Capitulo Treinta y Cuatro


Capitulo Treinta y Cuatro:



"P-Papa?"

Huminto si Papa sa kanyang binabasa at umangat ang kanyang tingin. "Ano iyon, Celestina?"

"Maaari na po ba akong lumabas ng bahay na ito upang makapaglibot?" mariin kong hinawakan ang aking kamay. Nagbabakasakali lang ako na baka pumayag na si Papa na makalabas ako. Gusto ko nang makalabas-labas. Matagal akong pinagmasdan ni Papa na tila ba'y may kung anong bagay na nakikita sa akin. Medyo nakadama na rin ako ng pagkailang. "Papa?"

Bumalik ang atensyon ni Papa sa binabasa. "At bakit mo naman nais na lumabas ng bahay? Anong gagawin mo naman sa labas?"

Dahan-dahan akong umupo sa katapat na upuan ni Papa. "G-Gusto ko pong maglibot-libot. Pwede po akong samahan ni Rosa para hindi ka mag-alalang ako'y tatakas."

"Ako'y walang tiwala kay Rosa dahil naging kasangkapan mo siya noon nang ika'y palihim na nakipagkita kay Simoun Pelaez."

Napayuko ako. Mukhang wala akong pag-asang makalabas ng bahay at makakaalis lang dito sa araw ng kasal ko kay Alonzo. Hanggang asotea na lamang ako. Huminga ako ng malalim bago tumayo at naglakad palabas ng opisina ni Papa.

"Papayagan kitang lumabas."

Biglang umaliwalas ang aking pakiramdam at lumingon ako kay Papa. "Talaga po?" napakalawak ng ngiti sa aking labi.

"Kung kasama mo si Señor Alonzo. Sa kanya ay palagay ang aking loob dahil sigurado akong ikaw ay hindi muling maglalayas o tatakas at hindi makikipagkita ng palihim sa Pelaez na iyon."

Unti-unting nawala ang ngiti sa aking labi. Kung si Alonzo ang aking makakasama sa paglilibot, parang mas pipiliin kong magkulong na lamang sa aking silid at paulit-ulit na basahin ang librong pinababasa sa akin ng maestrang nagtuturo sa akin ng wikang Español.

"Bakit ganyan ang iyong mukha? Parang hindi ka natutuwa na makakasama mo sa paglilibot ang iyong novio. Hindi ba't magandang tingnan na magkasama kayong dalawa?"

Pigil ang pagngiwi ko. Kahit kailan ay hindi ko kinonsiderang nobyo ko si Alonzo. Oo, tinanggap ko ang kanyang pagmamahal sa akin at masasabing nobyo ko na siya ngunit parang may pumipigil sa akin na mahalin siya. Pilit akong tumango at ngumiti. "S-Sige po babalik na ako sa aking silid, Papa."

"Sige."

Tahimik akong lumabas ng opisina ni Papa. Habang naglalakad ako papunta sa kwarto ko ay napahinto ako sa tapat ng silid ni Esmeralda. Hindi pa kami nagkikitang dalawa. Lumalabas lamang siya kapag nasa loob ako ng aking silid. Huminga ako ng malalim at marahang kumatok sa pintuan ng kanyang kwarto. "Esmeralda... Mag-usap naman tayo. Labis akong nalulumbay, kailangan kita sa tabi ko." walang tugon galing sa kakambal ko. Muli akong kumatok ngunit katulaf kanina ay wala pa rin. Bumuntong hininga ako at napasandal sa pintuan. "Me haces mucha falta. ¿Cuádo nos vemos?"

Dahil walang tugon mula kay Esmeralda ay para akong pinagsakluban ng langit at lupa habang naglalakad papunta sa aking silid. Gusto kong makasama ang aking kakambal. Gusto ko siya makakwentuhan katulad ng palagi naming ginagawa noon. Kung sinisisi niya ang kanyang sarili sa nangyayari sa akin ngayon, wala siyang kasalanan. Biktima lang din siya.

Nang makapasok ako sa aking silid ay agad akong humiga sa kama. Tumabi naman sa akin si Celestina. Napuno na naman ng sakit at pait ang aking puso dahil naalala ko ang taong nagregalo sa akin ng pusang ito. Bumuntong hininga ako at marahan kong hinaplos si Celestina. "Dapat ay galit ako sa'yo, Celestina, dahil kay Simoun ngunit hindi ko magawang magalit d-dahil ikaw na lamang ang buhay na alaalang galing kay Simoun. Na kahit sinaktan niya ang aking puso ay siya pa rin ang tinitibok nito." tinuro ko ang tapat ng aking puso. "Bakit ganoon?"

Tanging pag-meow lang nito ang naging tugon sa aking tanong. Nagsumiksik ito sa aking leeg na para bang gusto nitong pagaanin ang aking loob.

"'Yung nilalang na 'yon, sobra ang pangungulila ko sa kanya. Kung siguro nasa hinaharap lang tayo at nasa pangangalaga ako ng tinuring kong magulang, magiging madaling ipaglaban ang pagmamahalan naming dalawa. Tiyak akong hahayaan ako ni Papsi na ibigin si Simoun sa oras na sabihin kong hahalili ako sa posisyon sa aming kompanya." huminga ako ng malalim at tumingin sa puting kisame. "Nakakainis na buhay ito!" naiinis kong sigaw na hindi ko alam kung iyon ang dahilan kung bakit may kumatok sa pintuan ng kwarto ko. "Pasok."

"S-Señorita..."

Nang makita ko kung sino ang pumasok ng aking silid ay binaling ko muli ang aking tingin sa kisame. "Anong kailangan mo, Rosa?"

"P-Pinabibigay po ni Señorita Esmeralda. Kagabi niya po ito inabot sa akin, ngayon lang po ako nagkaroon ng pagkakataong maibigay ito sa iyo."

Nilingon ko si Rosa. May hawak siyang sobreng kulay puti. "Akin na." agad namang binigay sa akin ni Rosa ang sobre. "Maaari ka nang umalis."

Tinanguhan ako ni Rosa bago lumabas ng aking silid. Simula nang natanggap ko ang liham ni Simoun at malakas kong nasampal si Rosa ay naging mailap na ito sa akin. Ilag sa tuwing lumalapit ako at kung minsan ay ako na rin ang umiiwas sa kanya. Bumuntong hininga ako. Si Rosa, iniiwasan ako tapos si Esmeralda, ayaw magpakita sa akin. Wala na ba akong makokonsiderang kakakampi dito sa bahay?

Binuksan ko ang sobre. Umalis naman sa tabi ko si Celestina kaya nagkaroon ako ng pagkakataong umupo. Huminga ako ng malalim bago basahin ang liham ng aking kakambal.



Ika-20 ng Oktubre 1893

Celestine,

Aking kakambal, ako'y nanghihingi ng tawad sa aking nagawa sa iyong buhay. Labis-labis ang aking kasalanan sa iyo ay hinding-hindi ko mapapatawad ang aking sarili. Paumanhin rin kung ako'y hindi nagpapakita sa iyo o ni kausapin ka. Ako'y nahihiya sa iyo. Wala na akong mukhang maiharap sa iyo.
Ngayong gabi ang aking alis papuntang España. Pumayag si Papa na ako'y makaalis ng Filipinas. Hindi ko alam kung kailan ako babalik o baka hindi na rin. Paumanhin kung ika'y aking iiwanan. Hindi ko lang talaga kayang tumagal dito sa atin dahil pakiramdam ko'y hindi na ako nababagay dito.
Alagaan mo ang iyong sarili at sana'y lumaya ka na sa nais ng ating ama. Hanggang dito na lang.
Paalam aking kakambal.

Esmeralda



Pumatak sa liham ni Esmeralda ang luha ko. Ang nag-iisang kakampi ko sa pamilyang ito ay tuluyan na akong iniwan. "B-Bakit, Esmeralda?"


------


Marahan akong bumuntong hininga. Wala sa binabasa ko ang aking atensyon. Masyado akong malungkot dahil sa pag-alis ni Esmeralda. Bakit ba ako iniiwan ng mga taong mahal ko? Una, si Simoun, bumitaw siya at dala-dala pa rin niya ang aking puso. Ngayon si Esmeralda, ang kalahati ng pagkatao ko. Hindi ko alam kung bakit ganito ang nangyayari sa buhay ko. Sobra ko bang malas?

Pinilit kong binalik ang aking atensyon sa nilalaman ng librong hawak. Napakurap ako nang biglang may sumulpot na isang pulang rosas sa harapan ko. Nilingon ko ang taong humahawak sa rosas. Parang lalo akong nalungkot. "Alonzo." pilit akong ngumiti at kinuha ang rosas.

"Nagustuhan mo ba ang munting handog ko sa iyo?" inabot niya ang aking kamay at hinalikan ito. Marahan akong tumango na lalo niyang ikinatuwa. "Kumusta ang iyong araw?"

Umiwas ako ng tingin. "Malungkot."

"Bakit malungkot ang aking sinisinta?"

"Umalis si Esmeralda na hindi man lang nagpaalam sa akin. Sa España na daw siya titira." gusto kong sabihin ang isa pang dahilan kung bakit ako labis na malungkot. Ayokong magalit si Alonzo na maging dahilan ng aming bangayan o away. Hindi ko inaasahan ang pagtakas ng luha mula sa aking mata.

"Huwag ka nang umiyak, Celestina." marahan niyang pinunasan ang luha sa aking pisngi. "Hindi ba't mas labis akong nasasaktan kapag ikaw ay umiiyak. Ganito na lang, pumunta tayo sa pamilihan. Tiyak akong may magugustuhan ka doon. Ipagpapaalam kita kay Don Rafael. Gusto mo ba iyon?"

Marahan akong tumango bago ako iniwan ni Alonzo. Ipinatong ko sa mesa ang librong hawak ko at tiningnan ko ang rosas na binigay sa akin ni Alonzo. Hindi ko gusto ang rosas. Mas gusto ko ang orkidia na binibigay sa akin ni Simoun.

Simoun

Mariin akong napapikit. Celestine, alisin mo sa iyong isipan si Simoun. Nakipaghiwalay na nga siya sa iyo sa pamamagitan ng liham. May pakakasalan na siya at mas pinili niya ang binibining iyon. Bakit niya pinili ang babaeng iyon? Muli'y may tumulong luha sa aking pisngi. Ang sakit pala. Ayokong alisin sa aking isipan si Simoun.

"Celestina..."

Dahan-dahan akong dumilat at mapait akong ngumiti. "Hindi ba ako kagandahan, Alonzo?"

Hinawi ni Alonzo ang hibla ng buhok na nakatabing sa aking mukha. "Ikaw ay napakagandang binibini, Celestina. Lahat ng binatang nakakasalubong o makita ka ay nabibighani sa iyo. Bakit mo naman natanong iyan?"

"Bakit niya ako pinagpalit sa babaeng iyon?"

Kitang-kita ko ang mabilis na pagdaan ng galit sa kanyang mata. "Dahil isa siyang tonto. Hindi niya nakita ang kahalagahan mo at naghanap pa siya ng iba." hinawakan niya aking kamay at ngumiti ng matamis. "Sinasabi ko sa aking sarili na napakaswerte kong lalaki dahil papakasalan ko ang pinakamagandang dilag sa buong mundo." marahan niya akong itinayo at pinunasan ang luha sa aking pisngi. "Tayo'y pumunta na sa pamilihan bago pa tayo abutan ng gabi. Eksaktong araw ng pamilihan ngayon, maraming tinda doon na galing sa karatig-bayan."

Nagpatangay na lang ako kay Alonzo. Inalalayan niya akong makasakay ng kalesa. Paminsan-minsan ay nagkukwento si Alonzo. Matipid naman akong tumutugon sa kanyang kwento.

Siguro'y mahigit sampung minuto ang binyahe namin bago kami nakarating sa pamilihan. Kahit hapon na ay marami pa rin ang mamimili. Hinawakan ni Alonzo ang aking kamay at iginiya niya ako sa mga nagtitinda ng mga aksesorya.

"Bagay ito sa iyo." pinakita sa akin ni Alonzo ang isang peineta na may disenyong paru-paro.

Ngumiti na lang ako at nagpatuloy na tumingin sa mga peineta. Nawala ang ngiti sa labi ko nang makita ko ang isang peineta. May disensyo itong bulaklak na mukhang gawa sa mamahaling bato. Parang tubig sa ilog na rumagasa ang mga alaalang biglang pumasok sa aking isipan. Kinuha ko ang peineta.


"Nababagay sa iyo itong peineta, aking orkidia." inilapit niya sa buhok ko ang peineta. "Magkano po ito?" tanong ni Simoun sa tindera na agad namang sinagot ng tindera. Nawala ang ngiti sa labi ni Simoun at ibinalik ang peineta sa mesa. "Sa susunod na pagpunta natin, bibilhin ko na iyan para sa iyo."


Palihim akong mapait na ngumiti. Ang mga alaalang dapat ko nang kalimutan.

"Gusto mo ba ang peinetang iyan?" tanong ni Alonzo sa akin.

Marahan akong umiling at binalik sa mesa ang peineta. Nauna akong umalis na agad namang nakasunod sa akin si Alonzo.

"Sa tindahan ng mga kasuotan, tiyak akong may magugustuhan ka doon."

Sinundan ko ang tinuro ni Alonzo. Umiling ako. "Wala akong nais na bilhin. Ang gusto ko lang ay ang maglibot."

Tumabingi ang ngiti sa labi ni Alonzo. "Ganoon ba?"

Nagpatuloy kaming maglakad. Patuloy rin na pumapasok sa aking isipan ang peineta. Medyo malayo na kami sa tindahang iyon nang nakapagdesisyon ako. Huminga ako ng malalim. "Binabawi ko na ang aking sinabi. May nais akong bilhin."

"Ano iyon?"

"Peineta." halos bulong kong sagot at nagmadaling bumalik sa tindahang iyon. Hinihingal ako nang makarating sa tindahan at gumuhit ang ngiti sa labi ko na agad ding napawi. Wala ang peinetang nais kong bilhin. "N-Nasaan ang peinetang may disenyong bulaklak?"

"Naku po, binibini! May binatang nakabili na ng peinetang sinasabi mo."

Lalo akong nalungkot. Wala na ang gusto kong peineta.

"Pwede bang gumawa kayo ng katulad ng peineta na iyon?" tanong ni Alonzo sa tindera.

Marahang umiling ang tindera. "Ang sabi ng binatang bumili ng peineta ay huwag na kami gumawa ng katulad ng peineta na iyon dahil gusto niya na ang asawa lang niya ang nagmamay-ari ng ganoong peineta."

"Ganoon po ba?" para akong nawalan ng lakas. Pati pa naman peineta ay ayaw sa akin. "Umalis na tayo, Alonzo." paulit-ulit akong bumuntong hininga. Napalingon ako kay Alonzo nang hawakan niya ang aking kamay.

"Hayaan mo't magpapagawa ako ng peinetang mas maganda doon."

Matipid lang akong ngumiti. Medyo nailang ako dahil pakiramdam ko'y may sumusunod sa aking mga mata.

"May kainan dito na tiyak akong magugustuhan mo. Dinadayo ng mga Ilustrado ang kainang iyon."

Marahan akong tumango at magkahawak kamay kaming nagpatuloy maglakad. Natigilan ako nang makita ko ang isang tao na napahintong maglakad, ilang hakbang ang layo sa amin ni Alonzo.

"S-Simoun..." mahinang bigkas ko sa pangalan niya. Parang piniga ko ang puso ko nang may isang babaeng humawak sa braso niya at parang tinusok ng maraming karayom ang puso ko nang makilala ko kung sino ang babaeng iyon.

"Señor Simoun, nais kong puntahan ang tindahan ng mga sinulid."

Si Esperanza.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top