Capitulo Diecinueve


Capitulo Diecinueve:



"Nag-aalinlangan ka ba na hindi kita tatanggapin kung sakaling hindi ikaw si Esmeralda?"

Hindi ako umimik. Hindi ko alam kung anong isasagot ko sa tanong ni Simoun. Kinakabahan ako sa magiging sagot ko sa kanya. Paano kung mali ang maisagot ko sa kanya?

Yumakap siya sa akin at naramdaman ko ang magaang halik niya sa uluhan ko. "Esmeralda, huwag kang matakot sa magiging reaksyon ko dahil minahal ko ang Esmeralda'ng nakilala ko ngayon at hindi ang Esmeralda noon. Kung sakaling hindi ikaw si Esmeralda, hindi ba't magandang bagay iyon? Hindi tayo maiipit sa away ng angkan namin at angkan ng Figuero."

Tumuwid ako ng upo. Kumandong ako sa kanya at yumakap ako sa kanya. "Ang hirap, Simoun." nahihirapan akong sabihin kung sino ba talaga ako. Gusto kong magtapat pero natatakot ako sa mangyayari.

Naramdaman ko ang marahang pagtapik ni Simoun sa likod ko. "Alam kong mahirap ito sa iyo. Makakaya mo iyan, aking orkidia. Nandito lang ako para sa iyo."

Humigpit ang yakap ko kay Simoun. "I love you, Simoun."

Nagpatuloy ang pagtapik ni Simoun sa likod ko. "Ano ba ang ibig sabihin ng ay lab yu?"

Napangiti ako. Humarap ako kay Simoun. "Alamin mo."

"Aba't—bakit ayaw mo sabihin sa akin ang kahulugan ng sinasabi mo sa akin?"

Masuyo kong hinaplos ang mukha niya. "I love you, Simoun." at binigyan ko siya ng isang halik.

Nang lalayo na ako sa mukha ni Simoun ay hinawakan niya ako sa pisngi at muling lumapat ang aming labi. Palalim ng palalim. Ako na ang kusang humiwalay sa halik na iyon para makasagap ng hangin.

"Mahal na mahal kita, Esmeralda. Gagawin ko ang lahat para hindi nila tayo mapaghiwalay. Saksi ang lugar na ito ng ating pag-iibigan." pinagdikit niya ang aming noo at hinawakan ang kamay ko.

"Mahal na mahal din kita, Simoun. Kahit magbago man ang ating panahon, ikaw pa rin ang iibigin ko."

Ngumiti siya sa akin at muli'y saksi ang lugar na aming tagpuan ang masuyong paghalik sa akin ni Simoun.


-------


Pag-ii-strenching lang ginagawa ko. Hindi ko trip ngayon mag-ballet so maggi-gymnastic na lang ako. 'Yung magmumukhang wala akong buto sa katawan. Tutal wala naman si Lola Glenda kaya ito na lang ang gagawin ko. Gusto ko din kasing makita ang ekspresyon ng mga makakakita sa akin. Kung titili ba sila o tatakbo palayo.

Nag-umpisa na ako sa mga gymnastic tricks. Parang wala lang sa akin. Ito siguro ang sinasabi nilang advantages ng mga nagba-ballet, parang wala lang ang paggi-gymnastic. Maski sa cheerleading kaya namin 'yon ng mga kapwa ko ballerina. Super talented talaga kami. I plan to do the back walkover pero ang nagawa ko ay backbend dahil may biglang sumigaw.

"Por Dios, por Santo! Sinasapian ang iyong anak, Don Rafael!"

Napalingon ako at nanlaki ang mata ko nang makita ko sila Don Rafael, Padre Procopio, Don Crisostomo at Alonzo kaya bigla akong natumba. "Aaaw!" napahimas pa ako sa likuran ko.

"Esmeralda!" tangkang lalapit sa akin si Don Rafael kaso pinigilan siya ni Padre Procopio. "Padre, nasaktan ang aking anak!"

"Sinasapian ng Diablo ang iyong anak!"

Umupo ako. "Hindi po ako sinasapian. God knows este alam po ng Diyos na hindi ako sinasapian." hinihimas ko pa rin ang likuran ko. "Masama ata pagkabagsak ko."

"Padre Procopio, minsan ay ginagawa ni Esmeralda iyon bago siya sumayaw ng baley?"

"Baley? Kailan pa natutong sumayaw si Esmeralda?"

Napangiwi ako. So hindi talaga sumasayaw si Esmeralda? "Matagal na po akong sumasayaw. Sinisikreto ko lang po." tumayo na ako. Pinagpag ko pa ang palda ko. "Ako'y babalik po sa aking silid." nilagpasan ko sila.

"Esmeralda."

Lumingon ako kay Don Rafael. "Po?"

"Papasok ka sa iyong silid, nakita mong may bisita tayo!"

Pinigilan ko ang sarili kong mapa-eye roll. "Magpapalit lang po ako ng damit." naglakad na ako papunta sa kwarto ko.

"Napansin kong parang hindi na rumerespeto ang iyong anak, Don Rafael, at nagiging magaslaw na siya..."

Nang makapasok na ako sa kwarto ko ay gusto kong sumigaw. Saan sa kinilos ko kanina na hindi ako rumespeto sa kanila? Hindi din naman ako magaslaw kanina. Ang graceful nga ng mga gymnastic tricks na ginawa ko.

Pinalitan ko na lang ang damit ko at syempre nag-ayos ng kaunti. Baka kasi kung ano pa ang masabi ni Padre Procopio kapag nakita niya na hindi maayos ang aking sarili. Huminga ako ng malalim. "Keep calm, Celestine." ngumiti ako bago lumabas ng kwarto.

Nandoon sila sa sala at nagkukwentuhan. Napalingon pa sila sa gawi ko. Pilit akong ngumiti bago tumabi kay Don Rafael. Wala man lang babaeng pwede kong makausap ngayon? Wala kasi si Rosa, namalengke ata.

"May laban mamaya. Manonood ka ba, Don Rafael?"

Napatingin ako kay Don Rafael na ngayon ay nakangiti. "Syempre naman po, Padre. Susuportahan ng aming hacienda si Señor Alonzo."

"Salamat, Don Rafael." nakangiting sabi ni Alonzo.

"Ano pong paligsahan ang magaganap mamaya?" may contest, hindi man lang ako na-inform. Entertainment rin 'yun para sa nababagot kong araw.

"Paligsahan sa pagsakay sa kabayo, Señorita Esmeralda." sagot ni Don Crisostomo.

Nanlaki ang mata ko. Equestrian game? Wow! Ang saya naman nun. "Masaya manood po n'yan. Pwede po ba akong manood, Papa?"

Napangiti si Don Rafael pero halata sa mukha niya na hindi makapaniwala sa tanong ko. "Sigurado ka ba, hija?"

Tumango ako. Bigla ko tuloy naalala 'yung nagkarera kami ni Simoun. "Opo."

"Kung iyan ang gusto mo, sige."

Napapalakpak ako. "Tiyak akong maraming klase ng kabayo doon. Oh! Magandang kabayo 'yung Thoroughbred horse." nawala ang ngiti ko sa labi nang nakita ko sa mukha nila ang pagtataka or parang may big question mark sa taas ng ulo nila. Na-realized ko na nagsalita ako ng word na alien language para sa kanila. "Ano... Aaah... Caballo de Pura Sangre ata tawag doon." napakamot ako sa ulo ko ng wala sa oras. "Pwede sumali?"

Sabay-sabay silang tumawa na parang pang-joke sa Showtime o Eat Bulaga ang sinabi ko.

"Bakit kayo tumatawa?"

"Hindi nawala sa pagkatao mo ang pagiging mapagbiro mo, hija."

Naguluhan ako sa sinabi ni Padre Procopio. "Hindi ko po kayo maintindihan."

Napatingin ako kay Alonzo dahil sa paghawak  nito sa kamay ko. "Señorita Esmeralda, nawaglit ba sa iyong isipan na ang paligsahang iyon ay para sa mga lalaki lamang."

Napasimangot ako. Grabe sila. Unfair 'yon. Dapat may karapatan din ang mga kababaihan na sumali sa ganung competition. Pasimple akong umirap kay Alonzo at binawi ko ang aking kamay. "Anong oras po ang paligsahan mamaya?"

"Mamayang alas tres ng hapon, anak." tumango lang ako sa sagot ni Don Rafael. "Dito na kayo magtanghalian, Padre..."

Tumingin ako sa bintana. Bahala sila dyan magkwentuhan. Natatanaw ko dito ang ibang manggagawa ng hacienda na patuloy sa pagtrabaho. Gusto ko silang lapitan. "Papa."

"Bakit, Esmeralda?"

"Maaari po ba akong maglibot muna? May nais lang akong makita doon." tinuro ko 'yung banda sa mga trabahador.

"Maaari naman."

Napangiti ako sabay tayo. Nice!

"Maaari ba akong sumama kay Señorita Esmeralda para may kasama siya sa paglilibot niya?"

Gusto kong mag-exaggerate na simangot. Epal talaga 'tong si Alonzo. Hindi ba niya nararamdaman na ayokong makasama siya? Ang kulit masyado. Sarap ibalik sa tiyan ng nanay niya.

Napangiti si Don Rafael. "Oo naman, hijo. Magandang kahit papaano ay nakakapag-usap at nakakapaglibot na magkasama kayo."

Napanganga ako. No way! "Hindi na po—"

"Tama ang iyong Papa, hija. Hayaan mong magkalapit ang inyong loob. Bueno, hijo, humayo na kayo. Ingatan mo si Señorita Esmeralda."

Tumango si Alonzo. "Maaasahan mo po, Padre."

Bumuntong hininga na lang ako at nauna na akong umalis. No choice na ako eh. Kinuha ko ang payong para hindi ako maarawan. Tahimik lang ako habang naglalakad kami.

"Kumusta ang iyong pag-eensayo?"

Hindi ako umimik at binuksan ko na lang ang payong ko.

"Sa susunod na buwan na raw ang iyong alis papuntang Pransya."

Nanatili lang akong walang umik. Pinaparamdam ko sa kanya na ayokong kausapin at makasama siya. I'm trying to be a cold one. Nagmadali akong maglakad.

"Kausapin mo naman ako."

Huminto akong maglakad at pumitas ako ng dahon. "Nakita mo ba ang dahon na ito?" tumango si Alonzo. Inabot ko ang kamay ni Alonzo at pinatong ko doon ang dahon. "Iyan, kausapin mo. Baka sagutin ka sa mga tanong mo sa buhay." at iniwan ko na si Alonzo. Napapikit ako nang bigla akong hinila ni Alonzo at iniharap sa kanya. "Ano bang problema mo?" naiinis kong tanong sa kanya.

"Kinakausap kita pero ginaganito mo lang ako!"

Tiinaasan ko siya ng kilay. "O tapos?"

"Hindi ba't kabastusan ang inaakto mo ngayon?"

Exaggerated akong umiling. "Ay hindi ko alam." palihim akong napangisi nang makita ko ang inis sa mukha ni Alonzo.

"Esmeralda!"

I look at him. "Maglaro tayo. Ang tawag sa larong ito ay 'Manahimik Ka Sandali'. Walang magsasalita sa ating dalawa at hayaan na libangin ang bawat sarili sa kung anong nakikita natin ngayon." peke akong ngumiti at nagpatuloy maglakad.

"Ngunit hindi ko magagawa ang nais mo. Gusto kong malaman kung ano ang pagkatao mo ngayon."

"Ah, gusto mo malaman kung sino ako?"

"Syempre iyon ang nais ko para hindi ako mangapa kung sakaling ikasal na tayo."

Muntik na akong mapangiwi. Assuming talaga 'tong si Alonzo. "O sige! Pagbibigyan kita." ngumiti ako at bigla kong ginaya ang mga ginagawa ng mga zombie sa Train To Busan with matching twist ng kamay sabay lakad zombie papalapit kay Alonzo. "A-a-a-a-a-a..." ginaya ko pa ang boses ng multo sa The Grudge.

Hindi naman maipinta ang mukha ni Alonzo at naglakad siya patalikod. Nag-sign of the cross pa.

Kaya naman tumawa ako ng malakas. Mukha kasi siyang tanga. Takot na takot 'yung mukha niya.

"A-Anong nakakatawa?"

Ngumisi ako. "Ikaw. Para kang bakla sa ginagawa mo."

"Hindi ako bakla! Kahit kailan ay hindi ako nag-alinlangan sa aking katauhan kaya huwag mo akong sabihan na bacla!" galit ang makikita sa mukha niya.

Kumibit balikat na lang ako. "Eh 'di wow!" naglakad na ako papunta sa mga trabahador ng hacienda Figuero. Napahinto sila sa ginagawa nila nang makita nila kami ni Alonzo.

"Magandang umaga, Señorita Esmeralda at Señor Alonzo." halos sabay nilang bati sa amin.

"Magandang umaga rin po!" balik bati ko sa kanila pero itong si Alonzo, wala man lang response. Napatingin ako sa langit. Base sa liwanag ng kalangitan parang magtatanghalian na. "Magpahinga po muna kayo at para makapagtanghalian na kayong lahat."

Humintong magtrabaho ang may-edad na lalaking malapit sa amin. "Hindi po maaari, Señorita."

Kumunot ang noo ko. "Bakit naman po?"

Hinawakan ako ni Alonzo sa braso. "Huwag kang masyadong magalang sa isang indio na iyan." halos pabulong na sabi niya.

"Bakit naman? Kabastusan naman ang hindi gumalang sa nakakatanda."

"Dahil isa silang indio!"

Hindi ko na lang siya pinansin at bumalik ang atensyon ko sa kausap kong lalaki. "Magpahinga na po kayong lahat."

Nagkatinginan sila at halos sabay na umiling. "Señorita, hindi namin maaaring suwayin ang utos ni Don Rafael." sabi ng lalaki at nagpatuloy silang magtrabaho.

Base sa inaakto nila ngayon, hindi talaga nila ako papakinggan. Ibig sabihin ay wala silang maayos na pahinga at hindi nakakakain ng maayos. Hindi pwede 'yon. Unfair sa kanila. Sila nagpapagod ng sobra-sobra, samantalang ako ay pa-easy-easy lang. "Utusan mo silang tumigil, Señor Alonzo."

"At bakit ko naman gagawin iyon? Marapat lang na tapusin nila ang kanilang trabaho bago makapagpahinga at makakain. Bueno, bumalik na tayo sa tahanan ninyo. Baka kung ano pa ang mangyari sa iyo dito." nauna nang umalis si Alonzo.

Umisang sulyap pa ako sa mga trabahador bago sumunod kay Alonzo. Gusto ko silang patigilin sa ginagawa nila kaso hindi naman maaari.


--------


"Hija, huwag kang lalayo masyado sa amin."

Tumango na lang ako sa sinabi ni Don Rafael. Actually kanina pa ako kating-kati na lumayo sa kanila. Gusto ko kasing puntahan ang mga kasali sa paligsahang ito. Nagpadala sa akin ng sulat si Simoun, ang sabi niya ay kasali siya sa horseback riding contest. Nang nasa iba na ang atensyon ni Don Rafael ay naglakad na ako papalayo sa kanila at dumeretso ako sa mga maglalaban. Nakita ko kaagad si Simoun kaya lumapit ako sa kanya. Marahan ko siyang tinapik sa balikat.

Humarap sa akin si Simoun at napangiti siya. "Esmeralda!"

Alam kong gusto niya akong yakapin ngunit hindi maaari. Gumanti ako ng ngiti sa kanya. "Galingan mo sa laban. Panalangin ko na ikaw ang manalo."

"Talagang gagalingan ko sa laban dahil nakita ko na ang inspirasyon ko."

Kinilig ako sa sinabi ni Simoun. Napasulyap ako sa katabi niyang kabayo. "Si Dante ang gagamitin mong kabayo?"

"Oo, siya palagi ang kasama ko sa laban sa tuwing sumasali ako sa ganitong paligsahan."

Napakagat labi ako at hinaplos ko si Dante. "Gusto kong sumali ngunit hindi daw maaari." nabaling ang tingin ko kay Simoun nang hawakan niya ang kamay ko.

"Huwag ka nang malungkot. Kaya hindi maaaring sumali ang mga kadalagahan dahil maaari kayong mapahamak kapag nakasakay kayo sa kabayo."

Napasimangot ako. "Hindi naman ako napahamak noong nagpaligsahan tayong dalawa."

Mahina siyang tumawa bago sumakay ng kabayo. Napangiti ako. Shemay! Ang gwapo ni Simoun kapag nakasakay sa kabayo. Well gwapo talaga siya. Iba lang talaga ang dating niya kapag nakasakay ng kabayo.

"Señorita Esmeralda!"

Napalingon ako sa tumawag sa akin at bigla akong napasimangot. Lumapit sa amin si Alonzo habang nakasakay sa kabayo.

"Anong ginagawa mo dito? Hindi ba't dapat ay nadoon ka kina Papa?"

"Lumibot lang ako sandali." walang ganang sagot ko sa tanong nito. Tiningnan ko ang kabayo ni Alonzo. Arabian horse ang breed ng kabayo.

"Bumalik ka na doon at mag-uumpisa na ang laban."

Salitan kong tiningnan si Simoun at Alonzo. Naiinggit ako sa kanila. Gusto ko rin sumali sa contest. "Pwede ba akong sumakay ngayon sa kabayo tapos sasali ako sa paligsahan?"

"Hindi maaari!" sabay nilang sagot.

"Wow! Hardcore! Sabay talaga?" inirapan ko sila sabay naglakad palayo. Grabe sila sa akin. Ang unfair ng contest na ito. Walang equality. Kung nasa present time ako, kanina ko pa p-in-ost sa Facebook or Twitter account ko ang pagiging unfair ng contest na ito.

Habang naglalakad ako pabalik kina Don Rafael ay napansin ko ang kabayong nakatali ang renda sa puno. Nakilala ko kung kaninong kabayo iyon. Kay Simoun iyon at kilala ko kung ang kabayong iyon. Napangiti ako at may nabuong plano sa isipan ko. "Trinidad!" agad akong lumapit sa kabayo at tinanggal ko ang pagkakatali ng renda sa puno. Sinakyan ko kaagad si Trinidad. Okay lang na umangat ang saya ko dahil suot ko pa rin ang tights ko.

Alam kong umpisa na ang laban nila kaya sasali ako.

"Maghanda ka, Trinidad. Sasali tayo sa paligsahan nila." napangisi ako at hinapit ang renda ni Trinidad na naging dahilan para tumakbo ito. Lalo akong napangiti dahil dumeretso kaagad si Trinidad sa starting line at nagpatuloy sa pagtakbo. Mukhang gusto rin ni Trinidad na sumali sa laban.

Alam kong nanlalaki ang mata ng mga manonood ngayon at sigurado akong ganoon rin sila Don Rafael, Don Crisostomo at Padre Procopio. Baka nga napapamura na ang tatay kuno ko. Naunahan na namin ni Trinidad ang ibang kalaban. Ito ang aim ko. Ang makasabayan sina Alonzo at Simoun na parehong nangunguna ngayon sa laban.

Mas lalo kong hinigpitan ang renda ni Trinidad kaya lalo itong bumilis ng takbo. Napangisi ako dahil malapit ko na sila maabutan hanggang sa pumagitna na ako sa kanila. "Buenos tarde, Señor Simoun, Señor Alonzo!" mas lalong lumawak ang ngiti ko nang makita ko ang reaksyon nila. Sumaludo ako sa kanila at mas hinapit si Trinidad kaya naunahan ko na sila. "Magkita-kita na lang tayo sa dulo!" natatawa kong sabi.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top