Chapter Six
10 days before Valentine's Day
Maaga kami pinapauwi tuwing Friday. Every first at third Friday of the month kasi ang meeting ng mga teachers. Kaya niyaya ko si bestie na samahan akong mag-mall.
"Ano'ng gagawin natin sa mall?" tanong pa niya.
"Bibili ako ng gift para kay Sweetie Pie. Pautang ng pamasahe, ha."
"Ako na nga itong sasamahan ka, ako pa pala ang magbabayad ng pamasahe. Tara na nga."
Pinuntahan na namin ang mall at ang unang tinungo namin ay ang isang sikat na bilihan ng mga damit. 'Yung ine-endorse ni Daniel Padilla. Nagsimula na kaming maghanap. Si Pinkie naghahanap ng magandang design ng T-shirt na kulay blue. Ako naman ay naghahanap ng kakasya sa pera ko.
"Ito, bestie," sabi pa ni Pinkie sabay abot ng isang blue na T-shirt.
"Maganda, bestie!" sabi ko. "Bagay ito kay Sweetie Pie." Tiningnan ko ang price tag. Three hundred ninety-nine pesos at fifty centavos. Singkwenta sentimos na lang four hundred na. "Kaso mahal bestie," bulong ko. Nakakahiya kasi na marinig ng mga katabi kong namimili na namamahalan ako sa T-shirt.
"Ha? Anong mahal? Eh, mura na nga ito. Atsaka maganda ang quality! Kaysa naman sa bibili ka ng mura tapos kukupas lang din agad ang kulay!" may kalakasang sabi ni Pinkie.
Minsan talaga sa tingin ko, nakalunok ng mega phone itong si bestfriend. Hindi man lang hininaan ang boses? Hayun tuloy, pinagtitinginan kami ng mga katabing namimili.
"Two hundred lang kasi ang dala ko. Tapos doon ko pa ibabawas ang pang-gift wrap," bulong ko.
"Ano?! Two hundred? Eh, kahit mag-sale pa sila rito, walang mararating ang two hundred mo!"
"Required pahiyain ako, bestfriend?"
Saka lang napansin ni Pinkie na pinagtitinginan na pala kami ng mga tao. Ibinalik ko sa rack ang T-shirt at hinila palabas si Pinkie.
Tumigil sa paglalakad si Pinkie. "Ano ba talaga ang gusto mong bilhin para kay kuya?"
"T-shirt nga na kulay blue. 'Yun daw kasi ang gusto niya sabi ng Kuya Blue mo."
"Kung sabagay. Blue nga ang favorite ni Kuya Red. Ang weird, 'no?"
Binuksan ko na lamang ang wallet ko at baka sakaling magmilagro si Lord at bigyan ako ng dagdag na two hundred. Ay, mali. Two hundred fifty pesos pala dapat para may pambili ng gift wrapper. Kaso two hundred pa rin ang laman ng wallet ko.
Naiinis ako sa sarili ko. Sana two months ago ko pa pinaghandaan ang birthday ni Red. Sana one year ago pa ako nag-ipon para may pambili ako ng limang T-shirt at may kasamang pabango pa.
Nanghina tuloy ang mga tuhod ko.
"Pautangin na lang kita," suhestiyon ni Pinke.
Umiling ako. "Hindi na. Gusto ko manggaling talaga sa akin ang gift para kay Red."
"Alam ko na!" biglang sabi ni Pinkie. "Halika, doon tayo."
"Saan?"
"Doon sa tiangge section."
Sumunod ako kay Pinkie. No choice, eh. No budget kasi.
Pumunta kami sa isang bahagi ng mall na nagbebenta ng mga murang bilihin. Nagsimula na rin kaming maghanap ng panrelago.
Sa paghahanap ko, may nakita akong isang black na T-shirt. Round neck. Isang T-shirt na bagay at magugustuhan ni Blue. Kinuha ko ito sa may rack at tiningnan ang label. Medium size. Sukat na sukat ito kay Blue. One hundred fifty lang ito.
Maganda sana ang T-shirt, kaso wala akong budget para rito. Kaya ibinalik ko na lang ang T-shirt sa rack sabay buntong-hininga. Next year ko na lang siya reregaluhan.
"Heto, bestie!" excited na sabi ni Pinkie.
Inabot niya sa akin ang isang blue na T-shirt. Maganda rin ang disenyo nito, at mukhang bagay ito kay Red. At mas lalo pa akong natuwa dahil one hundred forty lang ito!
Sinubukan ko munang tumawad sa tindera kaso ayaw pumayag kaya binayaran ko na lang. 'Di bale na. Para kay Red naman ito, eh. Sunod kong binili ang gift wrapper na tig-sampumg piso, may kasama pang card. May scotch tape naman sa bahay kaya hindi na ako bumili pa.
May sobra pang fifty pesos. Puwede pa ito panlibre ng kwek-kwek at softdrinks kay Pinkie.
Ang saya ko! May regalo na ako, may ipanlilibre pa ako kay Pinkie! Ang galing ko talagang mag-budget.
Masaya akong lumabas ng tindahan at niyaya nang umuwi si Pinkie. Doon ko na lang siya ililibre sa may tindahan malapit sa amin. Papunta na kami sa sakayan ng jeep nang may umagaw sa aking atensyon.
Napansin ko ang isang matandang babae na may hawak-hawak na parihabang karton na may lamang paninda. Naka-upo siya sa may sahig sa may eskinita, nagtatawag ng mga customers, kaso walang pumapansin sa kanya.
Nakaramdam ako ng awa kay lola. Matanda na kasi ito para magtrabaho pa, pero nagtatrabaho pa rin siya.
"Bestie, dito ka lang muna, ha. Pupunta lang ako do'n." Nilapitan ko ang matandang tindera at tiningnan ang mga paninda niya.
"Pumili ka lang, hija. Heto, o. Para sa boy friend mo," sabi pa niya sabay abot sa akin ng isang itim na rubberband bracelet.
"Wala pa ho akong boyfriend, lola," sabi ko.
"Sa ganda mong iyan, hija, wala ka pang boyfriend?"
Si lola talaga. Nambola pa, makabenta lang. "Choosy po kasi ako, eh."
Tinanggap ko ang bracelet na inabot sa akin. Maganda ito, at bigla ko namang naalala si Blue. Favorite niya ang black. Bagay ito sa kanya. Feeling kasi no'n rakista siya, kaya puro black ang suot at nag-aala goth at emo pa kung minsan.
"Magkano po ito?" tanong ko kay lola.
"Bente ang isa. Pero kapag bibili ka ng dalawa, trenta na lang para sa 'yo."
Buti pa si lola, nagbibigay ng discount. "Itong itim na suklay, ho. Magkano?"
"Bente rin."
"Sige, ho. Isang itim po na suklay, isang itim na bracelet at itong pink na rin, ho."
Inilagay ni lola ang mga binili ko sa isang plastic at inabot sa akin. "Salamat hija. Pagpalain ka ng Diyos. Swerte talaga ng magiging nobyo mo. Ang bait mo talagang bata. Balik ka lang dito kapag may kailangan kang bilhin para sa nobyo mo. Tutulungan kitang pumili."
Naku si lola. Nag-sales talk pa. "Opo lola, sa inyo na po ako bibili."
Pinuntahan ko na si Pinkie na mukhang nainip sa paghihintay sa akin. "Pinkie! Pautang ng pamasahe, ha? Tsaka next time na lang kita ilibre."
Sumimangot naman si bestfriend.
Nakarating na ako sa bahay at dumeretso ako sa kuwarto. Sinimulan ko na rin ang pagbalot sa regalo. Sana magustuhan ito ni Red.
May natira pang maliit na gift wrapper, at naisipan kong ibalot na rin ang itim na bracelet. Wala pala akong extrang card kaya bondpaper na ginupitan ko na lang ang ginamit ko. Sinulatan ko ito ng "Happy Birthday" at saka idinikit sa regalo.
Itinabi ko muna ang mga regalo at bigla akong napangiti. Bukas na ang kaarawan ni Red. Sana suwertehin ako bukas.
#DyosaNgMgaPanget
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top