Capitulo Treinta y Siete


Capitulo Treinta y Siete:



"May kailangan kang malaman."

Umangat ang aking tingin kay Simoun. "Ano iyon?"

"Sa susunod na gabi ay lulusob na sila dito sa San Carlos."

Para akong nawalan ng kulay sa mukha. Magkakaroon ng gulo dito sa San Carlos. Pag-aalala sa mga inosenteng maaaring madamay at kay Papa. Tiyak ako na kasama si Papa sa mga ilustrado kinagagalitan nila.

"Dapat ay wala ka na dito sa gabing iyon. Hihintayin kita dito bago mag-alas ocho ng gabi upang makatakas ka."

"Ngunit paano si Papa?"

Inabot niya ang aking kamay. "Gagawa ako ng paraan upang mailigtas ang iyong Papa. Babalikan ko siya sa oras na nasa ligtas na lugar ka na."

"Iyon ba ang dahilan kung bakit umalis ang pamilya mo dito sa San Carlos?" marahang tumango si Simoun. "Ngunit paano ang mga Realonzo?" tiyak akong masasaktan si Anastasia sa oras na malaman nito ang maaaring mangyari sa magulang nito. Kahit matagal na kaming hindi nagkikita ay nag-aalala rin ako para sa kanila.

"Ang huli kong balita sa kanila ay nasa San Pablo ang magulang ni Señorita Anastasia dahil inaasikaso nila ang libing ng kapatid ni Don Gregorio."

Nakahinga ako sa narinig ko. Ang kailangan ko lang ay paghandaan ang gabing iyon. Bigla kong naalala si Rosa. Kaninang umaga lang ay umalis siya dito sa San Carlos. Binigyan ko siya ng pera at mga alahas na maaari niyang ibenta sa oras na dumating na siya sa Laguna. Idinahilan ko na lamang kay Papa na ayokong makita ang pagmumukha ni Rosa dito. Para rin naman ito sa kapakanan ng mag-ina. Kasama rin ni Rosa na umalis si Aling Nenita na nalaman rin ang kalagayan ng dalaga. Mabuti na lamang at naunawaan ni Aling Nenita ang nais ko. Nawala na rin ang alaalahanin ko.

Umayos ako ng higa. "Magkwento ka naman kung ano nang nangyari kina Clarissa at Paeng."

"Wala na sila sa kampo. Nagdadalangtao na si Clarissa nang sila'y umalis dahil takot sila."

"Takot saan?"

"Takot na mangyari kay Clarissa ang nangyari sa iyo. Tulad mo'y tumakas din si Clarissa sa kanila bago ang araw ng kasal niya sa lalaking nais ng kanyang magulang sa kanya." bumuntong hininga si Simoun. "Nawala ang tiwala ng karamihan kay Lola Filomena dahil sa kanyang ginawa na naging dahilan ng unti-unti niyang panghihina."

Ang tinatago kong galit kay Lola Filomena at napalitan iyon ng pagkaawa sa matanda. "Kumusta na siya ngayon?"

"Hindi ko alam. Umalis siya na walang paalam at hindi na bumalik."

"Sana'y bumalik siya. Hindi makakabuti na maglakbay siya."

Naramdaman ko ang paghaplos niya sa aking buhok. "Sana nga. Bueno, matulog ka na. Lumalalim na ang gabi."

Eksaherado akong sumimangot. "Ngunit nais ko pang makipagkwentuhan sa iyo."

"Kailangan mong matulog na. Hindi ba't may bisita kang darating bukas ng umaga." nag-iba ang tono ng boses ni Simoun. Boses na para bang nagsiselos.

Palihim akong napangiti at hinaplos ang napakakisig na mukha ni Simoun. Kahit liwanag mula sa buwan ang nagsisilbing ilaw ng aking silid ay hindi maitatanggi ang kakisigan ng binatang nasa aking tabi. "Naninibugho ang binatang ikinulong ako sa kanyang bisig."

"Ako? Naninibugho? Hindi ah! Bakit ako maninibugho sa lalaking iyon?"

Kumibit balikat ako. Pinipigil kong tumawa dahil sa ekspresyon ni Simoun. "Hindi ko alam. Ikaw lang ang makakasagot ng katanungan na iyan."

"P'wes sasagutin ko ang katanungan na iyan. Hindi ko kayang magsinungaling sa harapan mo. Oo, ako'y labis na naninibugho lalo na't kasama mo ang lalaking iyon buong araw. Hinahaplos ang iyong mukha, hinahagkan ang iyong palad at minsan ang pagyakap niya sa iyon habang ako ay pinapanood kayo sa malayo at labis na nagngingitngit ang aking loob. Minsan ay gusto ko kayong lapitan at bigyan ng isang malakas na suntong ang lalaking iyon."

Tuluyan nang lumawak ang aking ngiti. "Hanggang doon lang ang kaya niyang gawin. Ikaw lang ang binatang hahagkan sa aking labi, ang taos pusong tinatanggap ang iyong yakap at ang nilalaman ng aking puso dahil ikaw lang ang iniibig ko."

Nawala ang inis sa mukha ni Simoun at napalitan iyon ng isang matamis na ngiti. Niyakap niya ako ng mahigpit. "Matulog ka na. Ang sabi ay dapat natutulog ng maaga ang mga binibini para lalong gumanda ang kanilang kinis."

"Saan mo naman iyan narinig?" natatawa kong tanong.

Ngumisi siya. "Gawa-gawa ko lamang."

Napapailing na lamang ako. Pinipigilan kong tumawa ng malakas, baka may makarinig sa amin. Kanina ng alas siete y media ay sinilip ako ni Papa dito dahil para daw narinig niya na may kausap ako. Mabuti na lamang at mabilis na nakatago sa ilalim ng aking kama si Simoun kaya dinahilan ko sinusubukan kong magboses lalaki na pinaniwalaan naman kaagad ni Papa.

"Kung ganoon, maniniwala ako sa iyong sinabi."

"Aba't dapat lang!"


-----


Ngingiti-ngiti akong pinatong sa mesa ang mangkok na naglalaman ng niluto kong menudo. Ngayon lang ako dito nagluto at tiniyak ko na masarap ito. Nais kong ipaalam kay Papa na marunong akong magluto at nang maipagmalaki ko na pang-World class—ika nga sa mga Millenial—ang mga luto ko. Medyo kakaiba rin ang paraan ng pagtingin ng mga katulong sa akin. Tila ba parang sinapian ako ng espiritu base sa tingin nila.

Ako rin ang naglagay ng mga plato, baso at kubyertos. Pakanta-kanta pa nga ako. Kaya siguro ako ganito kasaya dahil hinintay ako ni Simoun na magising bago siya umalis.

"Señorita, kami na po ang—"

"Kumuha kayo ng menudo para makapag-agahan na kayo." inayos ko ang plorera na may lamang bulaklak. Nagpasalamat pa sa akin ang mga katulong na kasama ko dito sa komedor bago sila nagsialisan. Susunduin ko na dapat si Papa sa kanyang opisina nang makita ko siya na papasok ng komedor kasama si Alonzo at ang magulang nito. Nawala bigla ang ngiti sa labi ko.

"Aba't napaghandaan ang pagdating ninyo, Compañero!" masayang sabi ni Papa.

"Mukha nga, Compañero."

Lumapit sa akin si Alonzo. Inabot niya ang aking kamay at hinalikan iyon. "Magandang umaga, Celestina."

Pilit akong ngumiti. "Magandang umaga rin sa iyo." agad kong binawi ang aking kamay. Nakangiting nakatingin sa amin ang aming mga magulang na talagang nakakailang.

"Bueno, kumain na tayo habang mainit pa ang pagkain."

Nagsiupuan na sila kaya umupo na rin ako sa tabi ni Alonzo. Para tuloy nawalan ako ng gana kumain. Katulad ng palaging ginagawa ni Alonzo sa tuwing nagkakasabay kaming kumain, nilagyan niya ng kanin at ulam ang aking pinggan.

"Kakaiba itong luto ni Santina." biglang sabi ni Papa. "Parang katulad ng luto ng aking nasira na esposa." pinatunog nito ang campanilla kaya agad na may dumating na katulong. "Pakitawag si Santina. May sasabihin ako sa niluto niyang menudo."

"Don Rafael, hindi po si Aling Santina ang nagluto ng inyong agahan."

"Sino ang nagluto nito?"

Napahinto akong kumain at bumuntong hininga. "Ako po." walang ganang sabi ko. Nakadama ulit ako ng pagkailang nang sabay-sabay nila akong tiningnan. "Bakit? Ngayon lang ba kayo nakakita ng binibining nagluto para sa agahan?"

"Akala ko ba'y hindi ka marunong magluto, Celestina."

Bumuntong hininga ako. "Gusto ko lang mang-inis ng araw na iyon kaya ko sinabi na hindi ako marunong magluto, Papa." nagpatuloy na lamang akong kumain.

"Hindi ko aakalaing magaling pala magluto ang magiging nuera ko." nginitian ako ni Doña Josefa. "Makakahinga na ako ng mabuti."

Nagsisang-ayon si Papa at Don Crisostomo. Ako naman ay nanatiling tahimik habang kumakain. Nang matapos na kami ay dumeretso kami sa salas dahil may sasabihin sila sa amin ni Alonzo. Nakaupo ako sa pang-isahang sopa habang nakatayo sa likuran ko si Papa. Magkakatabi ang pamilya Ferrer sa mahabang sopa.

"Ano pong sasabihin ninyo sa amin, Papa, Don Rafael?"

Nagpaypay ako upang mabawasan ang nararamdaman kong kaba. Ayoko talagang nagsasama sa iisang lugar ang aming mga pamilya dahil alam kong hindi ko gusto ang mga maririnig ko sa kanila.

"Napili na namin ang araw ng kasal ninyo. El veinte nueve de noviembre ang napili naming araw." sagot ni Don Crisostomo.

"At bukas ng gabi ay magkakaroon ng salu-salo dito sa aming tahanan upang ianunsyo at idaos iyon."

Parang nawalan ng kulay ang aking mukha. Bukas ng gabi ay magkakaroon ng salu-salo dito, ang ibig sabihin ay maraming bisita mula sa mga buena familia ang darating dito. Bukas rin ng gabi ang paglusob ng kilusan. Hindi dapat matuloy ang salu-salo na iyon.

"Señorita Celestina, namumutla ka. Ayos lang ba ang iyong pakiramdam?"

Napalingon ako kay Doña Josefa. "O-Opo. Sadyang mainit lamang kaya ako namumutla."

"Siguro'y dapat lamang na magpahinga ka, Celestina." nag-aalalang sabi ni Alonzo.

"Ayos lamang ang aking pakiramdam." nilingon ko ang aking ama. "Papa, maaari bang huwag na lang tayo magdaos ng salu-salo bukas ng gabi?"

"Hija, nakaayos na ang lahat. Wala nang dapat pang ipag-alala."

"Pero—"

"Nais rin ni Doña Josefa na sumayaw ka ng baley bukas ng gabi. Darating mamayang gabi si Señora Glenda upang siya ang tumugtog ng pyano para sa iyo."

Parang lalong nawalan ng kulay ang aking mukha. Agad akong tumayo. "Maaari bang lumabas muna ako? Nais ko sanang magpahangin."

Hinawakan ni Doña Josefa ang aking kamay. "Sige, Señorita Celestina, mukhang kailangan mo nga'ng magpahangin."

Pilit akong ngumiti bago naglakad palabas. Nasa tapat lang ako ng bahay para madali akong mahanap nila Papa. Pabalik-balik ako sa paglalakad. Iniisip ko kung paaano kami makakaalis dito ni Papa bukas ng gabi. Hindi ako makakapayag na may mangyaring masama sa ama ko. Biglang pumasok sa isipan ko si Lola Glenda. Sabi ni Papa ay darating dito mamayang gabi si Lola. Baka matulungan niya akong mapigilan ang magaganap bukas ng gabi.

"Tila napakalalim ng iyong iniisip."

Napahinto akong maglakad at nilingon ang nagsalita. "H-Hindi naman."

Naglakad papalapit sa akin si Alonzo. "Ano ba ang iyong iniisip at parang hindi ka mapakali?"

"I-Iniisip ko kung ano ang isasayaw ko bukas ng gabi." pagdadahilan ko.

Napangiti siya. "Kahit pa ano ang iyong sayawin ay nababagay sa iyo." inabot niya ang aking kamay. "Isang linggo na lang at ikakasal na tayo. Nakakatuwang ang babaeng iniibig ko ang makakasama ko habangbuhay."

"G-Ganoon ba?" imbes na ngiti ang gumuhit sa labi ko'y naging ngiwi. Hindi talaga ako natutuwa sa tuwing naririnig o naiisip ko na ikakasal ako kay Alonzo. Si Simoun lang naman ang lalaking gusto kong pakasalan.

"Ikaw, hindi ka ba masaya na malapit na ang pag-iisang dibdib natin?"

"M-Masaya! Oo, masama—masamang sumimangot sa araw ng kasal natin." peke akong tumawa. Para akong pinagpawisan dahil muntik na akong madulas sa mga pinagsasabi ko.

Tumango si Alonzo. "Tama ka. Bumalik na tayo sa loob."

Nagpatangay na lang ako kay Alonzo. Bago kami makapasok sa loob ng bahay ay napalingon ako sa mga kakahuyan at nakita ko si Simoun na nakatingin sa amin. Kitang-kita ko ang pagsiselos sa kanyang mukha. Siguro'y lalambingin ko na lang siya mamaya para mawala ang selos na nararamdaman niya.


----


Unti-unti akong dumilat. Nanlaki ang mata ko nang mapagtanto ko na nasa loob ako ng kinalakihan kong bahay.

"Hija, please come back home. We miss you a lot."

Sinundan ko ang pinanggalingan ng boses at hikbi na naririnig ko. Papunta iyon sa kwarto ko. Nang makapasok ako sa loob ay nakita ko si Papsi yakap-yakap ang larawan ko. Nakadama ako ng sakit dito sa aking puso dahil sa pag-iyak ni Papsi.

"I'm so sorry on what I've done to you. I promise that I will be a good father to you again just come back home. I really missed my princess."

"Papsi." naramdaman ko ang luhang umaagos sa aking pisngi.

"Celestine..."

Dahan-dahan akong lumapit kay Papsi at maswerte akong nayakap ko siya. "Papsi, nami-miss na rin kita."

"C'mon, my princess, I really missed you. I even feel your presence beside me even though you're not here."


"Papsi!" napabalikwas ako ng bangon habang habol-habol ko ang aking paghinga. Napanaginipan ko si Papsi na umiiyak. Napasapo ako sa noo ko. Pawis na pawis ang buong mukha ko at tumutulo rin ang luha sa pisngi ko.

"Señorita Celestina." sabay ng pagtawag ng pangalan ko ang mga mahihinang katok. "Señorita Celestina, gising na po ba kayo?"

"Oo, bakit?" hindi ko na pinagbuksan ng pintuan ang kung sinuman na katulong.

"Pinapasabi ni Don Rafael na nandito na si Señora Glenda at nais ka raw makausap ng Señora."

Huminga ako ng malalim. "Sabihin mo ay lalabas na ako." agad akong tumayo at inayos ko ang aking sarili. Dapat ay makausap ko si Lola Glenda dahil siya lang ang makakasagot sa mga katanungang pumapasok sa aking isipan ngayon. Sinuot ko ang choker na binigay niya sa akin at nang makuntento na ako sa aking ayos ay lumabas na ako ng aking silid.

Nakita ko si Papa at si Lola Glenda na nagkukuwentuhan sa salas. Mukhang nagkakatuwa ang kanilang pinag-uusapan. Tumikhim ako para makuha ko ang kanilang atensyon.

"Gising na pala ang aking anak, Señora Glenda."

Tumabi ako kay Papa. "Magandang gabi po sa inyo, Papa, Señora Glenda." magalang kong bati sa kanila.

"Magandang gabi rin sa iyo, hija." ganting bati ni Lola Glenda.

"Alam mo bang mahigit isang oras kang hinihintay magising ni Señora Glenda? Mabuti na lamang at naaliw ko siya sa
pagkwento ng tungkol sa kung paano kami nagkaibigan ng iyong Mama."

"Napakaganda naman kasi ng kwento ng pag-ibig ninyo ng iyong esposa, Don Rafael."

"Ngunit naging malungkot rin nang maaga niya kaming iniwan." naging malungkot ang tono ng boses ni Papa.

"Bakit hindi ka muling umibig?"

"Hindi mapapalit ng sinuman ang pwesto ni Emilia dito sa aking puso. Siya lamang ang aking iibigin hanggang sa bawiin na ng Poong Maykapal ang aking buhay."

Napagtanto ko na tunay nga'ng minamahal ni Papa si Mama Emilia. Hindi na siya muling nagmahal ng ibang babae.

Huminga ng malalim si Papa. "Bueno, maiiwan ko muna kayo. May gagawin lamang ako sa aking opisina."

Sinundan ko lang ng tingin si Papa. Bakas sa mukha niya ang labis na pangungulila at kalungkutan.

"Tiyak akong ilalabas niya ang luhang pinipigil sa oras na makapasok siya sa kanyang opisina."

Nilingon ko si Lola Glenda. Tatanungin ko sana kung paano niya nalaman iyon kaso bigla kong naalala na siya nga pala si Tadhana.

"Alam ko rin na marami kang katanungan sa akin."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top