil sa sinabi niyang pangalan ng isang sikat na manunulat. "Lewis Carroll?"
Gumuhit ang ngiti sa labi ni Alonzo. "Oo, siya nga. Ang libro ay may pamagat na Alice Ad—"
"Alice's Adventures in Wonderland." bumuntong hininga ako. "Nabasa ko na ang librong iyan maski ang karugtong niyan na Through the Looking-Glass. Siguro'y nasa edad na siete años ako noong mabasa ko iyon."
Nawala ang ngiti niya na para bang pinagsakluban ng langit at lupa. "Ganoon ba? Sinong manunulat ang gusto mong basahin ang kanyang akda?"
"Si Señor Jose Rizal." agad kong sagot.
"Akda ng isang nang-uusig sa simbahan at pamahalaan? Nais mo bang makulong?" nanlalaking matang tanong niya.
"Hahayaan mo bang ako'y makulong?"
"Alam mong hindi kita hahayaang makulong." muli'y bumalik ang ngiti sa labi ni Alonzo at umayos siya ng upo. Inabot at hinalikan niya ang likod ng aking palad. "Dahil hindi ako makakapayag na makulong ang aking sinisinta."
Napangiwi ako sa sinasabi ni Alonzo. Hindi ko gustong marinig ang kanyang huling sinabi. Agad kong binawi ang aking kamay. "Ganoon ba?"
"Huwag mo nang atimin na basahin ang mga akda ni Señor Rizal. Pumili ka na lamang ng ibang manunulat. Hahanapin ko ang mga akda niya para sa iyo."
Tinaasan ko siya ng kilay at palihim akong ngumisi. "Talagang hahanapin mo ang nobelang gawa ng kung sinumang manunulat ang sabihin ko?"
"Para sa iyo, oo naman."
"Kung ganoon? Maaari bang hanapin mo ang mga akda ni J.K Rowling? Hindi ko pa natatapos basahin ang Harry Potter series niya."
Parang lalong nabuhayan si Alonzo. "Hayaan mo't ipahahanap ko kaagad ang mga librong sinulat niya."
Gusto kong matawa. Paanong mahahanap ni Alonzo ang mga sinulat ni J.K Rowling kung nasa hinaharap lamang mababasa ang mga librong iyon? Pakiramdam ko'y nabawasan ang inis ko kay Alonzo dahil alam kong magmumukha siyang tanga pati na rin ang mga uutusan niyang maghanap ng Harry Potter series. Binaling kong muli ang aking atensyon sa binuburda ko upang hindi ako matawa. Napakasama ko ba dahil sa pinapagawa ko kay Alonzo ngayon?
"Señorita Celestine..."
Bigla akong sumigla nang makita ko si Rosa. Sana'y may dala siyang magandang balita.
"Anong kailangan mo kay Señorita Celestina kaya ginulo mo ang aming pag-uusap?"
"N-Nakuha ko na po sa mag-aalahas ang hikaw na nais suotin ni Señorita Celestina ngayon."
Napangiti ako. Napag-usapan namin ni Rosa na sa oras na nakuha nito ang liham na tugon ni Simoun para sa akin at nagkataong may kausap ako ay iyon ang sasabihin nito. "Mabuti naman kung ganoon!" agad akong tumayo. "Maiwan muna kita, Señor Alonzo, kung iyon ay ayos lamang sa iyo."
Tumango si Alonzo. "Ayos lamang sa akin. Pupuntahan ko muna si Don Rafael dahil may kailangan pala kaming pag-usapan."
Hindi na ako nagsalita at agad kong hinila papunta sa kwarto ko si Rosa. Nang makapasok na kami sa loob ay pinaupo ko ito sa kama. "Nasaan na ang liham ni Simoun?"
May inilabas si Rosa mula sa kanyang bulsa na kulay puting sobre. Medyo nag-aalinlangan pa itong ibigay sa akin ang sobre kaya inagaw ko na lang iyon at agad na kinuha ang laman.
Mahal kong Celestine,
Ako'y humihingi ng paumanhin dahil ang iyong mga naririnig ay pawang katotohanan. Ako'y ikakasal na sa binibining nais ng aking magulang. Paumanhin ngunit marapat lamang na kalimutan mo na ang pag-ibig mo para sa akin. Ito na ang huling ipapadala kong liham para sa iyo.
Muli'y patawad Celestine.
Simoun
Parang tumigil ang pag-inog ng aking mundo dahil sa aking nabasa. Totoong ikakasal si Simoun sa ibang babae. Parang sinaksak ang aking puso dahil ang liham na ito ang nagsasabing hindi na sa akin si Simoun. Nabitawan ko ang papel na hawak ko at nag-unahang tumulo ang luha sa aking pisngi sabay ng pagsikip ng aking dibdib.
"H-Hindi..." napaupo ako sa sahig at napahagulhol.
"Señorita!"
"Itapon mo 'yan! Hindi 'yan galing kay Simoun." halos naghihisterikal kong utos.
Kinuha ni Rosa ang liham na galing daw kay Simoun. "P-Pero Señorita, g-galing po mismo iyan kay Señor Simoun. Personal niya pong binigay iyan sa akin."
Mariin akong umiling. "Hindi 'yan totoo. Hindi ako magagawang saktan ni Simoun!"
"Señorita Celestine..."
Hinawakan ko ang kamay nito. "Hindi 'yon totoo, 'di ba, Rosa?" umiwas ito ng tingin. "Rosa!"
"Paumanhin, Señorita, ngunit ang mga naririnig mong sabi-sabi ay pawang katotohanan. Nakita ko kanina sa pamilihan si Señor Simoun na may kasamang binibini."
"M-May kasamang binibini?"
Marahang tumango si Rosa. "O-Opo, Se—"
Binigyan ko ito ng isang malakas na sampal. "Sinungaling!"
"S-Señorita." nag-umpisang lumuha si Rosa.
"Lumabas ka ng aking silid bago pa kita masaktan muli."
Agad na lumabas ng silid ko si Rosa. Muli kong binasa ang liham ni Simoun at nagbabakasakaling mali ang aking nabasa ngunit muli lamang akong nasaktan. Gusto kong paniwalain na hindi ito sulat kamay ni Simoun. Napahagulhol ako. Bakit mo ginawa ito sa akin, Simoun?
------
Marahan kong iniusog ang aking platong may laman pang pagkain. "Tapos na po akong kumain. Mauuna na po ako." walang ganang paalam ko.
"Celestina, huwag kang tatayo hangga't hindi mo nauubos ang iyong pagkain. Tingnan mo't sobra kang nangangayayat."
Bumuntong hininga ako at inilapit ko sa akin ang pinggan. Wala talaga akong ganang kumain.
"Hayaan mo't babawasan ko ang iyong pagkain." bulong sa akin ni Alonzo.
Ngayon ko lang naalala na katabi ko pala si Alonzo at dito pala siya nagtanghalian sa amin. Masyadong okupado ni Simoun ang aking isipan. Pilit na lang akong ngumiti.
"Hindi ko akalaing inimbita tayo ng mga Pelaez sa anunsyo ng araw ng kasal ng kanilang anak."
Napahinto ako sa pagsubo. Anunsyo ng kasal ni Simoun? Para akong sinaksak sa puso.
"Pupunta po ba kayo sa kanilang piging?" tanong ni Alonzo kay Papa.
"No. ¿Por qué iría a la fiesta de mis enemigos?" bumaling ang tingin ni Papa sa akin.
Kumuyom ang aking kamay. Kaaway? Parang malapit ko na iyon madama kay Simoun.
"At isa pa'y hindi ko nanaising makita ang dahilan kung bakit nagulo ang buhay ng aking anak." at bumaling sa akin ang tingin ni Papa. "Hindi ba, Celestine?"
Kimi akong tumango. "Sí, Papa."
"Bueno, maiwan ko na kayo. Mamayang alas cuatro ay darating ang maestra'ng tuturo sa iyo ng wikang Español, Celestina. Sana'y makinig ka ng mabuti." uminom muna ng tubig si Papa at marahang tinapik sa balikat si Alonzo bago kami iniwan.
Agad kong binitawan ang kubyertos na hawak ko at walang sabi-sabi na iniwan si Alonzo sa hapag-kainan. Nagmadali akong lumabas ng bahay.
"Señorita! Bumalik po kayo sa loob!" pasigaw na tawag sa akin ni Aling Nenita.
"Celestina!"
Hindi ko nilingon si Alonzo at nagpatuloy lang ako sa pagtakbo. Gusto kong makalayo ng pansamantala sa bahay.
"Celestina!" bigla akong hinila ni Alonzo at niyakap niya ako ng mahigpit. Marahan niyang tinapik ang aking likod.
"Bitawan mo ako!" nagpumiglas ako. Bakit ba ginugulo ako ng lalaking ito?
"Iiyak mo lang."
Napahinto ako sa pagpupumiglas. "A-Ano?"
"Umiyak ka lang. Tumangis ka hanggang sa gumaan ang iyong loob. Kung gusto mong saktan ako, gawin mo. Nandito lang ako para sa iyo."
Dahil sa sinabi ni Alonzo ay nag-unahang tumulo ang aking luha. "Ang sakit. Bakit ba ito nangyayari sa buhay ko? Bakit niya ako sinasaktan ng ganito?" naramdaman ko ang marahang pagtapik ni Alonzo sa akin likod. Para akong nakatagpo ng taong mapagsasabihan ko ng hinanaing ko. Patuloy lang ako sa pag-iyak. "Dapat ay hindi ko na lamang siya inibig. Sobrang sakit."
Hindi ko mapigilang tumigil sa pag-iyak at alam kong basa na ang pang-itaas na damit ni Alonzo. Inalalayan din niya ako hanggang makaupo ako.
"Señor Alonzo, ang sakit dito." tinuro ko ang tapat ng puso ko. "Sobrang sakit. Hindi ba niya naisip na sobra akong masasaktan sa ginawa niya?"
Pinunasan ni Alonzo ang patak ng luha sa pisngi ko. "Hindi nararapat sa iyo ang isang lalaking sasaktan ang iyong puso. Wala siyang karapatan na saktan ang isang tulad mong napakabuting binibini." sinalubong ni Alonzo ang aking tingin. "Inibig mo siya ng buong puso ngunit anong ginawa niya? Sinaktan ka niya. Labis akong nasasaktan dahil nakikita kong nasasaktan ang binibining pinag-alayan ko ng aking puso." muli niyang pinunasan ang luhang tumulo sa aking pisngi.
"A-Alonzo..."
"Hayaan mo na alisin ko sa iyong puso ang sakit na ibinigay sa iyo ni Simoun Pelaez. Hayaan mong ipakita ko sa iyo kung gaano kita kamahal." inabot niya ang aking kamay at isinuot sa aking daliri ang isang singsing. "Mahal na mahal kita, Celestina. Tanggapin mo sana ang aking puso."
Mariin akong pumikit at dahan-dahang tumango. Siguro'y kailangan ko nang ibaling kay Alonzo ang aking pagtingin. Siya ang itinakda sa akin ni Papa upang pakasalan kaya marapat lamang na pag-aralan ko na siyang mahalin at kalimutan na ang pag-ibig na mayroon ako kay Simoun.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top