CHAPTER 11
CHAPTER ELEVEN
"FOUR, three, two, one... camera rolling. Action!"
Pumailanlang ang boses na iyon sa buong paligid. Agad namang nagsisunod ang mga taong naroon puwera kay Natalie dahil nasa isang sulok lang siya habang pinapanood si Scott pati ang buong production team nito.
Nagmamasid lang siya sa paligid dahil alam niyang nakatanggap na naman ng mga death threat ang lalaki pero hindi nito iyon pinapansin at isinasawalang-bahala lang.
"Cut!" sigaw uli nito at bumaling sa babaeng bida ng pelikulang dini-direct nito. "Kabisaduhin mo ang dialogue mo at kung nakalimutan mo, mag-adlib ka na lang. Paulit-ulit na lang," sita nito. "Break muna." Iyon lang, saka ito naglakad papalapit sa kanya.
"Masyado kang hot," sabi niya at itinapon ang hawak na sigarilyo.
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Scott na hindi niya nakita kanina habang nagdi-direct ito. Masyadong seryoso ang lalaki sa ginagawa.
Ngayon lang siya nakapanood ng taping ng isang pelikula. Akala niya noon ay madali lang ang ginagawa ng mga ito, maling akala lang pala. Bago kasi mag-umpisa ay kailangang i-set up lahat ng ilaw at speaker, mahahaba rin ang kable na nakikita niya, maraming talents na nagsisilbing extra sa bawat eksena.
Dalawang tao lang ang nakikita sa screen pero ang totoo, maraming nakapaligid sa mga ito. Isa pa, malapit nang magmadaling-araw pero hindi pa rin natatapos ang iba pang mga eksena na dapat kunan.
May lumapit na isa sa mga staff at naglapag ng pagkain sa mesa nila.
"Puwede ka namang matulog muna, wife. Mamaya pa kami matatapos. Baka nga abutin pa ng umaga," sabi ni Scott habang inaayos ang pagkain nilang dalawa.
"Hindi tulog ang ipinunta ko rito." Ang alam kasi nito ay gusto lang niyang mapanood kung paano ito mag-direct. Well, gusto niya rin naman talaga pero hindi naman iyon ang pakay niya. Babantayan niya uli ito beinte-kuwatro oras.
"Okay, kumain ka na muna."
Sabay silang kumain, kain lang talaga at walang nagsasalita. Nakikita niya sa mukha ni Scott na pagod na ito kasi kanina pang umaga nag-umpisa ang taping at ilang lugar na rin ang napuntahan nila. Panlima na ngayon, sa loob ng bar ang eksena.
Lumapit muli ang isang staff at ngumiti lang sa kanya bago bumulong kay Scott na tila seryosong-seryoso.
Pasimpleng inilibot ni Natalie ang mga mga mata habang sumisipsip sa iniinom na iced tea. Kinapa rin niya sa binti ang baril at inilagay sa kandungan niya ang dalang sling bag. Hindi kasikipan ang isinuot niyang maroon dress para hindi mahalata ang baril na nasa hita niya. She was also wearing her favorite white boots.
Si Scott naman ay nakailang palit na ng damit dahil madalas ay nasa arawan ito at ayaw magpapayong. Nagsusuot lang ito ng sunglasses.
Lumanding ang mga mata niya sa babaeng ngayon lang niya nakita simula pa kanina. Sigurado siya na hindi ito isa sa mga talents. Kailangan niyang malaman kung ano ang pakay nito. Nagtama ang kanilang mga mata at ngumisi siya. Ito ang unang nag-iwas ng tingin at bahagyang lumapit sa mga tao na naroon, saka lumabas ng bar.
"Where are you going?" takang tanong ni Scott nang tumayo siya.
"Magpapahangin lang," she lied. Susundan lang niya ang babaeng iyon, baka sakaling makakuha siya ng impormasyon. Isa pa, hindi basta-basta makakapasok sa bar dahil may mga security sa labas.
Pasimpleng sumandal si Natalie sa pader hindi kalayuan sa entrance ng bar bago muling inilibot ang mga mata habang kalmado na humihithit ng sigarilyo. Tumaas ang isang kilay niya nang mamataan ang babae na nakangiti habang papalapit sa direksiyon niya. Ngiti na alam niyang pinaglalaruan lang siya. Kaya naman bilang ganti ay nginitian niya rin ito nang pagkatamis-tamis, sa sobrang tamis ay nakakatakot na.
Inilagay ng babae ang isang kamay sa back pocket ng suot nitong pantalon. Hindi siya tanga, alam niyang may dala ito. Inilaglag niya ang isang kamay sa gilid ng hita niya habang ang isa ay hawak ang sigarilyong paubos na. Nanatili siyang nakasandal hanggang sa isang dipa na lang ang layo ng babae sa kanya.
"Miss, pasindi," sabi nito na may hawak na sigarilyo.
Mabilis na hinawi ni Natalie ang kamay ng babae at inilagay iyon sa likod nito dahil hindi naman sigarilyo ang hawak nito kundi ice pick na kapag pinindot mo ang gilid ay hahaba at aabutin ang mukha niya. Kabisado niya lahat ng uri ng patalim o ang mga bagay man na maaaring makasakit sa isang tao.
Namimilipit na ang babae sa sakit at nagmura nang nagmura. Mabuti na lang at nasa madilim na bahagi sila ng lugar at maingay ang katabing bar.
"Bitiwan mo ako!" sigaw nito na pilit umaalis sa mahigpit na pagkakahawak niya sa magkabilang pulso nito.
Pagak siyang tumawa, sabay inikot ito at idinikit ang katawan sa pader. "Sabihin mo lang kung ano ang pakay mo para hindi ka na masaktan."
Ito naman ngayon ang tumawa. 'Yong tawa na parang nababaliw na. "Hindi ikaw ang pakay ko. Huwag kang mag-alala, Natalie."
Kilala siya nito pero hindi niya ito kilala. Nabigla siya pero hindi niya iyon ipinahalata. "Alam kong hindi ako ang pakay mo." Inilapit niya ang mukha sa tainga nito. "Si Scott ba?" tila nang-uuyam niyang bigkas.
Nagtagis ang mga ngipin nito, saka pilit tumitingin sa kanya, kaya lang ay hindi ito makatingin dahil idinikit niya ang mukha nito sa pader.
"He's mine!"
"Really?" pang-aasar ni Natalie. "As far as I remember, Sean Scott Murphy is mine. Actually, one week na kaming kasal." Biro lang niya iyon para asarin ang babae. Alam niyang may iba pa itong rason at kakalkalin niya kung ano man 'yon.
"Bitch!"
Nagpanting ang magkabilang tainga niya kaya naman marahas niyang binitiwan ito. Kasabay ng pagharap nito sa kanya ay ang pagdapo ng palad niya sa pisngi nito.
"Bitch is not my name," sabi niya. Akmang sasampalin din siya nito nang agad niyang mahuli ang kamay nito. "Hindi ko hahayaan na ikaw lang ang makaka-buena mano sa pisngi ko. Ano ka, sinusuwerte?" At saka niya ito itinulak.
"I will kill you!"
"Kill me now."
"We're going to kill you, you and Scott!"
"May kasama ka pa talaga," sabi niya, saka tumango-tango. Hanggang sa makaramdam siya ng mga yabag mula sa likuran, kasabay n'on ay ang pagngisi ng babae sa harap niya. Salamin ang kalahati ng dingding na nasa likuran nito kaya medyo naaaninag niya ang lalaking nakatutok ang baril sa ulo niya. Ilang hakbang pa at makakalapit na ito sa kanya.
Bahagyang lumapit sa kanya ang babae at hinaplos pa ang kanyang mukha. Pero iyon ang pinakamalaking katangahan na ginawa nito dahil mabilis niya itong nahila, saka humarap sa lalaki. Kasabay n'on ay ang pagkuha niya ng baril sa hita niya at itinutok sa sentindo ng babae habang ang isang kamay niya ay nakapalupot sa leeg nito.
"Tell me who's stupid now," bulong ni Natalie habang nasa lalaki ang mga mata. "Isang kalabit ko lang ng gatilyo, sigurado akong babaha ng dugo dito at kakalat ang kakarampot na utak na mayroon ang babaeng ito." Hinigpitan niya ang pagsakal sa babae na halos mawalan na ng hininga.
"Wala akong pakialam kahit mamatay ang babaeng 'yan." Itinutok nito ang baril sa babae. "Gusto mo unahan na kita sa pagpatay sa kanya?" tanong pa nito.
"Patayin mo, wala rin naman akong pakialam," wika niya pero mahigpit pa rin ang pagkakasakal sa babae, baka kasi ginu-good time lang siya ng mga ito. Hindi madaling makuha ang tiwala niya.
"Wife—"
Sabay-sabay nilang nilingon ang boses na 'yon.
"What—" Nanlalaki ang asul na mga mata ni Scott nang makita siya at ang dalawang kasama niya pati na rin ang mga baril na hawak nila.
"Bumalik ka sa loob!" sigaw niya, kaya lang ay huli na dahil kay Scott na nakatutok ang baril ng lalaki.
"Papakawalan mo siya or I will kill your husband?"
Pinapili pa talaga siya.
"Kill him," sabi niya habang ang babaeng sakal-sakal ay halos malagutan na ng hininga. Kahit isang salita ay hindi na nito maiusal.
"Wife, huwag ka namang magbiro nang ganyan," tila kinakabahang sabi ni Scott na pilit tumatawa.
Sinamaan lang ito ni Natalie ng tingin. Minsan nga ay papraktisin niya si Scott ng mga palitan ng mensahe na sila lang ang nagkakaintindihan. Ganoon kasi lagi ang ginagawa nila ni Carlie, isang tingin lang ay nababasa na nila ang mensahe ng bawat isa.
Imbes na matakot ay nainis siya. Bakit ba kasi lumabas pa ang lalaking ito? Hindi tuloy siya makapag-isip nang maayos dahil inaalala niya ito.
Tinantiya niya ang pagitan nila ng lalaki at ang pagitan nila ni Scott. Mas malapit sa kanya si Scott kaya siguradong ilang hakbang lang ay mahahawakan na niya ito at mailalayo. Kailangan niya lang ng tamang tiyempo para maisagawa ang plano na naglalaro sa utak.
Bumilang siya ng tatlo, saka itinaas ang hawak na baril pero hindi nagbago ang higpit ng pagkakasakal niya sa pobreng babae. Pasalamat nga ito at sampal at sakal lang ang inabot sa kanya.
Nagpaputok siya ng baril kaya naman naalarma ang lalaki. Nagsilabasan din ang mga tao mula sa bar nang muli siyang magpaputok. Mabilis niyang binitiwan ang babae nang magpaputok sa gawi niya ang lalaki kaya tinakbo niya ang direksiyon ni Scott, saka ito hinatak papasok sa bar.
May exit sa likod kaya doon sila tumakbo. Nagkakagulo na rin ang mga tao. Sana lang ay walang masaktan. Nakaparada ang sasakyan niya roon. Nilibot niya kasi kanina ang lugar at kinabisado. Kahit 'yong mga nauna nilang pinuntahan ay nilibot din niya.
"Sino sila?" tanong ni Scott nang nasa daan na sila at bumibiyahe.
Sinulyapan niya lang ito. "Hindi mo ba kilala 'yong babae?"
"I can't remember her but she looks familiar."
"Maybe one of your ex-girlfriends?"
"Yes, maybe, but that's not my point. Sino 'yong lalaki kanina?"
Maybe your killer, gusto sana niyang sabihin. "I don't know. I don't really know, baka nanti-trip lang." Nagkibit-balikat pa siya na waring walang pakialam.
Bumuga ito ng hangin. "I know you're lying." Sumandal ito sa headrest, saka pumikit. "I'm tired," usal nito.
"Bakit?"
"I am in big trouble at ayokong madamay ka sa problemang iyon kaya kahit ayaw ko, siguro mas maganda na layuan na natin ang isa't isa."
Parang may tumusok na kung ano sa bandang dibdib ni Natalie sa huli nitong sinabi. Layuan? Paano mangyayari iyon kung ang paglapit dito ang dapat niyang gawin?
"You can tell me your problem, Scott," pang-aalo niya rito. Iyon na siguro ang tamang oras para malaman niya ang katotohanan, kung bakit pinagtatangkaan ang buhay nito.
"They want my money or else they will kill me."
"Ha? Ano'ng ibig mong sabihin?" Medyo naguluhan siya sa sinabi nito.
"Gusto nilang makuha 'yong bar pero hindi ko naman ibinebenta iyon at isa pa, wala akong balak ibenta 'yon."
"That's it? Wala nang iba pang dahilan?"
"Yeah."
Hindi siya naniniwala. May mas malalim pang dahilan. Ayaw lang sabihin ni Scott sa kanya.
"You need to stay away from them. Take a vacation."
"Hindi puwede, wife, dahil kailangan nang matapos 'yong film na dini-direct ko." Hinawakan nito ang kamay niya na nasa kambyo, saka hinalikan. "Nasaktan ka ba kanina?"
"Hindi," tipid na sagot ni Natalie, saka kinuha ang kamay niya. She found it sweet pero ayaw niyang sanayin ang sarili na ganoon ang lalaki sa kanya. Natatakot siya na baka isang araw ay hanapin ng katawan niya ang ka-sweet-an nito.
"Saan ka kumukuha ng tapang?" tanong ni Scott dahilan para matawa siya nang bahagya. "Damn."
Nilingon niya ito. "Bakit ka nagmumura?"
"For the very first time of my life, narinig ko ang tawa mo," sabi nito na parang nanalo sa lotto. Itinaas pa ang dalawang kamay na akala mo, malaking achievement ang nasaksihan kaya hindi na naman tuloy niya napigilang matawa uli.
"Crazy," usal niya at napailing-iling na lang habang nakangiti. "Don't look at me that way, Scott, para kang sira." Bahagya pa niya itong itinulak sa dibdib dahil nakatunghay lang sa kanya.
Ano ba ang nakakamangha kung ngumiti siya? Sa talagang nakakatawa naman kasi ang inaasal ng guwapong kasama niya. Kung umasta ito, akala mo walang nagtatangka sa buhay nito. Paano na lang kung wala siya kanina? Baka hindi niya na ito nakakausap ngayon.
"Saan tayo pupunta?"
"Sa isang kaibigan," sagot ni Natalie at tumingin sa side mirror para masiguro lang na walang sumusunod sa kanila.
Hindi na biro ang nangyayari kay Scott kaya kailangan na niya ng backup.
May isang bagay pa na gumugulo sa kanya...
"Hindi tayo sigurado kung ano talaga ang pakay nila sa daddy mo," wika ni Carlie. "Try mo kayang halughugin ang kabahayan n'yo, baka sakaling may makuha kang impormasyon."
Nakatingin lang si Natalie sa kawalan pero nakikinig naman siya. "Nagawa ko nang halughugin lahat. Kulang na nga lang baligtarin ko ang bahay namin. Hindi naman kasi puwedeng malaman ni Mama ang ginagawa ko."
Ayaw niyang dagdagan pa ang mga iniisip ng ina kaya hanggang maaari ay mananahimik na lang siya at gagawin nang tahimik kung ano man ang ginagawa niya.
"Let's do the Plan B then."
Napalingon siya na para bang may hindi ito magandang sinabi. "May inosenteng masasaktan, Carlie. Hindi puwede iyang sinasabi mo."
"Akala ko ba gusto mong mahanap ang totoong pumatay sa daddy mo? Hindi 'yong fake."
Umakyat lahat ng dugo sa ulo niya at isang mahinang mura ang pinakawalan niya na ikinatawa lang ng matalik slash arogante niyang kaibigan. Nagsayang lang siya ng luha sa hayup na iyon, 'tapos malalaman niyang maling tao pala ang natagpuan nila.
"Gagawin ko 'yang Plan B na 'yan."
Desidido si Natalie sa planong iyon at kailangan niyang isantabi muna ang puso niya para lang mahuli na ang killer ng daddy niya...
"Where are your parents?" basag ni Scott sa pagmumuni-muni niya.
"'Yong dad ko, nasa heaven na and 'yong mama ko, nasa bahay." She smiled bitterly. Naalala niya tuloy ang daddy niya.
"You mean, wala ka nang daddy? I'm sorry about that."
"Uh-huh," sabi na lang ni Natalie para mahinto na ang topic nila. Hindi buhay niya ang dapat pinag-uusapan kundi buhay nitong kasama niya. Bakit ba napakuwento siya kay Scott? "Where are your parents?" balik-tanong niya.
"They're living in France."
"Doon ka nakatira dati, 'di ba? What came into your freaking mind for you to decide to stay here? Mukha namang mas maganda ang buhay mo with your parents, hindi tulad dito na puro gulo ang nakakabit sa 'yo," mahabang litanya niya.
"Pabalik-balik lang ako dito sa Pilipinas. Isa pa, dito ako lumaki." Huminto ito at tumingin sa rearview mirror. "Someone's tailing us."
Kaya naman napatingin din siya roon. Iginilid niya ang sasakyan at hinintay ang motorsiklo na sumunod sa sasakyan nila.
"Problema?" tanong niya kay Carlie nang humilera ito sa bintana sa side niya. Kahit naka-helmet ay mabilis pa rin niya itong nakikilala. Sa ilang taon ba naman nilang magkasama, kahit siguro nakapikit siya at dumaan ito sa harap niya ay malalaman niyang si Carlie iyon.
"Your mother needs you," seryosong sabi nito na hindi man lang tinanggal ang helmet.
Binalot na naman ng kaba ang pagkatao ni Natalie. Basta talaga mama niya ang pinag-uusapan ay mabilis siyang kabahan. Mabuti na lang at may mga tracking device sila sa katawan kaya alam nila kung nasaang parte ng bansa ang isa sa kanila.
Siguro natatakot lang din siya na mangyari din dito ang nangyari sa daddy niya. Ipinilig niya ang ulo para mawala sa isipan ang bagay na 'yon.
Mabilis niyang pinaandar ang sasakyan papunta sa subdivision nila. Mga isang oras nilang lalakbayin ang lugar pero sa katulad niyang nagmamadali, baka abutin lang iyon ng kalahating oras.
"Mag-seat belt ka," utos niya kay Scott.
"Ikaw rin." Saka dumukwang sa kanya at ito pa mismo ang nagkabit n'on.
Kahit medyo nailang sa pagkakadikit na naman ng katawan nila ay hindi na lang 'yon pinansin ni Natalie, kahit pa nagkakagulo na ang kung ano sa loob ng kanyang katawan. Kung sa kaba sa mama niya o sa pagdidikit ng katawan nila ni Scott ay hindi na niya masabi.
Bumaba siya agad ng sasakyan at tinakbo ang gate papasok sa bahay nila. Alam niyang nakasunod lang sa kanya sina Carlie at Scott. Bara-bara niyang binuksan ang malaking pinto. Madilim sa loob kagaya pa rin tuwing umuuwi siya sa gabi. Her mother loved darkness simula nang mawala ang kanyang ama.
Nakatayo lang si Natalie sa pintuan nila, ramdam niya ang hangin na nagmumula sa kanyang likuran. Malamig at nakakakilabot. Nagbabadya rin ang malakas na ulan dahil kanina pa kulog nang kulog. Wala ring mga bituin sa langit. Tanging ihip ng hangin at yabag lang ang nagsisilbing ingay sa loob ng kabahayan.
Dumako ang mga mata niya sa kusina. Mga nagkikislapang kubyertos at kung ano-ano pang stainless at babasagin na bagay lang ang nakikita niyang liwanag doon. Tumatama sa loob ng kabahayan ang ilaw malapit sa gate nila. Ang nag-iisang ilaw sa loob ng paligid.
Mahihinang hikbi mula sa silid ng mga katulong ang sunod niyang narinig. Humakbang siya para sana puntahan ang mga iyon, kaya lang ay may isang kamay na pumigil sa braso niya. Nilingon niya si Carlie nang may nagtatanong na mga mata. Umiling lang ito na sinasabing, "Huwag sila ang puntahan mo."
Sinundan niya ang mga mata ng kaibigan kung saan ito nakatingin. Sa hagdan ng bahay nila.
Parang natulos si Natalie sa kinatatayuan nang makita ang imaheng iyon. Nanginginig ang buong katawan niya na halos hindi na niya maigalaw iyon. Nakatingin lang sa kanya ang mama niya, walang emosyon sa mga mata nito at nasanay na siya roon.
Ang ipinagkaiba lang ngayon ay nakatitig lang ito sa kanya at kahit ano ang gawin niya ay talagang blangko na ang mga mata nito.
Napakapit siya sa isang braso sa gilid niya upang kumuha ng lakas. Ano mang segundo kasi ay alam niyang babagsak na siya. Sa lahat ng pinagdaanan, iyon ang pangalawang bagay na nakapagpahina sa buong pagkatao niya.
Mariing ipinikit ni Natalie ang mga mata. Baka sakaling niloloko lang siya ng paningin, baka sakaling hindi totoo lahat ng nakikita.
Humugot siya ng isang malalim na hininga bago muling binuksan ang mga mata. Kumurap-kurap pa siya pero iyon at iyon pa rin ang nakikita niya.
"H-huwag," pigil niya kay Carlie nang maramdaman na pipindutin nito ang switch ng ilaw sa gilid nila.
Mabibigat ang mga paa nang puntahan ni Natalie ang ina. Pinigilan niya ang sariling maiyak, kinagat niya ang ibabang labi, ikinuyom ang magkabilang palad. Tumingala siya pero kahit anong pilit niya ay kusang bumabagsak ang luha sa kanyang mga mata.
Minsan nagtatanong siya sa Diyos, bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo, sa kanya pa ibinigay ang ganitong uri ng sakit? Hindi naman niya natandaan na may ginawa siyang masama para parusahan nang ganito.
Masakit, iyon ang nararamdaman niya ngayon. Nabalot ng sakit ang puso niya. Nangingibabaw ang pighati.
Paano na 'yong mga pangarap niya sa mama niya? Paano na sila mamumuhay nang tahimik? Paano na siya kung...
Pati ang mama niya ay iniwan siya?
Mahigpit na niyakap ni Natalie ang nakahandusay na ina. Hinaplos-haplos pa niya ang buhok nito. "Mama, huwag ka namang magbiro nang ganito," sabi niya kahit alam niyang hindi siya nito naririnig. Never na siya nitong maririnig. "Akala ko ba hindi mo ako iiwan? Ang daya mo, Mama, pati ba naman ikaw? Paano na ako?" nanghihinang sambit niya.
Inilagay niya ang ulo nito sa kandungan niya, saka idinampi ang nanginginig na kamay sa mga mata nito upang ipikit iyon. Tumingala siya at pumikit, saka muling hinayaang tumulo ang mga luha. Kasabay n'on ay ang pagbagsak ng malakas na ulan at paghampas ng hangin sa buong kabahayan.
Paulit-ulit na parang dinudurog na ang puso ni Natalie, sa sobrang sakit, parang namamanhid na nga siya. Ganito pala 'yong pakiramdam kapag sobra na 'yong sakit sa puso mo. Parang wala ka na ring buhay, para bang bato ka na. Sa dami ng sakit, hindi mo na alam kung saan iyon dadalhin.
Bumalik sa alaala niya 'yong mga oras na masaya pa sila, 'yong buo pa ang pamilya niya. 'Yong mga oras kung paano siya alagaan ng mga ito. Mananatiling alaala na lang ang lahat ng iyon. Alaala na lang na habang-buhay niyang itatago at hindi malilimutan.
Naramdaman niyang may malambot na tela na bumalot sa balikat niya. Hindi na siya nag-angat ng tingin, lalo nang marahan siya nitong halikan sa ulo. Lalo lang kasi siyang naiiyak kapag pumapasok sa isip na may isang taong nagbibigay ng kahalagahan sa kanya. 'Yong taong kahit bulyaw-bulyawan niya at saktan nang saktan ay hindi pa rin siya iniiwan.
Mahina siya ngayon at kailangan niya ng masasandalan. Hindi pa niya kayang magpakatatag, hindi pa niya kayang magpanggap na malakas siya, hindi pa niya kayang labanan ang sakit na nararamdaman.
Mahina pa ang katawan niya pati na rin ang puso't isipan.
Saan pa siya kukuha ng lakas kung wala na ang mga taong pinagkukunan n'on? Wala na siyang pamilya, mawawala rin sa kanya ang mga kaibigan niya kapag natapos na siya sa misyon sa mga ito. Si Carlie, hindi naman habang-buhay na magkasama sila, magkakapamilya rin ang kaibigan kaya paano na siya?
May tao bang tatanggap sa kanya? May isang tao ba na magmamahal sa kanya?
Papapasukin ba niya sa buhay niya ang taong iyon? Hindi pa niya alam. Hindi pa niya masasagot ang bagay na iyon dahil may tao pa siyang kailangang hanapin...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top