Chapter Seventeen

3rd day post heart break/day of confessions

"Bestie," naluluhang tawag sa akin ni Pinkie. "Sorry na..."

Umamin kasi si Pinkie na may alam siya sa mga pangyayari. Nasabi niya na alam niyang si Blue ang kasakasama ko at hindi si Red. At kaya nagtalo sina Blue at Red ay dahil hindi pumayag si Red na magpanggap bilang si Blue at si Blue naman bilang si Red.

Hindi ko kayang tiisin si bestie. Alam ko naman na napilitan lamang siyang gawin iyon. Kahit ako man ay may kasalanan din sa kanya dahil alam kong binayaran ni Blue si Luke para maging ka-date si bestie. At hanggang ngayon ay hindi ko pa pala nasasabi iyon sa kanya. Kakayanin ko pa bang sabihin kung nakikita kong parang in love na ata si Pinkie kay Luke?

Niyakap ko na lamang si Pinkie, hudyat na okay na kami. Sabay kaming naglakad papuntang classroom.

"Hi Kath!" bati sa akin ng isang lalaking hindi ko naman kilala.

"Kath! Tulungan na kita sa mga libro mo," alok ng isa namang lalaking alam ko ay nasa third year.

"Ako na ang bibitbit sa bag mo," sabi naman ng isang kaklase ko na lalaki sabay agaw sa bag kong pink.

Tinapunan ko ng isang nagtatanong na titig si Pinkie. Nagkibit-balikat lamang ito.

May epidemiya ba ngayon na nagkalat at biglang bumait ang mga mokong na ito na dati ay madalas akong tinatawag na baluga at anino?

Hindi lang mga lalaki ang nadapuan ng sakit, dahil mapababae man ay biglang bumait sa akin.

"Ganda ng hair mo, Kath. Bagay sa 'yo."

"I love your skin! Inggit ako. Gusto ko rin magpa-tan."

"Sino'ng nag-ayos sa kilay mo? Kilayan mo naman ako."

Ano ba itong nangyayari!

Hinila ako ni Pinkie papuntang CR at hinarap sa salamin. "Bestie, ano ang nakikita mo?"

"Mukha ko," sagot ko.

"Ano pa?"

"Ikaw na katabi ko."

Umiling na lamang si Pinkie. "Ang slow mo, bestie. Tignan mo, o. Ang ganda mo. Kahit ako nagulat dahil may ganda ka palang itinatago."

"Talaga, ngayon mo lang pansin?" Napa-pout tuloy ako.

"Sorry," sabi nito sabay bungisngis. "Pero si kuya Blue, matagal na niyang nakita."

"Ha?"

"Kasi madalas niyang tinititigan 'yung picture nating dalawa na nasa kuwarto ko. Sabi niya maganda raw kasi tayo roon. Pero sa mukha mo naman nakatingin."

Talagang nagandahan siya sa akin kahit kulot pa ako noon at makapal ang kilay?

"Tapos alam mo ba, kapag naririnig niyang may namimintas sa 'yo, hinahamon niya ang mga 'yon ng away? Takot nga sila kay kuya Blue, eh."

"Si Blue naman ang namimintas sa akin."

"Kasi nga raw pinapansin mo lang daw siya kapag tinutukso ka niya."

Napaisip naman ako. Naalala ko noong magkasama kami ni Blue na nagpapanggap na si Red, ganoon din ang sinabi niya.

Kailangan ko siyang makausap. Kaya naman ay inilabas ko ang cellphone ko at nag-text sa kanya.

"Sa may swing, playground. Twelve noon."

***

Umupo ako sa may swing. Tahimik lang akong nakaupo, naghihintay sa kanyang pagdating.

Sisipot kaya siya? Natanggap kaya niya ang message ko?

Kinakabahan ako. Paano kung hindi ko magugustuhan ang sasabihin niya? Paano kung sa mga sasabihin niya ay mas lalong mahulog ang loob ko sa kanya?

Teka, mas lalong mahulog? Ibig sabihin sa umpisa pa lang ay...

Ang tanga tanga ko talaga! Kaya pala tuwing hindi ako tinutukso ni Blue, hinahanap-hanap ko naman. Kaya pala no'ng hinawakan niya ang kamay ko parang ayoko nang bitiwan niya iyon. Kahit pa nagpapapanggap siyang bilang Red ay ramdam kong siya si Blue. Kaya pala parang nagselos ako no'ng sinabi niyang popormahan niya si Althea.

Kaya pala...

Kaya pala pilit niyang ipinapaalala sa akin ang nakalimutang pangako namin sa isa't isa... Kasi gusto niya ako at... gusto ko na rin pala siya.

Gusto ko na rin siya! Akalain n'yo yon? Sino'ng mag-aakalang may gusto na pala ako kay matsing?

Pero bakit kailangan niya akong lokohin?

"Kath..."

Nakatayo siya sa harapan ko, ang mga kamay ay nasa loob ng magkabilaang bulsa ng kanyang pantalon. Siya ang totoong Blue—ang Blue na magulo ang buhok, ang Blue na naka bukas ang uniporme, ang Blue na mukhang napaaway na naman.

Siya ang Blue na matagal ko ng kilala, ang Blue na kalaro ko sa patintero, ang team mate ko tuwing maglalaro ng dodge ball, ang kasama kong nagra-racing at paunahang makaakyat ng puno.

Ngayon ko lang napagtantong na mi-miss ko na pala ang dati kong kalaro at kaibigan.

"Kath... Sorry na..." Dahan-dahan itong lumapit sa akin. "Kasi naman ikaw, eh. Nakalimutan mo ang usapan natin—ang pangako natin sa isa't isa. Kaya no'ng nalaman kong may gusto ka kay Red, nabahala ako. Natakot ako na... natakot ako na mas lalong kang lumayo sa akin."

Hindi ako umimik. Lumapit pa siya at naupo sa tapat ko. "Bakit ba kasi kinalimutan mo? May usapan na tayo, eh. Matagal akong nag-antay kung kailan puwede ka nang ligawan. Bakit mo kinalimutan?"

Pinilit kong hindi ngumiti. Ang totoo, ang cute niyang tingnan na parang takot na takot na mawala ako sa buhay niya. Sadista ba ako? Hindi naman. Sadyang cute lang talagang tingnan si Blue. "Eh, sira ka pala, eh! May gusto ka pala sa akin idinaan mo pa sa pagpapanggap. Wow naman! Eh, 'di sana umamin ka na lang agad."

"Eh, ikaw pala itong sira, eh! Ikaw itong nakalimot! Tapos kailangan ko pang ipaalala sa 'yo! Kaya ako nagpanggap para mas mapalapit ako sa''yo. Aaminin ko naman sa 'yo, eh. Tuma-timing lang ako."

"Eh, loko ka pala, eh! Nanloko ka ng tao—'yon ang point ko! Period! Tuldok! At may kasama pang exclamation point! Niloko mo 'ko! Nasaktan ako, Blue... nasaktan ako..."

"Ako ba hindi nasaktan? Sa umpisa palang nasaktan na ako. Sa tuwing kasama mo si Red, selos na selos ako! Grabe, kinakain ako ng inggit ko dahil ako 'yung best friend mo, eh. Pero sa kanya mo ibinaling ang atensyon mo. Hinayaan na lang kita dahil alam kong may pinagdadaanan ka dahil kakamatay lang ni tita noon. Pero naman Kath, ilang taon mo 'kong iniwasan at hindi ko alam kung bakit!"

Tumayo ito at naupo sa katabing swing. "Akala ko makakalimutan kong gusto kita kasi naman mga bata pa tayo no'n, eh. Pero hindi. Mas tumindi pa ang nararamdaman ko para sa 'yo. Pinilit ko naman pigilan, eh. Pinilit kong kalimutan ang nararamdaman ko para sa 'yo. Pero ikaw pa rin. Ikaw pa rin ang hinahanap ng puso ko. Kaya... kaya ko nagawa 'yon."

Hindi ako makapagsalita. Basta ang alam ko lang ang lakas ng kabog ng puso ko. Parang gusto nitong lumabas sa dibdib ko at magpasabog ng fireworks.

"Kath, ano na?! Magsalita ka naman, o!"

Hindi ko na napigilan ang pagtawa ko sa kakaibang saya na nadarama ng puso ko ngayon.

Sumimangot naman si Blue. "Ano ba! Tinawanan mo naman ako, eh! Kita mong madamdamin na ang speech ko, tinawanan mo pa!"

"Kasi naman Blue..." natatawa ko pang sabi.

"Kasi ano?'

"Kasi ang cute mong magdrama!"

"Kathleen naman, eh!"

Pinilit kong kumalma. Eh, totoo naman cute siyang tingnan, eh. "Blue..."

"Ang dami-dami ko ng sinasabi rito, ikaw wala pa rin nasabing matino."

"Blue..."

"Bakit mo pa pinapahirapan ang puso ko? Gusto kita, simple lang. Kung ayaw mo... hindi ko alam! Basta, gusto kita. Tapos tatawa-tawa ka lang."

"Blue..."

"Pag-ibig ko pinagtatawan mo? Ang sakit no'n Kath! Ang sakit sa puso no'n!"

Grabe kung makapagdrama itong si Blue. Dinaig pa si Daniel Padilla. Tumayo na lamang ako at hinayaang magsalita nang magsalita si Blue. Lumapit ako sa kanya at hinalikan ang pisngi niya. O, eh, 'di na tigil din siya sa pagda-drama. "Blue, gusto rin kita, okay?"

Ngumiti ako sa kanya at tinapik ang balikat niya. Saka ako umayos nang tayo at nagsimulang maglakad pabalik ng classroom.

Naiwang nakatulala si Blue sa may swing, marahil ay nagulat sa ginawa ko.

Ilang segundo pa bago ko narinig ang pagtawag niya sa pangalan ko. At sa isang iglap nasa tabi ko na siya.

Hinawakan niya ang isang kamay ko. "So, tayo na?"

Assuming much? "Anong tayo na? Ligawan mo muna si Tatay, 'no."

"Ba't si tito?"

"Nakasalalay kay tatay ang matamis kong oo."

Nagbuga ng hangin si Blue. "Sige, game!"

Natawa ako sa determinasyon ni Blue. Sa tingin ko naman ay papasa siya kay tatay... kung makapaghintay siya hanggang mag-eighteen ako.

#DyosaNgMgaPanget

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top