CHAPTER 20

CHAPTER TWENTY


NAALIMPUNGATAN si Natalie nang maramdaman na may katabi siya sa kama at nang magmulat siya ng mga mata ay isang guwapong nilalang ang bumungad sa kanya.

Sino pa ba iyon kundi ang boyfriend niya na nakayapos pa sa kanya?

Dahan-dahan niyang inalis ang braso ni Scott sa tiyan niya at bumangon. Nauuhaw siya at nagugutom na rin kaya naman lumabas siya ng silid nila at nagtungo sa kusina.

Nakasandal lang siya sa counter ng kitchen habang umiinom ng malamig na tubig nang mahagip ng mga mata niya sa labas ng bintana si Axer. Ikinurap pa niya ang mga mata, baka kasi namamalikmata lang siya pero hindi. Buhat-buhat nito ang isang babae na sa pagkakaalam niya ay si Hillary at ipinasok sa sasakyan.

Ewan ba niya kung bakit parang gusto niyang sundan ang dalawa. Para kasing may hindi tama at may nag-uudyok sa kanya. Gabi pa kaya nagtataka lang siya kung saan dadalhin ng lalaki si Hillary.

Mabilis siyang pumanhik sa kuwarto nila ni Scott at kinuha ang susi ng sports car nito na nasa ibabaw lang ng side table. Kinuha rin niya ang cell phone at wallet niya, saka dali-daling bumaba.

Pinaandar niya ang sasakyan. Mabuti na lang at hindi pa nakakalayo sina Axer kaya binuntutan niya lang ang mga ito. Dahan-dahan lang din ang pagmamaneho niya, baka kasi mapansin na nakasunod siya. Kilala pa naman ni Axer ang sasakyan ni Scott.

Napapalatak si Natalie nang makita na sa ospital ipinarada ni Axer ang sasakyan, sa ospital kung saan siya nagtrabaho noon. Inihinto niya ang sports car sa hindi kalayuan at pumasok sa ospital. Hindi lang siya nagpahalata kay Axer na mukhang aligaga. Nakita niyang walang malay si Hillary na nakahiga sa stretcher. Puro dugo rin ang binti nito na nagmumula sa hita nito.

"Damn!" mahinang mura niya nang mapagtanto ang sinapit ng babae. "She's pregnant." Pero malakas ang pakiramdam niyang hindi ito makukunan kundi dinugo lang.

Gusto niyang sugurin si Axer at bugbugin, kaya lang ay pinigil niya ang sarili. Puro sorry ang naririnig niyang sinasabi nito. Obviously, ito ang may kasalanan ng pagdurugo ni Hillary. Nakita niyang ipinasok sa isang room ang kaibigan niya pero naiwan sa labas si Axer kahit nagpumilit pa itong pumasok.

Umikot siya sa kabilang side para hindi siya mapansin ni Axer at nagpunta sa dati niyang opisina roon. Nagpapasalamat siya nang makita ang lab gown na naroon pati ang mask. Lumabas siya at pumunta sa room kung nasaan si Hillary. Dere-deretso lang siya. Nakayuko naman si Axer na halatang sising-sisi sa nangyari kaya hindi na siya nakita.

"The baby is okay," narinig niyang sabi ng isang doktor na naroon.

Tumango-tango naman ang ibang nurse na nakapaligid kay Hillary na walang malay.

Tumikhim siya para makuha ang atensiyon ng mga ito.

"Doctor Beatrice, nice to see you again," bati ng doktor.

Ngumiti lang siya nang tipid. "Can we talk?"

"Yes, sure."

Tiningnan niya ang limang nurse na nandoon, 'yong tingin na pinapaalis niya.

"Guys, puwede na kayong lumabas," sabi ng doktor.

"Kapag nagtanong ang lalaki sa labas kung kumusta na ang pasyente, sabihin n'yo ay hindi siya okay," malamig na sabi niya sa mga nurse.

"Opo, Doktora." Agad namang sumunod sa kanya ang mga ito, saka lumabas na.

Pinagmasdan niya muna ang natutulog na si Hillary at muling ibinalik ang tingin sa kapwa doktor. "How's the baby?"

Tumingin din ito sa kaibigan niya. "Okay na ang bata. Mabuti na lang at nadala agad sa ospital, kung hindi ay baka tuluyan na siyang nakunan."

She just nodded. "Puwede bang ibalato mo na lang sa 'kin ang case na 'to?" Mukhang naguluhan ito sa sinabi niya kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Sabihin natin sa kanila na wala na ang baby nila pa—"

"Baka makulong ako kapag ganyan, Doktora."

Alam naman ni Natalie na hindi ganoon kadaling mapapayag ang kausap. Kailangan niya pa ng mas valid reason na puwedeng sabihin para sumunod ito sa kanya at pumayag sa gusto niya.

"Trust me, hindi mangyayari ang bagay na 'yon. Gusto ko lang siyang ilayo sa lalaking dahilan kung bakit siya dinugo."

"Sino ba sila sa buhay mo?"

Umupo siya sa gilid ng hinihigaan ni Hillary at marahang hinaplos ang buhok nito. "She's my friend," mahinang usal niya. "Hanggang kaya ko ay ilalayo ko siya sa taong nanakit sa kanya." She meant it.

"Okay, pero siguruhin mo na hindi ako sasabit sa gulong ito."

"That's a promise," determinadong sabi niya. Salamat naman at napapayag niya ang doktor.

Ayaw niya naman talagang gawin ang bagay na ito, kaya lang sa sobrang pagmamahal niya sa kaibigan ay nagawa niyang magsinungaling.

'Sabagay, sinungaling naman talaga siya at malihim. Sometimes, she felt guilty about it pero wala kasi siyang choice, parte na ng trabaho nila iyon.

Pagkatapos ng pag-uusap nila ay nauna siyang lumabas at nagpalinga-linga muna sa paligid pero hindi niya makita si Axer. Sa likuran na rin siya dumaan at bumalik sa dala niyang sasakyan. Malapit na rin namang mag-umaga. Aabangan niya lang na magising si Hillary at talagang ilalayo niya ito kay Axer.

Ewan ba niya kung bakit nagpupuyos siya sa galit tuwing nakikitang nasasaktan ang isa sa mga kaibigan niya. 'Di baleng siya na lang ang masaktan, dahil sanay naman ang katawan at puso niya sa sakit. Mababait kasi ang mga kaibigan kaya pakiramdam niya, hindi deserve ng mga ito ang masaktan. Pero hindi rin naman kasi niya hawak ang kapalaran nila kaya wala siyang magawa kundi sumabay na lang din sa agos ng buhay.

Nakapatong lang ang mukha ni Natalie sa manibela habang ang mga mata ay nasa entrance ng ospital. Alas-singko na ng madaling-araw pero hindi siya sigurado kung anong oras magigising si Hillary.

Sa inip ay lumabas siya ng sasakyan at nagpunta sa coffee shop na hindi kalayuan sa pinagparadahan niya. Unti-unti nang lumiliwanag at dumarami na rin ang mga taong padaan-daan. Umupo siya sa bandang sulok, 'yong tanaw pa rin ang entrance ng ospital, baka kasi lumabas na lang bigla sina Hillary at Axer.

"Hot chocolate and..." Nag-isip siya saglit ng puwedeng kainin, kaya lang ayaw gumana ng utak niya. "Hot chocolate lang." Hot chocolate kasi ang stress reliever niya.

Inilista pa ng waiter ang order niya samantalang ang dali-dali namang tandaan at inulit pa sa kanya.

Nakadalawang cup na siya ng hot chocolate pero ni anino ng dalawa ay hindi pa rin niya natatanaw.

O-order sana uli siya nang biglang may lumabas na lang sa entrance ng ospital. Naka-lab gown ang babae at gulo-gulo rin ang buhok nito, palinga-linga sa paligid at lakad-takbo ang ginagawa. Para itong nasisiraan ng ulo. Parang 'yong mga pasyente na nakawala sa mental hospital—ganoon ang hitsura ni Hillary sa mga oras na 'yon.

Napatayo si Natalie nang wala sa oras at sinundan ng tingin ang kaibigan. Tumawid siya sa kalsada dahil nasa kabilang side si Hillary. Nang makatawid na ay bahagya pa siyang nagtago sa isang malapad na poste kasi papunta sa direksiyon niya ang kaibigan.

Bumilang siya sa isip at kinuha ang cell phone niya sa bulsa, sabay sinalubong ang kaibigan. Sinadya rin niya na magkabungguan sila.

Maagap niyang inalalayan ang likod nito para hindi bumagsak. Alam niya ang hinagpis na nararamdaman nito ngayon.

"N-Natalie?" tanong ni Hillary.

Tumango lang siya. Hinayaan na lang din niya ang pagyakap nito sa kanya nang mahigpit at sumubsob pa sa leeg niya. Halos kasintangkad niya lang din si Hillary. Mas balingkinitan lang siya nang kaunti. Medyo nagkalaman na kasi ito dahil buntis.

"Wala na siya," humahagulhol na sabi nito.

"Sino?" kunwari ay gulat na tanong niya. Mas magaling pa yata siyang umarte sa mga artista na bida sa mga romance film na dini-direct ni Scott.

"Ang baby ko, ang baby namin ni Axer," sagot nito at umiyak na naman.

Niyakap niya ito habang hinahaplos ang likod. Gugulpihin niya talaga si Axer once na magpakita sa kanya. "Don't cry," pang-aalo niya. Wala ka namang dapat iyakan, sasabihin niya sana.

"I can't." At muling umiyak na naman.

Humugot siya ng malalim na hininga at marahan itong inilayo sa pagkakayakap sa kanya. Magang-maga na ang mga mata nito, puro luha na rin ang magandang mukha. Para itong pinagsakluban ng langit at lupa.

"I have something to tell you para tumigil ka na sa pag-iyak."

Nag-angat naman ito ng tingin sa kanya at nagpunas ng luha. "What is it?"

Inilapit niya ang bibig sa tainga nito at bumulong. "Tuwing umiiyak ka ay umiiyak din ang baby mo. Tuwing malungkot ka ay malungkot din siya. Kaya huwag ka nang umiyak dahil makakasama iyan sa baby sa tiyan mo."

Nanlaki ang mga mata nito sa sinabi niya. "You've got to be kidding me, Natalie." As expected, hindi agad ito maniniwala sa kanya.

But she knew better.

"Of course not. Come with me, let's talk," aya niya rito.

At least kahit paano ay gumaan na ang pakiramdam ni Hillary.

Dinala niya ito sa Starbucks. Nag-usap lang sila saglit at nagpunta sa mall para bumili ng damit nito. Nakakahiya naman kasi talaga ang hitsura ni Hillary.

Napag-usapan nila na magpapakalayo muna si Hillary dahil gusto rin naman nito iyon. Mahal nito si Axer, sigurado na siya roon.

Bakit ba tuwing nasasaktan ang mga babae ay mas pinipili ng mga ito na lumayo at takbuhan ang problema? Hindi ba puwedeng buong tapang na lang nilang harapin ang lahat ng 'yon?

Kaya tuloy pati siya ay napapaisip. Kapag ba nasaktan siya dahil sa pag-ibig ay lalayo rin siya? O magiging matapang siya na harapin ang lahat? Hindi niya alam, hindi pa kasi siya sinasaktan ni Scott.

Hindi pa.

Pagkatapos makabili ng damit ay iniwan niya muna si Hillary sa mall dahil kailangan niyang kunin ang mga gamit nito sa resort, sa bahay nito. Isa pa, panay vibrate na ng cell phone niya, mukhang gising na ang boyfriend niya. Hindi pa naman mapakali ang isang iyon kapag hindi alam kung nasaang lupalop siya.

Pinasibad ni Natalie nang mabilis ang sports car para makarating agad sa bahay ni Hillary. Sana lang ay walang makakita sa kanya. Binyag pa man din ni Stella. Sana makaabot siya sa simbahan or else, sa reception na ang bagsak niya. Pero kailangan niya lang kasi talagang unahin si Hillary nang mailayo na ito kay Axer.

Ipinarada niya ang sasakyan ni Scott sa likod ng rest house na tinutuluyan nila. Kinuha niya ang hairpin sa buhok niya at ginamit iyon pambukas sa backdoor ng bahay ni Hillary. Malinis ang bahay ng kaibigan niya pero sa bandang sala ay hindi. May mga nagkalat na gamit at may basag pa na bote ng alak. Umakyat siya sa kuwarto na naroon at agad na binuksan ang malaking cabinet.

Kinuha niya muna ang maleta sa ibabaw n'on, saka inilagay ang mga damit ni Hillary. Pati cell phone, wallet at laptop ay ipinasok niya. Isinama na rin niya ang ibang sandals and tsinelas. Kinuha niya rin ang susi ng sasakyan nito na nasa mesa lang din. Nang masigurong wala nang mahahalagang bagay ang naiwan ay lumabas na siya ng bahay.

Mabilis niyang nailagay ang mga gamit sa loob ng sasakyan. Nag-angat siya ng tingin sa rest house nina Elisse. Feeling niya ay may nakamasid sa bawat galaw niya pero nang tingnan niya ay wala naman. Guniguni lang siguro.

Tulad ng nakagawian ay mabilis na narating ni Natalie ang mall kung saan iniwan niya si Hillary. Ibinigay niya rito ang address na tutuluyan nito. Actually, isa iyon sa mga property na naipundar niya pero hindi niya sinabi iyon sa kaibigan. Nabilinan niya na rin naman ang caretaker niya sa bahay na 'yon na may bagong titira doon.

Nag-commute lang siya pabalik sa resort. Tapos na ang binyag at hindi siya nakapunta. Wala na ring masyadong bisita kundi ang mga kaibigan na lang niya. Nakita niya si Axer na nakaluhod sa sahig at nakayuko. Pilit niyang pinipigilan ang galit dahil nakakaawa ang lalaki. Bakas sa hitsura nito ang sakit.

Nakatingin lang din dito ang mga kaibigan nila na parang inaalam ang nangyari pero siya lang naman ang nakakaalam ng lahat.

Lahat-lahat.

Bigla tuloy niyang naisip kung mali ba ang naging desisyon niyang papuntahin si Paul sa bahay ni Hillary? Baka kasi may kinalaman iyon kung bakit nagkagulo ang lahat. Pero kainin man siya ng guilt ay wala na siyang magagawa.

Mahirap pala talaga kapag nasaktan. Nakakabaliw at nakakapanghina. Hanggang maaari ay sana huwag na siyang masaktan, sana huwag siyang saktan ni Scott.

Sana.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top