Capitulo Treinta y Cinco
Capitulo Treinta y Cinco:
Tila ba'y tumigil ang aking mundo. Nandito siya sa aking harapan at may kasamang babae. Parang gusto kong humati ang lupa at tuluyan nang magpakahulog sa sobrang sakit ng nararamdaman ko. Gusto kong magwala ngunit hindi maaari dahil sa isang kaugalian sa panahong ito na hindi maaring gawin ng isang dalaga.
"Buenos tarde, Señor Simoun!" masiglang bati ni Alonzo kay Simoun. "Buenos tarde, Señorita!"
Ngumiti ng matamis sa amin si Esperanza na tila ba'y hindi nang-agaw ng kung ano. "Buenos tarde, Señor, Señorita Esmeralda. Masaya akong makita kang muli."
Palihim akong umismid. "Paumanhin ngunit hindi ako si Esmeralda. Ako ang kanyang kakambal. Celestina Figuero ang aking ngalan." gustong-gusto kong manakit ng tao. Hindi ko alam kung ano ang aking iaakto dahil sa patuloy na pagtitig sa akin ni Simoun. Bakit ba panay ang titig nito sa akin?
"Ikaw ang binibining palaging kinukwento sa akin ni Señor Simoun! Masaya akong makilala ka, Señorita Celestina." inilahad nito ang kanang kamay.
Pilit akong tinanggap ang kanyang kamay na agad ko rin namang binitawan. "Hindi naman ako ganoong kaimportanteng tao para ikwento ako sa iyo ni S-Señor Simoun."
"Siguro'y—"
"Kailangan na naming umalis." nauna na akong maglakad na agad namang sumunod sa akin si Alonzo. Nagpupuyos ang aking loob sa sobrang galit. Pinipilit ko lang na maging pormal ang aking mukha.
"Celestina, ayos lang ba ang iyong pakiramdam?" may pag-aalalang tanong ni Alonzo.
Hindi. "Oo, mabuti naman." pinilit kong ngumiti kahit ang totoo ay gusto kong umiyak.
"Gusto mo na bang umuwi?"
Mariin akong umiyak. Alam kong gusto ni Alonzo na ilibot ako dito at ayoko naman sayangin ang pagsisikap niyang mawala ang lungkot na nararamdaman ko. "Lumayo na lang tayo dito." halos pabulong kong sabi.
"Sigurado ka?"
Marahan akong tumango at nagpatuloy lang kaming naglakad. Humihinto kami sa mga tindahan na may mga magagandang aksesorya, mga gamit pantahi at mga damit. Hindi ko alam kung sa isip ni Alonzo ay naiinip na siyang samahan ako sa pagpili ng mga bagay-bagay na pagdating sa huli ay hindi ko bibilhin. Ayoko namang si Alonzo ang magbayad sa mga nais kong gamit kahit pa siya ang nag-aalok na bilhin iyon.
Napahinto ako sa paglalakad nang makakita ako ng isang libro na nakakuha ng aking atensyon. Ang Sleeping Beauty. Agad kong kinuha ang libro at binuklat ito. Napangiti ako. Nakakatuwa dahil hindi nakasalin sa wikang Español ang libro.
"Gusto mo—"
"Señor Alonzo!"
Sabay kaming napalingon ni Alonzo sa tumawag sa kanya. Isang may edad na nakapusturang lalaki na papalapit sa amin. "Don Crisanto." iniangat ni Alonzo ang suot niyang sumbrero.
"¿Cómo estás, Señor Alonzo?"
"Estoy bien. ¿Y tú?"
"Mabuti rin naman. Maaari ba kitang makausap ng tayong dalawa?" sandaling lumingon sa akin si Don Crisanto bago bumaling kay Alonzo.
Binalik ko na lamang ang atensyon ko sa libro. Hahayaan ko naman silang mag-usap.
"Celestina?"
Umangat ako ng tingin. "Hmn?"
"Maaari bang iwan kita dito sandali?" bakas sa mukha ni Alonzo ang pag-aalala.
Pag-aalalang bigla akong mawala dito.
Marahan akong tumango. "Maaari naman. Titingin pa ako ng librong nais kong basahin."
Hinaplos ni Alonzo ang aking mukha at magaan akong hinalikan sa noo. "Babalik kaagad ako." bumaling siya kay Don Crisanto at sabay silang naglakad papalayo sa akin.
Bumaling ako sa mga librong tinitinda. May mga librong dapat ay babasahin ko noong nasa hinaharap akong panahon. Isa-isa kong pinatong ang mga librong nais kong bilhin nang biglang may humila sa akin papalayo sa tindahan.
Nang makita ko kung sino iyon ay agad akong nagpumiglas. "Bitawan mo ako!" ngunit parang wala itong narinig. Patuloy ito sa paghila sa akin hanggang sa mapunta kami sa likod ng isang tindahan. "Ano ba?" sa wakas ay nabawi ko na ang aking kamay.
"Ano itong nakikita ko, Celestine?"
Sinalubong ko ang tingin ni Simoun. "Ano bang nakikita mo? Hindi ba't ako? Aba! Matakot ka kung ibang tao ang nakikita mo sa akin."
"Celestine!"
"Maaari na ba akong umalis? Baka hinahanap na ako ni Alonzo."
"Celestine! Ako ang asawa mo pero sumasama ka sa lalaking iyon at nakikita kong hinahalikan ka niya sa iyong noo."
"Asawa? Sa pagkakaalam ko ay pinutol mo na iyon. Ikakasal ka na sa ibang babae at tinanggap ko naman ang alok ni Alonzo na pakakasalan niya ako."
Kumunot ang kanyang noo. "Anong pinagsasabi mo? Sumama ka na sa akin at babalik na tayo doon sa kuta." hinawakan niya ang aking kamay na agad ko namang binawi.
"Ayokong sumama sa iyo. Doon ka na kay Esperanza."
"Celestine, walang ginagawang masama si Esperanza dito."
"Huwag ako, Simoun. Doon ka na kay Esperanza tutal siya naman ang magiging legal mong asawa samantalang ako, mabubuhay na nasasaktan." tinalikuran ko siya. Bago pa ako makalakad ay agad niya akong hinila at ipinid niya ako sa pader. Ang sakit ng pagbangga ko sa pader kaya napadaing ako. "Ano ba!"
"Ano bang pinagsasabi mo? Hindi kita maintindihan."
"Ikaw ang hindi ko maintindihan!" tumulo ang luha sa aking pisngi. "Ikakasal ka na 'di ba? Bakit pa ako sasama sa iyo? Pinaglalaban kita kina Papa ngunit magigising ako isang umaga, makakatanggap ng isang liham mula sa iyo na naglalaman na kalimutan na kita."
Kumunot ang kanyang mukha at lumuwag ang pagkakahawak ni Simoun sa aking kamay. "Hindi totoo ang iyong sinasabi—"
Malakas ko siyang sinampal at patakbong lumayo kay Simoun. Ako pa ang hindi nagsasabi ng katotohanan? Ang galing rin ano? Pinunasan ko ang luha sa aking pisngi. Nakita ko kaagad si Alonzo na mukhang hinahanap ako kaya nagmadali akong lumapit at sinalubong ito ng yakap.
"Celestina, bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong ni Alonzo sa akin.
"Gusto ko na umuwi." hindi ko pinansin ang mga tingin sa akin ng mga tao.
Magaan niyang pinunasan ang luha sa aking pisngi. "Ihahatid na kita sa inyo." at inalalayan niya ako papunta sa sinakyan namin na kalesa kanina.
Napalingon ako sa gawi ng pinanggalingan ko kanina. Nakita ko si Simoun na nakatanaw sa amin at puno ng sakit ang kanyang mata. Hindi ko mawari kung bakit ganyan ang nakikita ko sa kanya. Huminga na lamang ako ng malalin bago sumakay ng kalesa. Marapat lamang na alisin ko sa aking isipan si Simoun.
----
"Anak!"
Nilingon ko si Papa at nakangiti siyang papalapit sa akin. Agad akong tumayo. Hindi ko maintindihan kung bakit abot tenga ang ngiti sa labi ni Papa. Gumanti na lamang ako ng ngiti. "Bakit Papa?"
"May maganda akong regalo sa iyo!" may inabot sa akin si Papa na isang kahon.
Agad kong binuksan ang kahon at tumambad sa akin ang isang pares ng pointe shoes. Nawala ang ngiti sa aking labi. Bakit ako niregaluhan ni Papa ng pointe shoes?
"Nagustuhan mo ba, Celestina?"
Pilit akong ngumiti. Inilabas ko ang sapatos. Isang napakagandang sapatos ito.
"Naisip kong bilhin ang sapatos na iyan baka sira na iyong sapatos kaya hindi ka na sumasayaw at upang makita kita muling sumayaw ng baley."
Ibinalik ko ang sapatos sa kahon at inabot ito kay Papa. "Paumanhin, Papa, ngunit hindi na muli akong sasayaw. Mas nanaisin ko na lamang na magbasa o magtahi kaysa ang sumayaw." simula nang matanggap ko ang liham mula kay Simoun, sinabi ko sa aking isipan na hindi na muli akong sasayaw dahil si Simoun ang dahilan kung bakit nagpatuloy ako sa pagsayaw. Sabay ng tuluyan niyang pagwasak ng aking puso ay ang pagwasak ng aking pangarap bilang mananayaw.
"Ngunit sayang ang iyong talento." nanghihinayang na sabi ni Papa. "Nais ko lamang na makita kang masaya habang sumasayaw."
"Hindi na muli akong sasaya, Papa." tinalikuran ko ang aking Papa at naglakad palayo sa kanya.
"Bakit hindi mo buksan ang iyong puso para kay Señor Alonzo?"
Napahinto ako sa paglalakad at huminga ng malalim. "Sinubukan kong pag-araling mahalin siya ngunit mahirap, Papa. Hindi ko kaya."
"Hayaan mong ipakita niya sa iyo kung gaano ka niya kamahal at nang maging masaya ka sa piling niya."
Hindi na lang ako tumugon sa minumungkahi ni Papa. "Matutulog na po ako." at naglakad pabalik sa aking silid. Makikita sa loob ng silid ang mga librong, mga binurda ko at mga liham ni Simoun na nakakalat sa sahig at paulit-ulit binabasa. Umupo ako sa sahig at isa-isang kinuha ang mga liham at niyakap ko iyon. Dapat ay sinunog ko na ang mga liham na ito ngunit hindi ko magawa. Mananatili na lamang na nakatago sa munting baul ang kanyang mga liham sa akin. Magsisilbing masayang alaala mula sa kanya.
Hindi ako pumapayag na magpapasok ng maglilinis ng aking silid. Tanging si Rosa na lamang ang criada namin na pinapayag kong pumasok dito ngunit bihira lang din itong pumunta dito. Ako din ang naglilinis ng aking silid na sa tuwing makikita ni Papa na kumukuha ako ng walis at basahan ay sinasaway niya ako.
Huminga ako ng malalim at niligpit ang mga liham ni Simoun. Inilagay ko sa itaas ng aparador ang maliit na baul. Napansin ko ang kulay rosas na laso sa ilalim ng kama. Agad akong lumapit at nang hilain ko iyon ay lumabas mula sa ilalim ng kama ang isang pares ng pointe shoes. Ang pointe shoes na niregalo sa akin ni Simoun. Marahan kong hinaplos ang sapatos sabay rin ng pag-upo ni Celestina sa aking binti.
Grabe ba ang pangungulila ko kay Simoun kaya sabay-sabay nagpakita sa akin ang mga bagay na nagpapaalala sa kanya?
Inalis ko sa aking binti si Celestina at humiga ako sa kama. Nakapa ko ang isang papel. Nang tingnan ko ang papel ay lalo akong nalungkot. Ang liham ni Simoun na naglalaman kung gaano niya ako kamahal. Niyakap ko ang liham at nagsimula nang tumulo ang luha sa pisngi ko. Unti-unti akong pumikit habang humihikbi.
------
Isang magaang paghaplos sa aking mukha ang nagpagising sa aking diwa. Sobrang dilim na ng aking silid, marahil ay patay na ang sindi ng kandila. Sinubukan kong aninagin ang humaplos sa aking mukha. Nanlaki ang aking mata. Isa lalaki ang nasa loob ng aking silid! Sisigaw na dapat ako nang tinakpan nito ang aking bibig. Nagpumiglas ako ngunit inipit ako ng lalaki. Sobra akong natatakot dahil baka gawan ako ng masama nito.
"Celestine, ako ito. Si Simoun."
Nawala ang lahat ng takot na nararamdaman ko ngayon at huminto ako sa pagpupumiglas. Dahan-dahang inalis ni Simoun ang kanyang kamay sa aking bibig. Nagmadali akong umupo at lumayo sa kanya. "A-Anong ginagawa mo dito? Paano ka nakapasok sa aking silid?"
"Nais kitang makausap, aking orkidia."
Umiwas ako sa tangkang paghaplos ni Simoun sa aking mukha. "Ano naman ang ating pag-uusapan? Ang alam ko'y hindi na tayo maaari pang magkitang muli. Hindi ka ba natatakot na mahuli ka ni Papa dito sa aking silid?"
"Ginawa ko ang lahat upang makita ka ngayon. Nagawa kong magtago sa mga guardia personel na naglilibot sa paligid ng inyong bahay. Inakyat ko ang puno na magiging daan ko upang makapasok sa iyong silid."
Hindi ako lumingon kay Simoun. Niyakap ko ang aking sarili. Hindi ko alam kung pawang katotohanan ang kanyang mga sinasambit.
"Aking orkidia, nais kong maging malinaw ang lahat. Kahit kailanma'y hindi ako pumayag na pakasalan ang mga binibining nais ng aking mga magulang para sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit mo sinabi na ikakasal na ako kay Esperanza."
Dahan-dahan akong humarap sa kanya. Ako'y nalilito sa aking mga naririnig.
"At kahit kailan ay hindi ko ninais na ako'y kalimutan mo."
"N-Ngunit pinadalhan mo ako ng liham na nagsasabing ikaw ay ikakasal at marapat lamang na ikaw ay akin nang kalimutan. Iyon ang tugon mo sa liham na aking pinadala sa iyo."
Umiling siya. "Wala pa akong natatanggap na liham mula sa iyo magbuhat na ako'y bumalik dito sa ating bayan. Araw-araw akong nagpapadala ng liham ngunit wala kang tugon."
"Nagpadala ako ng liham para sa iyo at sigurado akong sa iyo galing ang liham na aking natanggap." nagmadali akong tumayo at sinindihan ang kandila upang makita ko ang aking paligid. Agad kong kinuha ang maliit na baul na naglalaman ng mga liham ni Simoun. Inisa-isa kong tiningnan ang mga liham hanggang sa nakita ko na ang aking hinahanap. Inabot ko iyon kay Simoun. "Ayan ang huling sulat na pinadala mo."
Agad na binasa ni Simoun ang nilalaman ng sulat. Napailing siya na parang hindi makapaniwala sa nabasa. "Hindi ito galing sa akin. Hindi ba't sa tuwing ako'y nagsusulat ng liham para sa iyo ay palaging pamungad ko ay ang 'mahal kong orkidia' o 'aking orkidia'? Dito sa liham ay hindi ganoon ang pamungad."
Unti-unti kong napagtanto na tama si Simoun. Napatampal ako sa aking noo. Ilang linggo akong nagpadala sa isang huwad na liham. Mga araw na puno ng sakit at hinagpis ang aking nararamdaman na pawang mga kamalian lamang pala. Masyado akong nagpaniwala sa sinasabi ng mga nasa paligid ko.
"I-Ibig sabihin ay hindi umabot sa iyo ang liham na pinadala ko?" halos bulong kong sabi.
"Oo, wala akong natanggap na liham."
Nagsinungaling sa akin si Rosa! Iyon pala ang dahilan kung bakit siya umiiwas sa akin. Hindi ko lang malaman kung kanino galing ang sulat na iyon.
Walang sabi-sabi ay yumakap ako ng mahigpit kay Simoun. Napawi lahat ng kalungkutan na aking nararamdaman lalo na nang gumanti siya ng yakap sa akin. "Paumanhin, Simoun."
"Paumanhin rin, aking orkidia." humigpit ang yakap niya sa akin at naramdaman ko ang magaang pagdampi ng kanyang labi sa aking uluhan.
Nagsumiksik ako sa kanya na pinararating kong ayoko nang malayo siya sa akin. Bigla akong lumayo sa kanya nang maalala ko ang babaeng kasama niya. "Bakit mo kasama kanina si Esperanza?"
Napangiti si Simoun at marahang pinisil ang tungkil ng aking ilong. "Sinamahan ko si Señorita Esperanza sa pamilihan upang mabili ang pagkaing nais niyang kainin. Siya'y tatlong buwan na nagdadalangtao sa una nilang supling ni Kuya Linares."
"S-Supling? Nagdadalangtao? Kuya Linares?"
Marahan siyang tumawa. "Esposa ni Kuya Linares si Esperanza. Ginanap ang kanilang kasal noong nakaraang buwan sa Simbahan ng Sto. Domingo. Simpleng kasalan lang daw iyon ayon kay Mama. Minadali ang preparasyon para daw bago lumaki ang tiyan ni Señorita Esperanza ay kasal na sila ni Kuya. Kung makikita mo lamang silang dalawa na magkasama, labis ang kanilang pag-iibigan."
Para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan dahil sa aking mga nalalaman. Muli akong yumakap sa kanya. "Ibig sabihin ba nito'y ilalayo mo ako sa lugar na ito?"
"Oo, lalayo tayo sa lugar na ito. Pinapangako ko iyon, aking orkidia."
Unti-unti akong pumikit at dinama ang yakap mula sa aking sinisinta. Panghahawakan ko ang pangako ni Simoun dahil alam kong tutuparin niya iyon.
"Mahal na mahal kita, aking orkidia."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top