Capitulo Treinta y Sais
Capitulo Treinta y Sais:
"Kanino galing ang singsing na ito?" tanong ni Simoun habang nakatingin sa aking kamay na hawak niya.
Tiningnan ko ang daliring may suot na singsing. "Kay Alonzo. Binigay niya sa akin iyan noong araw na natanggap ko ang inaakala kong liham mula sa iyo. Nangako siya na aalisin niya ang sakit dito sa aking puso nang dahil sa iyo. Na ipapakita niya sa akin kung gaano niya ako kamahal."
"Hindi ito nababagay sa iyong daliri." dahan-dahan niyang inalis ang singsing sa aking daliri at may kung anong dinukot sa bulsa ng suot na pantalon. Nanlaki ang aking mata nang makita kung ano iyon. Isang singsing. Base sa aking naaaninag ay kulay esmeralda iyon na maaaring ipareha sa aking choker na binigay ni Lola Glenda. Isinuot niya iyon sa aking palasinsingan. "Ito ang mas nababagay sa iyo."
Umangat ang aking tingin sa kanya. "B-Bakit kulay esmeralda?" nagtatakang tanong ko kay Simoun.
"Dahil unang nakilala kita sa ngalan na Esmeralda. Nababagay sa iyo ang bato ng esmeralda." marahan niyang hinawi ang aking buhok.
Napangiti ako sa sinabi ni Simoun at humilig ako sa kanyang dibdib. Hindi ko alam kung anong oras na. Nakakadama na rin ako ng sobrang pagkaantok ngunit natatakot akong matulog dahil kapag ako'y nagising, baka panaginip lang itong mga nangyari ngayong gabi.
"Malapit na matapos itong paghihirap natin, aking orkidia." naramdaman ko ang magaang paghalik niya sa aking noo. "Makakaalis na rin tayo sa lugar na ito."
Marahan akong tumango. Naniniwala ako sa sinabi ni Simoun. Sigurado akong gagawa siya ng paraan para makaalis ako dito. Yumakap ako sa kanya. Hindi na rin ako maniniwala ng basta-basta sa mga sinasabi nila. Panghahawakan ko kung ano ang ipinangako sa akin ni Simoun.
"Mas mainam sigurong tumira tayo sa ibang bansa sa oras na makaalis na tayo ng San Carlos." sinalubong ko ang tingin ni Simoun.
"Bakit mo nais na tumira sa ibang bansa?"
Lumapit ako ng kaunti sa kanya. "Sa ibang bansa ay hindi na nila tayo mahahanap pa. Doon ay tuluyan na tayong malayang makakakilos. Hindi nagpapanggap na ibang tao at hindi nagtatago." bulong ko sa kanya. Sobrang hina ng aming boses sa tuwing mag-uusap kami. Nag-iingat dahil sa oras na malakas ang aming usapan ay baka may makarinig sa aming dalawa.
"Tama ka. Kung iyan ang gusto mo, sa ibang bansa tayo titira." muli'y hinalikan niya ako sa aking noo. "Kahit saan mo pa gusto basta't magkasama tayong dalawa." marahan niyang hinaplos ang aking buhok.
Ngumiti ako ng napakatamis. Tama, kahit saan basta't magkasama kaming dalawa. Pinatay na ni Simoun ang apoy sa kandila at umayos siya ng higa sa tabi ko. Yumakap siya sa akin na tila ba'y ayaw niyang mawala ako sa kanyang tabi. Gumanti ako ng yakap at unti-unting pumikit ang aking mata.
"Mahal na mahal kita, aking orkidia. Huwag kang mag-alala, ako'y nasa iyong tabi palagi."
-----
"Señorita, Señorita! Gumising na po kayo."
Napabalikwas ako ng bangon dahil sa malakas na pagkatok. Napatingin ako sa aking tabi. Wala na siya. Gumuhit ang ngiti sq aking labi nang may makita akong pilas ng papel. Agad ko iyon kinuha at mas lumawak ang aking ngiti nang makita ko ang liham mula kay Simoun.
Aking orkidia,
Paumanhin kung ika'y gigising na wala na ako sa iyong tabi. Iniisip ko lamang ang iyong kapakanan kaya bago pa sumabog ang liwanag sa kalangitan ay umalis na ako. Ang isang gabi na ika'y aking katabi't kayakap ay nagsilbing lakas para sa buong magdamag.
Palagi mong tatandaan na ikaw lamang ang aking iibigan.
-S
"Señorita Celestina."
Biglang nawala ang ngiti sa labi ko nang makilala ko ang boses na iyon. "Pumasok ka!" agad kong itinago ang liham ni Simoun sa ilalim ng unan. Umayos ako ng upo nang bumukas na ang pintuan at pumasok si Rosa. Nagngitngit ang aking kalooban nang makita ko siya. Bumabalik sa aking isipan kung paano niya ako niloko. "Lumapit ka dito." tumayo ako sa gilid ng kama.
"Ano pong maipaglilingkod ko, Señorita—"
Binigyan ko siya ng isang magkabilaang malakas na sampal. Puno ng pagtataka ang kanyang mukha. Nagpupuyos ang aking dibdib at gusto ko siyang sabunutan o 'di kaya'y ingudngod sa sahig.
"S-Señorita—"
"Akala ko ba'y kaibigan kita? Bakit ka nagsinungaling sa akin?"
Gunuhit ang kalituhan sa kanyang mukha. "H-Hindi ko po kayo maintindihan."
Kinuha ko ang pekeng liham at ibinato ko iyon sa kanya. "Hindi ko aakalaing tatraydurin mo ako, Rosa. Ikaw lamang ang tangi kong pag-asa upang makausap si Simoun ngunit anong ginawa mo? Niloko mo ako!" mahina ang aking boses ngunit may diin ang bawat bigkas ko. Ayokong may ibang makarinig sa amin at baka makarating pa ito kina Papa at Alonzo.
Yumuko si Rosa. "P-Paumanhin, Señorita." mayamaya ay yumugyog ang balikat niya. Mukhang umiiyak siya. "G-Ginawa ko lamang iyon dahil k-kailangan."
Kailangan? Huminga ako ng malalim upang makalma ang aking sarili. Kumuyom ang aking kamay. "Kanino galing ang pekeng sulat na iyan?"
"K-Kay Señor Alonzo po."
"Si Alonzo?" mariin akong pumikit nang tumango si Rosa. Nanggaling kay Alonzo ang pekeng sulat na iyon. Bumalik ang inis at galit ko sa taong iyon. Siguro'y pinagtatawanan niya ako patalikod dahil nagpaniwala ako sa huwad na liham na iyon. "Ano bang kailangan mo't ginawa mo ito sa akin, Rosa? Alam mo namang gagawin ko ang lahat upang ika'y aking matulungan."
"Hindi ko kailangan ng tulong mo, Señorita. Ang kailangan ko ay si Señor Alonzo."
Ako'y naguluhan sa sinabi ni Rosa. Sa dinami-raming pwedeng idahilan, kakailanganin daw niya si Alonzo. "Anong kailangan mo si Alonzo? Pinagloloko mo ba ako?"
"Hindi kita pinagloloko! Ang nais ko lamang ay magkaroon ng ama ang batang nasa aking sinapupunan."
Napanganga ako. "Ngayon naman ay idadahilan mong nagdadalangtao ka? Kakaiba ka rin."
"Señorita, totoong ako'y nagdadalangtao. K-Kaya ko sinunod ang nais ni S-Señor Alonzo dahil kikilalanin daw niyang anak niya ang aking pinagbubuntis." marahan niyang hinaplos ang kanyang tiyan. "A-Ayos lamang sa akin na hindi ako kilalaning ina ng aking anak o maging querida ni Señor Alonzo basta maging mabuti ang kinabukasan ng anak ko."
"Tatanggapin mong maging querida ka at maaaring makasira ng magiging pamilya sa hinaharap? Increíble!" muli'y huminga ako ng malalim. Hindi ko mawari kung totoo ang pinagsasabi ni Rosa. Ayokong magpaniwala na sa kanilang mga sinasabi. "Lumabas ka na ng aking silid at baka ika'y aking masaktan lamang." nanlaki ang aking kamay nang lumuhod sa harapan ko si Rosa. "Ano ba? Tumayo ka nga!" pinipilit kong tumayo si Rosa.
"Señorita, patawarin mo po ako. Ayokong sirain ang relasyong mayroon kayo ni Señor Simoun ngunit kailangan ko iyon gawin para sa aking anak at sa labis na pagmamahal ko kay Señor Alonzo."
Umiwas ako ng tingin sa kanya. Pag-ibig. Nang dahil sa pag-ibig ay nagawa ni Rosa na sirain ang aking tiwala sa kanya at ang muntikan nang masirang relasyon namin ni Simoun. Ang pag-ibig ni Rosa kay Alonzo ay sadyang nakakalason. "Ilang buwan na ang iyong dinadala?"
"M-Magdadalawang buwan na po."
Binilang ko sa aking isipan kung kailan nila posibilidad na ginawa iyon. Maaari noong bago ako umalis dito sa bahay at nagpalitan kami ng katauhan ni Esmeralda. Para akong mawawalan ng ulirat dahil kay Rosa. Napakabata pa niya para siya'y maging ina. "Bakit? Bakit mo pinaubaya ang iyong sarili sa kanya?"
Sinalubong ni Rosa ang aking tingin. "Dahil labis ko siyang minamahal, Señorita. Noong nag-uusap kayo ni Señor Alonzo tungkol sa pagkawala ni Señor Simoun h-hanggang sa muntikan ka na niyang gaha—nandoon ako. Nanonood sa inyo. Nang siya'y umalis ay sumunod ako sa kanya at sinubukang kausapin ngunit ginawa niya sa akin ang dapat ay ginawa niya sa iyo."
"Gi—"
"Hindi ko kinokosiderang ako'y kanyang ginahasa. Hindi ako nagpumiglas, kusa kong binigay ang aking sarili sa kanya. Maski rin ikaw ay inubaya mo ang iyong sarili kay Señor Simoun."
Umiling ako. "Kahit kailan ay hindi ako ginalaw ni Simoun. Ginagalang niya ako at nais niya bago namin iyon gawin ay kasal na dapat kami." iyon ay totoo. Kahit kailan ay hindi namin iyon ginawa ni Simoun na labis kong kinatuwa.
Yumuko si Rosa at nagpatuloy umiyak.
Bumuntong hininga ako at inalalayan ko siyang tumayo. "Alam mong hindi niya matutugunan ang iyong pag-ibig sa kanya?"
Marahan siyang tumango. Niyakap ko si Rosa at marahang tinapik ang kanyang likod. Ako'y naaawa sa kanya. "Señorita..."
"Magpahinga ka na. Huwag kang masyadong magtrabaho. Makakaalis ka na." tinalikuran ko si Rosa at inayos ko ang aking higaan. "Huwag sanang makaabot ito kay Papa lalong-lalo na kay Alonzo. Hindi mo alam ang kaya kong gawin sa iyo sa oras na malaman nila ang pinag-usapan natin. Umakto tayong hindi ko pa rin alam ang katotohanan." hinarap ko siyang muli. "Gagawa ako ng paraan para makalayo ka na dito na hindi mahihirapan na buhayin ang iyong magiging supling. Sana'y huwag mong tuluyan na sirain ang natitirang na tiwala ko sa iyo. ¿Entiendes?"
Marahang tumango si Rosa bago lisanin ang aking silid. Mag-iisip na ako ng magiging dahilan ko kina Papa at Alonzo sa oras na hindi tuparin ni Rosa ang aking sinabi. Hindi dapat ako magtitiwala sa mga taong nasa paligid ko dahil maaaring isa sila sa mga maaaring sumira sa relasyon namin ni Simoun.
-----
"Tila ba'y may nakalimutan kang suotin. Nasaan ang singsing na binigay ko sa iyo?"
Ibinaba ko ang tasa ng tsaang iniinom ko. "Nawala sa aking isipan na isuot ang singsing."
"Kaya iba ang singsing na iyong suot ngayon?"
Nais kong irapan si Alonzo dahil labis akong naiirita sa kanyang presensya. Iniaangat ko ang aking kamay. Napangiti ako nang pagmasdan ko ang singsing na binigay sa akin ni Simoun. "Ako'y nangungulila sa aking kakambal kaya isinuot ko ang singsing na binigay niya sa akin. Kumusta na kaya siya?" napatingin ako kay Alonzo nang hawakan niya ang aking kamay. Nais kong bawiin ang kamay ko ngunit kailangan na magpakita ako ng kaunting interes sa kanya.
"Tiyak ako na nasa mabuti siyang kalagayan." ngumiti pa ito ng pagkatamis-tamis.
Marahan kong binawi ang aking kamay at tinakpan ko ang aking mukha gamit ang pamaypay. Nagkunwari akong humikab. "Ipagpaumanhin mo ngunit kailangan ko nang pumasok sa aking silid."
"Ngunit maaga pa."
Pilit akong ngumiti. "Alas siete na ng gabi. Nakapagrosaryo naman na tayo kanina at maghapon tayong magkasama. Nais ko nang magpahinga. May bukas pa naman."
Ngumiti si Alonzo. "Tama ka, may bukas pa naman. O sige, magpahinga ka na." marahan niyang hinalikan ang aking noo.
Tumango na lamang ako at nagmadaling iniwan si Alonzo. Nang makarating na ako sa aking silid ay kumuha ako ng pamalit. Pasimple akong pumunta ng palikuran. Minadali ko rin ang pagligo ko dahil tiyak akong anumang oras ay darating na si Simoun. Hinayaan ko pa nga'ng bukas ang bintana ng aking silid. Nang bumalik ako sa kwarto ay wala pa siya.
Nagawa ko na ang ginagawa ko bago matulog ngunit wala pa rin si Simoun. Nakadama ako ng panghihinayang. Mukhang hindi siya darating. Humiga na ako sa kama at pinatay ko na ang sindi ng kandila.
"Matutulog ka talaga ng maaga?"
Napabalikwas ako ng bangon at lumingon ako sa bintana. Biglang nawala ang antok ko nang makita ko si Simoun na prenteng nakaupo banda sa bintana. Tumayo si Simoun at lumapit siya sa akin. Umupo siya sa tabi ko at napangiti ako. Hinaplos ko ang kanyang mukha. "Bakit ngayon ka lang dumating?"
"Nahirapan akong makalusot sa inyong mga guardia personel." inabot niya at hinalikan ang likod ng aking palad. "Hindi mo alam kung gaano ko kanais na makita kita kaagad. Kung pwede lamang hilahin ang gabi ay ginawa ko na."
"Napakahirap ng iyong ginagawa."
"Wala ang hirap na aking nararanasan basta't makasama ka lamang."
Muli akong napangiti dahil sa kanyang sinabi. Sadyang nakakataba ng puso.
"Kanina'y nakita kong lumabas ng inyong bahay si Alonzo. Maghapon ba kayong magkasama?" marahan akong tumango. Kitang-kita ko ang pagsimangot ni Simoun. "Ako dapat ang nasa iyong tabi maghapon."
Humilig ako sa kanyang balikat. "Ngunit ikaw naman ang aking katabi buong magdamag."
"Na hindi naman maaaring makita ng iba." bumuntong hininga si Simoun. "Nais kong malaman nila kung gaano kita kamahal. Gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na ikaw lamang ang binibining aking iibigin hanggang ako'y lagutan na ng hininga."
"Simoun..."
"Ikaw lang, Celestine, wala nang iba pa." muli'y hinalikan niya ang aking kamay.
Hindi ko malaman kung ano pa ang aking sasabihin. Labis-labis ang kasiyahang nararamdaman ng aking puso. Kung nitong mga nakaraang linggo'y puno ito ng kalungkutan, ngayon naman ay puno ito ng kasiyahan at pagmamahal. Sana'y matigil na ang pumipigil sa aming pag-iibigan. Unti-unti akong pumikit at dinama ang mga sandaling kasama ko siya. Magsisilbing lakas ang mga alaala ngayong gabi para sa buong magdamag kinabukasan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top