CHAPTER 16
CHAPTER SIXTEEN
"CHARMAINE!"
Napapikit siya nang marinig ang malakas na sigaw ng itinuturing niyang ina. Kanina pa siya nasa labas ng bahay at hindi pinapapasok. Basang-basa na siya ng ulan, nanginginig na rin ang buo niyang katawan sa sobrang lamig. Nakaupo lang siya sa tapat ng bahay nila habang yakap-yakap ang sarili.
"Po?!" balik sigaw niya. Hindi niya kasi natapos ang ipinapatahi nito kanina kaya heto siya ngayon, pinaulanan. Inuna niya kasi ang paglalaro sa mga kapitbahay nila at nakalimutan niya na may ipinapagawa pala ang tiya niya sa kanya.
Sumilip ito sa bintana kaya nagtaas siya ng tingin habang nakahalukipkip. "Huwag kang aalis diyan, kundi ay malalagot ka talaga sa akin! Hindi ka na talaga natutong bata ka!" galit na sigaw nito, saka isinara na ang bintana.
Napatayo siya nang kumulog nang malakas at isiniksik ang sarili sa harap ng pinto. Alam niyang naka-lock iyon kaya wala talagang paraan para makapasok siya sa loob. Kahit magmakaawa pa siya ay hindi naman siya papapasukin ng tiyahin. Baka nga paluin lang uli siya nito.
Hinaplos niya ang latay sa kanyang braso. Namumula na iyon at marami rin siyang pasa sa katawan. Wala kasing araw na hindi siya pinapalo ng tumatayong ina niya kahit hindi naman talaga malaki ang nagagawa niyang kasalanan.
Simula nang mamatay ang mga magulang niya noong apat na taong gulang pa lang siya ay ang tiyahin na ang kumupkop sa kanya. Tiniis niya lahat ng pananakit nito sa kanya. Masyado pa siyang bata at hindi alam ang gagawin. Minsan iniisip niya, bakit hindi na lang siya tumakas at magpaampon na lang sa iba? Pero natatakot kasi siya kaya hindi niya ginagawa ang bagay na 'yon.
Sa edad na anim ay natutunan na niya ang lahat ng gawaing-bahay, minsan lang siya makapaglaro. Naiinggit nga siya sa mga kapitbahay nila kasi malaya ang mga kapwa bata niya na maglaro at ang lalong ikinaiinggit niya ay nakikita niya ang pagmamahal ng mga magulang sa mga batang iyon.
"Mama, Papa," tawag niya sa mga magulang, kasabay n'on ay ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata. At least ngayon ay malaya siyang umiyak dahil hindi siya maririnig ng tiyahin. Ayaw na ayaw kasi nito na naririnig ang mga hikbi at iyak niya.
Muli ay napayakap siya nang mahigpit sa sarili nang humampas ang malakas na hangin. Bumalik siya sa pagkakaupo kasi nanginginig na ang buo niyang katawan, nangangatog na ang mga tuhod niya sa sobrang lamig. Pati ang mga labi niya ay maputla na rin. Inilibot niya ang paningin sa madilim na paligid at nagbabaka-sakali na may makita siya na puwedeng silungan.
Sinugod niya ang napakalakas na hangin at ulan. Naglakad-lakad siya at paminsan-minsan ay napapapikit dahil humahampas sa kanyang mukha ang hangin kasama ang malamig na tubig-ulan.
"Saan ka pupuntang bata ka?"
Nilingon niya ang tiyahin. May hawak itong mahabang kahoy na alam niyang ipapamalo sa kanya. May dala rin itong payong. Kahit madilim ay alam niyang galit ito at handa na naman siyang paluin.
Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip at mabilis siyang tumakbo palayo sa tiyahin. Siguro ay natatakot siyang mapalo uli. Hindi pa gumagaling ang iba niyang sugat at mga latay sa katawan, ayaw niyang madagdagan na naman ang sakit na nararamdaman.
Takbo lang siya nang takbo kahit halos madapa-dapa na siya. Basta ayaw niya munang magpakita sa tiyahin. Hihintayin niya na lang munang lumamig ang ulo nito bago siya bumalik sa bahay nila.
"Huwag ka nang magpapakita sa 'king bata ka! Malas ka! Tama 'yan, umalis ka na!" sigaw nito.
Napahinto siya sa pagtakbo.
"Huwag ka nang magpapakita sa 'kin."
Ano ang ibig sabihin ng tiya niya?
"Ano po ang ibig n'yong sabihin?" tanong niya habang ang dalawang kamay ay nakatakip sa ulo. Inaani-aninag pa niya ang mukha nito.
Napaatras siya nang maglakad ang tiyahin papalapit sa kanya. Huli na nang makaiwas siya dahil bigla na lang siya nitong hinampas ng mahabang kahoy sa likod ng binti at ang pangalawa ay sa puwitan. Kinagat niya ang ibabang labi para hindi siya maiyak. Oras na marinig nito ang kahit hikbi niya ay dadagdagan nito ang pagpalo sa kanya.
Patuloy lang sa pag-agos sa pisngi niya ang luha sa kanyang mga mata. Nagpapasalamat siya dahil umuulan, hindi iyon mapapansin ng tiyahin.
Halos mapaupo siya nang muli nitong hampasin ang likod ng binti niya pero pilit niyang tinatagan ang katawan at nanatili pa ring nakatayo nang tuwid habang ang kamay ay nakapatong pa rin sa ulo niya.
"Umalis ka na, lumayas ka! Ayoko nang makita iyang pagmumukha mo!" gigil na sabi nito at mariing hinawakan ang baba niya at iniharap sa mukha nito. "Malas!"
Wala siyang ibang mapupuntahan. Ayaw niyang matulog sa kalsada. Kaya naman nagmakaawa siya rito.
"Tiya, patawarin n'yo na po ako. Pangako, magpapakabait na po ako," sabi niya at lumuhod pa sa harap nito.
"Alis!" Sinipa siya nito kaya naman bumagsak siya sa putikan. Ang dumi-dumi na tuloy ng suot niyang bestida na kulay-puti. Mahihirapan na naman siyang paputiin iyon.
"Tiya!" sigaw niya nang maramdaman ang hapdi sa bandang balikat niya nang hampasin nito iyon at tumama sa kanya ang pako. Nakita niyang dumudugo ang balikat niya kaya naman napaiyak siya nang malakas. Habang ang tiyahin naman ay iniwan na siya.
Sa kabila ng sakit na nararamdaman ay pinilit niyang tumayo. Bahagya pa nga siyang nabuwal nang maramdaman ang hapdi sa kanyang binti. Pinunasan niya ang mga luha sa pisngi. Naghahalo na ang putik at dugo sa kanyang mukha.
Palakad-lakad lang siya sa gitna ng daan habang malakas pa rin ang ulan.
Mabilis siyang naglakad papunta sa waiting shed na nakita niya. Wala nang mga sasakyan na dumadaan dahil sobrang gabi na rin at masama ang panahon. Ang totoo, natatakot siya. Mag-isa lang kasi siya at ang dilim-dilim sa lugar kung nasaan siya. Umiyak na lang siya nang umiyak hanggang sa makatulog siya sa sementong upuan na naroon habang yakap-yakap ang sarili...
NARAMDAMAN ni Natalie ang malambot na bagay sa mukha niya at ang marahang pagpunas ng bagay na 'yon sa mga luha sa kanyang pisngi. Hindi niya alam na tumulo na pala ang luha niya nang maalala ang sinapit niya noong bata pa siya.
Akala niya kasi ay nakalimutan na niya ang lahat ng iyon. Hindi pala talaga ganoon kabilis kalimutan ang mapait na nakaraan. Ang totoo niyan ay naaawa siya sa sarili, ang bata-bata pa niya noon para danasin ang ganoong uri ng pagmamalupit.
"Hush, baby," pang-aalo sa kanya ni Scott na nakalapit na pala sa kanya. Panay lang din ang punas nito sa mga luhang lumalabas sa kanyang mga mata. Niyakap siya nito. "I'm sorry. Hindi ko alam kung ano ang maling nasabi ko at bigla ka na lang umiyak."
Hindi siya nagsasalita. Nakatulala lang siya. Hindi na rin niya alintana na nasa kalagitnaan sila ng tirik na tirik na sikat ng araw. Pakiramdam niya ay bumalik ang lahat ng mga alaala noong bata pa siya, noong wala pa siyang muwang sa mundo.
Kung ano-anong pananakit ang sinapit niya sa kamay ng tiyahin kaya paano niya makakalimutan ang bagay na 'yon?
Dinala siya ni Scott sa loob ng bahay at pinaupo sa sofa. Kumuha ito ng malamig na tubig at ipinainom sa kanya.
"Please speak." Marahan siya nitong tinatapik-tapik sa pisngi na parang ginigising siya. Kaso nabaon ang isip niya sa nakaraan.
Mabuti na lang talaga at dumating noon ang mag-asawang Clawson at nakita siya sa waiting shed na tinulugan niya. Kinupkop, binihisan, ipinagamot, ibinigay ang lahat ng luho niya, minahal at pinag-aral siya ng mga ito. Itinuring siya na tunay na anak dahil na rin hindi binayayaan ng anak ang mag-asawa. Pinalitan din ng mga ito ang pangalan niya para legal siyang maampon.
Sobra-sobra talaga ang pasasalamat ni Natalie sa mag-asawang Clawson kaya ganoon na lang din ang sakit na naramdaman niya nang mawala ang mga ito sa buhay niya.
Masisisi ba siya ngayon kung bakit ganoon ang ugali niya? Sa murang edad, nalagpasan niya ang lahat ng sakit. Naalala niya pa na nagpunta pa sila sa isang psychiatrist noon dahil na rin sa sobrang trauma na naranasan niya na hindi dapat dinadanas ng mga batang katulad niya noon.
Hindi na nga rin siya nagsasalita dati at takot na siyang makisalamuha sa mga tao. Iniisip niya, baka saktan lang din siya ng mga ito. Noong fifteen years old siya ay saka lang naging normal ang buhay niya. Nawala na ang takot sa isip at puso niya.
"You scared the hell out of me. Please, baby, speak." Puno ng pag-aalala ang boses ni Scott. Umupo ito sa tabi niya at marahang dinala ang ulo niya sa dibdib nito.
Naririnig niya ang malakas na tibok ng puso ng lalaki. Hindi talaga siya makapagsalita. Ayaw niyang magsalita, mas komportable siya na tahimik lang at nakatingin sa malayo.
"Natalie, love, magsalita ka naman kahit hi lang o kaya ABC." Hinahaplos nito ang pisngi niya at binibigyan siya ng magagaang halik.
"Scott." Sa wakas ay may lumabas na sa bibig niya.
He sighed in relief. "Yes, love?"
"Matatanggap mo ba ako kapag nalaman mo ang totoong pagkatao ko?" mahinang tanong niya na pilit nilalabanan ang alaala na bumabalik sa kanyang isip.
"Kahit sino ka pa..." He kissed her head. "Handa akong tanggapin lahat."
"Sinasabi mo lang 'yan para pagaanin ang loob ko."
Lalong humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. 'Yong yakap na parang ayaw na siyang pakawalan. "I wanna be an eraser so you can use me to erase all your pain. I wanna be your hero so I can save you from danger and I wanna be your strength when you're weak."
Kung ibang babae ang sinabihan nito ng katagang iyon ay baka hinimatay na sa sobrang kilig.
"Paano kung dumating 'yong araw na kailangan na nating maghiwalay?" Hindi naman sila pero alam niya at nararamdaman niya na maghihiwalay sila.
"Gagawin ko ang lahat huwag lang dumating ang araw na 'yon."
"You can't tell."
"I don't want to talk about that dahil hindi naman kita hihiwalayan. Unless ikaw ang aalis which is very possible." Inangat nito ang mukha niya para magkaharap sila. "Care to tell kung bakit umiyak ka na naman?" Hinalikan pa nito ang tungki ng ilong niya.
Umiling-iling si Natalie. Ayaw niyang malaman ni Scott ang bagay na 'yon. Ayaw niyang malaman ng kahit sino, itatago niya lang ang karanasan niyang iyon.
Tumango lang ito na halatang naiintindihan siya sa gusto niyang mangyari.
"Saan mo nalaman ang pangalan na 'yon?" tukoy niya sa dati niyang pangalan. Medyo okay na ang pakiramdam niya at nahimasmasan na siya pero nandoon pa rin 'yong pait nang maalala niya ang nakaraan.
"I did my research, wife."
"Can you please stop calling me wife? We're—"
Tinakpan ng daliri nito ang bibig niya na agad niyang inalis.
"Huwag mo nang babanggitin uli ang pangalan na 'yon."
"Why?"
"Anong why? Basta huwag na."
"Adopted ka?" deretsahang tanong ni Scott. Hindi talaga uso sa lalaking ito ang paligoy-ligoy. Direct to the point talaga.
"Legal daughter na ako." On paper, yes, but still, they were not her biological parents.
"On paper, yes, but—Aray!" Naputol ang sasabihin nito nang kurutin niya nang pino sa tagiliran.
"Stop talking, ang harsh mo."
"I'm just telling what's on my mind," pagdadahilan pa nito at humiga sa kandungan niya. "Don't worry, hindi ko ipagsasabi ang secret mo."
"Mabuti kung gano'n." Bahagya siyang napapikit nang maramdaman ang pagpitik ng magkabilang sentido niya. Napahawak tuloy ang isang kamay niya sa dibdib ni Scott at ang isa ay sa ulo niya.
"Hey, what's wrong?" Hawak nito ang kamay niya. "Wife—"
"Shut up!" Ipinahinga lang niya ang ulo niya at ilang minutong hindi gumalaw. Ipinikit din niya muna ang mga mata. "Don't move," usal niya.
Nabilad kasi siya nang husto sa initan kanina kaya siguro bigla na lang sumakit ang ulo niya. Isama pa ang pagbalik ng mga alaala niya noong kabataan niya.
Binibigyan naman ni Scott ng magagaang halik ang kamay niya. Bakit ba kasi sobrang sweet ng lalaking ito?
"Okay ka na?"
"Yes. Bigla lang sumakit ang ulo ko."
"Maybe you're preg—"
"Of course not!" mariing tanggi niya. "Huwag mo munang pasakitin ang ulo ko. Ang mabuti pa, kunin mo na lang 'yong gadgets ko sa labas."
Bumangon ito at tumingin sa kanya. "Your secret will be revealed kapag pinakialaman ko ang mga 'yon."
"As if papakialaman mo ang mga gamit ko. At isa pa, hindi ba alam mo na?"
"Do you really trust me that much?"
Napaisip siya sa tanong ni Scott. Bukod kasi kay Carlie ay wala nang iba pang tao na nakakahawak ng gadgets niya. Sa ano at paanong dahilan at siya pa mismo ang nagtutulak kay Scott para kunin ang mga importanteng bagay na 'yon? Nahihiwagaan na talaga siya sa sarili.
Lumabas ito at siya naman ay nanatiling nakaupo lang sa mahabang sofa habang pilit nilalabanan ang mga alaalang bumabalik na naman...
NAGISING siya nang may malamig na bagay na humaplos sa braso niyang may bahid pa ng latay. Muntik na siyang mahulog sa semetong upuan na tinulugan nang makita ang isang lalaki na para sa kanya ay nakakatakot ang hitsura. Nakangiti ito pero ibang ngiti ang inilalarawan n'on sa kanya, ngiti na parang may gusto itong gawing masama sa kanya. Binalot siya ng kaba dahil baka saktan din siya nito kagaya ng ginagawa ng kanyang tiya.
Hindi niya kilala ang lalaki at hindi niya masyadong makita ang mukha nito dahil hindi pa naman tuluyang sumisikat ang araw. Medyo umuulan-ulan pa rin.
Ang lalaki na halos twenty years yata ang tanda sa kanya ay nakadukwang lang sa mukha niya. "Maganda ka, puwede ka na."
Nakakatakot ang boses nito. Para sa kanya hindi totoo ang mga ngiti na ibinibigay nito, para itong demonyo sa paningin niya.
Mahina siyang napadaing nang hawakan nito ang balikat niyang tinamaan ng pako nang pinalo siya ng tiyahin. Tuyo na ang mga dugo roon pero ramdam pa rin niya ang hapdi na dulot ng sugat na 'yon.
"Hindi ko po kayo kilala. Hindi po ako ang anak ninyo," sabi niya na pilit inaalis ang kamay nitong nakahawak sa balikat niya. Siguro ay hinahanap nito ang anak nito at napagkamalan na siya iyon.
"Gusto mo bang sumama sa akin?"
Nag-angat siya ng tingin sa mukha nito pero nakangiti pa rin ito nang pandemonyo. Katulad ng napaanood niya sa mga TV, iyong mga taong sinasaktan ang mga bida. Ayaw niya sa ganoong klaseng ngiti kasi ganoon madalas ang uri ng ngiti ng tiyahin kapag sasaktan siya.
Umiling-iling siya. "Ayoko po, hindi ko po kayo kilala."
Sabi sa kanya ng mama at papa niya ay huwag siyang sasama sa hindi niya kilala at huwag din siyang makipag-usap sa taong isang beses pa lang nakikita.
Agad siyang nagtakip ng bibig dahil sinuway niya ang bilin sa kanya ng mga magulang. Feeling niya ay ang sama-sama na niya.
"Tara na, ineng, sumama ka na sa 'kin," pagpupumilit nito sa kanya at hinawakan ang kamay niyang nakatakip sa kanyang bibig.
"Ayoko po, ayoko po!" paulit-ulit na sabi niya at paulit-ulit din siyang umiling. Inilibot niya ang paningin sa paligid. Medyo lumiliwanag na at kitang-kita rin niya sa puwesto niya ang pagsikat ng araw. Noong nabubuhay pa ang mga magulang ay sabay-sabay nilang naaabutan ang pagsikat ng araw, 'tapos aabangan din nila ang paglubog n'on kinahapunan. Sana kasi ay hindi na lang kinuha ni Papa God ang mama at papa niya.
Napasigaw siya nang malakas nang bigla na lang siyang kargahin ng lalaki at naglakad. Panay ang palag niya at pinapalo-palo niya rin ito sa mukha at dibdib. Sa sobrang inis sa kanya ay pabagsak siya nitong inilapag sa gilid ng kalsada na malapit sa matataas na talahib.
Nakita niya na may kinuha ito sa likod na bulsa ng pantalon nito at inilapit sa kanya ang patalim. Naiiyak na siya dahil sasaktan lang din naman siya ng taong ito. Nakapa niya ang malaking bato na halos hindi na magkasya sa maliit niyang palad at ibinato iyon sa mukha nito.
"Aray!" sigaw ng lalaki dahil nasapol niya ang ilong nito.
Sabi ng mama niya ay huwag siyang manakit ng kapwa niya pero sinuway na naman niya iyon. Ayaw na niyang makaranas ng sakit uli sa kamay ng ibang tao, ayaw niya na kasi masyado nang bugbog ang kanyang katawan.
Sorry, Mama. Sorry, Papa, bulong niya sa utak.
Mabilis siyang tumakbo kahit iika-ika na dahil sa mga latay niya sa binti. Basta dapat makalayo siya sa lalaking 'yon para makaiwas siya sa sakit na ibibigay nito sa kanya.
Ilan pang hakbang ay hindi na talaga kinaya ng mga binti niya kaya naman nadapa siya dahilan para mahablot ng lalaki ang damit niya.
"Tatakas ka pa talaga." Talagang nakakakilabot ang boses nito.
Napapikit siya sa sakit nang maramdaman ang malakas na sampal nito kaya naman bumagsak na naman ang luha sa kanyang mga mata. Paulit-ulit niya lang inuusal sa isip na sana ay ilayo ng mga magulang niya ang lalaking ito.
Pilit niyang niyayakap ang sarili dahil sinisira nito ang damit niya. Hanggang sa biglang mawala ang mga kamay na gustong tuluyang sirain ang damit niya.
"Huwag n'yong pakawalan 'yang gagong 'yan!"
Isang galit na tinig ng isang lalaki uli ang narinig niya kaya naman nagmulat siya ng mga mata. Nakahiga pa rin siya sa basang kalsada.
Dalawang magagarang sasakyan ang napansin niya sa gilid ng kalsada. May apat na lalaking nakaputing polo shirt na hawak-hawak ang lalaking gustong kunin ang damit niya kanina.
May isang mainit na palad ang humawak sa kanyang braso upang sana ay tulungan siya sa pagtayo. Pero iwinaksi niya 'yon dahil nahawakan nito ang namamaga niyang latay. Tiningnan niya ang lalaki. Para itong papa niya, hindi nakakatakot ang ngiti nito.
"Ano ang pangalan mo, hija?" Kanina galit ang boses nito pero ngayon ay hindi na.
Pilit siyang bumangon sa pagkakahiga at sumilip sa babaeng naglalakad papunta sa gawi nila. "Sino po kayo? Asawa n'yo po 'yon?" she asked innocently and pointed out the woman who was smiling at her.
"Yes, she's my wife, my lovely wife."
Kahit English ang salita ng lalaki ay naiintindihan niya. Walong taon na siya at matalino siya sa paaralan dahil namana niya ang pagka-genius niya sa papa niya na isang public attorney at mama niya na public school teacher naman.
Inilahad niya ang kamay sa ginang. "Ako po si Charmaine."
Kahit marumi ay kinarga siya nito. Hindi naman siya mabigat dahil kagaya ng ibang bata ay hindi naman siya mataba.
"Ibaba n'yo na lang po ako kasi madudumihan ang damit n'yo."
Bahagya itong natawa at siya ay ganoon din. Ewan ba niya. Ang gaan-gaan ng loob niya sa mag-asawang kaharap. Siguro kasi nararamdaman niyang mabait ang dalawa.
"Ako si Attorney Richard Clawson," pagpapakilala ng lalaki.
"Abogado rin po kayo?" Amusement was dancing in her almond eyes. Kapareho nito ng trabaho ang papa niya.
Tumango ito. "Yes, and this is my wife, Irish Clawson." At umakbay sa ginang.
Parang anghel ang mga ito sa paningin niya. Ang kanyang tagapagligtas. Kung hindi siguro dumating ang mga ito ay baka tuluyan nang nakuha ng masamang lalaki ang damit niya.
"Sino ang taong 'yon?" turo ni Attorney Clawson sa lalaking masama ang pagkakatingin sa kanya kahit hawak-hawak ng mga nakaputing lalaki.
"Hindi ko po kilala si Manong pero gusto niya pong kunin ang damit ko," nakangusong sabi niya. Wala na nga siyang damit, 'tapos kukunin pa.
Nakita niyang bahagyang nagdilim ang mukha ng abogado at nagtatagis din ang mga bagang nito. Habang ang ginang naman ay tila pinapakalma ang asawa sa pamamagitan ng mararahang haplos sa braso at likod nito.
"Sinaktan ka ba niya?" muling tanong ni Attorney Clawson.
"Hinawakan niya po ang sugat ko dito sa balikat kaya masakit po." Pilit niyang tiningnan ang balikat. "Hinaplos niya din po ang braso ko kanina kaya po nagising ako noong natutulog po ako sa waiting shed," turo niya sa waiting shed na hindi kalayuan sa kanila.
Mataman lang na nakatingin sa kanya ang mag-asawa at tila nakikinig nang mabuti.
"Hinigpitan niya po ang pagkakahawak sa braso kong may latay at pilit na pinapasama ako sa kanya at noong ayaw ko pong sumama ay kinarga niya ako."
Madilim pa rin ang mukha ng abogado. Hindi niya alam kung bakit parang nagagalit ito sa bawat sinasabi niya kaya huminto na lang siya sa pagsasalita.
Tiningnan niya ang ginang at lumapit dito para bumulong. Bahagya naman itong yumukod para magkapantay sila. "Galit po ba si Attorney?"
Ngumiti lang ito sa kanya at umiling. "Ano pa ang ginawa niya sa 'yo?"
"Pinagpapalo ko po siya sa mukha at dibdib dahil ayaw niya po akong ibaba. Gusto niya po akong dalhin sa matataas na damo. Doon po," turo niya sa mga talahib na mas mataas pa sa kanila. "Binagsak niya po ako sa semento at may dala rin po siyang kutsilyo." Nanlalaki ang mga mata niya nang maalala na may matulis na kutsilyong dala ang lalaki. "Baka po saktan niya ang mga bodyguard n'yo," sabi niya pa na halata ang pag-aalala sa boses.
"Don't worry, hindi ko hahayaan na may saktan na naman ang lalaking 'yan," Attorney Clawson said. "May ginawa pa ba siya sa 'yo?"
"Wala na po. Mabuti na lang po at dumating kayo. Salamat po sa pagligtas sa akin." Yumakap pa siya sa mag-asawa.
Dininig ng mga magulang niya at ni Papa God ang dasal niya na sana ay may tumulong sa kanya. Salamat sa dalawang anghel na ibinigay sa kanya ng langit. Kung hindi siguro dumating ang mga itinuturing niyang anghel ay baka wala na siyang damit, baka nakuha na ng masamang lalaki.
"Salamat, Mama. Salamat, Papa. Salamat, Papa God," mahinang usal niya habang nakayakap sa mag-asawang Clawson.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top