Capitulo Treinta y Dos
Capitulo Treinta y Dos:
Napatingin ako sa arko na madadaanan namin. Ang arko ng Hacienda Figuero. Kanina pa ako nag-iisip ng paraan para makatakas ngunit napakahigpit ng pagbabantay sa akin ng mga guardia civil at mga guardia personel ni Papa. Hindi ko malaman kung ano ang aking marapat na gawin. Ayoko na bumalik sa bahay na iyon dahil alam kong ipagpipilitan ni Papa na pakasalan ko si Alonzo.
Mayamaya ay huminto ang sinasakyan kong kalesa sa tapat ng aming bahay. Heto na. Hindi ko alam kung anong sunod na mangyayari. May lumapit na guardia civil sa kalesang sinasakyan ko. Ito ang pinaka pinuno ng grupo nila.
"Estaban aquí." at inilahad nito ang kamay.
Hindi ako nakakilos. Ayokong pumasok sa loob ng bahay!
"Señorita, por favor."
Tiningnan ko lamang ang kamay nito. "Ayoko."
Tila napikon ito at biglang akong hinila pababa ng kalesa kaya muntik na akong mahulog. "Ako'y hindi mahaba ang pasensya kaya papasok ka sa loob, sa ayaw o gusto mo." halata sa boses nito ang hirap magtagalog. Hinila ako nito papasok sa bahay. Nakasunod sa amin ang dalawa pa nitong kasama.
"Bitawan mo ako." pinipilit kong tanggalin ang kamay ng guardia civil na mahigpit na nakahawak sa braso ko. Halos matumba ako habang hinihila nito ako papaakyat. "Sinabing bitawan mo ako!"
Sumalubong sa amin si Rosa at nanlaki ang mata nito. "Señorita Celestine?"
"Tawagin mo si Don Rafael Figuero!" utos ng guardia civil. Agad namang tumalima si Rosa.
"Parang awa mo na, hayaan mo akong makaalis." pagsusumamo ko rito ngunit para wala itong narinig.
"Teniente Javier, napadalaw ka."
Hindi ko nilingon ang pinanggalingan ng boses na iyon. Kilala ko ang boses na iyon.
"Tengo una buena noticia, Señor Alonzo."
"Buenas tardes, Teniente Javier!" boses iyon ni Papa! Narinig ko ang mga yabag na papalapit sa amin hanggang huminto iyon sa harapan namin. "Celestina! Mi hija!" niyakap ako ni Papa. "Salamat sa Dios at nakabalik ka na." inilayo ako ni Papa sa kanyang sarili. "Gracias por buscar a mi hija, Señores."
"Walang anuman, Don Rafael."
"Bilang pasasalamat, maaari bang dito ka maghapunan bilang pasasalamat dahil sa pagbalik ng aking anak."
Nang magkaroon ako ng pagkakataong tumakas ay agad akong nahawakan ni Papa sa pulso ko. Sobrang diin at halata ang tinitimping galit para sa akin habang nakangiting nakikipag-usap kay Teniente Javier.
"Kung iyon ay gusto mo, Teniente Javier."
"¡Por supuesto! Hindi ako tatanggi lalo na't isang Don Rafael Figuero ang nang-aayaya sa akin." iniangat ni Teniente Javier ang suot na casco. "Kami'y aalis na, Don Rafael, Señor Alonzo."
"Mag-ingat kayo, Teniente Javier." magiliw na sabi ni Alonzo.
Tumango si Teniente Javier bago sila umalis.
Nang tuluyan na silang makaalis ay isang malakas na sampal ang binigay sa akin ni Papa na dahilan kung bakit ako natumba sa sahig.
"Que vergüenza, Celestina!" madiing sabi ni Papa. "Nagawa mo pang kasangkapan ang iyong kapatid upang ika'y makatakas!"
Pinigilan kong tumulo ang aking luha at matapang na sinalubong ang tingin ni Papa.
"Ang lakas ng loob mong salubungin ang aking tingin!" muli'y nakatanggap ako ng sampal kay Papa. Nalasahan ko ang dugo na galing sa sugat sa aking labi. "Wala kang galang sa akin na iyong ama!"
"Hindi ko naman po kayo ama. Si Danillo Eustaquio ang aking ama." pabalang kong sagot kay Papa. Mas mabuting malaman ni Papa kung sino ang mas tinuturing kong ama.
"Aba't—"
Pinigilan ni Alonzo si Papa nang tangka nito na sampalin ako. "Don Rafael, tama na po iyan."
"Kailangan na disiplinahin ang anak ko, Señor Alonzo. Mukhang hindi siya nadisiplina ng kinalakihan niyang ama."
Kumuyom ang aking kamay.
"Ngunit, Don Rafael, kailangan mong kumalma. Baka tumaas ang iyong dugo."
Huminga ng malalim si Papa. "Hindi ka na makakaalis ng bahay na ito, Celestina. Makakalabas ka lang dito sa araw ng kasal ninyo ni Señor Alonzo." at iniwan na kami ni Papa.
Yumuko si Alonzo sa harapan ko at ngumiti ng pakatamis. Madiin din niyang hinawakan ang aking pisngi. "Hindi ba't sabi ko sa iyo ay akin ka lang. Tingnan mo, tumakas ka ngunit binalik ka dito dahil alam ng Dios na akin ka. Pinagod mo pa ang sarili mo sa pagtatago ng mahigit isang buwan." at marahan niyang pinunasan ang dugo sa aking labi. "Kung hindi ka umalis, hindi mo sana nararanasan ito." binitawan niya ako. "Sana'y magsilbing tanda ito sa iyo at huwag mo na ulit uulitin ang kalokohang ginawa mo."
Mariin akong napahawak sa aking saya sa labis na galit nang iniwan na ako ni Alonzo. Mas pipiliin kong paulit-ulit na tumakas at masaktan ng pisikal kaysa matali sa kanya.
"Señorita Celestine!" lumapit sa akin si Rosa at inalalayan akong tumayo.
"Nandito ba si Esmeralda?" marahang tumango si Rosa. "Gumawa ka ng paraan upang kami'y magkita." tiyak akong hindi kami ipagkikita ni Papa. Nais kong makausap si Esmeralda at gagawa ako ng plano para pareho kaming dalawa na makatakas sa lugar na ito.
------
"Señorita, dumating na po ang pamilya Ferrer."
Hindi na ako nag-abalang lingunin si Rosa at hinayaan ko ang aking sarili na tumingin sa labas. "Rosa..."
"Bakit po, Señorita Celestine?"
Hinaplos ko ang alaga kong pusa na si Celestina. Akala ko'y nakalimutan na ako ng aking alaga. "Maaari bang ipadala mo ito sa hacienda Pelaez?" inilahad ko ang sobre na naglalaman ng liham ko para kay Simoun.
Kinuha ni Rosa ang sobre. "Señorita..."
Muli akong tumingin sa labas. "Nakatitiyak akong babalik si Simoun sa kanila. Itatakas niya ako dito." sigurado akong mababalitaan ko na umuwi na si Simoun sa kanila. Hindi siya makakapayag na maikasal ako kay Alonzo.
"Señorita, gagawa po ako ng paraan para maipadala ito sa kanila."
Matipid akong ngumiti. Mananalangin ako na sana'y mabasa iyon kaagad ni Simoun. "Si Esmeralda, kumusta na siya?"
"Ganoon pa rin po. Maghapong nagbabasa ng libro o bibliya at minsa'y umiiyak. Sinisisi ang kanyang sarili dahil sa nangyayari sa iyo ngayon."
Nalungkot ako sa sinabi ni Rosa. Ganoon ang palaging ginagawa ni Esmeralda simula nang dumating ako dito. Nagkukulong sa kanyang silid at lumalabas lang kapag kailangan gumamit ng palikuran. Nagpadala ako ng sulat para sa kanya at sinabi kong wala siyang kasalanan sa nangyayari sa buhay ko ngayon ngunit wala siyang tugon.
"Señorita, lumabas na po kayo ng iyong silid. Baka po masaktan kayo ni Don Rafael kapag hindi ka pa lumabas."
Tumango ako at hinayaang umalis si Celestina. Tumayo ako at huminga ng malalim. Nauna akong lumabas kay Rosa. Kanina ay inayusan niya ako. Pinilit kong magsuot ng kulay itim na damit para maipahiwatig ko sa kanila na sa oras na ikasal ako kay Alonzo ay umpisa na rin ng unti-unti kong pagkamatay. Tanging ang choker na binigay sa akin ni Lola Glenda ang suot kong aksesorya.
"Señorita, ang iyong pamaypay."
Inabot ko ang kulay itim kong pamaypay. Pumunta ako sa salas at naroon sina Papa, Don Crisostomo, Doña Josefa at Alonzo.
"Nandito na pala ang iyong anak, Don Rafael!" magiliw na sabi ni Doña Josefa.
Umupo ako sa sopa na kung saan nakaupo si Alonzo dahil iyon na lamang ang bakanteng pwesto. May malaking puwang sa gitna namin.
"May kaibigan ka bang namayapa kaya ganyan ang kulay ng iyong kasuotan, hija?" tanong ni Doña Josefa.
"Maaga lamang po akong nagluluksa sa darating na pag-iisang dibdib namin ng inyong anak. Bawal namang magsuot ng itim sa araw na iyon kaya marapat lamang na ngayon ko na iyon gawin, tutal ay muli kayong namamanhikan ngayon."
"Celestina!"
Tumawa ng malakas si Don Crisostomo. "Mapagbiro ang iyong anak, Don Rafael."
"Tama ka, mi amigo!"
"Mas mainam siguro na malaman ng mga bata ang mga hilig nila para naman hindi sila nangangapa kapag kinasal na sila." pagmumungkahi ni Doña Josefa sabay baling ng tingin sa akin. "Hija, anong mga hilig mo?"
"Magbasa ng libro." walang gana kong sagot.
"Pareho tayong mahilig magbasa ng libro." masayang sabi ni Alonzo.
"Aah, ganoon ba?"
"Ano naman ang mga binabasa mong libro?"
"Mga katulad ng akda ni Doktor Rizal." palihim akong ngumisi ako nang mawala ang ngiti sa labi ni Alonzo. "Biro lamang. Mga kwentong pag-ibig na marahil ay imposibleng mabasa dito dahil nakasalin ang kwento sa wikang Ingles."
"Ang sabi sa akin ng kaibigan ko'y maganda ang mga akda ni Shakespeare."
Tumango na lang ako.
"Anong paborito mong kulay, bulaklak?"
Bigla kong naalala si Simoun. Noong magkasama kami'y tuwing umaga ay binibigyan niya ako ng orkidia, araw-araw. Nang dahil kay Simoun nagkaroon ako ng paboritong bulaklak at iyon ay ang orkidia.
"Señorita Celestina, bakit ka umiiyak?"
Bigla akong natauhan at napahawak ko sa aking pisngi. Umiiyak nga ako. Pilit akong ngumiti. "Bigla ko lamang naalala ang aking Mama. Tuwing umaga ay pumipitas kami ng rosas sa kanyang hardin."
"Marahil ay nangungulila ka sa tinuring mong ina."
"Ganoon nga po, Doña Josefa." bumuntong hininga ako. "Rosas ang paborito kong bulaklak. Kung kulay naman, wala akong paboritong kulay." ang totoo ay naging paborito ko ang kulay luntian Nagsimula iyon nang nagpanggap akong si Esmeralda. Karamihan ng gamit niya ay kulay luntian.
"Señorita Celestina—"
"Kung tatanungin mo kung anong paborito kong awit, wala." pangunguna ko kay Alonzo. Pawang mga kasinungalingang ang mga sagot ko sa katanungan niya.
"G-Ganoon ba?"
Tumango na lang ako at marahan akong nagpaypay.
"Señorita Celestina, maaari ka bang sumayaw ng baley para sa amin?"
Nilingon ko si Don Crisostomo at marahang umiling. "Paumanhin ngunit hindi na ako sumasayaw ng baley. Para sa akin ay wala nang saysay na sumayaw ng baley kung hindi naman ako makakapunta sa Pransya para lalong humusay akong sumayaw." wala nang saysay pang sumayaw kung hindi ko makakasama ang taong mahal ko.
"Sayang naman, anak, kung hihinto ka." nanghihinayang na sabi ni Papa.
"Mas mainam na lamang na nasa silid ako kaysa sumayaw ng sumayaw."
"Don Rafael, kailan ang byahe ni Señorita Esmeralda papuntang España?"
Napalingon ako kay Papa. Aalis ng Filipinas si Esmeralda!
"Pagkatapos ng kasal ni Señor Alonzo at Celestina. Mahirap na, baka mangyari ang nangyari noong nakaraang buwan."
Kailangan ko na talagang makaisip ng plano para makatakas kami ng kakambal ko. Kung pupunta ng España si Esmeralda, iyon ay dahil malaya na siya sa kamay ng aming Papa.
"Don Rafael, nandito na po si Padre Procopio."
Halos sabay-sabay kaming tumayo nang makaakyat na si Padre Procopio. Ako ang huling nagmano sa prayle.
"Nasaan si Señorita Esmeralda?"
"Nasa kanyang silid, Padre, maagang natulog." sagot ni Papa.
"Nakakalungkot naman at hindi makikita ang aking paboritong inaanak."
Tumingin ako sa gawi ng silid ni Esmeralda. Tiyak akong naririnig niya kami ngayon dahil malakas ang pagkakasalita ni Padre Procopio. Hindi ko lamang alam kung nais niyang makasama sa pagtitipong ito.
Sumunod ako sa kanila papunta sa komedor. Pinatabi ako nila Papa kay Alonzo at wala akong magagawa kundi ang pagbigyan sila.
"Nakakatuwang tingnan kayong dalawa. Talagang nababagay para sa isa't isa." magiliw na sabi ni Padre Procopio na sinang-ayunan nila Papa.
Abo't tenga ang ngiti ni Alonzo, samantalang ako ay nakayuko lamang. Nagpapakita ng pagkadisgusto sa mga sinasabi nila.
Nag-alay ng dasal si Padre Procopio bago kami nag-umpisang kumain. Wala akong gana at tahimik lamang na kumakain. Hindi ako sumasali sa kanilang usapan. Minsan ay nilagyan ako ni Alonzo ng isang hiwa ng inihaw na manok na labis namang ikinatuwa ng mga kasama namin. Hindi ko mawari kung pagpapakitang tao niya lang ba ito o sadyang nagmagandang loob siyang lagyan ako ng pagkain.
"Balita ko'y bumalik na ang suwail na anak ni Don Julian Pelaez."
Natigilan ako sa sinabi ni Padre Procopio. Para akong nabuhayan. Sabi na nga't susunod si Simoun!
"Sino po sa dalawang binata, Padre?" tanong ni Don Crisostomo.
"Si Señor Linares."
Biglang nabawi ang sayang naramdaman ko ngayon. Hindi si Simoun ang bumalik sa Hacienda Pelaez. Isang masakit na maling akala.
"Mabuti't naisipan pang bumalik ng panganay nilang binata." medyo walang ganang sabi ni Papa. Malamang dahil wala siyang interes sa angkan ng Pelaez.
"Ayon sa aking criada ay bumalik si Señor Linares na may kasamang nagdadalangtao na babae. Asawa raw nito." uminom ng alak si Padre Procopio. "Akalain ninyo't nakalimot na siya sa pag-ibig niya sa nawawalang si Señorita Victoria."
"Nagkaroon ka ng madaldal na criada ngayon, Padre Procopio."
"Siyang tunay, Doña Josefa. Pinagbibigyan ko lang na magdaldal dahil natutuwa ako sa pamamaraan ng kanyang pagkwento."
Napilitan akong kumain nang lagyan muli ni Alonzo ng ulam ang aking pinggan. Sinabihan ko na nga siya na busog na ako'y patuloy pa rin sa paglagay ng pagkain.
"At alam ninyo bang ang akala nating isang erehe ay darating bukas dito sa San Carlos." parang nais talaga iyon iparinig sa akin ni Padre Procopio.
"Sino? Si Señor Simoun?"
Nagpatuloy lang akong kumain. Marahil ay may iba pa naman silang sinasabihang erehe bukod kay Simoun.
"Tama ka, Don Rafael, si Señor Simoun nga. Nanggaling pala siya sa España at kararating lang kanina sa Maynila." muling bumalik ang pag-asang naramdaman ko kanina ngunit bigla ring nawala nang marinig ko ang sunod na sinabi ni Padre Procopio. "At malapit na rin siyang ikasal."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top