Chapter Two
"Sige na, bestie Pinkie, ilakad mo na ako sa Kuya Red mo."
Tinitigan lamang ako ni Pinkie na parang isa akong alien na biglang lumanding sa planetang Earth. "Okay ka lang? Nakasinghot ka ba ng rugby?"
"Bestie naman, eh," pagmamaktol ko. Kasalukuyang nasa canteen kami para sa aming lunch break. Nasa tapat ng mesa namin sina Red at ang kanyang mga kabarkada. Ang guwapo talaga ni Red kahit saang angulo tingnan-mapa-side view, front view at kahit back view pa. Kaya naman ang daming mga girls na umaaligid at nagpapa-cute sa kanya. Buti na lang at hindi iyon pinapansin ni Sweetie Pie ko. Kasi may taste si Red, at alam kong hindi niya papatulan ang mga girls na 'yon.
Pero ako, tiyak na may pag-asang mapapansin niya! Iyon ay kung tutulungan ako ni Pinkie. "Sige na, please..."
Napabuntong-hininga na lamang si Pinkie. Desperada na talaga ako, eh. Simula no'ng tumutong ako sa puberty stage, umarangkada nang todo-todo itong hormones ko, kasi naman natuto na akong lumandi (nang kaunti) at magka-crush. Pero ever since, kay Red lang ako lumandi (nang kaunti) at nagka-crush.
Fourth year na kasi si Red, at nasa third year naman ako. Graduation na nila next month, at syempre pa lilipat na siya sa isang university. Magkakalayo na kami nang tuluyan. Baka maraming mga college girls siyang makikilala roon. Papaano na lang mabubuo ang aming nakatakdang love story?
Hindi!
No!
Hindi ko hahayaang mangyari iyon. Kaya dapat ay mabigyan ako ng pagkakataong maipahayag sa kanya ang busilak kong pagmamahal. At mangyayari lamang iyon kung siya ang makaka-date ko sa JS prom namin sa February 14.
Pasimple akong sumulyap sa kanilang gawi. Tinukod ko ang aking siko sa mesa at ipinatong ang aking baba sa mga kamay ko. Hay, bakit araw-araw ay lalong gumaguwapo si Red? Bagay siya para sa isang Dyosa. Mestizo at mestiza silang magkakapatid kaya naman ay may kaputian sila. Pinagmasdan ko ang mukha ni Red na kasalukuyang tumatawa sa joke ng kanyang kaibigan. Kahit ang kanyang tawa parang musika sa tenga ko. Matangos ang ilong niya. Mapupungay ang mga mata na nakaka-inlove talaga to the max. Mahahaba ang pilik-mata na nagbibigay-emphasis sa kanyang coffee brown eyes. Mapupula rin ang kanyang labi na mukhang kissable. May first kiss na kaya siya? Sana ako ang maging first kiss niya...
Isang perpektong larawan ang mukha ni Red na nakaguhit sa aking harapan. Isang napakagandang aparisyon... na nasira dahil tumabi ang demonyong kakambal nito. Napa-ismid tuloy ako. Okay na sana, eh. Okay na ang nakikikita ko, may sumira pa.
Kahit pa kambal sina Red at Blue, halata pa rin ang pagkakaiba nila. Kaya naman ay hindi mahirap na matukoy kung sino si Red at si Blue. Si Red kasi iyong tipong malinis kung manamit, laging maayos ang pagkakasuklay sa buhok at sumusunod sa standard uniform regulation. Si Blue, ewan ko ba. Akala niya ata astig siyang tingnan kung nakabukas ang polo at kita ang itim na T-shirt niya sa loob. Magulo ang buhok nito na parang hindi man lang binilhan ng suklay ni tita. May suot rin itong itim na hikaw sa isang tenga.
Kahit ang aura nila ay magka-iba. Kung si Red ay palangiti at napaka-friendly sa lahat, itong Blue naman ay akala mo laging galit sa mundo at kung kumilos ay parang parating may pupuntahang basag-ulo. Kung si Red ay may potensyal na maging presidente ng ating bansa, si Blue naman ay malaki ang future niyang maging leader ng isang gang.
Napailing na lang ako ng ulo. Sayang itong si Blue, eh. Guwapo sana, unggoy lang.
Habang titig na titig ako sa gawi ni Blue, bigla naman itong napalingon sa direksyon ko. "Hoy taong-lupa, nangangarap ka na namang papatulan kita, ano? Huwag ka na kasing umasa."
"Che! Hindi ako ganoon ka cheap, 'no, para magkagusto sa 'yo!" Feelingero lang, eh.
"Ah, alam ko na. Itong si Red ba ang gusto mo? Masyado atang mataas ang pangarap natin diyan, ah!" Bigla nitong sinikuhan sa tagiliran si Red. "'Tol, may crush sa 'yo si baluga, o. Pansinin mo naman. Nakakaawa na, eh."
Bwiset talaga itong Blue na ito! Dapat Black ang ipinangalan sa kanya, eh, dahil maitim ang budhi nito at bulok pa ang ugali.
"Blue, tama na," saway ni Red sa kakambal. "Sorry Kath, ha. Pagpasensyahan mo na si Blue."
Ang bait talaga ni Red. Kaya nga patay na patay ako sa kanya, eh. "Okay lang 'yon. Dapat talaga intindihan ko na lang ang mga abnoy na tulad niya. Isa pa, sabi nga nila, be kind to animals daw."
"Dude! Animal ka raw sabi ni Baluga, oh," pang-aasar ng katabing kaklase ni Blue sabay tawa nang malakas. Akalain mo iyon, bentang-benta sa mokong na 'yon ang joke ko.
Pinandilatan ni unggoy ang katabi niyang lalaki. "Narinig ko, okay? Kailangan ba talagang ulitin pa ang sinabi ni Baluga?"
Umiwas na lang ako ng tingin sa kanila. May five hours pa bago matapos ang araw ko sa eskwelahan. Ayokong tuluyang masira ito dahil kay abnoy.
***
"Girl! Narinig mo na ba ang latest chismis?"
"What chismis?"
"Si Red Dela Rosa, 'yung cute na fourth year, according sa latest na nasagap kong balita, nililigawan daw niya si Althea Mendez."
"Althea? 'Yung third year din na nasa section B?"
"Oo, girl. At heto pa ha..."
Hindi ko na narinig pa ang ibang pinagsasabi ni chismosa number one kay chismosa number two dahil tuluyan nang lumabas ng CR ang dalawang reporter ng mga chismis. Buti na lang may mga taong chismosa sa mundo, kundi ay hindi ko malalaman na may karibal na pala ako sa puso ni Sweetie Pie.
Lumabas na rin ako ng cubicle at naghugas ng kamay.
Hindi ito maaari. Kailangang may gawin na ako. Naisulat na sa mga tala ang love story namin ni Red. Hindi puwedeng hindi matuloy ang nakatakda.
Sino ba itong Althea na ito? Mapuntahan nga mamaya.
Lumabas na rin ako ng CR at papasok na sana sa classroom nang nakasalubong ko si Ms. Reynoso, ang guidance councilor namin.
"Ms. Espinosa," ang sabi pa niya. "Puwede bang makisuyo sa 'yo?"
Mabait sa akin si Ms. Reynoso kaya kahit ano ay gagawin ko para sa kanya. Free of charge. "Sige po, ma'am. Ano po 'yon?"
"Naiwan ko palang bukas ang opisina ko. Kailangan kong bumalik doon. Puwede bang ikaw na ang tumawag kay Althea Mendez at papuntahin mo sa office ko? Nasa Section B siya. Third year din na tulad mo."
Jockpot! "Sure, ma'am. 'Yun lang pala, eh. Sige po, pupuntahan ko na po siya."
"Thank you, Ms. Espinosa. Sige babalik na ako ng opisina." Umalis na si Ms. Reynoso.
'Pag sinuswerte ka nga naman. Talagang si Lord pa ang gumagawa ng paraan para sa akin.
Tinungo ko na ang classroom nitong si Althea na nasa dulo ng pasilyo. Kumatok muna ako sa classroom nila. "Excuse me ma'am," sabi ko sa teacher nila. "Ipinapatawag po ni Ms. Reynoso si Althea Mendez."
Naglakbay ang aking mga mata sa loob ng kanilang classroom at hinanap ang aking pakay. Sino kaya sa mga ito si Althea?
At alam n'yo ba 'yung parang sa mga movies at commercial, 'yung tipong may hanging pumasok sa 'di mo malaman kung saan galing at inilipad ang mahabang straight na buhok ng magandang bidang babae, sabay tayo nito at mapapa-wow ka sa ganda niya?
Ganoon ang nangyari nang tumayo si Althea.
Eh, 'di wow, ang nasabi ko na lang sa sarili ko.
***
Hi guys! Ate Maxine here! Use the hashtag #DyosaNgMgaPanget in your FB/Twitter/IG para madali ko kayong mahanap. With your permission, I will be posting some of your posts of Dyosa Ng Mga Panget on my FB page: @astoldbyMaxine (PinkAngel Writes).
LOve Lots!
Ate Maxine ♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top